Share

Chapter 3

Mischell's POV

"Oh iha mabuti at nakauwi ka na, kanina pa kita hinihintay paalis na rin kasi ako e',"saad ni Aling Gemma matapos kong buksan ang pinto ng bahay at ito agad ang bumungad sa'kin.

Matamlay lang akong tumango bilang tugon sa sinabi nito at saka ako tumuloy papasok.

Si Aling Gemma ang s'yang katiwala namin sa bahay, ito ang madalas na naiiwan sa bahay araw-araw at umuuwi lang sa bahay nila tuwing gabi at kapag may isa na sa'min ni Tito ang nakauwi para pumalit na bantayan si Mama.

"Nakaluto na rin ako ng hapunan ninyo iha, ikaw na lang bahala pakainin ang mama mo hindi pa siya kumakain," dagdag pa nitong sabi habang kinukuha ang gamit niya na nakasabit sa may gilid ng istante sa sala. 

"Sige po salamat," tipid kong tugon lang rito at napatango pa.

Hindi na rin naman ito nagtagal pa at saka tuluyang umuwi na dahil nagsisimula na rin ang pagkagat ng dilim.

Ng ako na lamang mag-isa sa sala ay napalinga ako sa buong paligid na pakiramdam ko nababalot ng madilim na awra ang buong kabahayan na mas lalong dumagdag sa bigat na nararamdaman ko, ngunit isinawalang bahala ko na lamang iyon dahil sanay na ako sa ganoong pakiramdam.

Nagsimula ulit akong maglakad paliko sa daan malapit sa sala upang tunguhin ang aking silid o sabihin na nating silid namin ni Mama, dahil si Mama ang kasama ko roon.

Tuluyan na akong pumasok sa kwarto dahil sa malawak na pagkakabukas ng pinto ng kwarto dahil alam kong sa loob noon ay walang iba kung hindi si Mama.

"Nakauwi na 'ko," kalmado kong bungad kay mama nang matanaw ko agad ito malapit sa may bintana habang nasa malayo pa ang tingin.

Wala akong narinig na kahit anong tugon mula rito, hindi na ako umasang sasagot siya dahil nakasanayan ko na rin na hindi ako nito kinakausap kaya imbis na pansinin pa iyon ay mabilis ko nang binaba ang back pack ko at saka nagpalit ng pambahay na damit.

Matapos makapagpalit ng damit ay sunod kong nilapitan ang side table kong saan nakalagay ang ilang piraso ng iba't ibang klaseng bote ng gamot na maintenance ni Mama, naroon din ang mga papel kung saan nakatala ang tiyak na oras na dapat n'yang uminom ng gamot.

May isang oras pa bago ang sunod n'yang pag-inom matapos kong makita sa isang papel na 7:00 pm pa ang oras.

Binalot ako ng katahimikang iyon na halos nakasanayan ko na rin, pabagsak kong inupo ang sarili sa kama katabi lang ng side table at nabaling ang paningin ko kay Mama na wala paring pinagbago kung paano ko ito naratnan kanina.

Mula sa wheelchair na kinauupuan nito, pantay ang likod na nakasandal sa sandalang iyon habang sinu-suportahan ng isang malambot na unan ang kanyang likod. 

Mula sa bukas na bintana ay pumapasok ang sariwang hangin kasabay ng nagdidilim na kalangitan, ang hangin na pumapasok sa bukas na bintanang iyon ang kasalukuyang nalalanghap nito, habang ang paningin niya ay hindi ko malaman kung saan nakatingin dahil sa subrang tulala ito at wala ka ring makikita na kahit anong emosyon sa mukha, payat na ang pangangatawan nito ngunit nananatili pa rin ang ganda niya, mula sa manipis na labi at medyo nangungulobot ng balat nito ay hindi pa rin nabawasan kung ano ang itsura nito dati idagdag pa ang mukha na tila hindi manlang yata tinubuan ng tigyawat nu'ng kabataan niya, gano'n ko ilarawan ang itsura ni Mama.

Ang senaryong iyon ang halos araw-araw kong nasasaksihan sa kanya, ang katawan nito na naaalis lang sa pagkakaupo sa wheelchair kapag natutulog, ito rin ang dahilan ng ilang taong paghihirap ko na tila ba nagpapalaki ako ng magulang dahil sa subrang hirap ko sa pag-aalaga sa kaniya ngunit kahit magreklamo man ako ay WALA NAMAN AKONG CHOICE.

Hindi ganito kahirap ang buhay ko noon, pero syempre noon lang iyon dahil ibang-iba na ngayon dahil tila ba nandito ako sa sitwasyon na hindi ko manlang magawang makausad kahit pa pilitin ko.

Lumaki ako sa mayaman at masayang pamilya kasama sina Mama at Papa, subrang rangya ng buhay ko noon na kahit anong hilingin ko ay wala pang isang oras nakukuha ko na ngunit sadyang ang lahat ng iyon ay nakaraan na lamang.

10 years old ako nu'ng mga panahong iyon pinilit kong unawain ang lahat ng mga nangyari sa mura kong edad, nahuli ni Mama noon si Papa na nagluluko at may ibang babae.

Doon nagsimulang nagbago ang lahat sa masayang buhay na kinamulatan ko, naghiwalay sila nang tuluyan dahil wala naman silang kahit anong dokumentong panghahawakan pa para ipaglaban ang pagmamahalang iyon dahil hindi sila kasal na dalawa, ang alam ko ay hindi tanggap ng pamilya ni Mama si Papa noon kaya sapilitan silang nagtanan at hindi na inisip ang kanilang mga magulang, pinilit nila na bumuo ng masayang pamilya hanggang sa mabuo rin ako. 

Nagtagumpay silang gawin iyon ang magkaroon ng masayang pamilya dahil ramdam ko ang pagmamahal at saya kasama sila noon, ngunit sa isang pagkakamali lang na nagawa ng isa tuluyan silang nasira kasama na rin ako na tila ba gumuho ang buong mundo ko kasabay ng pagkawala ng dalawang pundasyon sa pagkatao ko.

Nang maghiwalay sila ay hindi pumayag si Mama na ibigay ako kay Papa, kaya naiwan ako sa piling ni Mama.

Matapos din noon ay tuluyang umalis si Papa papunta sa America kung saan naninirahan ang mga magulang nito, half American si Papa kaya karamihan ng negosyo ng pamilya nito ay nasa State, mula nang malaman kong umalis ito ay nawalan na ako ng kahit na anong komunikasyon pa kay Papa na kahit maliit na sustinto mula rito ay wala akong natanggap, hindi sila kasal ni mama kaya hindi apelyido ni papa ang gamit ko kaya kahit tuluyan ko na itong kalimutan wala na akong pakialam salitang 'anak' na lang ang panghahawakan niya sa'kin wala ng iba, ngunit kahit nga yata iyon ay hindi na rin mahalaga sa kaniya.

Isa iyon sa dahilan kung bakit hanggang ngayon may galit akong kinikimkim sa loob ko para kay Papa dahil tila ba kinalimutan na kami nito.

Nabanggit ko na kanina na walang magulang na kayang sustintohan ang pag-aaral ko kaya nagsumikap akong makahanap ng university kung saan makakakuha ako ng scholarship upang maipagpatuloy ko pa rin ang pag-aaral ko ng libre.

Hindi na ako aasa sa walang kwenta kong ama na tila kinalimutan nang may anak siya, wala na rin akong aasahan kay mama na tila hindi manlang naisip na may ako na naghihirap maalagaan lang siya.

Tatlong taon na rin halos ang paghihirap ko sa pag-aalaga kay mama, mula kasi nu'ng naghiwalay sila ni papa ay naligaw ito ng landas, madalas umuwi noon si mama ng lasing habang ako gutom na gutom ng hating gabi habang hinihintay s'yang umuwi umaasa ako noon na may masarap na pasalubong siya para sa akin na madalas nilang ginagawa ni papa ngunit wala dahil masangsang na amoy ng alak sa kanyang katawan ang sasalubong sa akin.

Tatlong taon na ang nakakalipas at ng dahil sa kalasingan ay naaksidente si mama sakay ng kotseng minamaneho niya, naparalisa ang kalahati ng katawan nito kaya tatlong taon na itong halos pag-upo sa wheelchair lang ang nagagawa, at masasabi kong hindi madali ang alagaan ito.

Halos hindi ako makatulog sa gabi dahil kailangan kong palitan ang basang diaper nito sa tuwing iihi, iyon ang dahilan kaya madalas ay late ako pumasok sa iskwela dahil halos buong gabi ay wala akong tulog upang bantayan ano man ang kaniyang kailangan.

Sa tuwing kakain at liligo ito ay ako ang gumagawa, maliban na lang kung nandito si Aling Gemma upang tulungan ako.

Simula ng naaksidente si mama at hindi na nakalakad ay tuluyan na ring narimata ang mga ari-arian na naipondar nila ni Papa noon kasama na ang negosyo at bahay namin, dahil sa laki ng ginastos sa pagpapagamot nito.

Nawala lahat ng mamahaling gamit na minsang meron ako, at sa bahay na ito na kasalukuyang tinitirhan namin ay ang bahay ni tito Vince, siya ang nakababatang kapatid ni mama.

Malaki ang utang na loob ko kay tito na hindi manlang ito nagdalawang isip na patuluyin kami sa bahay niya, nakakasama namin rito ang asawa ni tito na si tita Lexi limang taon na silang kasal ngunit wala pa silang anak.

Si tito lahat ang gumagastos sa pangangailangan namin ni mama, kagaya nga nang sinabi ko may kaya ang pamilya namin noon, kaya gano'n din si tito.

Siya ang gumagastos sa lahat ng gamot ni mama, kasama na ang pagpapasahod kay Aling Gemma na s'yang nagbabantay kay mama sa tuwing umaalis kaming lahat sa bahay.

Ang scholarship na lang ang inaasahan ko sa pag-aaral ngayon dahil ayoko na pati iyon iasa ko rin kay tito, kasi kahit hindi nito sinasabi at ipinapahalata sa akin alam ko na nahihirapan na rin ito sa lahat ng gastusin ng mga gamot at pangangailangan ni mama.

Kahit si Nath ay walang alam sa totoong buhay na meron ako, masayahin akong tao sa harap ng marami kaya wala kahit isang nakakaalam kung gaano ako nahihirapan sa pag-aalaga sa mama kong hindi na makalakad.

Kahit minsan ay wala akong naikuwento kay Nath sa totoong sitwasyon ko dahil ayoko na ang isang kaibigan lang na nakilala ko layuan ako pag nalaman ang totoo, si Nath lang ang kaibigan na meron ako dahil madalas nilalayo ko ang sarili ko sa lahat, hindi ko naranasan mag-enjoy gumala, magliwaliw, maglayas, magpakasaya at magpakadalaga dahil lahat ng iyon ninakaw sa'kin ng pagkakataon na imbis na magsaya narito ako sa bahay inaalagaan si mama.

Anong kasalanan ko bakit ako pinapahirapan ng ganito? Minsan ko na iyang naitanong sa sarili ko ngunit wala akong mahitang kasagutan.

Ang kalayaan na gusto ko ay hindi ko maramdaman dahil tungkulin kong alagaan ang mama ko dahil wala naman ibang gagawa noon kung hindi ako lang.

Sa malalim kong pag-iisip ay hindi ko na lang namalayan na tumutulo na ang luha ko habang hindi ko manlang pala naalis ang paningin ko kay mama na nandoon pa rin sa dati nitong p'westo at nakatingin pa sa labas.

Nakakapagsalita si mama ngunit mas pinipili nito ang manahimik na lang at batid kong hirap na hirap na rin ito sa ganoong sitwasyon, nais ko na kahit pagkausap na lang sana ang gawin niya upang pagaanin minsan ang loob ko ay hindi nito magawa. Tila ba isang taga alaga na lang ang tingin nito sa'kin at hindi manlang nito ipinaramdam na anak niya ako katulad ng dati, iyon na lang sana e' iyong maramdaman na may mama pa ako dahilan para makaya ko pa lahat ng hirap na ito, ngunit wala at umaasa na lang ako na maibabalik ang masayahin kong Ina na laging nasa tabi ko kapag kailangan ko.

Kagaya nang paglimot ni Papa sa'kin tila ba kinalimutan na rin ni mama ang anak niya na narito lang kasama niya at nagpapakahirap alagaan siya.

Mabilis akong napabuga ng hangin kasabay ng mabilis kong pagpahid ng butil tumulong luha sa pisngi ko, 'Wala nang saysay ang pag-iyak mo Mischell hindi mababago ng mga luhang papatak sa mata mo ang katutuhanang wala na ang masaya at marangyang buhay na meron ka noon,' pagkausap ko pa sa sarili ko.

Mabilis na rin akong napatayo kasabay ng paghakbang papalapit sa kinaroroonan ni mama.

"Ma kain na tayo," saad ko rito.

Ilang minuto na lang kasi ay oras na nang pag-inom nito ng gamot.

Wala na naman akong natanggap na sagot kaya marahan ko nang inatras ang wheelchair na kinauupuan nito at sunod na itinulak upang tumungo na kami sa kusina upang makakain.

May dalawang palapag ang bahay na ito ni tito Vince, ngunit nasa baba lang kami dahil mas madali iyon para hindi mahirapan sa pagtutulak ng wheelchair ni mama patungo sa kung saang parti ng bahay.

"Itinuloy ko pa rin ang kinuha kong course na business administration Ma gusto kong matutunan ang pagnenegosyo at upang bawiin ang dating negosyo na naibinta natin noon dahil sa pagpapagamot mo," kuwento ko rito.

Ngunit pagbuntong hininga ang sunod kong nagawa ng wala na naman itong kahit anong reaksyon o sagot.

Kinukuwento ko sa kaniya lahat ng mga nangyayari sa'kin ngunit kahit papuri o pagsuporta ay hindi manlang niya ginagawa para sa'kin na lingid sa kaalaman n'yang iyon na lamang ang kailangan na kailangan ko mula sa kaniya, ang suporta na lang.

Nakarating kami sa kusina.

Iniharap ko ito sa lamesa, habang kumuha na ako ng plato upang maghanda ng pagkain para kay mama.

Medyo malamig na ang sinigang na isda na siya sigurong niluto ni Aling Gemma bago ito umalis, naglagay na ako sa mangkok para kay mama papatapusin ko muna s'yang kumain bago ako.

Tamang-tama lang ang lamig ng ulam upang hindi na ako mahirap pakainin si mama.

"Kain na Ma," saad ko kasabay ng paglapag ko ng pagkain sa harap nito.

Hinila ko ang isang silya upang makaupo roon at maalalayan ko itong kumain.

Hinalo ko na ang kaunting sabaw sa kanin upang maisubo ko na rito, dahil hindi na rin niya nagagawa iyon, halos hindi na kasi nito maibuka ang mga daliri kaya kahit paghawak ng maayos sa isang bagay ay hindi na niya nagagawa.

"Ma ohh." Inilahad ko ang kutsara sa bibig nito at sinabihan na ibuka ang bibig upang maisubo ko ang pagkain.

Ngunit ikinagulat ko nang mabilis nitong tinabig ang kamay ko dahilan para mabitawan ko ang kutsara na may lamang kanin at sunod tumilapon ang kanin sa sahig at nagbigay ingay rin ang kalantik ng kutsara sa sahig.

"Ayokong kumain, mamamatay na rin naman ako ano pang silbi no'n!" Halos isigaw niya ang mga salitang iyon sa harap ko ngunit hindi ako nasindak pa dahil halos paulit-ulit na ang ganitong eksena sa aming dalawa tuwing pinapakain at pinapainom ko ito ng kaniyang gamot.

Ngumisi ako rito, "Tse, Ma naman halos paulit-ulit mo nang sinasabi 'yang mga salitang iyan, mamamatay na e' hanggang ngayon naman buhay ka pa rin." Sarkastikong sabi ko, alam kong kabastusan na iyon ngunit hindi naman sa lahat ng oras kailangan magpakabait lalo na kung nakakapagod na.

"Edi patayin mo na ako, wala naman na akong silbi hindi ba patayin mo na ako!" Sigaw pa nito.

'Pag walang kwentang bagay may lakas ng loob s'yang magsalita ngunit kapag seryoso at kailangan ko ng kausap hindi niya nagagawa, napaka galing mo naman ma.' Habang iniisip ko iyon ay napailing na lamang ako.

Napatayo na ako ay saka pinulot ang nalaglag na kutsara sa sahig, mamaya ko na lang liligpitin ang tumapong kanin pakatapos ni mama.

Inilapag ko sa lababo ang kutsarang pinulot ko at saka kumuha ng panibagong kutsara na malinis.

"Saka ka na mamatay ma, mangyayari naman 'yang gusto mo e' sasamahan pa kita kung gusto mo, pero ngayon gusto ko samahan mo muna akong mabuhay kaya kailangan mong kumain," sambit ko pa kasabay ng pagsubo ng kanin sa bibig nito.

Sapilitan ko na itong pinakain kasi kailangan n'yang uminom ng gamot, wala naman na itong nagawa at kumain rin. 

Takot pa naman pala s'yang mamatay e' puro salita lang.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status