Share

Chapter 4.2: Annoyed

Nagliwanag ang mukha ni Elizabeth dahil sa pagpayag ni Thad. Kumuyapit siya sa braso ng lalaki at saka sila nagpatuloy sa paglalakad. “Na-miss mo akong kasamang maglakad ‘no?”

Umiling ito. “Para mabawasan ang taba mo,” pambabasag nito sa ilusyon niya. “Huwag ka ngang lumingkis sa akin. Para kang ahas,” reklamo nito pero hindi naman iwinaksi ang kaniyang kamay. Siya na mismo ang kusang bumitiw rito.

“Mukha ba akong ahas?” sikmat niya rito. “Wala ka naman palang pinagkaiba kina Lucy at Cara,” puno ng hinanakit ang kaniyang tinig. Hindi naman siya maramdaming tao pero mabilis siyang mapikon nitong mga nagdaang araw.

“What do you mean?” Sa isang iglap ay biglang nagdilim ang anyo ng mukha nito.

“Wala,” pag-iwas niya sa usapan. “Huwag mo na lang pansinin ang sinabi ko.”

“Ako mismo ang kakausap sa kanila kapag hindi ka nagsalita,” banta nito.

Natigilan siya at hinarap ang lalaki. Ganoon din ang ginawa nito. Dapat hindi niya binanggit ang tungkol doon. Kilala niya si Thad, gagawin nito kung anong sinabi.

“Ang sinabi ni Cara, para akong aso na buntot nang buntot sa ‘yo. At linta naman ang tawag sa akin ni Lucy dahil dikit ako nang dikit sa ‘yo.”

Naningkit ang mga mata nito at nagtagis ang bagang. “Sinabi nila ‘yon sa ‘yo?”

She nodded. “Hayaan mo na.” She beamed widely at him to hide her pain. “Wala naman sa akin ‘yon. Ikaw nga ahas ang tingin sa akin. Baka mukha lang talaga akong hayop.” Binuntutan niya ng tawa ang sinabi pero hindi tumawa ang lalaki. Lalong nagdilim ang mukha nito.

“Sa tingin mo ba, gaya nila ang tingin ko sa ‘yo?”

“Malay ko.” She shrugged her shoulders. “May katotohanan din naman kasi ang sinabi nila.” Aminado naman siyang panay ang buntot at dikit niya kay Thad dahil magkaibigan sila at para na ring magkapatid. Mali lang ang interpretasyon ng mga tao sa paligid nila.

“Damn it!”

Namilog ang mga mata niya nang narinig itong magmura. Sa kanilang dalawa, siya ang mahilig magsalita ng bad words. “Uy, Thad, ‘yang bibig mo!”

“Iba ako sa kanila,” may diin sa bawat katagang binitiwan nito. “E di, lumingkis ka sa akin parang ahas. I don’t care!”

Iniumang nito ang braso sa kaniya. Tinitigan niya lang ang lalaki dahil hindi niya maintindihan ang ikinikilos nito. Nang hindi siya gumalaw, hinila siya nito palapit dito at ito na mismo ang nagpulupot ng braso nito sa kaniya bago hinawakan ang kaniyang kamay. Nagpatuloy sila sa paglalakad dahil hila-hila siya nito.

“Thad, pinagtitinginan tayo,” nangangamba niyang turan. Binawi niya ang kamay rito pero lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya. “Thad, baka ma-issue tayo nito.” Ang dami na ngang nasusuklam sa kaniya pagkatapos gagatungan pa nito.

“Isipin na nila kung ano ang gusto nilang isipin basta para sa akin, wala ‘tong malisya.”

Oo nga naman, bahala na ang mga tsismosa na nagbibigay ng malisya sa pagkakaibigan nila.

“Mayroon kang itatanong sa akin, ‘di ba?” pag-iiba nito sa usapan. “Ano ba ‘yon?”

Noon lang muling sumagi sa isip niya ang ilang araw na ring bumabagabag sa kaniya. “Bakit hindi pumapasok si Sheena?”

Classmate niya ang babae noong nasa top section pa siya. Natapos na ang unang linggo ng pasukan pero hindi niya nakita ang babae. Sa lahat nang naging kaklase niya noon, maliban kay Thad, ito ang pinaka-close sa kaniya. Masyado itong tahimik noong first year pa lamang sila at palaging nag-iisa. Dahil likas ang pagiging madaldal niya, nagtitiyaga siyang kausapin ito hanggang sa naging magkaibigan sila.

“Tungkol sa kaniya ang gusto kong sabihin sa ‘yo.”

“Alam mo ba kung bakit hindi siya pumapasok?” Tumango ito bilang tugon. “Bakit? Anong nangyari sa kaniya? Okay lang ba siya?” sunod-sunod niyang tanong. Sinubukan niya itong tawagan pero hindi ito sumasagot. Nag-text na rin siya pero hindi ito nag-reply.

“Sa bahay na lang natin pag-usapan.”

“Ayoko,” protesta niya. “Paghihintayin mo pa ako, eh.” Pinitik nito ang noo niya pero mahina lang ‘yon. “Ano ba?” pag-iinarte niya.

“Confidential ‘yon. Huwag kang mapilit.”

Natahimik siya. Kung ganoon, mayroong hindi magandang nangyari sa kaibigan niya. Mabuti na lang at malapit ang school sa bahay nila kaya mabilis silang nakauwi. Puwede silang mag-jeep, mag-tricycle, o maglakad. Pinili nilang sumakay ng tricycle para hindi na sila maglakad papasok ng subdivision.

“Hello, Ninang Carmie,” masiglang bati niya sa mama ni Thad. Hinalikan niya ito sa pisngi. Naabutan nila itong nagwawalis sa bakuran pagpasok nila sa gate. “Dito po ako magme-merienda.”

“Sige ‘nak, kainin mo lahat ng gusto mong kainin.”

“Salamat, Ninang.”

Sunod na lumapit si Thad sa ina at nagmano ito. Dumungaw naman siya sa kabilang bakuran upang silipin ang kaniyang tiyahin. “Mama! Mama, Gina!” tawag niya rito nang hindi ito makita sa labas ng bahay. Agad naman itong lumabas nang marinig ang kaniyang tinig. “`Ma, rito muna ako.”

“Magpalit ka muna ng damit at mag-merienda.”

“Mamaya na po. Atat na atat na siyang malaman ang nangyari kay Sheena. “Dito na ako magme-merienda.”

Agad siyang tumakbo papasok sa bahay nila Thad bago pa makapag-react ang kaniyang tiyahin. Pagdating sa pintuan, hinubad niya ang sapatos at itinabi ‘yon sa shoe rock. Kinuha niya rin ang pambahay na tsinelas na nakalagay roon at isinuot. Ganoon siya ka-close sa pamilya ni Thad kaya pati tsinelas ay mayroon siya roon. Binili ‘yon ng ninang niya para sa kaniya.

Hindi niya namataan sa sala si Thad kaya dumeretso siya sa kusina. Hinila niya ang bangko at inilapag doon ang bag. Naghanap siya ng puwedeng kainin. Nakakita naman siya ng slice bread, peanut butter, at pineapple juice. Nilagyan niya ng palaman ang tinapay at nagtimpla na rin ng juice para sa kanilang dalawa ni Thad.

“Gutom na gutom ka.”

Nilingon niya ang lalaki sabay kagat sa tinapay. Nakabihis na ito ng pambahay na damit. Umupo ito sa katabi ng kaniyang inuupuan sabay dampot ng sandwich. “Ano bang sasabihin mo?” tanong niya nang malunok ang nginuyang tinapay.

Inubos muna nito ang sandwich at uminom ng juice bago siya sinagot. “Lilipat ng school si Sheena.”

“Ha? Bakit?”

“Family problem,” tipid nitong tugon.

Naghintay siya kung may karugtong pa ang sasabihin nito pero nagpatuloy lang ito sa pagkain. “Iyon lang?”

“Iyon lang,” kumpirma nito.

“Ang akala ko naman alam mo ang lahat ng tungkol kay Sheena. Binitin mo pa ako kanina ‘yon pala kaunti lang ang sasabihin mo.”

“Iyon lang ang narinig ko.”

“Paano mo ba nalaman ang tungkol doon?” usisa niya.

“Tsismosa ka talaga.”

“Paano nga?” pangungulit niya.

Napailing ito at nagpakawala ng buntonghininga. “Noong Monday, inutusan ako ni Sir Lim na kunin ‘yong class record niya sa faculty room. Naabutan ko roon ang mama ni Sheena na kausap ang adviser namin na si Mrs. Caballero. Hindi sinasadyang narinig ko ang usapan nila,” paliwanag nito.

Kumusta na kaya si Sheena? Sana okay lang ang kaibigan niya. Masyado pa naman itong tahimik at kinikimkim lang ang nararamdaman kaya labis ang pag-aalala niya rito.

“Natahimik ka na riyan,” puna nito.

“Nag-aalala lang ako kay Sheena.” Sumimsim siya ng juice. “By the way, may gusto pa akong itanong sa ‘yo.”

“Ano ‘yon?”

“Bakit hindi mo ako pinapansin? Galit ka ba sa akin dahil kay Lester?” Hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya nalalaman ang kasagutan sa tanong na ‘yon.

“Hindi.”

“Kung hindi, bakit nga?”

Huminga ito nang malalim. Tila nauubusan na ito ng pasensya sa kaniya dahil naglabasan na ang mga linya sa noo nito. “Dahil alam kong magtatanong ka sa akin kapag napansin mong hindi na pumapasok si Sheena.”

“Iyon lang?” Hindi siya kontento sa sagot nito.

“Puwede bang patapusin mo muna akong magsalita?”

“Okay.” Alanganin siyang ngumiti. “Sorry.”

“Sinabi sa akin ni Mrs. Caballero na posibleng makabalik ka sa top section kapag natuloy ang paglipat ni Sheena sa ibang school. Nakiusap siyang ilihim ang tungkol doon hangga’t hindi pa nakakalipat si Sheena. Kapag palagi kitang kasama, baka masabi ko pa sa ‘yo ang tungkol doon dahil napakakulit mo.”

“Pero sinabi mo pa rin sa akin.”

“Dahil matutuloy na ang pag-transfer ng school ni Sheena.”

“Ibig sabihin, puwede akong makabalik sa top section?” excited niyang tanong pero agad din ‘yong napawi nang maalala niya ang kaibigan. “Pero aalis naman si Sheena.” Parang biglang bumigat ang pakiramdam niya.

“Hindi naman natin kontrolado ang mga mangyayari. Huwag mong masyadong dibdibin.”

“Hindi ko pa rin maiwasang malungkot para kay Sheena.” Nawalan ito ng kibo at pinagmasdan lamang siya. Nailang tuloy siya. “Anong tinitingin-tingin mo riyan?”

Bago pa ito makapag-react ay biglang nag-ring ang kaniyang cell phone. Kinuha niya ‘yon mula sa bulsa at sinagot ang tawag. “Sino ka?”

Hindi naka-register ang numero nito sa kaniyang phone. Pero nang magsalita ang caller ay nabosesan niya ito—si Lester. Napangiti siya. Tinatanong nito kung nakauwi na raw ba siya.

“Nandito ako sa bahay nila Thad,” sagot niya. “Bakit ka nga pala tumawag?”

“Gusto ko lang tiyakin na nakauwi ka nang maayos, Queen.”

“Ah…” Hindi niya alam kung anong itutugon dito. Hindi niya kasi ‘yon inaasahan. “Ano bang ire-

report ko?” sa halip ay tanong niya.

“Puwede bang pag-usapan na lang natin ‘yan sa ibang araw? Matagal pa naman bago tayo mag-report.”

“Pero kasi—” Inagaw ni Thad ang phone mula sa kaniya. “Uy, Thad! Akin na ‘yan!”

“Sabihin mo sa akin kung ano ang ire-report ni Elizabeth,” utos nito. “Gagawin na niya ang report bukas.”

Pilit niyang binawi ang cell phone mula rito pero magaling itong umilag kaya hindi niya ‘yon makuha-kuha. Narinig niya ang boses ni Lester mula sa kabilang linya pero hindi malinaw ang dating sa kaniya. Hanggang sa pinutol ni Thad ang tawag ay hindi man lang niya nabawi ang cell phone rito.

Kinalikot muna nito ang phone niya bago ‘yon ibinalik sa kaniya. Agad niyang tiningnan ang call history upang i-save ang number ni Lester pero sa kasamaang palad, binura nito ang numero ng lalaki. Tatalakan na sana niya si Thad pero mabilis itong naglaho sa kaniyang paningin.

“Thaddeus Franco, ang sama mo talaga!”

J.R. McKay

Maraming salamat po sa pagbabasa. Sana i-add niyo ito sa library at i-vote na rin. Thank you! Puwede rin po kayong mag-comment.

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status