Share

Chapter 6 Farewell

Tama nga si Thaddeus, galit sa kaniya si Elizabeth. Hindi siya nito kinikibo kahit na binilhan na ito ng bagong tsinelas ng kaniyang ina. Pinagmasdan niya si Elizabeth na nakahiga sa kama. Balot na balot ng kumot ang katawan nito. Sigurado siyang gising ito pero nagpapanggap lang na tulog.

“Bumangon ka na riyan.”

Niyugyog niya ang babae pero hindi man lang ito kumilos. Lunes na Lunes, pero sakit ng ulo agad ang ibinigay nito sa kaniya.

“Ganito ka ba palagi tuwing Monday? Gusto mo na naman bang ma-late?”

“Ano bang pakialam mo?” bulyaw nito. Nakalukob pa rin ito sa kumot.

“Bahala ka!” napipikon niyang turan. Aminado siyang may kasalanan siya rito pero hindi niya alam kung paano ito suyuin. “Pupunta nga pala si Sheena sa school para asikasuhin ang pag-transfer niya.” Hiningi niya ang contact number ng mama ni Sheena sa kanilang adviser upang kumustahin ang kaklase kaya nalaman niya ang tungkol doon.

Bumalikwas ito ng bangon nang marinig nito ang kaniyang sinabi. “Talaga?”

Sabog-sabog ang buhok nito at may mutang nagkalat sa sulok ng mga mata. Pero hindi ‘yon ang nakaagaw ng kaniyang pansin. Naaaninag niya ang katawan nito sa suot na manipis na pantulog. Agad siyang tumalikod. Sabay silang naliligo noong sila’y musmos pa lang ngunit iba na ang sitwsyon ngayon; binata’t dalaga na sila.

“Bilisan mong kumilos diyan!”

Mabilis niyang nilisan ang kuwarto ni Elizabeth. Dumeretso siya sa kusina at naghanap ng puwedeng kainin ng babae. Tiyak na hindi na naman ito kakain ng agahan dahil wala ng oras.

“Tita, ibabalot ko na lang ‘yong breakfast ni Elizabeth,” paalam niya sa asawa ng kaniyang tiyuhin. Naabutan niya itong umiinom ng kape.

“Mabuti pa nga.” Tinulungan siya nitong ipalaman ang ham at itlog sa tinapay. “Salamat, Thad. Napagtitiyagaan mo talaga ang pamangkin ko kahit sobrang pasaway ng batang ‘yon,” nakangiting wika nito.

“Walang ano man, Tita,” tipid siyang ngumiti, “parang kapatid ko na rin si Elizabeth.”

“Ano kayang mangyayari sa bata na ‘yon kapag naghiwalay kayo?”

Nagsalubong ang kaniyang kilay. “Po?”

“A, wala ‘yon.” Ibinigay nito sa kaniya ang binalot na sandwich. “Marami ‘yan, hati kayo ni Elizabeth.”

“Salamat, Tita.” Nagtaka man sa tinuran ng ginang ay hindi na lang niya ‘yon pinansin. “Aalis na po ako.”

“Ingat.”

Hinintay niya si Eizabeth sa labas ng gate. Bakas ang pagkagulat sa mukha nito nang maabutan siya roon at halatang hindi ito naligo.

“Bakit mo ako hinintay?” tanong nito habang sinusuklay ang nagkabuhol-buhol na tuyong buhok. “May himala yata.”

Nagkibit-balikat siya. “Nagwisik kalang ng tubig, ‘no?”

Her eyes went around. “Kasalanan mo,” sisi nito sa kaniya. “Hindi ako nakagawa ng report dahil sa ‘yo.” Pinanlisikan siya nito ng mata bago siya tinalikuran at nagmartsa palayo. “Wala akong balak na pumasok pero ginambala mo ako,” lintanya nito. “Kapag hindi totoo ang sinabi mo kanina, makakatikim ka sa akin ng gulpi.”

Pinabayaan niya itong dumaldal dahil hindi ito titigil kapag sumabat siya. Tahimik na lang niya itong sinundan at sinabayan sa paglalakad.

“Hindi ka ba magso-sorry?”

“Mag-breakfast ka.” Balewalang inabot niya ang tinapay sa kaibigan. “Alam kong gutom ka na.”

Tinanggap nito ang pagkain pero sinamaan siya nito ng tingin at saka ito tumakbo. Mabuti na lang at nahabol niya ito kaagad. Hinawakan niya ang kamay nito upang patigilin ito sa pagtakbo.

“Ano ba? Male-late na tayo!”

“Exactly, kaya bakit ka pa tatakbo?” Male-late rin naman sila kahit na tumakbo pa. Ang malas nila dahil wala man lang dumaan na tricycle kaya kailangan pa nilang maglakad palabas ng subdivision.

“Ikaw ba si Thaddeus Franco? O baka naman sinapian ka ng weird na engkanto?”

He gave a half shrugged. “Pagpapawisan ka at babaho dahil hindi ka naligo,” pang-aasar niya rito.

“Tse!” Binawi nito ang kamay mula sa kaniya. “Naligo naman ako ng pabango at naglagay ng tawas sa kilikili.”

Wala sa loob na inamoy niya ito. “Puwede nang pagtiyagaan ang amoy mo,” komento niya bago inilayo ang sarili sa babae. “Sana lang hindi ka mangamoy hanggang sa matapos ang klase.”

“Ang sama mo!”

BUWISIT na buwisit siya kay Thad. Nang makasakay sila ng tricycle ay hindi niya ito pinayagang makatabi sa kaniya kaya nag-back ride ito. Dinaan na lang niya sa pagkain ng tinapay ang inis niya sa lalaki.

Pagdating nila sa school ay nag-umpisa na ang flag ceremony ng late comers. Pumila sila sa dulo ng linya ng mga fourth year student. Napatingin siya kay Thad. Na-late tuloy ito nang dahil sa kaniya. Huwag na kaya siyang magalit dito?

Napatingin sa gawi niya si Thad at nahuli nitong nakatingin siya. Inirapan niya ito. Ibinalik niya ang atensyon sa nagle-lead ng ceremony.

“Let’s go.”

Nabigla siya nang hilain siya ni Thad nang matapos ang ceremony. “Saan mo ako dadalhin?” tanong niya. Hindi niya alam kung bakit nagpatangay siya rito. “Kailangan pa nating mamulot ng b****a.” Iyon siguro ang dahilan—ayaw niyang mamulot ng b****a habang pinagmamasdan siya ng Trixie.

Speaking of Trixie, nasalubong nila ito, kasama nito si Rico. Nahagip ng kaniyang paningin ang matalim na tingin ng babae sa magkahugpong nilang kamay ni Thad.

“Rico, kailangan naming pumunta sa Principal’s Office,” wika ni Thad sa SSG President.

Sa totoo lang, nagtataka siya kung bakit hindi tumakbo si Thad bilang president ng school samantalang ito ang pinakamatalino at pinaka-competent sa batch nila.

“Sure.” Hindi na ito nag-usisa kung ano ang gagawin nila roon.

“Kasama si Elizabeth?” nakatikwas ang kilay na tanong ni Trixie. Kontrabida talaga ito sa

kaniyang buhay.

Hindi kumibo si Thad. Hinigpitan nito ang hawak sa kaniyang kamay at nilagpasan si Trixie. Gusto niyang magtatalon sa tuwa. Hindi maipinta ang mukha ng babae dahil sa ginawa ng kaniyang kaibigan.

“Ano bang gagawin natin doon?” tanong niya nang malagpasan ang mga officer.

“Basta. Manahimik ka na lang at sumama sa akin.”

“Sungit!” anas niya.

Sinunod na lang niya ito kahit kating-kati na ang kaniyang bibig na mag-usisa. Pagdating nila sa office ng principal ay sinalubong siya ni Sheena. Nakangiti ito ngunit walang ningning ang mga mata. Niyakap niya nang mahigpit ang kaibigan dahil baka namamalikmata lang siya pero gumanti rin ito ng yakap. Totoo nga ang sinabi ni Thad na pupunta si Sheena.

“Bakit mo ako iiwan?” tanong niya nang maghiwalay sila. Pinigilan niya ang sarili na umiyak. “Ang daya mo naman!”

“Nagkasakit ang lola, walang mag-aalaga sa kaniya. Wala ring mag-aasikaso ng negosyo ng pamilya kaya kailangan naming umuwi sa Cebu.”

“Hindi ba puwedeng magpaiwan ka muna rito para tapusin ang pag-aaral mo?”

Nilingon nito ang ina bago ibinalik ang tingin sa kaniya. Mapait itong ngumiti. “Malala na ang kondisyon ng lola at baka hindi na siya magtagal,” pumiyok ang boses nito kasabay nang pagpatak ng luha. “Gusto ko siyang maalagaan at makasama bago siya bawiin sa amin.”

“Alam kong mahirap para kay Sheena ‘to,” sabat ng ina nito. “Sinabihan ko na rin siya na tapusin na ang pag-aaral dito. Ang papa na lang muna niya ang unang uuwi sa Cebu pero tumutol siya.”

“Dahil mahihirapan si Papa kapag hindi niya tayo kasama. Ayoko ring magkahiwalay-hiwalay tayo dahil sa akin.”

Marahan niyang pinisil ang palad ni Sheena. Nauunawaan niya ang naging pasya ng kaibigan. Napakabuti talaga ng puso nito. “Napakabait mo talaga, Sheena. For sure, maramikang magiging kaibigan sa Cebu. Baka nga makalimutan mo na ako,” biro niya.

Umiling ito. “Ikaw ang pinakamami-miss ko. Kung hindi dahil sa ‘yo, baka loner pa rin ako hanggang ngayon.”

Napangiti siya. “Ang sabihin mo, narindi ka lang sa kakulitan ko.” Natawa ito na ikinatuwa niya.

“Parang ganoon na nga,” nakangisi nitong turan. “Noong una naiinis ako sa ‘yo pero habang tumatagal, hinahanap-hanap ko ang kakulitan mo. Sis, salamat dahil naging magkaibigan tayo.”

“Sis, salamat din dahil nagkaroon ako ng kaibigan na sobrang bait. Mami-miss kita,” malungkot niyang saad. Muli niya itong niyakap. “Huwag mong kalimutang tumawag o mag-text sa akin, ha?” aniya nang maghiwalay sila.

“Oo naman.”

“Huwag mong pababayaan ang sarili mo at saka sabihin mo agad sa akin kapag nagkaroon ka ng problema. Maliwanag ba?”

“Opo,” nakangiting tugon nito. “At ikaw naman, huwag palaging magpasaway. Okay? Maawa ka kay Thad. Siya na lang mag-isa ang magbabantay at pipigil sa mga kalokohan mo.”

Noon niya lang naalala ang lalaki. Tahimik lang kasi itong nagmamasamid sa kanila sa isang tabi. Napansin niya rin na wala pala roon ang kanilang principal, assistant lang nito ang nandoon.

“Behave naman ako,” protesta niya na ikinatawa nito. “Sige na nga, pasaway na ako. Wala naman kasing maniniwala kapag sinabi kong mabait ako.”

Ilang minuto rin silang nag-usap hanggang sa tuluyan nang magpaalam ang mag-ina. Hinatid nila ang dalawa sa parking lot ng campus. Umiyak si Sheena samantalang pinipigilan niya ang pagtulo ng luha.

Nang makaalis na ang kotse na sinakyan ng mag-ina ay saka niya binalingan si Thad. “Umalis na si Sheena.”

“I know.”

Umismid siya. Wala man lang itong kaemo-emosyon. Dapat kino-comfort siya nito, eh.

“Bakit hindi ka umiyak?”

Hindi makapaniwalang tinitigan niya ito. Gusto pala nitong makitang ngumawa siya. Wala talaga itong pakialam sa kaniya. “Umiyak na nga si Sheena ‘tapos iiyak pa ako? Lalo lang ‘yong malulungkot.”

“Pero malungkot ka rin.”

“Oo nga, pero—” Kinabig siya ni Thad palapit dito kaya nasubsubsob siya sa d****b ng lalaki. “Ano ba?”

“Umiyak ka kung gusto mo. Huwag mong pigilan.”

“Thad…” Nag-sink in tuloy sa kaniya ang nangyari sa umagang ‘yon. Umalis na si Sheena. Niyakap niya nang mahigpit si Thad kasabay nang pag-agos ng kaniyang luha. “Ang sama mo talaga! Ayokong umiyak pero…” Humagulhol siya. Hindi na niya mapigilan ang sarili.

Naramdaman niya ang banayad na paghaplos nito sa kaniyang buhok kaya lalo siyang umiyak. Minsan parang bato si Thad pero may puso naman ito.

“Bilisan mong umiyak. Nasisinghot ko ang amoy ng buhok mo. Hindi ka pa naman naligo.”

Itinulak niya ito palayo sa kaniya. “Nakakainis ka!” sigaw niya bago ito tinalikuran. Nagse-senti siya ‘tapos panira ito ng moment.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status