Share

Chapter 9.1: Sticky Note

Matiim na titig ang ipinukol ni Carlo kay Elizabeth. Dinuro nito ang babae. “Elizabeth Marie, layuan mo si Bruce!” mariin ang bawat bigkas nito sa mga katagang binitiwan. Pakiwari niya’y gusto siya nitong sabunutan at kaladkarin pababa ng hagdanan.

“Anong kalokohan ‘yan Carla?” kunot-noong tanong niya. Wala namang makakarinig sa usapan nila dahil nasa sulok sila ng fourth floor. “Umayos ka nga!” Wala pang ilang segundo simula nang ilapag niya ang bag sa upuan nang hilaan siya nito palabas ng classroom at dinala siya sa fire exit. Hindi niya alam kung ano ang trip nito. “Hindi ko type si Bruce.”

“Hindi ako ang may sabi no’n.”

“Anong hindi ikaw? Kakasabi mo pa nga lang, e.”

“Ito.” May inabot ito sa kaniya na sticky note. “May impaktang nagdikit niyan sa freedom wall. Ito pa.”

“Una si Thad, pagkatapos si Lester, at ngayon si Bruce naman? Utang na loob Elizabeth, layuan mo sila. Malandi ka!” mahina niyang basa sa nakasulat sa isang sticky note. Malandi raw siya? “Sira ulo!” nanggigigil na nilamukos niya ang kapirasong papel.

“Mayroon pa.” Muli itong nag-abot ng papel.

“Ang sarap gupitin ng dry mong buhok, Elizabeth. Masyado na iyang mahaba kaya kailangan nang putulin,” basa niya. Nanlaki ang kaniyang mga mata. “What?” Hinaplos niya ang nakalugay na mahabang buhok at pagkatapos ay tinitigan ‘yong mabuti. “Hindi naman dry ang buhok ko, a! Tamad lang akong magsuklay,” pagtatanggol niya sa sarili sa kung sino mang pangit na nagsulat niyon.

Hindi siya takot sa pagbabanta nito. Mas naiinis siya sa pang-iinsulto nito sa kaniyang magandang buhok. Dry daw? Hindi man kasing kintab ng kaniyang buhok ang buhok ng commercial model ng shampoo sa TV, pero malambot iyon at hindi tuyot. Buwisit na taong ‘yon. Inggit lang yata sa buhok niya.

Sa sobrang inis, nilamukos niya ang lahat ng papel na hawak at hinagis lang ‘yon sa kung saan.

“Kapag pinutol nila ang buhok mo, gagawin kong wig ‘yong pinagputulan. Baka sakaling ako naman ang suwertehin at pagkaguluhan ng boys.”

“Tumigil ka nga!” Hinampas niya ang braso nito at gumanti naman ang binabae kaya pabiro silang naghampasan, sa tagpong ‘yon sila naabutan ni Thad. Tumikhim ito kaya sabay silang napalingon ni Carlo sa lalaki. “Th-Thad…”

Ano kayang ginagawa nito roon? Kanina pa kaya ito? Narinig kaya nito ang usapan nila ni Carlo?

“Pumunta ako rito dahil maingay sa loob ng classroom ‘yon pala ay mas maingay rito,” nakabusangot nitong wika.

May hawak itong libro na natitiyak niyang binabasa nito. Napakasipag talaga nitong mag-aral. Kahit one-fourth lang ng kasipagan nito ang mayroon siya ay tiyak na magiging honor student siya. “Mag-aaral ka ba? Aalis na lang kami ni Carlo para hindi ka maistorbo.”

Hindi na niya hinintay ang sagot ni Thad. Agad-agad niyang hinila si Carlo pabalik sa kanilang classroom.

SINUNDAN ng tingin ni Thaddeus ang papalayong bulto ng dalawa. Hawak ni Elizabeth ang kamay ng lalaki na ipinagtaka niya. Natural ang pagiging madaldal ng babae pero hindi ito basta-bastang humahawak sa kamay ng iba lalo na sa lalaki—maliban na lang kung siya ‘yon. Masyado na yata itong nagiging close kay Carlo.

“Uy bata, huwag ka namang magkalat ng basura,” puna ng janitor na naglalakad palapit sa kinaroroonan niya.

Siya lang naman ang tao roon kaya natitiyak niyang siya ang tinutukoy nito pero hindi naman siya nagkakalat ng basura. Tiningnan niya and direksyon kung saan nakatuon ang atensyon ng may edad na lalaki.

Crumpled paper—iyon ang nakita niyang nagkalat sa daanan. Si Elizabeth at Carlo lang naman ang nanggaling doon. Madalang na may dumaan o tumambay na estudyante roon. Isa-isa niyang pinulot ang nagkalat na papel. Itatapon niya sana ‘yon nang bigla niyang maisipan na buklatin ang nilamukos na papel at basahin ang nakasulat doon.

Matapos basahin ang walang kuwentang nakasuklat sa papel ay pinunit-punit niya ‘yon saka itinapon sa basurahan. Nawalan na siya ng ganang magbasa ng libro. Babalik na lang siya sa classroom.

ILANG ARAW nang pumapasok nang maaga si Thaddeus. Sinusubukan naman niyang sabayan ang kapitbahay pero, sobrang aga lang talaga nito pumasok. Parang ito yata ang may hawak ng susi ng school nila. Kapag inuusisa niya ito tungkol doon, wala naman siyang matinong sagot na nakukuha rito. Kung hindi ‘ewan’ ang sagot sa kaniya, minsan ay kibit-balikat lang.

“Elizabeth Marie.”

Napaigtad siya nang may kung sinong bumulong sa punong-tainga niya. Mabilis siya pumihit paharap sa salarin. Nakaamba na ang kaniyang kanang kamao at handa nang sapakin ang lalaki subalit napigilan na siya nito.

“Amasona ka talaga!” angil ni Carlo. “I-save mo ang ‘yong energy para kapag nahuli natin ang mga bruhildang nagpapakalat ng fake news, may lakas ka pa para banatan sila.”

“Ikaw kasi, e!” Binawi niya ang kamay na hawak nito. Pati kasi ito ay nai-issue na sa kaniya. Wala yatang araw na hindi nakapaskil ang pangalan niya sa freedom wall. Dinaig pa niya ang isang celebrity. Actually, kinabog niya ang mga feeling campus queen at it girls sa school nila.  “Bakit ka ba nanggugulat?”

“Kanina pa kaya kita tinatawag pero hindi mo ako pinapansin,” anito sabay akbay sa kaniya. Agad naman niyang hinawi ang kamay nito na nakapatong sa kaniyang balikat pero binalik lang nito ang kamay doon. “Ayaw mo bang panindigan ang issue na nilalandi mo ako?”

“Shut up!” Pinaikot niya ang mga mata at hinayaan na lang ang pag-akbay nito sa kaniya. Nagpatuloy siya sa paglalakad at sumabay naman ito sa kaniya. “Para namang papatulan mo ang kagandahan ko.”

“Exactly! Hindi tayo talo dahil mas maganda ako sa ‘yo,” anas nito sa malanding tinig. “Masarap lang mang-inis sa mga inggitera at saka ang sarap sa feeling nang pinag-uusapan ka kahit hindi naman ‘yon totoo.”

“Hindi naman kasi puri mo ang nadudungisan.”

“Hayaan mo na. Alam naman natin ang totoo at saka pagbigyan mo na ako. Tiyak na matutuwa si Papa kapag nakarating sa kaniya ang balita na may dine-date akong babae.”

“Aha!” Tuluyan na siyang kumawala sa pagkaka-akbay nito sa kaniya. Tumigil siya sa paglalakad sabay harap dito na ikinahinto nito. Humalukipkp siya at tinitigan ito nang masama. “May ulterior motive ka pala. Akala ko pa naman ay kaibigan kita kaya ka kumakampi sa akin!”

“Kalma, girl!” Namaywang ito pero agad niyang ibinaba ang kamay nito na nakahawak sa baywang. “Shit! Nasa school pala tayo.” Tumindig ito nang tuwid at boses lalaki na ulit.

“Umayos ka nga, maliban na lang kung gusto mo nang magladlad!” Umiling-iling ito. “Bilisan na natin maglakad. Baka mag-bell na. Hindi pa natin nalalagay ‘tong mga bag natin sa classroom.”

Nauna na siyang naglakad at tahimik naman itong sumunod sa kaniya. Hindi na ito umakbay sa kaniya pero magkatabi sila habang naglalakd. Sa di-kalayuan, natanaw nilang may kausap si Thad na lalaki at sa gilid ni Thad, nakatayo naman si Bruce. Ano kaya ang ginagawa ng dalawang lalaki na ‘yon malapit sa freedom wall?

Bago pa sila tuluyang makalapit sa mga ito ay biglang bumulagta sa sahig ang kausap ni Thad dahil sinuntok ‘yon ni Bruce. Nanlalaki ang kaniyang mga mata kasabay nang pag-awang ng kaniyang labi subalit hindi siya nakasigaw.

Paano naman niya ‘yon magagawa kung naunahan na siyang tumili ni Carlo? Tinapakan niya sa paa ang kaibigan upang patigilin ito sa pagtili. Mukhang na gets naman nito ang ibig niyang iparating kaya tumahimik ito pero hindi nakaligtas sa pandinig ni Thad at Bruce ang hiyaw ni Carlo. Sabay na napatingin ang dalawang lalaki sa gawi nila.

Mabuti na lang talaga at iilan pa lamang ang estudyante roon. Wala naman sigurong nakapansin sa pagtili ni Carlo kaya nagkunwari siya na siya ang tumili. Ginaya niya kung paano sumigaw ang kaibigan at patakbong pumunta sa kinaroroonan ng mga kaklase.

“What’s happening here?”

Napatingin siya sa nagsalitang labanos. Yes, labanos dahil nasobrahan sa puti ang babae. Hindi niya ito kilala at inagawan pa siya ng eksena. Dapat siya ang nagsabi no’n, e. Nilapitan na lang niya si Thad samantalang inawat ng labanos si Bruce. Girlfriend siguro ito ng lalaki.

“Thad, kaya ka ba pumasok nang maaga para makipag-away?” sita niya sa kababata.

“Ako ba ang nakipagsuntukan?” masungit nitong tanong. “Kinakausap ko lang nang maayos ‘yang walang hiyang lalaki na ‘yan.”

“Baby, nasaktan ka ba? Bakit mo siya sinuntok? Ipapatawag ka na naman niyan sa Guidance’s Office, eh.”

“Shut up, Ashly!” aburido nitong tugon kay labanos. “Puwede bang huwag mo na akong pakialaman? Matagal na tayong break.”

Bakit ang init ng ulo ng mga lalaki na ‘to? “Hoy, kinakausap lang namin kayo nang maayos kaya sumagot kayo nang maayos.” Nagkatinginan si Bruce at Thad bago sabay na binaling ang atensyon sa kaniya. “What?”

“Huwag ka nang makialam, Elizabeth,” seryosong turan ni Thad na ikinataas ng kaniyang kilay. Tinitigan niya ito nang masama at napansin niya ang pagkibot ng sulok ng labi nito. “Elizabeth Marie, makinig ka na lang sa akin.”

“Makinig ka na lang kay Thaddeus,” segunda ni Bruce. “Kakausapan lang namin ‘tong g*go na ‘to.” Nakatayo na ang lalaking bumulagta sa sahig at hawak-hawak na ni Bruce ang kuwelyo ng polo nito.

“Ganyan ba ang kakausapin lang?” Napangiwi siya. Nababasa niya sa mukha ni Bruce na gustong-gusto na nitong upakan ang lalaki. “At kailan pa kayo naging close ni Thad?” Sa pagkakatanda niya, hindi naman nagpapansinan ang dalawa sa loob ng classroom.

“Halika na.”

Bago pa siya makapag-react ay hila-hila na siya ni Carlo. “Ano ba? Bakit mo ba ako kinakaladkad? Naliliitan ka ba sa akin?”

“Hayaan na lang natin sila.”

“Anong hayaan? Baka mapaaway pa ‘yong dalawa, e. Ano ba kasing ginagawa nila roon?”

“Ang slow mo.” Sinundot nito ang sentido niya gamit ang hintuturo nito. “Ano sa tingin mo ang ginagawa nila sa freedom wall? Magsusulat sa sticky notes at ipapaskil doon?”

“Malay ko, pero puwede na rin ‘yong naisip mo.”

“Ay, t*nga!” Hindi makapaniwalang tingin ang ipinukol nito sa kaniya. “Kung wala lang mga taong makakakita sa gagawin ko, kanina pa kita sinabunutan o baka kanina ko pa pinutol ‘yang buhok mo. Naiirita na ako sa haba niyang hair mo.”

“Ang daldal mo! Sabihin mo na lang kasi sa akin kung ano ‘yong naiisip mong dahilan kung bakit sila nandoon.”

“Bahala ka sa buhay mo! Gamitin mo ‘yang utak mo.”

“Hoy, grabe ka!” Babatukan niya sana ito pero agad itong nakailag at kumaripas ng takbo. “Buwisit!”

Bago sundan si Carlo, lumingon muna siya sa pinanggalingan nila. Nandoon pa rin si Thad, Bruce, at ‘yong lalaki. Wala na doon ‘yong labanos. Napabuntong-hininga siya. Wala talaga siyang maisip na dahilan kung bakit kakausapin ng dalawa ‘yong lalaki.

“Did you enjoy the show?”

Nagsalubong ang kilay niya sa sinabi ng babaeng bigla na lang sumulpot sa harapan niya. Ano na naman kayang klaseng pang-iinis ang gagawin nito sa kaniya?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status