Amorousness Behind Sunset
Amorousness Behind Sunset
Author: CCmonogatari
Prologue

"ANG GANDA NG SUNSET." 

Pinilit ko ang ngumiti sa harapan nito, matapos niyang sabihin iyon. 

“Sayang nga lang, dahil walang permanente sa mundo. Nawawala rin ang kagandahan nito, sa tuwing sasapit ang gabi,” Bahagya akong yumuko nang sandali siyang huminto sa pagsasalita. 

“Parang buhay ng tao. Mayroong hangganan," Agad kong hinanap ang kanyang mga mata, nang mag-angat ako nang tingin dahil sa kanyang sinabi.

Pinagmasdan ko siya. Matagal. Pagkaraa’y muli akong tumingin sa takipsilim na kanina pa namin pinagmamasdan.

Huminga ako nang malalim, saka pilit na nagsalita. 

"Alam mo, simula nang mawala si Papa sa buhay namin, natuto akong mahalin at pahalagahan ang takipsilim," Nagbaba ako nang mukha.

"Sa tuwing tumitingin kasi ako sa sunset, doon lang ako nakararamdam nang ligaya. Tila— ang bagay na ito ang nagpapaalala sa akin na sa buhay ko, ay mayroon pa rin pa lang magandang makikita, kahit na alam ko na mabilis din ‘yong nawawala," Ngumiti ako at muling huminga nang malalim. 

"Pero— buti pa ang takipsilim, bumabalik," Lumunok ako, at tipid na ngumiti bago muling nagpatuloy sa pagsasalita. “Hindi katulad ng mga taong mahalaga sa buhay natin. Walang kasiguraduhan kung hanggang kailan natin sila maaring makasama sa mundong ito. Kahit tayo, hindi nila alam kung hanggang kailan nila pwedeng makasama— kung gaano katagal,” Napatingin ako sa kanyang maputlang mukha matapos kong sabihin iyon. Ewan ko, pero tila lalo akong nakaramdam ng lungkot. 

Dati-rati ay awtomatiko akong napapangiti, kapag nagtatama ang aming mga mata. Iba kasi ang tuwa na dala n'yon sa akin. Pero ngayon, ay tila isa itong painting na nawalan ng buhay dahil unti-unti nang kumupas ang sigla't maganda nitong kulay.

Natigilan ako, nang maramdaman na dahan-dahan niyang ikiniling ang kanyang ulo sa 'king balikat. Napakagat ako sa ‘king ibabang labi.

Nandito kami ngayon sa paborito kong lugar, sa dako kung saan kami unang nagkakilala at nakapag palagayan ng loob sa isa't isa— sa dagat. Isang sakay lamang, mula sa ‘king tahanan.

Bata pa lang ako, ay mahilig na ‘ko sa takipsilim. Ito ang naging sandalan ko, noong mga panahong nilalamon ako ng kalungkutan simula nang mawala si Papa sa buhay namin ng pamilya ko.

Madalas ako rito, kapag natatapos sa pagtitinda ng turon, banana cue, at kung anu-ano pa.

Labing-dalawang taong gulang pa lamang ako, ay ginagawa ko na ang bagay na iyon. Sa murang edad, ay namulat na ako sa realidad ng buhay, dahil sa maagang pagkaulila sa aming ama. At no’ng mga panahon na iyon ay nagdadalang tao pa ang aking ina, mula sa aming bunso na si Maro. 

Na-depress noon si Nanay, kaya wala akong ibang pagpipilian kundi ang tumigil na lamang sa pag-aaral at kumayod, dahil bukod sa kailangan namin nang makakain sa araw-araw, ay ninais ko ang makatulong sa mahal kong ina— sa aking pamilya.

Pangalawa ako sa tatlong magkakapatid, at ako lamang ang babae. Baitang apat lang ang aking naabot sa elementarya. Nais ko man ang makapagtapos, ay mas pinili ko na lang na magparaya upang matulungan ang aking nakatatandang kapatid na lalaki— si Kuya Marv. Malapit na kasi siya sa ika-apat na antas ng haiskul noon, bago nawala si Papa sa aming buhay.

Pinili kong maghanap-buhay sa pamamagitan nang pagtitinda ng kung anu-ano. Alam ko, na hindi lang ako ang nagsasakripisyo noon pa man, dahil bago noon pumasok sa eskwelahan si Kuya ay nagluluto muna ito ng turon at banana cue— tinutulungan niya muna ako sa mga ilalako ko no’n sa maghapon. 

Nagtulungan kami, dahil bukod sa bagong panganak lamang no’n si Nanay, ay nais din naming makabangon. Nais namin ni Kuya gampanan ang responsibilidad na naiwan ni Papa— gusto naming bumalik sa rati ang aming ina. Gusto namin na maging maayos ang aming buhay.

Mula noon, ay tinanggal ko ang hiya sa aking isipan, maging sa aking katawan. Alam ko kasi na walang mangyayari kung hindi ko kakapalan ang aking mukha. 

Umabot ako sa punto ng buhay ko na kahit sentimo ay aking pinahalagahan. Minsan nga, kapag nakakaabot ako sa lugar na hindi na ako pamilyar, ay sumasabit na lamang ako sa jeep makauwi lang noon sa amin. Pero bago umuwi sa aming tahanan ay dumaraan muna ako sa paborito kong lugar. Dito, kung saan malayang nakapagpapahinga ang aking isipan mula sa realidad ng buhay.

Dito ko nakilala si Jayrald. Ewan ko, pero bigla na lamang itong sumulpot nang isang beses ay napaiyak na lang ako dahil sa bigat nang nararamdaman ko no’n— dahil sa mga hirap na nararanasan ko sa buhay. Gano’n ako kapag mabigat na ang pakiramdam, kapag hindi ko na kayang itago. 

Masayahin kasi akong tao kung titingnan, ngunit sa loob ko’y basag na basag ako.

"I’m glad you came into my life.”

Napabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ang mahinang tinig ng lalaking nasa aking tabi. Hindi ko alam, pero mabilis kong naramdaman ang pag-init sa dalawang gilid ng aking magkabilaang mga mata. Dahilan, kaya dahan-dahan kong kinuha ang isa sa mga kamay nito.

“Isang taon mahigit na tayong nagkakasama, pero kahit kailan ay hindi ka nagbabago sa ‘kin,” wala akong naisagot kundi iling lamang sa muli niyang pagsasalita.

“Reen.” 

Halos pabulong na lamang iyon. Pero hindi ko inabala ang aking sarili na tumingin sa kanya. Bagkos, huminga ako nang malalim saka mahinang nagsalita.

"Alam mo, simula no’ng namatay si Papa," sandali akong napahinto sa pagsasalita nang maramdaman ko na tila naninikip ang aking dibdib. Pumikit ako bago ulit nagpatuloy. "Wala na 'kong pinagkatiwalaang lalaki, maliban sa Kuya ko." 

Idinilat ko ang aking mga mata, saka tumingin sa kamay niya na aking hawak-hawak, saka iyon mahinang pinisil. 

"Na-trauma kasi ako. Pakiramdam ko, ang dali-dali kong iwan," Tipid akong ngumiti habang nakatingin pa rin sa kanyang kamay.

"Si Papa ang greatest heartbreak ko," muli akong nag-angat nang tingin saka itinuon ang aking paningin sa takipsilim na nasa aming harapan. 

"Maka-Papa kasi ako, eh. Dahil kahit hindi kami mayaman, hindi siya nagkulang sa pagbigay ng mga pangangailangan namin nila Nanay at Kuya," Pinunasan ko ang mabilis na luhang pumatak mula saking mga mata. 

"Kahit labing isang taong gulang pa lang ako noong nawala si Papa, marami na rin akong mga bagay na naintindihan noon pa man sa mundong ito. Lalo na sa estado ng buhay na meron kami,” sandali akong huminto sa pagsasalita. Lumunok ako bago muling magpatuloy.

“Maaga kasi kaming tinuruan ni Papa na maging matatag sa buhay, dahil mahirap lang kami," bahagya kong nahigpitan ang pagkakahawak ko sa isa niyang kamay, "Alam ko na ayaw ni Papa sa trabaho niya noon, matapobre kasi ang kamag-anak ni Nanay. Wala lang siyang magawa, dahil wala itong ibang makita na mapagkakakitaan noon. Kaya nagtiis siya, bilang isang manggagawa sa konstruksyon— sa ginagawang gusali na pagmamay-ari ng kapatid ni Inay,” Napahinga ako nang malalim matapos maalaala lahat nang iyon.

"Mabait ang Tita ko, ngunit kung anong binuti n'yon ay siya namang kinasama nang ugali ng asawa niya at iba pang kamag-anakan nila Nanay. Kung matahin kasi nila si Papa, para bang isa itong kriminal," Tipid akong ngumiti saka nagpatuloy sa pagsasalita. "Minsan nga, sumagi sa isipan ko— baka kasalanan nga talaga ang pagiging mahirap.” 

Sandali akong ngumiti.

"Mahirap lang kasi si Papa, habang si Nanay naman— kahit papaano ay may kaya sa buhay. Pero simula nang piliin niya si Papa ay itinakwil na siya ng mga magulang niya, lahat sa side nito. Pero alam mo kung saan ako humanga?" huminto ako.

"Sa part na hindi nagbago ang pag-ibig ni Nanay kay Papa,” tuloy ko. “Dahil imbes na iwan niya ito, mas lalo nilang pinatatag ang relasyon na meron sila. Kaya nabuo kami ni Kuya. At dahil mahirap lang kami, hindi tumitigil si Papa sa pagtatrabaho noon para sa pamilya niya, para sa amin," Muli akong huminga nang malalim. 

"Kahit ayaw na ni Papa sa trabaho niya noon, ay pinipilit pa rin niya. Kaya sa tuwing umaga bago siya umalis ng bahay ay yumayakap at humahalik ako sa kanya, kahit sa gano'ng paraan man lang ay maramdaman niya na hindi siya nag-iisa sa mga laban nito sa buhay. Hanggang sa . . ." Huminto ako at lumunok. 

"Dumating 'yung araw na— sobra kong kinatatakutan,” Napasinghot ako. Hindi ko namalayan ang pagtulo ng mga luha sa ‘king mukha. 

“Ang mawala siya— si Papa. Dahil sa isang aksidente. Sa lugar kung saan siya nagtatrabaho. No’ng araw rin na iyon ay nalaman namin na nagdadalang tao pala si Nanay sa bunso kong kapatid— si Maro."

Napahinto ako sa pag-iyak nang mahina siyang tumikhim saka tumingin sa akin. Hindi ko namalayan na wala na pala ang kanyang ulo sa balikat ko, dahil nakatingin na siya sa akin.

"Tahan na," kahit halata sa boses at itsura nito ang panghihina ay pinunasan pa rin niya ang huling luha na pumatak mula sa 'king mga mata. "Hindi ba't sabi ko, ayokong nakikita kang umiiyak?" napatigil siya nang hawakan ko ang kamay niya na hinawak nito sa 'king mukha.

"Bukod kay Papa at kay Kuya— ikaw lang ang pinagkatiwalaan ko. Ikaw lang ang minahal ko," hindi ko alam, pero hindi ko na napigilan na muling mag unahan ang mga luha mula sa 'king mga mata. 

“Oo, mahirap ka lang tulad ko, pero ikaw ang gusto ko. Minahal kita— pero mukhang mabibigo na naman ako kahit lumaban ka," Napakagat ako sa 'king ibabang labi upang pigilan ang aking sarili na makagawa nang hikbi. "Kapag sinabi ko ba’ng Lumaban ka, lalaban ka?” Tumingin ako sa kanya, kahit na hindi ko na mapigil ang pagpatak ng aking mga luha mula sa ‘king mga mata.

“Kapag sinabi ko ba na,” natigilan ako sandali nang maramdaman na tila pipiyok ako dahil sa ‘king pagluha. 

Pinilit ko ang huminga nang malalim, bago muling magpatuloy sa pagsasalita. “Na— m-magpagaling ka, gagawin mo ba? K-kahit hindi na para sa 'kin? Kahit para na lang sa sarili mo— para sa ‘yo na lang,” halos nagmamakaawa na ang aking tono.

Natatakot ako. Natatakot akong maiwan, at muli na namang mag-isa.

Bahagyang kumibot ang labi ko nang mapansin na gumalaw ang kanyang namumutlang labi. Maya-maya ay binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti.

"Gusto ko," halos pabulong niyang sambit. "Gustong-gusto ko gumaling. Dahil gusto ko na makasama ka pa nang matagal. Gustong-gusto ko lumaban, para sa 'yo— para sa ‘ting dalawa. Dahil gusto ko na mahalin ka habang buhay. Gusto ko, Reen. Pero— parang hindi na kaya ng katawan ko."

Umiling ako. Muli, ay napaluha ako nang marinig ang kanyang mga sinabi. Pero agad din akong napahinto nang kunin niya ang kaliwang kamay ko at suotan ng singsing ang daliring katabi ng aking hinliliit.

Dahan-dahan ay namilog ang aking mga mata. Tumingin ako sa kanya. Hanggang sa mapansin ko ang namumula niyang mga mata. Pero nawala ro'n ang aking atensyon nang matamis siyang ngumiti sa akin, at muli niyang isandal ang kanyang ulo sa 'king balikat bago siya nagsalita.

"Mawala man ang katawan ko sa mundong ito, hinding-hindi mababawasan at maglalaho ang pagmamahal ko para sa 'yo,” Napalunok ako nang maramdaman ang paghinga niya.

“Alam mo ba kung bakit?" kasabay ng kanyang panandaliang paghinto mula sa pagsasalita ang aking pagsinghot dahil sa hindi ko mapigil na pagluha. Maya-maya ay nagpatuloy siya. 

“Dahil ikaw lang ang babaeng bukod tangi na minahal ko. Ikaw ang nagbigay nang sigla sa matamlay kong mundo. Kinulayan mo ang buhay ko. Kaya ikaw lang, Reen. Ikaw lang.”

Pumikit ako, at inilagay ang aking kamay na sinuotan nito ng singsing sa aking dibdib.

“Saksi ang takipsilim, na nasa ating harapan ngayon— kung gaano nagkaroon nang saysay ang buhay ko nang makilala kita,” sandali niyang iniangat ang kanyang mukha sa akin, saka tipid na ngumiti. 

“Kung magkakaroon lang ako ng isang-daang buhay, ikaw . . . ikaw ang paulit-ulit kong pipiliin na makasama hanggang sa wakas— hanggang sa mawala ang aking hininga, ikaw lang ang pipiliin ko."

Napuno nang hagulgol ang lugar kung saan kami nakapwesto nito.

Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko maintindihan ang kapalaran na meron ako. Pakiramdam ko’y ipinanganak ako upang masaktan lamang. Hindi ko maintindihan kung para saan ang mga sakit na nararanasan ko. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa, dahil 'di ko alam kung hanggang saan ako dadalhin ng mga pagsubok na ito sa aking buhay.

Hindi ko na alam . . .

Muli akong huminga nang malalim, dahil ramdam ko ang bigat ng aking dibdib. Magsasalita sana ako, pero hindi na iyon natuloy nang maramdaman ko ang pagbigat ng ulo ni Jayrald mula sa ‘king balikat.

Dahan-dahan akong dumilat. Baka nagkakamali lamang ako mula sa 'king iniisip. 

Pinilit kong ibuka ang nanginginig kong mga labi.

"R-Rald?" garalgal ang aking tinig.

Kinagat ko ang aking ibabang labi habang umiiyak.

"H-huwag mo— m-mo akong b-biruin nang ganito . . . n-nakikiusap ako sa 'yo . . ." 

Wala siyang tugon.

‘Di ko na alam. Pakiramdam ko ay tila nais tumigil nang aking paghinga. Wala akong ibang maramdaman kundi pagkirot lamang ng aking dibdib habang lumuluha at nakapikit. 

Ayoko man na mag-isip nang kung anu-ano, pero bigla na lamang bumalik sa 'king alaala ang mga araw na iniwan kami ni Papa— ang pagkawala nang unang lalaki na naging dahilan ng pagkawasak ng aking puso.

Ito na nga siguro ang tadhana na meron ako— ang mawalan ng importanteng lalaki sa ‘king buhay. At tulad noon ay wasak na naman ako. 

Wasak na wasak na naman ako, dahil sa isang lalaking hindi lang ako basta iniwan ng panandalian. 

Wasak na wasak na naman ako, dahil isang mahalagang tao na naman ang nawala sa akin nang panghabang buhay. At alam ko, na hindi na ito kailanman babalik pa. 

Hinding-hindi na.

Ang sakit. Ang sakit-sakit. Habang dinadama ang kabigatan nang wala nang buhay na katawan ng lalaking minahal, at pinagkatiwalaan ko.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Dhana
If you feel this story, you will really get what the writer wants to convey....️
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status