Share

Chapter 1

Reen Cruz

"Sure ka na ba talaga sa desisyon mo?" 

Napaigtad ako nang biglang magsalita si Kuya Marv mula sa tabi ng pinto nang kwarto namin ni Maro. Agad akong nag-angat nang tingin sa kanya, saka inilagay ang huling damit na tiniklop ko sa bag na dadalhin ko.

"Kuya naman, eh! Ang hilig-hilig mo talaga manggulat,” Umirap ako rito. “Para ka d’yang kabute, basta-basta ka na lang sumusulpot. Uso kaya kumatok,” Napabuntong hininga ako dahil sa inis. “So discusting,” dagdag ko pa.

Natigilan ako nang marinig ang mahina niyang pagtikhim.

"Disgusting kasi 'yon," tugon niya sa sinabi ko. 

Muli akong umirap saka siya sinagot, "Gano'n na rin 'yon, 'no. Isang letter lang naman ‘yung naiba.”

Sinara ko ang bag na pinaglagyan ko ng mga damit, pagkaraa’y ibinalik ko ang tingin sa kanya.

"Seryoso ka na n’yan?" kunot noo niyang tanong sa akin. "Alam mo, bawas-bawasan mo na 'yang pag-inom mo ng kape," Umiling-iling ito habang sinasabi ‘yon.

"At dinamay mo pa talaga 'yung kape sa panggugulat mo, huh? Ang lalim kaya nang iniisip ko kanina, pagkatapos bigla kang susulpot d'yan. You so— hay, pasalamat ka talaga hindi ko porte ang salitang ingles," nakanguso kong tugon sa kanya.

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa bago ito muling nagsalita.

"Seryoso na kasi," Huminga siya nang malalim bago muling ibinuka ang kanyang bibig. "Sure ka na ba talaga sa pag-alis mo?" tanong nito.

Diretso akong tumingin sa kanya. Seryosong tingin. Pagkaraa’y tipid akong ngumiti saka siya sinagot.

"Pang ilang tanong mo na ba sa akin ‘yan, Kuya?” Binasa ko nang laway ang ibaba kong labi. “Mukha ba akong nagbibiro?” pagpapatuloy ko, bago huminga nang malalim. “Alam mo naman ang isasagot ko riyan, eh. At hindi na ‘yon mababago pa.”

Lumunok ako bago muling nagsalita.

“Itutuloy ko ito dahil kailangan,” Napayuko ako at ibinaling ang tingin sa aking bag, “Bukod sa dapat tayong mag seryoso sa buhay dahil hindi tayo mayaman, kailangan ko rin talaga ito—”

“Bakit nga?” mabilis akong nag-angat nang tingin sa kanya nang putulin niya ang aking sinasabi. 

“Hanggang ngayon hindi mo sinasabi sa ‘kin kung ano ang dahilan mo. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung bakit tila nagbago ka,” Napakurap-kurap ako sa sinabi nito.

“Dati naman, ang dali mong kausapin at kumbinsihin sa mga bagay-bagay. Maraming nawala sa ‘yo, at isa na ro’n ang pagiging positibo mong tao sa buhay.” 

Bahagyang nangunot ang noo ko dahil sa pagtataka, lalo nang umayos ito nang tayo saka namulsa sa ‘king harapan. 

“Noon, kahit wala kang kausap, tumatawa ka pa mag-isa.”

Natigilan ako sa sinabi nito, pagkaraa’y unti-unting nagbago ang aking ekspresyon nang mapaghulo ang ibig nitong sabihin doon.

“Siraulo ka talaga!” bulyaw ko sa kanya.

“What?” tugon niya.

Kahit naiirita, ay napangiti na lamang ako nang marinig ko na mahina siyang tumawa.

“Huwag mo nga ‘ko ma-what-what diyan.” Inayos ko ang aking bag. Maya-maya ay napakagat ako sa ‘king ibabang labi, nang biglang maalala ang tunay na dahilan kung bakit ko ito gagawin— ang paglayo sa kanila. Sa mahal kong pamilya.

Bahagya kong ipinilig ang aking ulo upang subukang makatakas mula sa ‘king iniisip. Lalo lang akong nalulungkot. Nasanay kasi ako na laging kasama ang mga 'to. Lalo na si Kuya Marv, na naging katuwang ko sa pagtaguyod ng aming pamilya, buhat nang mawala ang aming ama at na-depress ang aming ina.

"Kailangan ko itong gawin, Kuya," sandali akong tumikhim. "Una sa lahat, hindi naman tayo ipinanganak na mayaman,” pagdadahilan ko. “Isa pa, wether we like or not like, we have to . . . p-payting ba 'yon, Kuya?"

Diretso siyang tumingin sa akin. 

"Fight," mahina pero mabilis niyang tugon.

"Yeah. That, that nga! Buti na lang matalino ka—" 

Natigilan ako sa pagsasalita nang mapansin na tila biglang sumeryoso ang mukha nito.

"Kuya," Napalunok ako nang agad siyang tumingin sa akin. "Uhm, g-gusto ko lang sabihin na— t-take cares Nanay and Maro." 

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ko. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko, nang unti-unting nagbago ang ekspresyon nang mukha nito. Mula sa pagkakaseryoso n'yon ay bigla itong tumawa. 

"Bakit tumatawa ka, Kuya? Is you okay?" nagtataka kong tanong, pero imbes sagutin niya ako ay lalong lumakas ang pagtawa nito.

Anong problema ng abnormal na 'to? May dumi ba 'ko sa bibig?

Mabilis akong kumuha ng salamin mula sa ‘king shoulder bag, humarap ako rito saka hinanap kung anong meron sa ‘king mukha. 

Dahan-dahan akong nag-angat nang tingin sa siraulo kong Kuya, nang wala akong napansin na kahit katiting na dumi sa kabuuan ng aking mukha.

"A-anong nakakatawa, Kuya?" pikon kong tanong sa kanya.

Napanguso ako nang tumigil ito sa pagtawa. Pero hindi nawala ang pangungunot ng noo ko, nang mapansin ko na tila hindi nababawasan ang ngiti nito mula sa kanyang mga labi.

Infairness, ang cute ni Kuya ngayon. Minsan ko lang kasi ito makita na ngumiti o tumawa.

Ano kayang meron . .

"Bakit ka ba tumatawa riyan mag-isa? Okay ka lang ba?" Kinuha ko ang shoulder bag ko saka ipinatong sa 'king mga hita. "Dowori, Kuya. Uuwi-uwi naman ako rito kapag may pagkakataon,” sabi ko habang binabalik ang salamin na ginamit ko.

Nag-angat ako nang tingin, nang matapos sa ‘king ginawa. Naningkit ang aking mga mata nang mapansin na yumuko ito.

"Kuya—"

"Ihahatid na kita,” giit niya. “Kailangan ko malaman at makita ang tutuluyan mo ro'n. Baka mamaya," sandali siyang huminto, pagkaraa'y nagpatuloy rin. "Maganda pa ang tulugan ni Bogsa kaysa sa hihigaan mo."

Bigla akong natawa sa sinabi niya. 

Si Bogsa ang gala naming aso na napulot ni Maro sa court na pinaglalaruan nito ng basketball. And speaking of Maro, nasaan kaya ang batang 'yon? Ang aga-aga nasa galaan na yata.

"Tara na." 

Napatingin ako nang diretso kay Kuya nang sabihin niya iyon.

"Huwag na, Kuya," awat ko sa kanya. "Pumasok ka na lang sa trabaho mo. Sayang din kasi 'yung isang araw,” alam ko na makakaabala pa ako. “Okay lang naman ako ‘no! Ako pa ba? Isa pa, kasabay ko naman si Aling Biday, 'yung nanay ni Buninay na may kras sa 'yo.”

Agad na nagsalubong ang mga kilay niya.

"Bakit ka sasabay ro’n?" tanong niya.

Napabuga ako nang hangin bago siya sagutin. 

"Oo nga pala, hindi ko nasabi sa 'yo. Pamangkin kasi niya 'yung makakasama ko sa trabaho na sinabi niya sa akin, Kuya—”

"Kilala mo ba 'yon? Bakit parang ang dali mo naman nagtiwala?" mabilis niyang sambit.

Sumimangot ako sa kanyang harapan. Segundo ang lumipas bago ako nakapagsalita.

"S-syempre. B-basta. Huwag ka na mag-alala sa 'kin. I can handle my selfness. Saka mabait 'yon," pagsisinungaling ko.

Yumuko ako saka umayos nang upo.

Ang totoo ay hindi ko pa 'yon nakikilala. Basta't ang nabanggit lang sa akin ni Aling Biday, Liller ang pangalan ng pamangkin niya na naghahanap ng makakasama sa trabaho nito. Mabait at matino naman daw ang pamangkin niya, at dahil kilala ko si Aling Biday ay nagtiwala ako. Nais ko rin kasi ang makalimot mula sa nangyari kay Jayrald. 

Isang taon na ang nakalipas, pero tila kahapon lamang nangyari ang bangungot na iyon sa aking buhay. Kung sa bagay, malas nga pala ako. Hindi ako dapat magmahal, at hindi rin ako nararapat mahalin. 

Kapalaran nga naman . . .

Isa pa sa ‘king dahilan kung bakit ako lalayo, ay kinakailangan kong i-give up ang trabaho ko sa shop ng Tita Ara ko. Kahit ayokong umalis doon dahil sa alaala ni Papa, kailangan ko piliin si Inay. Alam ko kasi na hindi kami magiging maayos kapag nanatili ako ro'n. Gano'n kalaki ang galit niya sa mga kamag-anak namin, dahil sa biglaang pagkawala ni Papa noon.

Nagtrabaho ako sa Milktea-han ni Tita Ara, hindi dahil gusto ko. Kundi dahil isa si Papa sa gumawa ng shop na iyon. Bukod doon ay hindi ko kinakaya ang lungkot noon, kaya ko nagawa 'yon. Pero simula no'n ay hindi na ako pinansin ni Nanay. Hindi niya kasi alam ang tunay na dahilan kung bakit ko iyon ginawa. Ang akala niya ay sinusuway ko siya. 

Mahal na mahal ko si Nanay, at sana ay maging maayos na kami sa ‘king ginawang desisyon. Dahil wala akong ibang hangad kundi ang makatulong sa kanya. Kami ni Kuya. Katulad nang ginagawa ni Papa sa kanya— sa aming pamilya noong nabubuhay pa ito. Alam ko kung gaano siya nasaktan noong nawala ito.

"Siguraduhin mo lang na magiging maayos ang kalagayan mo roon."

Napabalik ako sa kasalukuyan nang bigla iyon sabihin ni Kuya.

Tumingin ako sa kanya, "Siguradong-sigurado ako, Kuya. Saka— icha-chat naman kita agad kapag nakarating na 'ko ro'n. I always will update you." 

Napatigil ako nang muli kong marinig ang mahina niyang pagtawa.

"Tagalog na lang kasi," seryoso niyang sambit sa akin.

Nagsalubong ang aking mga kilay. Kahit na alam ko na nagbibiro lang siya.

"Kaya ba kanina ka pa tawa nang tawa ay dahil sa ingles na ilang taon kong inaral?!"

Muli siyang tumawa, na ikinabuwisit ko dahil sa pagtalsik ng laway niya sa braso ko!

"Kadiri ka talaga, Kuya! Lumabas ka na nga!" maktol ko.

"Pwede ba kasing tumigil ka muna sa pagsasalita? Mamaya ka na mag-english," tatawa-tawa niyang sabi. 

"Ang totoo, kaya ako pumunta rito ay para sabihin na— magpaalam ka kay Nanay bago ka umalis."

Unti-unting nawala ang mga ngiti mula sa 'king mga labi nang sabihin iyon ni Kuya. Bahagya akong yumuko at tumingin sa bag na dadalhin ko. Pagkaraa'y muli kong narinig ang boses nito.

"Huwag kang aalis nang hindi iyon ginagawa," dagdag niya pa.

Nag-angat ako nang tingin sa kanya. Umiling ako bago nagsalita. "Pero— galit pa rin siya sa 'kin, Kuya."

"Hayaan mo siya. Kung iyon ang pakiramdam mo, huwag mo idamay ang pagiging magulang niya sa 'yo. Tandaan mo, kahit anong mangyari, tayo pa rin dapat ang unang nagpapakumbaba sa magulang natin. Lalong-lalo na't si Nanay na lang ang meron tayo." 

Napayuko ako dahil sa kanyang sinabi. 

"Ako nang bahala kumausap sa kanya sa bagay na inaalala mo. Ang mahalaga ay magpaalam ka, total naman, wala ka na sa rati mong trabaho. Wala ka na kina Tita Ara."

Napahinga ako nang malalim. "Alam mo naman kung bakit ako nagtrabaho ro’n, 'di ba?" mahinang sagot ko.

"Oo, pero hindi ako si Inay," Tipid siyang ngumiti sa akin. "Intindihin mo na lang siya, hindi kasi biro ang nangyari sa pamilya natin dahil sa mga pangmamata nila kay Papa noon. Alam mo 'yon."

Muli akong napakagat sa aking ibabang labi. 

"Ayoko nang alalahanin, Kuya. Nasasaktan lang kasi ako." 

Yumuko ako at hindi na muling nagsalita pa. Maya-maya ay narinig ko ang tinig ni Maro na tinatawag ang aking pangalan, upang mag-imporma na nasa labas na si Aling Biday.

Hindi na ‘ko nagtagal. Agad akong tumayo at yumakap kay Kuya. Sabay kaming lumabas ng kwarto matapos kong makapagpaalam. 

Napahinto ako sa paglalakad nang tamaan ng aking mga mata si Inay habang nakaupo sa ‘ming sala. Dahan-dahan akong naglakad at lumapit dito. Huminga ako nang malalim saka kinuha ang kanyang kanang kamay upang magmano. 

Mapait akong ngumiti, nang hindi niya ako tapunan nang kahit na konting tingin. 

Naiintindihan ko siya. Kaya kahit mabigat sa ‘king pakiramdam ay pinilit ko ang magpaalam sa kanya nang maayos. Alam ko na sinabi na ni Kuya ang tungkol sa desisyon na ginawa ko. Wala man akong makitang ekspresyon mula sa kanyang mukha, ramdam ko pa rin ang pagmamahal niya para sa akin. 

Aalis ako sa amin dahil alam ko na ito ang tama. Gagawin ko ito para sa kanya. Gagawin ko ang lahat ng ito para sa aming pamilya, hindi man ako aral na tao pero kaya kong magsakripisyo— para rin kay Papa. Para sa naiwan niya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Dhana
Oh God it’s really funny!
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status