Share

Chapter 5

Reen

Habang patanda nang patanda ang tao, ay palungkot nang palungkot ang buhay nito.

Well, gano'n nga siguro talaga. Dahil  tulad ng takipsilim, sa tuwing sasapit ang dapit-hapon, unti-unti ay nawawala ito— dahil walang permanente sa mundo.

Parang sa buhay ng tao. Habang tumatagal ito'y tila nagiging isang babasagin— babasagin na dapat ingatan, sapagkat hindi natin hawak ang ating buhay. Maaring ngayon ay masaya, bukas ay malungkot na. Maaring ngayon, kumpleto ang pamilya, kaibigan, o sino mang mahahalaga sa ating buhay, maaring bukas ay wala na rin sila.

'Yan ang buhay. Hindi man pantay-pantay sa estado, iba-iba man ng layunin, maging ng katayuan— isa lang ang ating uuwian, lahat ay mawawala. Dahil

lahat ay hiram lamang.

Narito ako ngayon sa dagat, kung saan, tanaw ko ang nag-iisang bagay na nagbibigay kaalwanan sa 'king buhay. Ewan ko, pero gumagaang ang aking pakiramdam sa tuwing nakikita ko ito— ang takipsilim.

Maaga akong nag-asikaso kanina. Bago ako umalis ay nagpaalam ako sa 'king bagong kaibigan— si Liller. Ang sabi ko ay sa bar na lamang kami magkita mamaya. Nagpaalam kasi ako na mayroong kikitain na isang kaibigan, bago dumiretso sa trabaho.

Takipsilim— bata pa lamang ako, ito na ang naging kaibigan ko. Siya ang naging sandalan ko sa tuwing malungkot ako. Kakwentuhan, sabihan ng aking tunay na nararamdaman, higit sa lahat ay nagbibigay kaginhawahan sa 'king pakiramdam. Dito ko lang kasi naipapakita ang tunay na ako, sa harapan nito.

Hindi ko alam kung anong nagustuhan ko rito. Siguro, 'yung natural na ganda na dala-dala nito. Pero tulad ng buhay, naniniwala ako na kahit na anong ganda nito, ay mayroon pa ring nakatagong pangit mula sa likuran nito.

Napahinga ako nang malalim nang mapatingin sa singsing na hanggang ngayon ay nakasuot sa 'king daliri. Hindi ko alam, pero bigla ko na lamang naramdaman na umiinit ang magkabilaang sulok ng aking mga mata.

Basang-basa ang aking magkabilaang pisngi, dahil sa pagtulo ng mga luhang hindi ko maipaliwanag kung para saan. Hanggang sa bigla na lamang pumasok sa 'king isipan si Jayrald— ang unang lalaki na nagmahal, at tumanggap sa akin simula nang iwan kami ni Papa.

Minsan, hindi ko maiwasang itanong sa 'king sarili kung anong klaseng tao ba ako? Anong kasalanan ang ginawa ko . . . Hanggang ngayon kasi, ay hindi ko maintindihan kung bakit— bukod sa Kuya ko, lahat ng lalaking mahalin ko ay nawawala sa buhay ko.

Masakit para sa 'kin na iwan ng mga taong tunay na nakakakita ng tunay na ako.

"Kung nandito ka lang, edi sana— may kahati ako sa nararamdaman ko ngayon, Rald."

Napakagat ako sa 'king ibabang labi dahil sa hikbing kumawala mula sa 'king bibig. Sandali kong pinunasan ang huling luhang pumatak mula sa 'king mga mata, pagkatapos ay tumingin akong muli sa singsing na nakasuot sa 'king daliri.

"Ang hirap-hirap magpanggap. Pati sa trabaho na meron ako ngayon. Ito na naman ako. Napipilitan," Tipid akong ngumiti, saka tumingin sa takipsilim na nasa aking harapan.

"Hindi ko nais ang trabahong pinasok ko. Pero wala akong magawa. Ayoko na sana'ng bumalik pa roon, pero kailangan ko ng pera. Kailangan ko ang trabahong ito."

Ang hirap.

Ang hirap maging mahirap. Ang hirap kapag wala kang masandalan.

Ang hirap mag-isa.

Bumuga ako nang hangin, nang muli akong makaramdam ng kirot mula sa 'king dibdib.

"Ito na naman ako, nagiging tao na naman."

Gumalaw ako mula sa 'king puwesto, nang mapansin na pawala na ang takipsilim na nasa aking harapan. Tumingin ako sa 'king relo. Pasado alas-singko na pala, hindi ko namalayan ang oras.

Minsan, masarap din talaga magkaroon ng oras para sa sarili. Para kasi sa akin, mas nakikilala ko ang sarili ko, kapag nag-iisa ako.

Well, that's my own opins— opinions ba 'yon?

Okay, Reen. Stop! Wala kang matatanong dito.

Inayos ko ang bag na nakasukbit sa aking kanang balikat. Pagkatapos ay muli kong pinunasan ang natirang luha na nasa aking mukha.

Kailangan ko'ng pumasok sa bar, kahit ayoko na sanang bumalik pa roon.

Nakayuko ako nang simulan kong maglakad matapos kong ayusin ang aking sarili. Wala man ako sa kondisyon, kailangan kong pilitin maging maayos at hindi palsipikado.

Mag aalas-sais na . . .

Kailangan ko nang magmadali. Bukod sa baka ma-late ako sa trabaho, ay lumalamig na rin dito. Sa lakas ng hangin, kulang na lang ay matangay ako. Isa pa, hindi biro ang lamig na tumatama sa 'king balat. Naka-short at sleeveless lang kasi ako ngayon, pero nakasuot ako ng jacket kaya kahit papaano'y may panlaban sa lamig.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Pero maya-maya lang ay bigla akong natigilan nang mahagip ng aking mga mata ang isang bulto ng lalaki. Hahawiin ko sana ang nagulo kong buhok dahil sa hangin pero iba ang natamaan ng aking mata.

May problema ba 'to? Iba kasi ang tingin niya sa akin. Hindi naman siguro ito holdaper?

Diyos ko . . .

Napahawak ako sa 'king dibdib nang maisip ang bagay na 'yon. Wala naman siyang makukuha sa 'kin, pero paano kung—

"Ay hatdog ka!"

Napaigtad ako mula sa aking kinatatayuan nang maramdaman kong may humawak sa 'king siko. Nang makita ko kung sino ito, at unti-unting namilog ang mga mata ko.

"Nako, 'wag po! Wala po akong pera! Hindi po ako mayaman. Maawa po kayo sa 'kin!" Napapikit ako dahil sa takot na baka may gawin itong masama sa 'kin.

"Please po, please, please! Have mercyful in me—" natigilan ako nang makarinig nang mahinang pagtawa mula sa lalaking humawak sa 'king siko.

Dahan-dahan ay binuksan ko ang aking isang mata. Nang mapansin kong nasa harapan ko na ito ay mabilis akong pumikit muli. Pero, agad ko rin idinilat ito nang mapagtanto ang itsura ng lalaking nasa harapan ko!

Sh*t!

Nananaginip ba ako? Kung ganito kagwapo ang gagawa sa 'kin ng masama ay game na ako!

Hell yah!

Parang hindi siya tao. Para itong isang modelong taga ibang bansa na naligaw. At sa harapan ko pa talaga, huh?

Teka, ano kayang kailangan niya? Hindi naman ito mukhang magnanakaw o rapist. Sa totoo lang, parang— pamilyar pa nga ang mukha niya.

"S-sino ka? Who is you? M-may kailangan k-ka ba?" kanda utal kong tanong sa lalaking nasa aking harapan.

Napalunok ako nang hindi ako nito sagutin.

Wait! Pipi ba siya? Sayang naman kung gano'n. Paano na kung siya ang makatuluyan ko?

Yada! Erase, erase!

"Okay ka lang po ba?" muli kong tanong sa kanya.

Napabuga ako nang hangin nang hindi pa rin ito magsalita.

"Alam mo, you are wasted . . . wastinging— ah, basta! Sinasayang mo ang oras ko. Tabi nga!" Hinawi ko ito saka naglakad palayo sa kanya.

Sayang siya. Gwapo lang pero mukhang hindi matino.

"May kulangot ka sa ilong."

Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ang sinabi nito.

Seryoso ba ang mokong na 'to?

Dahil nakatalikod ako mula sa kanya, mabilis kong kinapa ang ilong ko kung totoo nga ba ang sinasabi niya. Nang wala akong mapansin na kulangot ay asar ko itong hinarap! Magsasalita sana ako, pero hindi na iyon natuloy nang makaramdam ako ng init dahil sa pagdikit ng aming katawan!

Hindi ko alam, pero tila panandaliang tumigil ang aking mundo. Lalo, nang maramdaman ko ang mabango niyang hininga habang tumatama sa 'king mukha.

F*ck!

Namilog ang aking mga mata nang bigla ko siyang maitulak.

"A-ano ba? S-sino ka ba? Anong kailangan mo sa 'kin?" sunud-sunod kong tanong sa kanya.

Nakagat ko ang aking ibabang labi nang ngumisi siya sa akin.

Bakit parang hindi ako nakararamdam ng inis sa kanya? Anong meron sa lalaking 'to?

"Relax, I'm not— I mean, hindi ako masamang tao," sabi nito sa mababang tono.

Hindi ako sumagot sa kanya. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, dahil sa nararamdaman ko.

Bakit parang kilala ko siya? Bakit parang nangyari na ito dati? Hindi ko lang maalala kung kailan at saan . . .

"Makikipag kaibigan lang sana ako," sabi niya pa.

Napaawang ang mga labi ko.

"Kaibigan? Siraulo ka ba? Eh, ngayon lang tayo nagkita—"

"Ayaw mo 'ko maging kaibigan?" Muli siyang ngumiti sa akin. "Sige, boyfriend na lang."

Tumikwas ang isang kilay ko dahil sa sinabi nito.

"Pinagtitripan mo ba 'ko?" Pinameywang ko ang aking isang kamay sa harapan nito.

"No," seryoso ang kanyang tono.

Syete! Bakit ang gwapo pati ng boses niya?

Chill ka lang, Reen! 'Wag masyadong malandi!

"Alam mo, sinasayang mo talaga oras ko, eh! D'yan ka na, dahil may trabaho pa 'ko—"

"Sa gabi?" putol niya sa 'king sinasabi.

Nangunot ang noo ko.

Bakit parang dismayado ang naging reaksyon nito sa sinabi ko? Anong paki niya?

"Bakit? Bawal ba maghanap buhay kahit madilim na?" tugon ko.

Umirap ako sa hangin nang hindi na siya sumagot sa akin. At nang ibalik ko ang tingin sa kanya, ay seryoso naman siyang tumitig sa akin.

Ewan ko, pero wala akong ibang nararamdaman ngayon kundi pagkailang sa kanya. Sa itsura niya kasi, parang mas bagay sa kanya ang magsuplado. Pero, ewan ko kung bakit sa dukha pa talagang tulad ko siya nangungulit!

Weird.

Tumalikod ako sa kanya at hindi na ito muling kinausap. Kung papansinin ko nang papansinin ang sinasabi at kinikilos niya ay baka hindi ako makapagtrabaho sa gabi na 'to. Ayoko sa trabaho ko, pero gusto ko ng pera. Gusto ko kumita dahil hindi ako mayaman. At kailangan.

Mabilis akong pumara ng jeep papunta sa bar na aking pinagtatrabahuhan. Nagmamadali akong pumasok sa loob nang makita ko sa 'king relo kung anong oras na. Agad kong iginala ang mga mata ko nang makapasok sa room kung saan kami nag-aayos ng kaibigan ko.

"Oh, saan ka ba nanggaling? Kanina pa kita hinihintay kaloka ka!" bungad sa akin ni Liller.

"Uh, oo nga, eh!" mahina akong tumawa. "T-traffic kasi. Oo, alam mo na— Manila, 'di ba?" Naglakad ako papalapit sa kanya. Habang nagdadadakdak siya ay nagbihis naman ako at nag-ayos.

Bahala siya riyan . . .

Huminga ako nang malalim nang tawagin na kami ni Mamaylita upang impormahan na mayroon na raw customers at pipili na raw ang mga mokong.

Si Mamaylita— hindi raw iyon ang tunay na pangalan nito, pero iyon ang tawag sa kanya ng lahat ng babaeng nagtatrabaho rito. Hindi ko na inalam ang tunay nitong pangalan. Alam ko rin naman na 'di niya sasabihin iyon.

Pumasok kami sa isang room matapos akong mapili kasama nang apat na babaeng— tulad ko, ay maganda rin! Sasamain sa 'kin ang kokontra.

Tahimik akong umupo nang mapansin ang tatlong parokyanong makakasama namin dito sa room. Ang dalawa ay may itsura, hindi ko lang sure sa isa dahil bukod sa naka-shades na ito, ay nakasuot pa ng jacket na may hood.

Ano kayang trip niya? Ito pa naman ang pumili sa 'kin. Pisti!

Panay ang pagbuga ko nang hangin, nang magsimula ang tinatawag nilang parte-parte rito sa loob ng room. Nagmamasid lang ako habang kumakanta ang isang babae na kasama kong napili rito. Nakararamdam man ako ng pagkabagot, pinilit ko pa rin ang makisama dahil ayokong ipahalata na hindi ko gusto 'tong ginagawa ko.

Bakit ba kasi hindi kami sabay napili ni Liller dito, eh . . .

Natigilan ako sa pag-iisip nang abutan ako ng maiinom ng lalaking pumili sa akin kanina. Beer sana ang kukunin ko, pero hindi na iyon natuloy nang pineapple juice ang ibigay nito sa akin.

Pineapple juice talaga? Gusto ko pa naman sanang maranasang mahilo.

"S-salamat," sambit ko kahit na hindi ko makita ang kanyang mukha.

Isang beses kong tinungga ang hawak kong inumin, pagkaraa'y muli akong natigilan nang maramdaman kong tumabi sa akin ang lalaking hindi ko mawari kung matino ba o may saltik?

Ibinaba ko ang pineapple juice na hawak ko. Umusog ako nang kaunti pakanan, dahil halos ibuhol na nito ang kanyang braso sa akin.

Tumikhim ako nang makitang nagpapalakpakan ang mga babaeng kasama ko rito dahil sa isang customer na kumakanta. Ako lang ang parang may sariling mundo, at ayokong masabihang maarte kaya nakipalakpak na rin ako.

Pinilit ko ang ngumiti at makisaya. Nang matapos ang kinakanta ng isang parokyano ay nagpaalam akong magsi-CR.

Tumayo ako at dumiretso sa banyo. Pagpasok ko ay agad akong humarap sa salamin. Hindi naman ako pumunta rito dahil naiihi o mayroong ibang gagawin. Ewan ko, pero ilang na ilang lang talaga ako sa lalaking tumabi sa akin. Iba ang pakiramdam ko sa mokong na iyon— halos ayaw magpakilala dahil sa itsura.

Ang weird niya!

Inayos ko ang aking sarili nang mapagtanto kong minuto na ang tinatagal ko rito. Inihakbang ko ang aking mga paa papunta sa pintuan, nang buksan ko ito ay bigla akong natigilan!

"S-Sir?" Hindi ko alam ang mararamdaman ko nang humarang siya sa aking daraanan.

"Bakit ang tagal mo?" Namilog ang aking mga mata nang marinig ang tanong niya.

Pamilyar ang boses nito pero dahil hindi ako sigurado kung tama ako sa 'king iniisip ay pinilit ko na lamang ang magsalita.

"S-Sir, b-bakit po?" Napahawak ako sa 'king dibdib dahil sa kaba. Mabuti na lang ay nagtatagalog ito!

May ginawa ba 'ko? Bawal ba ang magbanyo? Putragis naman na trabaho 'to!

Natahimik ako nang hindi ako nito sagutin. Pero ang katahimikang 'yon ay napalitan nang pagkagitla nang kunin niya ang isa kong kamay para ilagay roon ang isang sobreng puti.

Pagtataka ang bumalot sa akin. Lalo, nang mapansin ko ang nagpapakapal sa sobre.

Pera?

Kung tama ako mula sa 'king iniisip— bakit niya ito ginagawa?

Mabilis akong gumalaw kahit hindi ko na alam ang aking itutugon sa kanya. Maayos kong ibinalik sa kanya ang inabot nito sa 'king kamay. 

"H-hindi ko po alam kung ano 'yan, Sir. K-kaya hindi ko po 'yan tatanggapin—"

"Take it."

Ano raw? Ticket? T*nga ba siya? Hindi n'ya ba nakikita na sobre ang iniaabot niya sa akin?

"P-pero, Sir—" natigilan ako nang bigla itong umalis sa 'king harapan.

"Sir!"

Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Basta't ang alam ko lang ay naiwan akong tulala mula sa 'king kinatatayuan habang hawak ang sobreng inilagay nito sa 'king kamay.

Yumuko ako at dahan-dahan itong binuksan. Hindi ko alam, pero bigla na lang akong napahawak sa 'king dibdib nang tumambad sa akin ang tila kalahating dangkal na tig-iisang libo!

What the hill!

Para saan ito? Nagda-drugs ba 'yon? Baka miyembro 'yon ng sindikato— o 'di kaya'y may kailangan ito sa akin kaya niya binigay ang ganitong kakapal na pera. Juicecolored! Huwag naman sana . . . hindi pa 'ko handa!

Tumingin ako sa pinto kung saan kami pumasok kanina. S'yempre, doon din siya lumabas.

Nais ko mang habulin ang lalaking nag-abot sa akin ng perang hawak-hawak ko, upang sa kanya'y ibalik ito— hindi ko na ginawa. Dahil sa na-realize ko.

Pera ito. At kailangan ko. Kung ano man ang hingiin n'yon na kapalit at hindi ko kaya, saka ko na lamang siguro ito ibabalik. Pero kung wala— magagamit ko ito. Dahil wala naman talagang ibang dahilan kung bakit ako nagtitiis sa trabahong ito, kundi para kumita ng pera.

Iyon lang.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status