Share

CHAPTER 1

Chapter 1:

Bumungad sa tainga ko ang napakalakas na alarm na nagmumula pala sa aking cellphone. Pinindot ko na ito ng may kasamang iritasyon dahil sa pagputol ng aking pagtulog dahil sa nalikha nitong ingay. Kung sa bagay ako nga pala ang nag set ng alarm. Ayoko na kasing ma-late ako sa pagpasok. First day to kaya ayokong first time din maging "award winner". 

"Azen!" Narinig ko nanaman ang malakas na sigaw ni Mama hudyat na susugurin nanaman ako sa kwarto upang maghanda na para sa aking pagpasok. Ito naman si Mama tinuturing parin akong bata. I'm already 16 years old! "Not a kid anymore". Palibhasa ako ang pinakabata dito sa bahay kaya ganyan sila sa akin. 

Sabi ko na nga ba tama ang hinala ko andito na nga si Mama pilit na hinihigit ang paa ko para bumangon. As usual, I did the same thing. Palagi namang ganito sa first day of school, tinatamad na may halong excitement. Masaya ako dahil kaklase ko parin yung dalawang pangit kong kaibigan. 

Actually hindi naman sila pangit. Baka nga mas pangit pa ako sa dalawang yun eh. Pero sanay na lang talaga akong tawagin silang panget, sanay din naman sila kaya no hard feelings lang.

After almost 2 hours natapos narin ang aking preparation. Aminado ako na mabagal talaga ako kumilos lalo na kapag di ka gaanong maganda kailangan mong mag maganda para magmukha ka namang tao. Kasi di ka na nga maganda magpapakabruha ka pa, "kawawa ka self".

Yun ang rason kung bakit matagal ako kung mag-ayos. Lahat chine-check ko kung okay na ba magmula sa mga gamit sa paaralan pero ang una sa lahat syempre ay ang aking sarili. 

I parted my straight and black hair on the middle. Medyo may kahabaan ang buhok ko kaya natatagalan talaga kong suklayin ito. Hanggang bewang ko nga pala siya, wala pa akong balak ipaputol. Saka nalang siguro kapag naheart-broken na.

Tumingin ako sa aking whole body suot ang aking tuwid na tuwid na uniform dahil sa puwersado kong pagkakaplantsa kagabi. Infairness, sakto naman ang sukat niya para sa akin. Ganoon din ang bago kong sapatos at mapuputi pang medyas kahit alam ko namang mamaya magiging chocolate brown na ito. Walang iba kundi dahil sa mga mahaharot na paa ng mga kaklase kong akala mo'y kapre kung lumakad dahil pati iyong medyas kong nananahimik sa tabi ay palaging gustong-gusto nilang magmukhang basahan. Nakakainis lang talaga, ang linis mo pagpasok tapos paglabas daig mo pa nagtraining sa pagsusundalo. 

Lumaki ako nang alam ko ang lebel ng aking pisikal na hindi gaanong kagandahan.

Paano ba naman hindi lang ata 100 times ko itong naririnig sa pamilya ko, kalaro at mga kamag-anak. Tuwing pumupunta kami sa mga family gatherings and reunion palagi kaming pinagkukumpara ng dalawa kong kapatid ng aking mga demonyitang kamag-anak. Kung sa bagay di ko rin naman sila masisisi, totoo naman kasi ang sinasabi nila eh. Bakit ba naman kasi nagkakapatid pa ako ng ubod ng gaganda tapos ako? Kainis. Si ate Maxine ang madalas pinakauna nilang napapansin.

Talaga naman kasing napakaganda ni ate Maxine Reign. Matangkad, itim ang mahabang niyang buhok, maputi ang balat, malamlam at bilugan ang mga mata na may mahahabang pilik mata, may katangusan ang ilong at may maliliit na labi.

Napakahinhin ng pagkaganda niya, yung tipong parang mapipilitan kang makapagkumpisal ng kasalanan kapag nakita mo yung mala anghel niyang mukha. Dumagdag pa ang angkin niyang kabaitan. Totoong siya rin ang pinakamabait sa aming tatlo kahit na pumapangalawa lang siya sa panganay. Palaging sa kanya ako nagsasabi ng mga sikreto, kinaiinisan at mga problema in short sobrang malapit ako sa kanya.

Si ate Madja Heinz naman ang pinakamatanda sa amin. Marami ring nakakapansin sa kanyang kagandahan kaya lang mas nauuna nilang mapansin ang katarayan nito. Siya ay maganda rin, maputi, matangkad, napakatangos ng ilong, maliit ang labi, medyo mataray ang kanyang mga mata kung tumitig at higit sa lahat meron siyang mahabang medyo kulot na buhok na mas maganda sana kung kulot na kulot ang mga ito upang mas lalong bumagay sa baluktot niyang pag-uugali.

Madalas kong makaaway si ate Madja dahil talagang napakasungit niya at napakaarte rin. Palagi namang pumapagitna sa amin si ate Maxine para matigil dahil siguradong mapapagalitan kami ng aming mga magulang kapag nalaman ito. Ngunit dahil magkapatid kami madali rin naman kaming magkaayos nang hindi narin namin namamalayan. Malapit din naman ako sa kanya kung hindi nga lang kami nagkakagalit kung minsan.

Sa aming tatlo sa akin palaging pinakanagtataka ang lahat.

Ang masakit, hindi sila nagtataka dahil sa angkin kong kagandahan kundi dahil sa ako ang pinakang kakaiba sa aming tatlo. Hindi katangkaran, may maliit na ilong, maputi rin naman, may mahaba at itim na tuwid na mga buhok. Kung may katarayan si ate Madja kung tumingin di-hamak na mas mataray at malisik akong tumingin. Iyon din naman ang masasalamin sa ugali ko. Pinipilit ko lamang maging mabait sa una ngunit habang tumatagal hindi ko na kaya pang itago ang aking tunay na ugali. Ang dami nga noong nagsasabi sa akin na "ang pangit ko na nga raw pati ugali ko pangit rin". 

Hindi naman ako nagpapaapekto sa mga sinasabi sa kanila dahil kayang-kaya ko naman silang balian ng buto in a blink of an eye. Hindi ko tinuturing na kahinaan kung hinuhusgahan man ako ng iba. Natatandaan ko nga nung bata pa ako, marami sa aking nanloloko ngunit sila ang umuuwing luhaan at magsusumbong sa magulang. Ako naman patawa-tawa lang dahil sa mga kabobohan nila. Di man ako ang pinakamaganda sa aming tatlo, ako naman ang pinakamatalino at matapang sa amin. Hindi ko na kailangan ng ibang tao para lang ipagtanggol ang sarili ko.

Para akong tanga habang tinititigan ang aking sarili na may kumbinsidong mukha dahil sa aking mga naiisip. Agad ko nang pinutol ang mga namumuong saloobin sa utak ko. Nanlaki ang aking mga walang emosyong mga mata ng makita ko ang oras sa aking wrist watch. 

7:32 am na.

28 minutes bago mag start ang aming klase. Agad akong kinabahan akala ko kaunting oras lamang akong nakatitig sa salamin hindi pala. Nakain na ng pag-aayos ng aking sarili ang buong oras ko. Kaya ko inagapang gumising dahil ito ang rason tapos ngayon ito rin naman pala ang kakaharapin ko. Agad kong naramdaman ang kaba sa aking dibdib habang mabilis na isinukbit ang aking bag sa aking likuran at mabilis na umalis mula sa aming tahanan. Hindi ko na naabutan pa si Mama kaya hindi narin ako nakapagpaalam pa sa kanya, siguro'y kanina pa siya nakaalis papuntang trabaho bilang isang chef sa isang restaurant hindi ko lang talaga siya napansin.

Grabe hindi ako makapaniwalang nagpapadalos-dalos na akong kumilos ngayon gayong maaga naman akong gumising!

Basta bahala na kung anong kahinatnan ko. Mas lalo akong nakaramdam ng kaba ng maalala ko na hindi ko parin alam ang section ko at ang teacher. Patay! time consuming pa naman ang paghahanap.

Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa at handa na akong harapin kung anoman ang kahihinatnan ko ngayon. Ang tanging pinagdarasal ko na lamang na sana hindi terror ang maabutan kong teacher sa ganitong kalagayan kundi first day palang magkakaroon agad ako ng kahihiyan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status