Share

MNAB - Kabanata I: Laila

"For I am with you, no one will attack and harm you, for many people in this city belong to me."

Acts 18:10

***

Pito kami sa barkada: sina Laila, Janine, Eve, Alden, Dan, Jomari at ako --si Bianca!

Si Laila. Siya ang pinakamatalino sa barkada. Hangang-hanga kami sa kanya dahil sa dedikasyon at sipag niya sa pag-aaral. Sa kanya kami nagpapaturo kapag nahihirapan kami sa lessons o kapag may iniwang gawain ang professor na hindi naman itinuro. Minsan nga, kapag tinatamad yung iba sa aming gumawa ng assignment, siya na ang gumagawa. Sabi ng mga kaibigan namin, hindi siguro sila makaka-survive sa College kung wala siya. Magkakaiba man kami ng kurso, Laila always finds a way para makatulong sa amin.

Si Janine. She's a bitchy partygoer. Marami sa schoolmates namin ang naiinis sa kanya kasi maarte raw siya. Marami na rin siyang nakasabunutan at nakasampalan. Wala ngang panama ang mga iyon sa kanya. Marami-rami na rin ang naagawan niya ng boyfriend. Marami na siyang pinaiyak na mga lalaki. Pero kahit na ganoon, madalas mang bad girl ang image niya, at hindi siya naiintindihan ng karamihan, she has a good heart. Sa tingin ko, defense mechanism niya lang yung bad girl image niya para maitago lahat ng fears at weaknesses niya. She is indeed a person whom you can trust, at puwede mo siyang sabihan ng sikreto mo. 'Pag may sinabi ka sa kanya, she will not spill it, believe me!

Si Eve. Siya yung tipong sobrang prangka. Hindi siya natatakot to speak her thoughts. Minsan nga, wala nang pakundangan yung bibig niya. Kapag pinagsabihan mo naman, deadma lang. Iniintindi na lang namin siya kasi marami na rin naman siyang naitulong sa amin. Siya yung taga-kumpronta kapag may naririnig na tsismis tungkol sa amin, lalo na kung tungkol kay Janine. Si Janine kasi yung pinakamalapit sa kanya; kumbaga, best friend niya. Halos magkapareho kasi sila ng ugali. Ayaw niyang naa-agrabyado ang kahit na sino sa amin. Sobrang tapang niya, at natatakot sa kanya kahit na yung mga lalaki.

Si Alden. Siya ang boyfriend ni Eve. Kung si Eve yung tipong parang leon, si Alden naman yung parang tupa sa barkada namin. Minsan nga napapaisip ako kung nagagalit kaya siya. Hindi ko pa kasi nakitang na-bad trip siya o narinig na sumigaw siya. Paano kaya siya magalit? Lagi kasi siyang kalmado at malumanay kung magsalita. Marami ngang nagtataka kung bakit sa dinami-rami ng babaeng puwede niyang mahalin, si Eve pa yung napili niya. Sa relationship nila ni Eve, totoo nga siguro yung kasabihang, "Opposites attract." Sa katunayan, nagkagusto nga siya sa akin at nagtangkang manligaw noong high school kami. Hindi ko lang pinansin kasi wala naman sa isip ko iyon. Alam ni Eve yung tungkol doon. Madalas nga niya akong pagselosan at minsan niya na ring nasabi sa aking ang tanga-tanga ko kasi hindi ko sinagot si Alden dati.

Si Dan. Siya yung first runner-up sa pagiging "Mr. Nice Guy" sa barkada namin. Alam ninyo na kung sino yung title holder. He's caring like Alden. Mas matanda siya sa amin ng tatlong taon kaya siya yung tumatayong kuya ng barkada. Madalas kaming magkasama. Magaan ang loob ko sa kanya. Maraming nagsasabing bagay raw kami. Natatawa na lang kami kapag nakaririnig kami ng ganoong komento sa iba. Sabi niya, kapatid lang ang turing niya sa akin. Ganoon din naman ang tingin ko sa kanya.

Si Jomari. I have known him since we were kids. Siya yung tipong seryoso sa maraming bagay. Lagi siyang nandiyan kapag kailangan mo ng tulong. Tahimik siya madalas at malalim kung mag-isip. Kumbaga, he's a man of few words. Pero kahit na ganoon, madali naman siyang nalalapitan. Sa totoo lang, hindi siya suplado. Akala lang ng iba ganoon siya kasi nga hindi siya pala-salita. 'Pag nakilala mo naman siya nang lubos, masasabi mong napakabuti niyang kaibigan at handa ka niyang ipagtanggol kahit kanino.

Ako... Ako naman si Bianca. Kahit na sabihin nating may kanya-kanya kaming role sa barkada, in the end, ako yung nagiging shock absorber ng lahat. Iyan ang papel ko. Ako yung hingian nila ng advice. Sa akin sila tumatakbo kapag 'di nila kaya yung bigat ng isang sitwasyon, kung may problema sila sa pamilya, sa love life, sa eskwela at kung anu-ano pa. Sa akin sila kumukuha ng lakas, lalo na ngayong humaharap kami sa matinding problema. Ano yung problema?

Sa maniwala kayo't sa hindi, apat na ang nalagas sa amin matapos magpunta ng iba sa isang bulung-bulungang manghuhula sa University. Hindi nito hinuhulaan ang love life mo; kung makapag-aasawa ka ba ng foreigner at makapupunta ka sa ibang bansa, 'di kaya ng matandang mayamang madaling mamatay at makapagmamana ka ng limpak-limpak na salapi; o kung ano ang magiging career mo in the future, kung magiging successful ka ba sa buhay mo, kung yayaman ka kaya tulad ni Henry Sy. Hinuhulaan nito ang PETSA NG KAMATAYAN MO at KUNG PAANO KA MAMAMATAY.

SI LAILA. Paranoid siya nang magpunta sa tambayan namin.

Kasalukuyan pa naman kaming nagkakasiyahan. Nagtatawanan sila kasi may bading na humipo sa puwet ni Dan habang nakapila kami sa canteen at bumibili ng makakain. Sabi ni Dan, kundi nga lang maganda yung bading, inupakan niya na iyon. Kinuha noon ang number niya; ibinigay niya ang kay Alden, kaya lalo silang nagtawanan. Naka-ready lang daw ang bibig ni Eve anytime na makipag-text si Alden sa magandang bading. Sabi ni Alden, hindi siya magkaka-interes sa kahit na sino bukod kay Eve kasi good boy raw siya. Hinalikan ni Eve ang mga labi niya. Nakita kong nag-make face si Dan at muntik nang maisuka ang kinakain.

Nagtaka ang lahat sa kakaibang ikinilos ni Laila. Inilapag niya ang mga dala-dala niyang libro sa mesa, umupo sa tabi ko, at tinitigan ako. Kinilabutan ako sa titig niyang iyon. Hindi ko na natuloy yung pagkain ko ng hotdog sandwich kasi natakot ako bigla. Nabasa ko sa mga mata niyang may 'di maganda siyang pinagdadaanan. Ano kaya ang problema niya?

"Mamamatay na ako bukas!" sabi niyang takot na takot.

Nakuha niya ang atensyon ng lahat, lalo na ni Dan, na nasa tapat namin at kasalukuyang kumakain ng paborito nitong burger. "Huh?" pagtataka nito.

"Isang mad man! Sasaksakin ako!" bulalas ni Laila.

Napakunot-noo ako kasi, sa totoo lang, nawirduhan ako sa sinabi niya. Tiningnan ko ang iba, at iba-iba rin ang reaksyon nila: may nagtataka at naguguluhan, mayroon namang natawa na lang.

"Ano ba'ng pinagsasasabi mo?" naguguluhang tanong ni Jomari sa kanya. "Nakatulog ka ba nang maayos kagabi? O baka gutom ka lang?" dagdag nito. Nagawa pa nitong alukin si Laila ng kinakaing tinapay, pero tumanggi ito.

"Hindi ako gutom," sabi ni Laila. "Mamamatay na ako bukas!" ulit niya.

Sino nga ba naman ang hindi maguguluhan? Si Laila, na halos araw-araw na lang puro words of wisdom ang lumalabas sa bibig, biglang magsasalita ng kakaiba? Na ano raw? Na mamamatay na siya? Kailan, bukas? Paano naman mangyayari iyon? Wala namang makapagsasabi kung kailan tayo mamamatay e! Bigla na lang iyong dadating, animo'y simbilis ng kidlat. At sa oras na tamaan ka, wala ka nang kawala.

Tumitig si Laila sa kawalan na parang isang baliw. "Sabi ni Jude mamamatay na ako bukas. Sabi niya... Sabi niya... Sabi niya nakita niya kung paano ako patayin! Sabi niya sasaksakin ako ng isang baliw!" sabi niya habang tulala.

"Bakit ba kasi nagpapapaniwala ka sa sinasabi ni Jude?" singit naman ni Eve na nakakiling sa braso ni Alden, mukhang diskumpiyado.

"Don't believe him. He's a freak!" si Janine, kasunod ang malutong nitong pagtawa.

Pinansin ko ang mukha ni Jomari. Hindi ito natuwa sa komento ni Janine tungkol kay Jude, pero nanatili na lang na tahimik. Ganoon naman siya madalas. Sabi niya nga sa akin, sumusunod siya sa prinsipyong, "Kung wala kang magandang sasabihin, manahimik ka na lang."

Mula sa kawalan, lumipat ang tingin ni Laila sa akin na katabi ko noong mga sandaling iyon. "Bianca, natatakot ako," sabi niya.

Gusto kong pagaangin ang nararamdam niya, pero ewan ko ba! Napipi na yata ako. Gusto ko pa naman sana siyang sabihan ng, "For I am with you, no one will attack and harm you, for many people in this city belong to me," na madalas niyang sinasabi sa amin. Naniniwala kasi siyang as long as God is with us, no one can bring us harm. Naniniwala rin ako roon, pero wala akong nagawa noong sandaling iyon kundi titigan siya at humiling na sana nga hindi totoong mamamatay na siya bukas.

Sinundan iyon ng pagsabi niya ng, "A-a-ayaw ko nang pumasok! Magkukulong na lang ako sa bahay!" Tumayo siya sa kinauupuan at nagmadaling umalis dala-dala ang mga libro niya. Hindi na namin siya napigilan.

Nakita kong umikot ang mga mata ni Eve. "Pathetic!" bagama't hindi narinig ng iba, nabasa ko iyon sa bibig niya. Si Janine naman, may pahabol pang, "Freak!" para kay Laila.

Nagkatinginan kami ni Dan. "Sundan natin," sabi ko sa kanya. Itinigil niya ang pagkain at iniwan na lang yung burger sa mesa. Binigay ko naman kay Jomari ang hawak kong hotdog sandwich. Tumayo kami ni Dan sa kinauupuan at nagtangkang habulin si Laila, pero mabilis siyang nawala at 'di namin alam kung saan siya hahanapin sa laki at lawak ng University.

"Text her," utos ni Dan. "I'll text her, too."

Kinuha ko ang cell phone ko mula sa bulsa ng pambabang uniporme ko at tinext si Laila, "Wer r u?" Pero lumipas ang ilang oras, hindi ako nakakuha ng sagot mula sa kanya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status