Share

MNAB - Kabanata II: Janine

Noong gabing iyon, nanaginip ako. Naglalakad daw ako sa isang palapag ng University. Nakasalubong ko si Jude. Binati ko siya, pero hindi niya ako pinansin. Maya-maya, lumitaw si Laila sa panaginip ko. Nilapitan niya ako.

“Bianca!” pagtawag niya sa akin. “Nagpahula ako,” sabi niya.
“Nagpahula?” tanong ko.
“Kay Jude!” masiglang sagot niya. “May nakita kasi ako sa locker ko,” sabi niya.
“Ano iyon?” tanong ko.
“Ito o,” inabot niya sa akin ang isang maliit at pulang papel. Nakatiklop iyon. Nang buklatin ko, may nakasulat doon.

Gusto mo bang malaman kung paano ka mamamatay?

Nagulat ako sa nabasa ko kaya nabitawan ko iyon at nalaglag sa lupa.

Pinulot ni Laila iyon habang nagtatanong, “Gusto mo rin bang magpa-hula?” At nang umahon siya, nakita kong duguan ang ulo at mukha niya! Napasigaw ako dahil sa takot.

Kinaumagahan, ginising ako ng isang tawag sa cell phone ko. Maaga pa; 5:35 ang oras nang tingnan ko ang alarm clock. Nabaling ang tingin ko sa bintana; may kaunting liwanag sa kalangitan. Napabangon ako sa kinahihigaan. Kumikirot ang ulo ko. ‘Di ko alam kung dahil sa napanaginipan ko o dahil sa maling paggising ko.

Nakita kong naka-flash sa screen ang pangalan ni Jomari nang kunin ko ang cell phone kong nakapatong sa ibabaw ng drawer at katabi ng alarm clock. Katabi ng drawer ang kama ko.

“Hello?” pupunghap-punghap na sagot ko habang nakaupo sa kama. Hindi ako sanay na magising ng ganitong oras.
“Bianca, patay na si Laila,” ibinalita niya. Biglang na-blangko ang utak ko.
“Ano?!” Hirap pang mag-proseso ang utak ko, kaya pinaulit ko sa kanya ang sinabi niya.
“Wala na si Laila,” sabi niya.

Nagising ang natutulog na diwa ko dahil sa balitang iyon. Hindi ako makapaniwala. “Ano?! Jomari, huwag ka ngang ganyan!” naiirita kong sinabi.

“Laila’s dead!” matigas niyang pagkakasabi, mukhang gusto talaga akong kumbinsihing wala na nga ang kaibigan namin. Nagpatuloy siya, “Tinawagan ako ni Dan kanina, umiiyak. May tumawag daw sa kanyang pulis kanina. Kinontact siya ng pulis kasi nakita sa na-recover na cell phone ni Laila na siya yung huling nag-text sa kanya.”

Habang sinasabi ni Jomari iyon, naramdaman kong umaagos na sa pisngi ko yung mga luha ko. Magkasama pa kami ni Laila kahapon! Nag-usap pa kami! Bakit... bakit ganoon? Bakit wala na siya?!

“Nasaan na si Laila ngayon? Alam na ba ng parents niya? Nasaan ka? Si Dan?” pasinghot-singhot na itinanong ko.
“Nandito kami sa Paradiso,” sagot niya.

Paradiso. Iyon yung sikat na morgue, at the same time, funeral house rin dito sa lugar namin.

“Hindi pa siguro alam ng parents niya. Hindi ko lang alam kung nasabi na ni Dan, pero nabanggit niya kaninang hindi niya alam kung paano sasabihin kasi ang alam niya, out of the country raw yung parents ni Laila, at hindi naman niya alam yung contact number. Kasama ko si Dan; kami lang nandito. Kinontact na namin sina Alden. Papunta na raw sila. Puntahan mo na kami, ngayon na.”

Parang sasabog yung dibdib ko sa mga sinabi ni Jomari. “Sige, susunod ako. Susunod ako riyan! Hintayin ninyo ako,” sabi kong humihikbi. Pinahid ko ang mga luha ko pagkatapos.

Hindi na ako naligo. Dali-dali akong kumuha ng damit sa damitan ko, at isinuot ko na lang kung ano’ng nahablot ko. Nagbihis ako agad at nagtali ng buhok. Dinala ko yung pitaka ko, tapos inilagay ko iyon sa bulsa kasama ng cell phone ko. Umalis ako sa bahay nang hindi nagpaalam. Tulog pa rin kasi sina mama at papa kaya wala rin akong mapagsasabihan.

Napatingin ako sa bahay nina Jude pagkalabas ko. Sumagi sa isip kong kakausapin ko siya at tatanungin uli tungkol sa ginawa niyang hula kay Laila 'pag nagkaroon ako ng pagkakataon. Sumakay na ako sa jeep at bumiyahe iyon. Nagmadali akong nagpara at bumaba sa jeep nang mapadaan na iyon sa Paradiso.

Nakita kong nasa labas si Dan. Namumula ang mga mata niya, halatang kagagaling lang sa pag-iyak. Niyakap ko siya pagdating ko, at tumakas na naman sa mga mata ko yung mga luha ko.

“Bianca, wala na si Laila,” sabi niyang pasinghot-singhot.

“Gusto ko siyang makita!” sabi ko. Agad-agad kaming pumasok sa Paradiso, at dumiretso sa isang silid kung saan nakalagak ang mga labi ni Laila. Naroon sa loob si Jomari.

Hindi ko napigilan ang nararamdaman ko nang makita kong nakahiga roon si Laila. Natatabunan ng puting kumot ang katawan niya, hindi kasama ang mukha. Napatakip ako ng bibig at umiyak nang makita kong wala nang buhay ang kaibigan namin. Nilapitan ko siya at tinawag ang pangalan niya, “Laila! Laila!”

Inalog ko ang katawan niya, pero hindi siya rumesponde. “Ano ba’ng nangyari?” tanong ko sa mga kasama ko sa silid. Hindi ako sinagot nina Dan at Jomari, at nagpalitan lang sila ng tingin.

‘Di nagtagal, dumating sina Alden, Eve at Janine. Nasa labas na kami ng silid, kami nina Dan at Jomari, nang dumating sila. Niyakap ako ni Janine na umiiyak pagdating na pagdating pa lang nila. Nakita ko ang pag-aalala sa mukha ni Alden. Si Eve naman, nakasuot ng shades; pakiwari ko gusto nitong ikubli ang lumuluhang mga mata. Pero ako? Wala akong pakialam. Hindi ako nahihiyang makita ng mundo ang pagluluksang ginagawa ko para sa kaibigan ko. Pumasok na sila sa silid at ilang sandali pa, nakarinig ako ng malalakas na pag-iyak. Alam kong galing kina Janine at Eve iyon.

 “Oh my God! Oh my God! Laila!” pagtangis ni Janine.

Nagulat kaming lahat sa pagkamatay ni Laila. Habang naghihintay kami ng darating na kamag-anak nito, napag-usapan namin yung tungkol sa naging hula ni Jude, at hindi inakala ng barkada na magkakatotoo ang sinabi nito.

Ang sabi ni Dan, kagabi, nagkausap pa raw sila ni Laila sa text, at nagpapasundo raw yung kaibigan namin sa kanya. Bukod kasi kay Alden, siya yung may kotse sa amin. Ayaw naman daw abalahin ni Laila si Alden, at hindi ito komportable na makipag-usap sa iba dahil sa nangyaring pag-freak out nito.

Coding ang kotse nina Laila, at hindi naka-duty ang driver nila 'pag coding. Hindi naman din kasi siya sanay na mag-commute. Wala ring maghahatid sa kanya kasi out of the country pala yung parents niya. Nagpaalam din kasi yung dalawang kasambahay nila. Yung isa, may sakit ang anak kaya hindi muna makapapasok. Yung isa naman, umuwi sa probinsya kasi dumating yung kapatid na nasa abroad.

Ang reply naman ni Dan, hindi niya masusundo si Laila gamit ang kotse, kasi coding din ang kotse niya. Kung gusto raw nito, dadaanan na lang niya ito at magco-commute sila. Pumayag naman si Laila at nagsabing daanan siya ng alas-tres ng madaling araw dahil iyon yung call time niya.

Nawala na raw sa isip ni Dan na nagpapasundo si Laila, at puyat din siya dahil nag-inuman sila ni Jomari kagabi. Naalimpungatan na lang siya nang may tumawag na pulis sa kanya bandang alas singko ng madaling araw at iniimbita siya dahil patay na ang kaibigan namin.

“Kasalanan ko ito e! Kung nasundo ko lang siguro siya, hindi siya magkakaganoon!” pagsisi ni Dan sa sarili niya.
“Are you dumb, Dan?” tanong ni Eve sa kanya. “Bakit sinisisi mo ang sarili mo? Kung mayroon mang dapat sisihin dito, walang iba kundi yung pumatay sa kanya!”
“Yung mad man...” isip ko.

May rumorondang tanod noong mga oras na nakita ang katawan ni Laila. Dalawang oras na siguro ang nakalipas mula nang mangyari ang krimen. Iyon ang tumawag sa mga pulis. Sabi ng mga pulis, kung sinumang pumatay kay Laila, hindi na nila iyon naabutan sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

“Ang dami niyang saksak sa katawan. Walang awa ang gumawa sa kanya nun!” nanlulumong sinabi ni Jomari.

Sumang-ayon ako. Wala talagang awa! Walang puso at walang kaluluwa! Anong klaseng tao siya? Isa nga talaga siyang baliw!

Habang nagpapakalma ang iba, niyaya ko sina Dan at Jomari na lumabas ng Paradiso para magpahangin. Naikuwento ko sa kanila yung panaginip ko.

“Kanina nanaginip ako. Naglalakad daw ako sa isang floor sa University. Hindi ko alam kung anong floor, tapos nakasalubong ko si Jude.”
“Napanaginipan mo ang pinsan ko?” tanong ni Jomari.
“Binati ko raw siya, pero ‘di niya ako pinansin. Maya-maya, nandoon na si Laila. Nilapitan niya ako at may ipinakita siyang papel.”
“Anong papel?” tanong ni Dan.
“Kulay pula. May nakasulat. Sa pagkakatanda ko, ang nakalagay e ‘Gusto mo bang malaman kung paano ka mamamatay?’ Parang ganoon.”

Nagkatinginan sina Dan at Jomari. Nagpatuloy ako,

“Nabitawan ko yung papel kasi natakot ako. Pinulot iyon ni Laila. Pag tingin ko sa kanya, duguan na siya.”
“Baka naman marami kang iniisip, Bianca, kaya ganoon yung napanaginipan mo,” palagay ni Dan.
“Siguro nga,” sagot ko.
“Bakit kaya nandoon si Jude sa panaginip mo?” tanong ni Jomari.
“Baka siya yung naglagay ng papel sa locker ni Laila,” isip ko. Napataas ako ng magkabilang balikat. “Hindi ko alam.”

Comments (1)
goodnovel comment avatar
clara pascual
grabe ung hula
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status