Share

Kabanata 2

Gisselle

Walang imik akong bumaba ng sasakyan pagdating namin sa police station. Napansin ko pa na ako lang ang nag-iisang nadampot doon, and the rest ay puro mga naka-uniporme na ang kasama ko roon. 

Tila ba biglang nanikip ang dibdib ko habang pinalilibutan ako ng mga pulis. Sari-saring alaala ang bigla na lamang rumagasa sa isip ko na ikinahilo ko na lang bigla. Shocks. 

“Sir, may isa kaming nahuli.”

Nabigla ako nang pagpasok namin ay agad nila akong pinaupo sa tabi ng lamesa ng tila pinuno nila rito. Kumunot ang noo ko at humalukipkip agad nang mag-angat ng tingin sa akin ang lalaking abala sa binabasa nito sa hawak niyang papel. 

Ramdam ko ang titig nito sa akin ngunit nagmatigas akong hindi ito lingunin. Pinanatili ko ang mga mata sa blangkong pader nila rito upang huwag tuluyang atakihin ng anxiety ko, habang pilit na iwinawaksi sa isip ang mga alaala ng nakaraan na hanggang ngayon ay nagbibigay takot at pagkabalisa sa akin. 

Tila ako hindi makahinga nang maayos at nahihilo dahil sa sitwasiyon ko ngayon. 

Saglit na nag-usap ang mga ito patungkol sa pagkahuli sa akin at kung ano ang nangyari. Doon ko nalaman na nahagip pala ng ilaw ng flashlight nila ang sasakyan ko kaya nakita nila mula sa malayuan. 

“Miss, ano ang pangalan mo?” makaraan ay tanong nito sa akin na hindi ko pa rin nililingon. 

Napapaypay ako sa sarili dahil tila ako namamawis nang malamig. Damn, damn, damn.

Nang mapansin nito na wala ako sa sarili ay pinaalis niya muna ang mga kasamahan niyang nagdala sa akin dito. Tumahimik ang paligid, ngunit ang lakas ng tibok ng puso ko ay rinig na rinig ko pa rin, lalo na nang makita ko ito mula sa gilid ng mata ko na tumayo at naupo sa katapat kong upuan. 

Mas lalo akong napaiwas nang makita ko kung gaano ito katangkad na mama. Kahit hindi ko tingnan ay halatang may edad na ito at moreno, mga katangian na ayaw na ayaw kong makita sa isang lalaki lalo na kapag pulis. Sunod-sunod ang paglalim ng hininga ko at napakuyom na ng kamay. 

“Ah, Miss? Huwag kang matakot, hindi ka naman namin sasaktan dito. Nais ko lang kunin ang impormasiyon mo para mai-record ko na,” mayamaya’y marahan nitong wika. 

Napahinga tuloy ako nang malalim upang piliting kalmahin ang sistema. 

No, matapang ako noon at hindi ganito kaduwag at natatakot. Hindi ako duwag. Hindi kailanman.

“G-Gisselle Leanne Montehermoso y Louise, eighteen years old,” utal kong turan na ikinatigil nito. 

Mayamaya’y napa-ayos ito ng upo at kumuha ng tubig sa water dispenser sa likod niya. Agad niya iyong inabot sa akin na tinanggap ko naman dahil tila ako natutuyuan ng lalamunan.

“Naka-inom ka ba?” 

Tumango agad ako nang walang pag-aalinlangan. 

“At nagmaneho pa ng sasakyan?” kunot-noo niyang pagtatanong na muli kong ikinatango. Hindi niya iyon nagustuhan at napailing-iling pa. “Alam mo bang delikado ’yang ginawa mo? Kung nagkataon na naaksidente ka habang papunta rito ay wala ka sana rito sa harapan ko,” aniya na agad din niyang ikinatigil. “No, I mean—hindi ka man lang ba napansin ng mga kasamahan ko?”

Muli akong napahinga nang malalim. “Hindi naman masyadong nakakalasing ang ininom ko kanina sa bar, isa pa ay ilang shot lang ’yon kasi may sentido kumon naman ako na magmamaneho ako mamaya pauwi. Kahit amuyin mo pa ang bibig ko ay halos amoy juice lang ito, Sir. Ang mga kaibigan ko lang ang nagpakalasing kanina,” paliwanag ko na hindi niya pa rin tinanggap. 

“Kahit na. Maaari mo pa ring mailagay sa kapahamakan ang buhay mo at ang iba dahil sa pag-iinom mo na ’yan. Nasaan ba ang parents mo? Eighteen ka pa lang and you are already drinking? Nakakapag-bar ka na rin. Dapat sa ’yo ay nasa paaralan at nag-aaral nang mabuti. Hindi rin maganda ang pagsisinungaling sa mga pulis na tulad namin kapag tinatanong ka nang maayos. Wala ka namang trabaho ngayon, isa pa ay ano ang ginagawa mo sa kalsada nang gabi? Babae ka pa naman,” mahabang litanya nito na halos lihim kong ika-irap. Parang tatay ko rin pala ang isang ’to. 

Nakakarindi na. 

Marahan akong napalunok nang magtama ang tingin namin. Punong-puno ng kaseryosohan ang mukha nito na kung huhusgahan ko ngayon ay sigurado akong hindi ito basta-bastang lalaki. 

“Legal na ako, Sir. It means puwede na ako pumasok sa mga bar. Nag-aaral din po ako nang mabuti kahit pa matigas ang ulo ko at tatamad-tamad minsan, honor student po ako mula pa noon. Isa pa ay tumambay lang naman po ako roon sa gilid ng kalsada para magpahinga, ayokong umuwi sa bahay.”

“Paiiralin mo pa rin ang katigasan ng ulo mo kahit pa alam mong may curfew?” agad niyang sabat na siyang nagpatikom sa bibig ko. 

Umiwas ako ng tingin at mariing kinutkot ang palad habang nakatungo. Naramdaman ko ang pagtigil din nito at bumaba ang tingin sa mga paa ko na ikinailang ko. 

Damn, siguro ay nagbabalak din siya ng masama sa akin. Kaya nga kahit kailan ay wala akong naging tiwala sa mga tulad nila, lalo na sa ama ko na balasubas din na pulis. Napakayabang n’yon noon, ayon na rin sa ina namin, at imbis na magprotekta—lalo na sa isang babae na tulad ni Mom na walang kalaban-laban ay pinagnasaan pa at ginahasa. Kaya nga kami nabuo ni Kisses. Kahit ang mga aunt at uncle ko ay nagkukuwento sa amin noon kung gaano kawalanghiya noon ang ama namin ni Kisses. 

Nasaan ang katinuan ng ama ko noong naninilbihan pa ito sa mamamayan—kung nanilbihan man ito? Puro lang sila yabang at pangingikil sa mga tao. Numero uno ring nangmomolestya ng mga kababaihan at madaling suhulan ng pera. Kung ganito lang din ang mga pulis na mayroon dito, mas mabuti pang manahimik na lang ako sa sulok at baka sa susunod ay hindi na rin magtagal ang buhay ko rito. 

“Nasaan ang panyapak mo? Malamig ang tiles at marumi pa. Marurumihan ang mga paa mo.”

“Parusahan mo na lang po ako ng pagkakakulong kung iyon ang nararapat sa akin, Sir. Huwag pati paa ko ay uusisain mo pa,” matigas kong sambit na ikinatigil niya sandali. 

“I see,” blangko niyang turan at napatayo. Naupo itong muli sa swivel chair niya at may sinulat sandali. Mayamaya’y iniabot niya sa akin ang papel at ballpen na ikinatingin ko rito. “Isulat mo ang buo mong pangalan at edad. You will stay here for awhile. Hindi ka makukulong pero kailangan mong mag-community service for one month bilang parusa sa paglabag sa curfew at pagmamaneho nang nakainom. Araw-araw ’yan, and since nag-aaral ka pa ay magsisilbi ka rito pagkatapos ng klase mo, at kapag walang pasok ay dapat nandito ka. No excuses aside from health issues...”

“A-Ano? Community service, Sir? How about my studies? Kapag may activity kami, paano ako makakagawa ng ipinapagawa sa akin? Baka maapektuhan ang pag-aaral ko!” sunod-sunod kong tanong habang hindi makapaniwala. 

Nai-imagine ko ang sarili na nagwa-walis sa kalsada sa ilalim ng tirik na araw, naglilinis ng banyo, at kung ano-ano pang mga gawain na hindi ko naman ginagawa noon pa. Mas gugustuhin ko pa atang makulong ng ilang buwan o taon kaysa gumawa ng mga nakakapagod na gawain. 

Kita ko ang pag-angat ng sulok ng labi nito at pinagsiklop ang mga daliri sa ibabaw ng mesa niya. “Maapektuhan talaga ang pag-aaral mo dahil gumawa ka ng kalokohan ngayong gabi. Now, face the consequences. Ayoko ng maraming dahilan. Ako mismo ang magbabantay sa ’yo para masiguro kong nagagawa mo nang maayos ang ipinagagawa namin sa ’yo. Kapag tumakas ka at gumawa ng kalokohan ay madadagdagan pa ng isang buwan ang parusa mo. Don’t worry about your schoolworks, makakagawa ka naman n’yon dito kapag wala pa kaming ipinagagawa sa ’yo.”

Napatanga ako at lihim na nahintakutan sa sasapitin ko rito. Ibig sabihin ay isang buwan ko silang makakasama rito, na halos puro mga kalalakihan? May mga babae naman pero parang mga lalaki na kung kumilos. 

Papaano kung maulit na naman ang nangyari sa akin noon? Papaano kung molestyahin nila ako rito at pagbantaan ang buhay? Damn, akala ko kanina ay ikukulong nila ako. Hindi ko inaakala na may mga ganito pala silang pakulo...

Inis na lamang akong napahilamos ng mukha gamit ang palad habang tahimik na naka-upo sa upuan nila rito. Sising-sisi ako na nagmatigas pa ako kanina, inakala ko na walang makakapansin sa akin doon sa tago at madilim na parte ng pesteng gilid ng kalsada na ’yon. 

“Inaantok ka na ba? It’s already twelve o’clock. Pauuwiin ka namin ngayon dahil may pasok ka pa bukas, but make sure to come back here after your class, Miss,” aniya na hindi ko alam kung ikatutuwa ko ba o hindi. Ayoko nang magtagal pa rito ngayon. “May numero ka ba ng guardian mo para matawagan ko’t sunduin ka rito? Hindi kita hahayaan na umuwi nang mag-isa ngayon at baka mapahamak ka pa.”

Wala akong nagawa kundi ang ibigay ang numero ni Mom sa pulis na hindi ko naman kilala, at wala rin akong balak na kilalanin. Ngunit imbis na si Mom ang sumagot ng tawag ay naulinigan ko ang boses ni Dad mula sa phone ng pulis na lalaki. 

Kinausap nito sandali ang ama ko habang lihim akong nabuburyong sa kinauupuan. 

Hindi naman nagtagal ay nasumpungan ko rin ang madilim na mukha ng ama ko na pumasok sa presinto. Agad na tumama ang matatalim na tingin nito sa akin na ikinaiwas ko lang ng tingin. 

“What the heck, Gisselle? Eto na nga ba ang sinasabi ko sa ’yo. Katigasan ng ulo mo!” pagalit nitong bulong sa akin na ikinaiwas ko lalo. 

Ilang saglit pa ako nitong tinitigan nang masama, bago harapin ang pulis. Nag-usap sila patungkol sa community service ko na ikinalumo ko nang sobra. 

“Okay, okay. Good for my daughter. Simula bukas ay ako na mismo ang magsusundo sa kaniya para idiretso rito, just to make sure na hindi siya makakatakas. Kapag nagpasaway pa ito rito ay pahirapan n’yo lalo dahil napakatigas ng ulo niyan at hindi nakikinig kahit sa mismong mga magulang. Palaging late kung umuwi at naglalasing na. Tsk...”

I ended up in my room after that. Inis na inis ako dahil sa mga ngisi ni Dad na para bang inaasar ako. Is he happy because that old police officer punished me? Tiwala siya roon? E, hindi naman namin pareho kilala ang pulis na ’yon! Papaano kung manyakis pala iyon o kung ano pa man? 

“Ano, ngayon mo ilabas ang tunay mong ugali, Gisselle. Matapang ka, ’di ba? Tiklop ka naman pala sa officer na ’yon.” Halata ang pang-aasar sa tono ni Dad na lihim kong ikina-irap. 

Nagtalukbong ako ng kumot para isipin nito na matutulog na ako. Heto na nga ba ang sinasabi ko. Kaya ayoko rito sa bahay na ’to. 

Malalim akong huminga at mariing ipinikit ang mga mata. Isang buwan na parusa lang naman ’yon, kung hindi ko masyadong iisipin ay mabilis lang din lilipas ang isang buwan na nakatapak ang isang paa ko sa impyerno. 

Pagkatapos ay balik sa dating routine ulit ako. Tiyak na hindi rin naman magtatagal ’yang curfew na ’yan. 

Madaling araw pa lang nang bumangon na ako para sana sa pagpasok. Pero naisip ko na wala nga pala akong balak na pumasok ngayon. Tuloy ay bumalik ako sa pagkakahiga at sumimangot. Wala pa akong tulog na maayos. 

Hindi rin naman mahalaga ang presensiya ko roon sa school dahil tapos na ang trabaho ko sa props nila. 

Mabilis akong nagmulat ng mga mata nang may maalala. Agad kong kinuha ang phone ko at nagbukas ng F******k account. Nag-browse lang ako roon nang ilang saglit, bago napagpasyahang mag-chat kay Thea na nasa katapat na bahay lang.

Nalaman ko na papasok pala talaga ito para suportahan ang grupo namin, lalo’t leader siya. Nag-isang linya ang labi ko’t inilapag sa bedside table ang phone. Whatever. 

Dito na lang muna siguro ako magpapalipas ng ilang oras. 

“Gisselle?” 

Napaigtad ako at napatingin sa pinto nang may marinig na malalim na boses. 

Agad akong nagtulog-tulugan at nagtalukbong ng kumot. 

“I know you’re awake. Nag-online ka kanina. I saw it,” dagdag pa nito na ikinairap ko. 

Wala akong nagawa kundi ang pagbuksan ito ng pinto. 

“What, Dad?” 

“It’s already six o’clock. Seven ang pasok mo, why aren’t you preparing? Wala kang balak pumasok, ’no?” tamang hinala nito na ikinabanas ko lalo. 

Humalukipkip ako at nag-iwas ng tingin. “Hindi sa ganoon, Dad. Na-late lang ako ng gising, pero papasok ako...”

Agad ako nitong pinutol na tila hindi bumenta sa kaniya ang mga alibi ko. 

“You don’t want to go to school today? Okay, madali akong kausap. Sa police station kita dadalhin ngayon, tutal ay ayaw mong pumasok.”

Agad na nanlaki ang mga mata ko at napasinghap. What the heck?!

“What?! This morning, Dad, really? Ano naman ang gagawin ko roon? Paglalampasuhin lang nila ako ng sahig doon! Papasok naman ako ngayon, e!” Sa loob-loob ko ay natataranta na ako. Hindi niya alam kung gaano ko ka-ayaw makita ’yong mga pulis na ’yon! Kagabi lang ay nakasama ko na sila, ngayong umaga na naman ba? No way!

Sarkastiko ako nitong tiningnan na ikinatigil ko. “Papasok? Alam kong wala kang balak, Gisselle. Magbibihis ka lang tapos tatambay sa loob ng kotse mo, kaya huwag mo akong paandaran ng ganiyang taktika mo. Isa pa ay huwag ka ngang napaka-arte, kasalanan mo naman kung bakit ka napunta sa ganitong sitwasiyon. Mag-behave ka roon sa mga pulis, at malaman-laman ko lang talaga na namimilosopo ka at gumagawa ng kalokohan doon ay padadagdagan ko ang punishment mo.”

“I’m not going there!”

“Okay. Isa pang pag-ayaw mo ay padagdagdagan ko ang punishment mo...”

“Argh!” 

Pabalibag kong hinagis ang tuwalya sa kama, pati na ang mga susuotin ko. Si Dad ay nanatili sa tabi ng pinto para siguruhin na kumikilos ako. 

Matapos kong maligo at mag-ayos ay pinababa na ako nito sa sala, habang ito ay nag-ayos din ng sarili. Naabutan ko pa sa sala si Mom na nagsusuklay ng buhok at mukhang katatapos lang maligo. 

“Oh, ba’t ganiyan ang mukha mo, anak?” natatawang anito na ikinailing ko lang. 

Pabagsak akong naupo sa sofa at humalukipkip. Niyakap ko ang sling bag ko na naglalaman ng mga kaartehan ko sa katawan. Nagbaon din ako ng pamalit na dress at baka pahirapan ako nang husto roon. 

“Mom, make sure na hawak n’yo palagi ang phone. Tatawag ako kapag may nangyayari nang hindi maganda sa akin doon,” seryoso kong sambit habang nakatingin sa sahig. 

Narinig ko ang malalim na pagbuntong hininga nito at nakangiting nagtungo sa likod ko. Naramdaman ko ang marahang pagsuklay nito sa buhok ko at itinali iyon nang pa-ponytail. 

“Alam mo, anak, hindi naman lahat ng pulis ay gaya ng sa nakaraan mo noon, hindi rin gaya ng Dad mo noon. Marami pa rin sa hanay nila ang matitino at talagang matatawag nating pulis. Actually, may tiwala nga ako sa kapulisan natin dito lalo na’t si Guevarra ang namumuno. Maganda ang feedback sa kaniya ng mga tao, at galing ding Iloilo ’yan kaya kababayan natin ’yan,” anito na ikinakunot ng noo ko. 

“Still, wala pa rin akong tiwala sa taong ’yon. Malay ko ba na baka mapagpanggap lang ’yon—Wait, his name is Guevarra?” wika ko na agad na ikinatango ni Mom. 

“Ilang oras kang naroon, hindi mo man lang inalam ang pangalan ng taong kumausap sa iyo roon?” natatawang aniya na ikina-asik ko. 

Ano ba ang pakialam ko sa taong iyon para alamin pa ang pangalan n’yon kagabi? Isa pa ay tuliro ako noong mga oras na ’yon. 

Napabuntong hininga ako at hinilot ang sentido. 

“Inatake ka na naman ba kagabi? What really happened?” pang-uusisa nito na ikinamulat ko ng mga mata. 

Walang gana akong humiga at ipinatong ang batok sa armrest ng sofa. Inayos ko ang laylayan ng bestida ko na napilitan lang naman akong gamitin mula pa noon. 

“Yes, naalala ko sa kaniya ’yong mga tarantadong iyon. Pare-parehas sila halos ng mga pisikal na katangian.“ Hindi ito naka-imik dahil sa sinabi ko. Natawa tuloy ako nang pagak at umiling sa sarili. “You know what, Mom? I’m scared, lalo pa at isang buwan kong pakikisamahan ang pinaka-ayaw kong mga tao sa mundo...”

Napatigil kami nang bumaba si Dad. Pinag-almusal muna kami nito bago senyasan na lumabas na kaya naman kahit napipilitan ay sumunod ako kay Mommy. 

Nakita ko pa sa labas ng bahay ang kotse na ginamit ko kagabi, na inuwi rito ng isa sa mga driver namin. 

Pagsakay namin sa kotse ni Dad ay pakiramdam ko, nilalagnat na agad ako. 

“Mom, puwede bang mamayang hapon na lang tayo umalis? Hindi ko pa ata kakayanin ngayon,” tila natatae kong turan na ikinatawa nila. 

“Kalma ka lang, anak. Hingang malalim at mag-isip ng mga positibong bagay. Pagkakataon mo na rin ito para malampasan ’yang mga takot mo,” anito na ikinapikit ko nang mariin. 

Ibinagsak ko ang likod sa sandalan ng upuan at hinilot ang sentido. Ramdam ko ang pamamawis ko kahit pa airconditioned naman ang kotse. Pilit kong iniignora ang panginginig ng mga kamay ko dahil sa mga sari-saring alaala at ideya na pumapasok sa isip ko. 

Hanggang sa hindi ko namalayan na tuloy-tuloy na pala ang pagluha ng mga mata ko. Hindi ako umimik sa kinauupuan nang halos dalawampung minuto. 

Panay ang isip ko kung paano ko ba malalampasan ang kabanata ng buhay ko na ’to. 

Baka mamaya ay atakihin na naman ako habang naroon, kung mas mamalasin pa ay sobra pa ang reaction ng katawan ko. Tiyak na magtataka sila kung ano ang nangyayari sa akin. 

“We’re here,” ani Dad na tila nagpaguho sa mundo ko. “Gisselle, baba na.”

Sa wakas ay nag-angat din ako ng ulo at pinagmasdan ang paligid. Tila ako lalong nanghina nang mapagmasdan ko na naman ang kulay asul na pader nila rito. 

“Gisselle!” nagbabantang tawag sa akin ni Dad nang mapansin na ayaw ko pang bumaba. Hindi ito nakatiis at binuksan na ang pinto sa tabi ko na ikinailing ko. 

“D-Dad...”

“Get out of this car at pumasok na roon kung ayaw mong kaladkarin pa kita,” seryoso nitong banta sa akin na ikinayuko ko. 

Nag-aalangan man ay kinuha ko ang sling bag ko at niyakap iyon. “M-Maaga pa naman...”

Mabilis ako nitong pinutol. “Tinext ko na siya kanina pa. Alam niyang darating ka ngayon kaya bumaba ka na riyan...”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Miss A.
loving this! ...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status