Share

Kabanata 5

Gisselle

Sa huli ay mabilisan kong tinapos ang paglilinis. Ibinalik ko ang walis at mop sa likod ng police station nila bago maghugas ng kamay sa gripo.

Napainat ako ng likod at tinanaw ang panghapon na sikat ng araw. Naisipan kong tumambay muna roon dahil tahimik, saka ko binuksan ang phone ko. Ini-stalk ko ang account ni Guevarra, at nakita kong marami pala itong followers at friends.

May mga litrato rin ito nang naka-uniporme at kung ano-ano pa na mabilisan ko lang na tiningnan. Ang mga comment sa mga litrato niya ay puro papuri sa kabutihan, katapatan at kaguwapuhan kuno niya. Tsk. Mamaya ko na lang susuriin ang mga ’yon sa bahay.

In-exit ko ang album niya at nag-scroll sa wall niya. Nagse-share pala ito ng awareness patungkol sa mga rebelde ng bansa. Katulad na katulad sa ginagawa ni Uncle Zach at ng asawa nitong former rebel.

Talagang kinokondena nito ang kamalian at katamaran, at nagpo-promote ng disiplina sa mga tao. Pati mga magagandang accomplishments ng mga pulis at sundalo ay ipinakikita nito roon.

Napa-ismid ako at hindi ito in-accept. Bahala siya riyan. Ayokong mapuno ang newsfeed ko ng mga kung ano-anong payo at mga usaping hindi ko naman pinagtutuonan ng pansin.

Pagbalik ko sa loob ay tapos na ang kainan nila. Lihim akong umismid at naupo sa upuan ko’t bumuntong-hininga.

Ito na ata ang pinaka-boring na kabanata sa buhay ko, maliban sa araw-araw ko sa klase namin.

Mabuti na lang at naisipan kong magligpit ng mga kalat nila para hindi maburyong. Nagpunas-punas din ako ng mga bintana nila rito at nagwalis ng mga dahon sa labas. Pagsapit ng alas cinco y media ay pinakain ko na ang mga hayop niya dahil paniguradong alas seis ang uwi ko.

Napangisi ako at humarap kay Guevarra na umiinom ng tubig. Agad din naman itong tumingin sa akin, nagtataka kung bakit nakangiti ako na tila may masamang balak.

“Bakit?” aniya na agad kong inilingan.

“Pauuwiin mo na ba ako, Sir?”

Tila biglang binagsakan ang mundo ko nang umiling ito habang seryoso ang mukha. Ibinaba nito ang bottled water niya at inilapag iyon sa mesa, bago ako harapin.

“Hindi kita pauuwiin nang mag-isa. Kailangan may sundo ka at baka sa kalsada ka na naman pulutin ng mga kasamahan ko,” aniya’t binigyan ako ng maliit na ngiti.

Ah, ganoon...

Talagang pilit nila akong kinokontrol.

I don’t want to be tamed by this man! Kahit sa Dad ko ay hinding-hindi ako magpapasakop sa kanila! Argh!

I don’t know why this guy is cooperating with my father, para lang kontrolin ang buhay ko. Labas na ang buhay ko sa trabaho niya. Damn it.

Tila napansin naman nito ang pagbusangot ng mukha ko na siyang nagpailing sa kaniya.

“Hindi ko maintindihan sa inyong mga kabataan, ang titigas ng ulo n’yo at ayaw makinig sa mga mas nakakatanda sa inyo. Kulang kayo sa disiplina. Ano ba ang mapapala n’yo sa mga bisyo na ’yan? Kapag napahamak kayo—lalo na ikaw at babae ka pa naman—ay kayo rin ang kawawa. Sa inuman ay delikado ka lalo’t may hitsura ka pa naman at dalaga. Mabango ka sa mga kalalakihan. Takaw-atensiyon ka masyado, Miss,” anito na ikinatingin ko rito. Tumaas ang kilay ko habang natitigilan. “Lalaki ako kaya alam ko ang sinasabi ko rito, Miss Gisselle. Papaano kung bastusin ka roon habang lasing ka? Hindi naman natin matuturuang rumespeto at magpigil ang lalaking wala na sa tamang katinuan, lalo na ’yang mga lalaking rapist at kriminal. Kaya nga hangga’t maaari ay pinag-iingat namin ang mga kababaihan na kakilala namin. Masuwerte ka pa nga dahil naririto pa kami ng ama mo para ilayo ka sa kapahamakan at itama ’yang mga hindi magagandang pinaggagagawa mo sa buhay,” mahabang litanya nito na halos ikairap ng mga mata ko.

At saka, papaanong hindi ako magmumukhang tunay na dalaga at gaganda, e, binihisan ako ng mga magulang ko ng mga pambabaeng damit noon at inayusan? Mas okay na nga akong hindi pansinin at walang ayos-ayos ng hitsura. Ngayong ganito na ang hitsura ko ay sasabihin naman ng talipandas na ’to na takaw-atensiyon ako masyado? Saan ba ako lulugar rito?

Naabutan kami ng mga magulang ko sa ganoong ayos. Hindi ko na tinangkang magsalita pa dahil nasira na ang mood ko. Papaano ko pa matatakasan ang mga magulang ko nito kung naririto na? Buwisit kasi ’tong Guevarra na ’to. Panira ng plano.

“Sir, salamat sa pagkupkop sa anak namin, ha. Nagmamaldita pa rin po ba siya?” ani Mom na pasimple akong kinurot sa tagiliran nang mapansin ang nakabusangot kong mukha.

Ngumiti lang ang lalaki na ikina-irap ko.

“Wala ho ’yon, Ma’am. Okay lang din naman po siya minsan, kaso kapag pinagsasabihan na ay naiinis at nagtataray,” panlalaglag sa akin ng lalaking iyon na ikinangitngit ko sa galit.

Nilingon ako ni Dad, at binantaan gamit ang mga mata na ikinatungo ko.

“Pasensiya ka na sa anak ko, Sir. Hayaan mo’t pagsasabihan ko ito mamaya,” tiim-bagang na ani Dad bago magpaalam.

Humigpit ang pagkakahawak nito sa pulso ko nang kaladkarin ako papasok sa sasakyan. Pilit pa itong kinakalma ni Mom pero galit pa rin ito.

Hindi ako umimik pag-upo ko sa backseat. Humalukipkip lang ako at tumingin sa bintana.

“Ano ’yon, Gisselle? Kahit sa ibang tao, lalo na sa pulis ay pinapakitaan mo talaga ng ugali mo? Ano ba ang problema mo, ha? Tapatin mo nga ako.”

Nanatili akong walang imik habang nakatanaw sa labas ng bintana. Kahit pa ang dami kong gustong ilabas na hinanakit ay hindi ko na ginawa pa dahil wala akong gana.

“Gisselle, kinakausap kita! Punyeta!” nanggagalaiting sigaw ng ama ko na pilit na kinakalma ng asawa niya.

Pinatigas ko ang mukha ko nang hindi ko mapigilan ang damdamin na sumama. Hindi ko na napigilan pa ang sarili dahil sa biglaang pagsigaw nito.

“Ano na naman ba, Dad? Pilit n’yo akong pinipigilan at pinapatahimik noong mga panahon na gusto kong magsalita, ngayon naman na nananahimik na ang buhay ko ay saka n’yo ako papayagang magsalita? Kung ano man ’yong problema ko, hindi n’yo na kailangang marinig pa dahil unang-una ay wala naman kayong pakialam sa damdamin ko noon pa man. Hayaan n’yo na lang kasi akong mamuhay, tama na ang pangingialam sa mga gusto ko,” kalmado kong turan kahit pa gusto nang sumabog ng damdamin ko.

Natahimik ang mga ito na ikinatawa ko nang pagak.

Mayamaya’y nilingon ako ng ama ko na seryoso ang mukha. “Ano ba ang ikinasasama ng loob mo? Alam mo, Gisselle, pinapakialaman ka namin dahil nag-aalala kami sa ’yo at mahal ka namin. Kailangan naming mangialam sa buhay ng anak namin lalo na kung alam naming maipapahamak mo ang sarili mo sa mga ginagawa mo.”

Muli akong natawa nang pagak at sarkastiko itong tiningnan. “Really, Dad? Pinakikialaman n’yo ako out of love and care? Then what about the old me? You probihited me from my hobbies and fashion! You changed me just to fit your criteria as your daughter! It affected my mental health dahil pinagbawalan n’yo ako sa mga gusto ko! Pinagbawalan n’yo akong maging ako, at bakit? Dahil gusto n’yong maging si Kisses ako! Dad, kambal lang kami pero hindi kami iisa ng utak! You are a selfish father!”

Naramdaman ko ang pagtulo ng luha ko matapos kong sabihin iyon. Ayoko sanang magsalita patungkol doon ngunit masyado akong dinala ng damdamin ko. Nakakainis na.

Pagdating sa bahay ay agad akong nagkulong sa kuwarto ko. Hindi na ako nag-abala pang kumain at itinulog na lamang ang sama ng loob.

Pagpasok ko sa klase kinabukasan ay wala akong kagana-gana. My friends keep on asking me what’s wrong and what happened yesterday, ngunit pinanatili kong sarado ang bibig at humingi na lang ng pasensiya sa kanila dahil hindi ako nakasama kagabi.

Si Kisses ay pasulyap-sulyap sa akin habang nagsasagot ako sa exam namin. I ignored her since wala ako sa mood para i-entertain pa ito.

Pagkatapos kong magsagot ay ipinasa ko na ’yon sa prof namin, saka nagpaalam. Lumabas ako ng room nang hindi nakakausap nang matino ang mga kaibigan ko. Mas okay na rin iyon at baka masira pa lalo ang araw ko.

Maaga ang uwian namin ngayon dahil sa exam. Alas once pa lang kaya ako na ang magkukusang pumunta sa huling hantungan ko, alam ko naman na busy pa ang mga magulang ko nang ganitong oras. Ayoko namang maghintay pa sa mga ito mamayang alas doce y media para ihatid ako.

Pumasok ako sa shop ko’t muling um-order ng makakain. Tumambay lang ako ng ilang saglit doon para mag-unwind lalo’t kakaunti pa lang ang mga customer.

Uminom ako ng tubig matapos ubusin ang kinakain, saka bagot na nangalumbaba habang nakatingin sa screen ng phone ko. Naroon pa rin ang friend request ni Guevarra na hindi ko pinapansin. Nagawa ko ring ignorahin ang mensahe niya na isang ‘Hi’ lang naman. Bahala siya riyan.

Nang mabagot ako roon ay bumalik ako sa kotse at doon tumambay nang ilang minuto. Tulala kong pinagmasdan ang iilang estudyante na lumalabas na ng school.

Nakita ko pa ang text ni Dad sa akin na sinasabing magtungo ako sa police station na hindi ko na tinugon pa.

Whatever. Talaga namang pupunta ako roon dahil ayokong madagdagan ang parusa ko oras na indian-in ko ’yong pulis na ’yon. Tsk.

Napahinga na lamang ako nang malalim at nilisan ang lugar na ’yon. Sa biyahe ay halos wala ako sa sarili, tulala ako sa kalsada na tinatahak ko papuntang impyerno.

Hindi ko nga halos nasundan ang mga pangyayari bago ako nakarating sa presinto.

Napapikit na lamang ako habang nakahawak sa manibela. Wala akong kagana-ganang magbanat ng buto ngayon, lalo pa’t naaalala ko ang nangyari kagabi. I want to say sorry to Guevarra dahil sa naging ugali ko kagabi, pero para akong kinakain ng kahihiyan sa binabalak ko. Malakas akong napabuga ng hininga, bago napagpasyahang bumaba ng sasakyan.

Binati pa ako ng mga pulis na tinugunan ko naman agad kahit na wala sa loob ko.

“Sir...”

Mula sa pagliligpit ng mga papeles nito ay napalingon ito sa akin. Tahimik lamang itong nakatayo sa gilid ng desk niya, talagang napakatangkad na lalaki.

Agad akong nag-iwas ng tingin nang may maalalang masamang nakaraan.

“Sorry po sa naging ugali ko kagabi,” pagpapakumbaba ko na ikinatigil nito. Ilang saglit niya pa akong tinitigan, bago mapangiti at inilapag sa desk ang mga inayos na papeles.

“Okay lang. Maupo ka muna,” ngiting aniya at naupo sa kanto ng desk niya. Naupo naman ako at tumikhim. “Ang aga naman ng uwian n’yo. Kumain ka na ba? At nasaan ang parents mo?” pang-uusisa nito.

Mariin kong kinagat ang ibabang labi at napayuko. “Kumain na ho ako. ’Yong parents ko naman po ay hindi pa available nang ganitong oras kaya ako na po ang kusang nagtungo rito,” mahina kong turan na ikinatango niya.

“Uh-um. Mabuti naman.” Ngumiti siyang muli at tumitig sa akin. “Pakakainin mo ang mga hayop ngayon at maglilinis ng mga kalat dito. Isalansan mo rin ang mga goods na ito at i-repack. May nakasulat naman diyan kung ilan at ano ang ilalagay mo sa isang maliit na box, okay? Kapag hindi mo natapos ay kami na rin ang gagawa niyan mamaya kapag wala na masyadong trabaho,” aniya at inginuso ang mga karton ng kung ano-anong pagkain.

May mga karton din doon na maliliit at nakatupi pa, tila ako pa ang magta-tape ng mga ’yon. Napakarami niyon at natitiyak kong ipamimigay nila sa mga nangangailangan.

Not bad. Kaysa naman tumunganga lang sa upuan, mas okay na ’tong may ginagawa.

Inilapag ko ang bag sa upuan at pinatunog ang mga daliri.

“Sa sabado ay agahan mo ang punta rito. May gaganapin kaming tree planting activity, tiyak na mag-e-enjoy ka at makakakaiwas sa bisyo,” dagdag pa nito na nagawa pang isingit ang bisyo na ’yan.

Tumango na lamang ako rito at napa-asik nang lihim.

Nagpakain muna ako ng mga ampon niyang hayop sa labas, bago bumalik sa loob para magligpit ng mga kalat at maglinis. Matapos n’yon ay nagsimula na akong mag-tape ng puwetan ng mga karton. Ginawa ko ang ipinag-uutos ni Kamatayan, at madali lang naman dahil may listahan naman ng mga ilalagay ko sa box. May mga bigas pa na kasama at kung ano-anong de lata’t gatas.

Ano kaya ang mayroon at may ganito silang pakulo?

Ganoon lang ang ginawa ko hanggang sa mag-alas tres. Tumayo ako’t dumeretso sa banyo para magbawas ng tubig. Malinis naman ang banyo nila rito kaya hindi nakakadiri gumamit. Matapos ay naghugas ako ng mga kamay.

Pagbalik ko roon ay nakita kong may hawak na isang plastik ng meryenda si Guevarra at tila kapapasok lang.

Nagkatinginan kami ngunit ako na ang unang umiwas at kumuha ng tubig sa water dispenser nila rito.

“Kumakain ka ba ng kamoteque?”

Saglit ko itong nilingon habang umiinom at umiling. I never tried it, kahit pa paminsan-minsan ay iyon ang ginagawang meryenda ni Mom at Ate Melda sa tuwing may anihan ng kamote sa amin. I don’t eat sweet potatoes.

Bumalik ako sa sahig at nagsimula ulit sa ginagawa. Ngunit agad din akong natigilan nang bigla na lang itong nag-squat sa gilid ko at inalok na naman ako ng pagkain niya.

“Ayaw mo talaga? Masarap naman ito. Marami pa naman akong binili,” wika nito na para bang kinokonsensiya pa ako.

Lihim na tumaas ang kilay ko at pinagmasdan ang hawak niya. “Hindi ho ako lumulunok ng kamote, Sir. Isa pa ay hindi pa naman po ako gutom,” kaswal kong turan na ikinatawa niya.

“Kahit tikim lang? Promise, masarap naman ito at malinis. Kahit mga mayayaman dito ay kumakain nito,” pangungulit pa niya na ikinahinga ko nang malalim.

Kinukulit na ako ni Kamatayan para tikman ang lason niya. Kinakabahan na ako sa kahahantungan nito.

Tiningnan ko pa muna ito saglit na nag-aabang sa gagawin ko, bago sumuko at kumuha ng isang piraso. Kinagat ko iyon sa harapan niya at nilasap.

Natigilan ako dahil sa lasa, at dahil na rin sa paraan ng pagtingin nito sa labi ko’t mga mata. Palipat-lipat ang tingin nito sa mga ’yon na ikina-asiwa ko bigla.

Nang tumikhim ako ay saka lang ito natauhan sa paninitig sa akin. Narinig ko pa ang mapang-asar na sipol ng isang kasamahan niya na nasa gilid lang namin at nakita ang buong pangyayari.

Nagkamot ng batok si Guevarra at mariing hinagod ang buhok habang naka-iwas ng tingin sa akin.

“M-Masarap pala ito,” sabi ko na totoo naman. Tumingin tuloy ito sa akin at ngumiti.

“Gusto mo pa?” Inilahad niya ang plastik sa akin kaya naman kumuha ako roon bago magpasalamat.

I didn’t know na magugustuhan ko pala ang lasa nito. Sa paningin ko kasi ay parang hindi masarap.

Bago sumapit ang alas seis ay tumigil na ako sa ginagawa at nag-inat ng katawan. Inayos ko na lamang ang mga karton at iginilid, bago maupo sa upuan at huminga nang malalim.

Ramdam ko agad ang antok kahit na napaka-aga pa, siguro’y dahil sa kapaguran. Kinusot ko ang mga mata at ch-in-eck ang phone. Nabasa ko agad ang mensahe ni Mom na nagsasabing hindi sila makakarating ngayon dahil naaksidente pala sila. Nasa hospital sila ngayon habang si Dad ay nasugatan.

Natigilan ako dahil sa nalaman at nalungkot.

‘Okay po. Take care. Ako na lang ang uuwi mag-isa ngayon, Mom.’

Matapos kong i-send ’yon ay nag-angat ako ng tingin kay Guevarra na biglang tumayo.

“Hindi makakarating ang parents mo kaya naisip ko na ako na lang ang maghahatid sa ’yo pauwi para masiguro ko ang kaligtasan mo,” biglang anito na ikinamaang ko.

What?!

“Ayoko pa pong umuwi ngayon. Huwag mo na akong ihatid, gagala ako ngayon, Sir,” tutol ko rito dahil masyado akong inatake ng kaba sa sinabi nito. Alibi ko lang naman iyon para hindi niya na ako ihatid sa amin. At saka wala naman akong balak na gumala dahil nakakakonsensiya rin kung maglalakwatsa ako ngayon habang ang magulang ko ay nasa hospital.

Namulsa ito matapos isuot ang sumbrero. “Ano ba ang rason mo at ayaw mong umuwi sa inyo? May hindi ba kayo pagkakaunawaan ng parents mo?”

Pasimpleng gumalaw ang panga ko ay ikinuyom ang kamay. “Not your business, Sir. Hindi na po ’yan sakop ng trabaho n’yo sa akin,” mahina kong sambit at kinuha ang bag ko.

Pansin ko ang pagkatigil nito na ikinalingon ko rito. Ako lang ba o talagang nakita kong umigting ang panga nito?

Kahit hindi halata ay napansin ko ang bahagyang pagsimangot nito. “I see, pero hayaan mo akong escort-an ka pauwi sa inyo. Iyon ang sabi ng Mama mo sa akin kaya hindi ka puwedeng umangal.”

Sa huli ay wala akong nagawa kundi ang sumunod dito. Lumapit ito sa motor niya at may kinalkal doon, samantalang ako ay natigilan nang may makitang mga katawan ng talbos ng kamote. Putol-putol na iyon at nasa gilid lang.

Tila naman napansin nito ang tinitingnan ko kaya tumigil ito sa ginagawa.

“Gusto mong i-uwi? Puwede mong itanim ’yan, para sa mga susunod na buwan ay may mga kamote ka nang aanihin.”

Tila lumaki ang ulo ko sa narinig. Pinag-iisipan ko pa nga lang iyon pero sige na nga. Itatanim ko na lang oras na magkaroon ako ng libreng oras sa bahay.

Tumango ako rito at ngumiti nang tipid. “At saka puwede rin po bang makahingi ng buto ng sunflower n’yo? Magtatanim po kasi ako sa tapat ng bahay namin.” Tatalbugan ko lang ang mga maliliit na bulaklak ni Kisses doon. Tiyak na maiinggit iyon sa akin kapag lumaki na ang mga sunflower na itatanim ko.

Natawa ito bigla at binitiwan ang helmet. “Okay. Marami akong naipong buto ng bulaklak dito. Ibibigay ko na lang sa ’yo since marami na rin akong sunflower sa bahay.” Bumalik ito sa loob at paglabas ay may hawak nang maliit na plastik. “Mahilig ka rin ba sa pagtatanim?” aniya pagka-abot sa akin ng mga buto.

Mabilisan akong umiling at nagpasalamat dito. “Noon ay hindi ho ako mahilig, ang pamilya ko lang. Pero ngayon ay tila gusto kong subukan.”

Tumango ito at ito na ang kumuha ng mga katawan ng talbos ng kamote. Ipinasok niya iyon sa kotse ko na ipinagpasalamat ko rito.

Bago ako sumakay ay nagpaalam pa muna ako sa mga kasamahan nito, saka namin nilisan ang lugar na iyon...

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status