Share

Chapter 3: Devron

Iris

Napaasik na lamang ako nang maramdaman ko ang bigat sa katawan ko. Kaya dahan-dahan kong binuksan ang mga mata ko at ang unang bumungad sa akin ay isang kamay na nakayakap sa bewang ko.

Pagharap ko kung sino ang lintek na ito ay mas lalong sumama ang umaga ko. Tulog na tulog siya sa tabi ko at halata ang pagod sa mukha niya.

Kaya hinayaan ko na lang siya at tahimik na inalis ang pagkakayakap niya sa akin. Nang maalala kong magpapalit ako ng damit ay napatingin ako sa suot ko. Halos umusok ang ilong ko nang makita kong iba na ang damit ko ngayon kumpara kahapon.

Dahil doon ay nanggagalaiti kong hinarap si Devron na ngayon ay sobrang sarap ng tulog. Malakas ko siyang sinabunutan dahilan para mapabangon siya at galit na tumingin sa akin.

"Langya naman, Iris! Agang-aga nanabunot ka! Ano bang problema mo?!" Inis niyang sigaw kaya aambaan ko siya ng suntok na agad naman niyang sinalag.

"Ikaw ang nagpalit ng damit ko, 'no?"

"Ano namang masama kung ako ang nagpalit ng damit mo? Magkapatid naman tayo, ah? Kuya mo naman ako kaya walang kaso sa akin 'yon. At saka, ang dumi mo ng datnan kita rito! Ano na naman bang ginawa mo?!"

"Tarantado! Anong magkapatid? Eh, hindi ka nga nangggaling sa ano ng Nanay ko tapos sasabihin mong kapatid kita! Anong gusto mo, suntukan?!" Nanghahamon kong saad pero hanggang ngayon ay mainit pa rin ang ulo ko.

"Iris, 'wag kang mag-alala, wala naman akong nakita sa'yo. Nakakaawa ka lang tingnan kagabi kaya pinaltan kita ng damit. Pasalamat ka pa nga dahil ako ang nakakita sa'yo," mahaba niyang paliwanag kaya binaba ko ang kamao at umalis.

Kahit gustong-gusto ko na siyang upakan ngayon ay pinili ko na lang umalis dahil siya naman na pala ang nagmalasakit. Palihim na lamang akong napangiti.

Dahil kahit minsan ang sama ng pinapakita ko sa kaniya at hindi kami tunay na magkapatid ay parang totoong kapatid na rin ang turing niya sa akin. 'Yung tipong parang siya na ang tumayo na pangalawang magulang sa akin.

Inamoy ko ulit ang puting polo na pinalit niya sa akin at napatango. Ano kayang gamit nitong pabango? Bibilhin ko dahil mas mabango pa ang pabango nito kaysa sa akin.

Habang nagkakanaw ako ng kape ay napatingin ako sa kaniya na bagong ligo. Nagtaka pa ako dahil hindi pa siya nakapangbihis ng pang-opisina niya.

"Wala kang pasok, Dev?" Pagtatanong ko habang humihigop ng kape na nagpatigil sa kaniya habang naggagayat ng bawang.

"Mamaya pang alas-dose. Ipagluluto muna kita ng agahan dahil alam kong namiss mo ang pagluluto ko," nakangisi niyang saad dahilan para masamid ako sa ininom ko.

"Yabang mo naman. Ang taas masiyado ng tingin sa sarili, ha! Hinay-hinay baka mapasobra!"

Kaya tumawa lang kami dahil sa sinabi namin sa isa't-isa. Isa si Devron sa mga taong pinagkakatiwalaan ko at pinapakita ko lamang sa kaniya ang totoo kong nararamdaman. Isa siya sa mga taong naniwala sa akin.

Makalipas ang kalahating minuto ay natakam agad ako sa amoy ng umagahan namin. Nang tingnan ko ito ay napapalakpak na lamang ako dahil namiss ko talaga ang mga luto niya.

Sinangag at sinigang na hipon ang umagahan namin ngayon. Habang humihigop ako ng sabaw ay naalala kong wala pala akong stock na kahit anong ulam dahil hindi ko pa nakukuha ang sahod ko doon sa karinderya na pinasukan ko.

"Saan mo nga pala nakuha 'tong ulam natin. Sa pagkakaalala ko wala pa akong binibili na ulam."

"Binili ko 'to kagabi para sa'yo. Eh, kaso nga lang pagdating ko tulog ka na. Kaya ang ginawa ko natulog na rin ako. At saka bakas sa mukha mo na pagod ka, nakipagbugbugan ka na naman, 'no?" Pagtatanong niya kaya mariin kong tinikom ang bibig ko at hindi nagsalita.

Napailag na lamang ako ng balak niya akong pingutin sa tainga. Narinig ko pa ang pagasik niya kaya napatawa na lamang ako.

"Nakaenkwentro ko kahapon sila Ashong. Ang loko, nagdala pa ng kasama niya, sa huli siya pa rin ang talo. Tanga lang." Natatawa kong saad at muling sumubo ng kanin. Napatingin ako sa kaniya na ngayon ay sobrang sama ng tingin sa akin.

Kaya mabilisan kong kinurot ang pisngi niya sabay ngiti. "Huwag kang mag-alala, wala namang masamang nangyari sa akin. Tinuruan mo nga ako ng self defense, diba?"

"Iris, pasalamat ka at kapatid kita. Nako, ikaw talaga. Kahit kailan, ang tigas ng ulo mo."

"Mana-mana lang 'yan," sagot ko kaya nanahimik siya.

"Oo nga pala, hindi ka pa rin ba umaalis sa tindahan ni Aling Mameng? Wala na ring namang nagpupunta sa kaniya?"

"Hindi pa nga ako umaalis," panimula ko at muling nagsandok ng kanin. "At saka, tinutulungan ko kahit walang suweldong kapalit. Nakakaawa naman dahil walang gustong tumulong sa kaniya. 'Yung mga anak naman niya ang sasarap bigwasan. Basta na lamang iniwan si Aleng Mameng."

Mahaba kong paliwanag at nang tingnan ko ang reaksyon niya ay halos mabulunan ako. Dahil para siyang timang na nakatitig lang sa akin at nakangiti.

"Hoy lalaki! 'Wag mo nga akong tingnan ng ganiyan. Baka mamaya ay mauwi pa 'yan sa hindi maganda, ikaw ang mabibigwasan ko." Maangas kong saad kaya nabigla ako ng tapikin niya ako sa ulo.

"Proud lang ako sa kapatid ko. Kahit na walang pasahod ay bukal sa loob niya ang pagtulong. Pero... bakit ayaw mong gamitin ang perang naipon mo at saka sayang ang tinapos mo na Culinary. Ayaw mong maghanap ng ibang trabaho?" Pag-iiba niya ng usapan sa huli.

Kaya binaba ko ang kutsara't tinidor sabay inom ng tubig. Sumandal ako sa upuan at tumitig sa kaniya ng seryoso. Alam kong mahabang usapan na naman 'to.

"May pinaguupinan akong na ibang bagay. At saka balak ko namang magtrabaho base doon sa natapos kong course, ang kaso sa ibang bansa nga lang. Kaya 'di ko muna magamit-gamit ang ipon ko."

"Magkano ba-" Tinaas ko agad ang kaliwang kamay ko na senyales na manahimik muna siya. Na bigla naman niyang sinunod.

"Kaya ko nang mag-ipon. Balita ko naman na maraming magbubukas pa na trabaho dito sa siyudad natin. Saka 'yung sa'yo? Diba nagha-hire ka ng mga katulong? Baka puwedeng isa ako doon?" Pagbibiro ko pero umiling siya.

"Tigilan mo'ko sa ganiyang biro mo, Iris. Dito nga sa bahay ay hindi kita pinapaggawa ng mga mabibigat na bagay tapos magta-trabaho ka sa akin. Ayoko ng gano'n, Iris. Hindi kita kinuha para maging katulong ko." Seryosong pangaral niya kaya natahimik na lang ako.

Kilala ko si Devron, kung anong kinatigas ng ulo ko, mas matigas ang ulo niya. Hindi ka rin mananalo sa kaniya sa oras na makipag-debate ka sa kaniya. Masiyadong seryoso si Devron pagdating sa mga bagay na hindi niya ikinatutuwa.

"Nagbibiro lang ako, kilala kita. 'Di ka pumapayag kapag sa'yo ako magta-trabaho. Alam ko naman 'yang trabaho mo, eh. Tinuruan mo akong mag-self defense, kung paano bumaril. Bakit ayaw mo pa rin akong magtrabaho sa'yo. Bakit nga ba, Dev?"

Maang-maangan kong tanong kahit alam ko naman ang sagot. Gusto ko lang siya galitin at marinig ulit ang dahilan niya. Nakita kong napakamot siya ng noo na ang ibig sabihin ay nauubusan na siya ng pasensya.

"Iris, ilang beses ko bang ipapaliwanag sa'yo na ayoko lang kitang mapahamak o kaya madamay. Oo, tinuruan kita kung paano bumaril at magself,-defense. Pero hindi ka papasok sa akin, ginawa ko 'yon para maprotektahan mo ang sarili mo." Seryosong saad niya kaya napangiti na lamang ako at lumapit sa tabi niya.

Ramdam ko ang pagtigil niya sa ginagawa niya dahil sa yakap ko. Minsan ko lang 'tong gawin sa kaniya kapag nagpapasalamat ako. Ang totoo nga niyan ay sa kaniya ko lamang pinapkita ang kahinaan ko.

Tumawa siya, "Naglalambing ang Iris ko. 'Wag kang mag-alala, malay mo magbago bigla ang isip ko at isama kita sa trabaho ko."

"Tss, hihintayin ko, ha? Pero, salamat dahil naandito ka palagi sa akin kahit na minsan ay iniinis kita."

"Wala 'yon, basta ikaw. Siya sige na, maligo ka na... ang baho mo na, eh!"

Kaya gigil ko siyang hinampas dahil nagsisimula na naman siyang mambwisit sa'kin. Bago ko pa isara ang pinto ng cr ay narinig ko pa ang paghalakhak niya.

...

"Oh, ayan pa ring polo ko ang suot mo? Hindi nga halatang miss na miss mo'ko, 'no?" Tatawa-tawa niyang saad kaya tinaas ko ang gitnang daliri ko dahil nagsisimula na naman siya.

"Mabango kasi kaya ito na naman ang suot ko. At saka lalabhan ko naman 'to, 'wag ka diyang ano." Saad ko at sinabayan siya sa paglabas ng pinto para ihatid siya sa sasakyan niya.

Napamaang na lang ako ng makita kong isang black lamborghini ang dala niya ngayon. Grabe, gaano ba kayaman ang lalaking 'to. Kakabili niya lamang ng isang kotse, tapos may bago na naman ngayon.

"Gaano ka nga ba talaga kayaman, Dev? Hindi ka ba nauubusan ng pera?" Biro kong tanong pero inakbayan niya lamang ako at mas lalong pinalapit sa kaniya.

"Para sa'yo 'yan." At doon ay nanlalaking mga mata akong tumingin sa kaniya. Hindi pa rin ako makapaniwala na para sa'kin ang sasakyan na 'yon. Pero ang problema ay wala akong pambayad.

"Tarantado! Wala akong pambayad diyan. Anong akala mo sa akin, sobrang yaman kagaya mo. Oo may ipon ako at 'yung naiwan ni Mama na pera pero hindi sapat 'yan sa sasakyan na ibinili mo sa'kin."

"Hindi mo namang kailangan bayaran 'yan, eh. Binigay ko na talaga sa'yo 'yan. 'Wag kang mag-alala, tuturuan kitang mag-drive pero sa lupain ko. Kaya sasama ka sa akin next week," habilin niya na hindi agad hinintay ang sagot ko.

Basta na lamang niya akong hinalikan sa noo at pisngi para makapagpaalam. Tulala lamang ako sa sasakyan niyang papalayo. Hindi ko alam kung anong trip ngayon ni Devron. Basta, ang alam ko lang ay ang lakas ng tama niya ngayon.

Kakaiba ka talaga, Devron.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status