Share

CHAPTER 1

Three years later

Location: Black District Urvularia City

“Mayti first reporting... Nakikita ko na ang target,” narinig niyang sambit ng kanyang kasama.

“Ol Mayti, saan ang aming pwesto,” sambit ng isa pa.

Sila ang grupong Mayti Vand. Isang biglaang misyon ang ginagawa nila. Wala silang matinong plano tulad ng dati. Sumusuong sila sa laban nang hindi pinagpaplanuhan ang dapat gawin.

“Mayti First at Mayti Second, magtungo kayo sa likuran. Mayti third at Mayti fourth, sa magkabilang gilid. Ako ang bahala sa unahan,” pagbibigay utos niya sa apat na kasama.

“Masusunod Ol Mayti.”

Mabilis sumunod ang apat. Binabantayan ang maaaring labasan ng kalaban. Dahan-dahan siyang lumapit sa target. Malapit na niya itong mahawakan nang biglang nagreport si Mayti Second.

“Ol Mayti may lalabas na kalaban,” naalerto siya sa sinabi nito.

Mabilisan siyang lumapit sa target at binalewala ang nasasagi niya dahilan para maglikha ito ng malalakas na ingay.

“Ol Mayti, aatake na ang kalaban,” nagmamadaling sabi ni Mayti First.

Dinamba na niya ang target at mabilis na dinampot.

“Ol Mayti, aatake na siya!” natatarantang sigaw ni Mayti fourth.

Nakita rin niya ang nag-aambang atake ng kalaban.

“Takbo!” sigaw niya bago pa sila tamaan ng mga atake.

“Mga walanghiyang pulubi! Sinira niyo ang mga halaman ko!”

Narinig nila ang sigaw ng galit na Ale habang hawak ang walis tingting.

...

...

“Der,” tawag pansin ni Reyna sa kasama nang makalayo sila sa bahay ni Manang Asun. Ang Aleng sumigaw kanina.

Tumingin ito sa kanya.

“Heto na. Pasagutin mo na iyong nililigawan mo. Mahirap dumiskarte ng bulaklak. Kailangan pa nating dumikwat kapag ayaw mamigay ng may-ari.” Inabot niya dito ang isang bulaklak na kinuha sa bakuran ni Aleng Asun.

Masaya nitong tinanggap ang bulaklak.

“Salamat Ol Mayti… ay! Reyna nga pala,” sambit nito.

“Itigil mo na kaya ang pangliligaw mo. Ang tagal mo na siyang binibigyan ng bulaklak pero hindi ka pa rin sinasagot,” sambit naman ni Tan.

“Oo nga. Nahihirapan na rin kami sa mga misyon natin. Mabuti hindi tayo tinamaan ng atake ni Manang Asun kanina. Mayroon na naman sana tayong meryendang ube,” komento ni Cane.

“Huwag kayong ganyan...” saway ni Hurri sa dalawa. “...Dapat nating suportahan si Der. Malay niyo poreber na sila ni Jeanna.”

Si Jeanna yung tindera sa palengke na matagal ng nililigawan ni Der.

“Mabuti pa itong si Hurri suportado ako. Kayo namang dalawa puro reklamo, hindi naman kayo pinipilit na sumama sa misyon namin ah,” katwiran ni Der.

“Tama na yan. Mabuti pang samahan ka na namin kay Jeanna,” awat ni Reyna sa mga kasama. Pinapakinggan lang niya ang mga reklamo nito habang naglalakad sila.

Sabay-sabay silang naglakad patungo sa pwesto na pinagtatrabahuhan ni Jeanna. Lima sila sa grupong Mayti Vand at siya bilang Ol Mayti, ang leader ng grupo. Mayti first si Tan, second si Der, third si Hurri at fourth si Cane. Pare-pareho silang nakatira sa lansangan. Magkapatid sina Tan at Der, ganun rin si Hurri at Cane. Silang dalawa ni Hurri ang babae sa grupo. Mas bata sa kanya ang apat kaya't siya ang ginawang leader.

...

...

“J-jeanna, p-para sayo nga pala.” Kinakabahang inabot ni Der ang pulang rosas na kinuha nila. Dahil sa init ng panahon, nabawasan na ng isang dahon at mga petals ang bulaklak. Hindi na kasing ganda tulad kanina.

Napipilitan namang kinuha ni Jeanna ang bulaklak.

“May sasabihin din ako sayo,” mahinhin na sambit ng dalaga.

Sumigla ang itsura ni Der. Inaasahan niyang sasagutin na rin siya sa wakas ng babae. Nakikinig naman ang apat hindi kalayuan sa pwesto. Seryosong pinagmamasdan ni Reyna ang masayang reaksyon ng kaibigan habang kausap ang babae.

“A-ano yun?” kabado nitong tanong.

“Boyfriend ko na si Jipoy.” Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Der dahil sa narinig.

Nalulungkot si Reyna para sa kaibigan dahil ang babaeng matagal na nitong tinatangi ay kasintahan na ngayon ni Jipoy. Ang siga sa 27th street. Lumapit naman ang apat sa kanilang kaibigan. Tinapik ni Tan ang balikat ng kapatid.

“Magsilayas nga kayo dito! Baka mahawaan ng amoy niyo ang mga paninda ko! Malasin pa ako dahil sa inyo!" sigaw ng may-ari ng tindahan sa kanila.

Wala na rin silang nagawa at umalis sa tindahan habang hila ni Hurri at Tan si Der. Alam niyang mawawala rin sa isip ni Der ang pagkabasted. Hindi lang ito ang unang beses na nabasted ito.

"Sa wakas makakauwi na rin," masayang sambit ni Cane.

Naghiwa-hiwalay sila ng daan patungo sa mga tinutuluyan. May maliit na barong-barong ang apat sa 26th street, samantalang siya ay nasa ilalim ng tulay sa 30th street, ang huling street sa buong Black District. 

...

Inayos ni Reyna ang pagkakasakbit ng plastic bag sa katawan. Nilagyan niya ito ng taling straw sa magkabilang tangkay para magmukhang body bag. Iba't-ibang stall ng paninda ang nakahilera ng sapitin niya ang 21st street. Ang pamilihan sa Black District ay mula 21st hanggang 25th. Siksikan ang mga tao habang namimili. Inaasahan na rin niya ang paghawi ng daan sa nilalakaran niya. Syempre, siya ang reyna at kusang umaalis ang mga tao sa daraanan niya. Hinawi pa niya ang nakapusod na buhok, pero sumabit ang hibla sa daliri niya. Kaya't sapilitan niya iyong tinanggal. May nadala pang ilang hibla maging ang panali niya ay natanggal. Masamyong hangin ang naramdaman niya na nagpasayaw sa mahaba niyang buhok. Pumikit siya dahil pumunta lahat ng hibla sa mukha niya.

Habang inaayos ni Reyna ang mga buhok na napunta sa kanyang mukha, narinig niya ang malakas na busina ng sasakyan.

Parang nabasag na salamin ang kanyang pantasya dahil sa narinig.

“Kung gusto mo ng mamatay huwag ka sakin magpasagasa! Wala akong pambayad sa libing mo! Umalis ka diyan!” sigaw ng driver.

Tiningnan niya ang paligid. Nasa gitna pala siya ng kalsada. Hindi pala kusang umiiwas ang mga tao sa daraanan niya. Sadyang hindi dumadaan ang mga tao sa gitna. Mabilis naman siyang tumabi para makadaan ang sasakyan.

“Dapat nasa dungeon yan. Mukha kasing baliw. Bakit kaya nakalabas yan?” narinig niyang sabi ng isang babae.

Kung ang Black District ang nagsisilbing basurahan ng buong Urvularia ang Dungeon naman ang kulungan sa loob ng Black District. Mahihirap at mga kriminal ang bumubuo sa lipunan ng Black District pero ang nakakulong sa Dungeon ay mga taong may malubhang sakit.

“Ate... Pengeng pagkain.” Sa halip kontrahin ang sinabi nito, humingi na lang siya ng pagkain.

Tanghali na rin at hindi pa siya kumakain dahil naging busy sila sa paghahanap ng bulaklak.

“Eww... Huwag ka ngang lumapit sakin. Ang dumi at ang baho-baho mo,” taboy nito sa kanya.

“Ate... Subukan mong tumira sa kalsada baka hindi ka lang maging amoy b****a. Ngayon nga mukhang may maayos kang tirahan pero mukha kang ewan,” insulto rin niya dito.

Hindi naman siya bibigyan ng pagkain mas mabuti pang bumawi siya sa sinabi nito.

“Aba't antipatika ka! Lumayas ka nga dito bago ako tumawag ng...”

Bago pa matapos ang sasabihin nito ay tumalikod na siya.

“Hoy... Hindi pa ako tapos magsalita! Bwisit na pulubing to! Ang kapal ng mukhang talikuran ako, hindi naman maganda!” sigaw nito sa kanya.

Tumigil si Reyna sa paglalakad at nilingon ang babaeng sumigaw habang nakangiti.

“Wag kang mag-alala. Hindi ka rin maganda!” ganting sigaw niya.

Tumatawa siya habang papalayo sa galit na babae.

...

“Magnanakaw!” sigaw ng isang babae. 

Nakita ni Reyna ang isang lalaki habang tumatakbo patungo sa direksyon niya. Nakarating na siya sa 25th street.

“Tabi!” sigaw ng lalaki habang hinahawi ang mga tao sa dinaraanan nito. “Alis!” sigaw nito sa kanya. Tinabig siya nito kaya't nasubsob siya sa semento.

Nagawan naman niya ng paraan para hindi mauna ang nguso niya na humalik sa kalsada.

“Magnanakaw! Tulong! Tulungan niyo ako! Iyon na lang ang pera ko para sa pagkain ng mga anak ko! Parang awa niyo na, tulungan niyo ako,” umiiyak na sigaw ng babae habang pilit hinahabol ang tumatakbong lalaki.

Nakatingin lang ang mga tao sa paligid. Normal na ang ganito sa Black District kaya't walang nag-abala para tulungan ang babae.

Tumayo si Reyna mula sa pagkakatumba.

Lumapit siya sa babae.

“Sayo po yata to." Inabot niya ang isang sobre sa babae. “Sa susunod po ingatan niyo na yan lalo na sa mataong lugar.”

Mabilis nitong kinuha ang sobre at binilang ang laman. Nakahinga ito ng maluwag. Mukhang sweldo ito ng Ale. Humarap ito sa kanya at nang-uusig na tumingin. Pinagmasdan ang kanyang itsura mula ulo hanggang paa.

“Siguro kasabwat ka ng magnanakaw na yun ano?" Duro nito sa kanya.

Kahit inaasahan na niyang pagbibintangan siya, umaasa pa rin siyang baka bukod tangi ito sa mga taong mabilis siyang husgahan base lang sa kanyang kasuotan.

“Kung kasabwat niya po ako, hindi ko yan ibabalik sayo," may pagkainis na sagot niya.

Mukhang nakonsensya naman ito sa sinabi pero hindi man lang humingi ng pasensya at umalis na lang bigla.

“Hinusgahan at pinagbintangan na nga ako pero hindi man lang nagpa-candy bago umalis," sambit niya habang tinatanaw ang papalayong babae.

“Aray," daing ni Reyna ng mabangga sa hindi nakitang bagay sa harapan. Matigas, mainit at malamig.

Hinawakan niya ang bagay na yun.

Nagdiwang ang nag-aalburuto niyang sikmura nang makita ang laman ng plastic. Isang siopao at softdrinks.

"Pagkain," masaya niyang sabi.

Hinanap niya kung sino ang nagbigay sa kanya ng pagkain pero hindi niya matukoy dahil sa dami ng tao.

“Kung sino ka man, niligtas mo ang pagra-rally ng mga bulate ko," sabi niya at sinimulang kainin ang masarap na tanghalian.

...

“Siguradong siya na naman ang may kagagawan no'n." Pamilyar na boses ang narinig niya malapit sa ilalim ng tulay kung nasaan ang kanyang tulugan.

Akala ni Reyna kapag nakarating siya ng 30th street makakapagpahinga na siya. Mukhang malabo dahil sa mga nag-aabang sa kanya.

“Wala nang iba. Siya lang ang kilala nating may mabilis na kamay. Hindi nga lang niya pakinabangan sa pagnanakaw, tayo pa ang ninanakawan,” sang-ayon ni Oval.

Gusto sana niyang itama ang sinabi nito dahil binabawi lang niya ang mga dinukot ng mga ito at binabalik sa may-ari.

“Matigas talaga ang apog ng isang yun, ayaw na ngang sumanib sa grupo natin tapos kakalabanin pa tayo,” sambit ni Tino.

Aalis na sana siya nang makita siya ng kasamahan ni Maylo. Ang pinuno ng mga mandurukot sa Black District.

“Si Reyna." Turo ni Kado sa direksyon niya.

Lahat ng kasama nito ay napatingin sa kanya at nakakakilabot na ngumisi. Haist. Mapapalaban na naman siya.

“Hulihin siya!” sigaw ni Maylo ng magsimula siyang tumakbo.

Mapapalaban na naman siya sa takbuhan at taguan sa grupo ni Maylo. Kung sana man lang may premyo ang pagtakbo niya, meron na sana siyang panghapunan. Kaso mukhang ube ang magiging hapunan niya kapag nahuli siya ng mga ito.

...

Sumilip si Reyna sa pinagtataguan. Wala na ang mga humahabol sa kanya. Nailigaw na naman niya ang mga ito, pero siguradong ilang araw siyang hindi makakabalik sa ilalim ng tulay. Doon siya aabangan ng mga ito. Inalis niya ang pagkakatabon ng isang itim na plastic sa kanya. Natapon pa sa kanya ang supot ng bulok na sibuyas galing sa loob ng plastic.

“Nadagdagan na naman ang amoy ko nito.” Balewala niyang pinagpag ang suot na dirty white long sleeve. Puti ito dati pero dahil madumi na kaya't naging dirty white ang kulay nito.

“Ano ba yan. Naiwan pa,” reklamo niya ng makalabas sa tambak ng b****a. Kinalkal niya ang ibang b****a para makuha ang kabilaan niyang tsinelas.

Bahagya siyang natigilan ng marinig ang iba't-ibang tunog hindi kalayuan sa kanyang pwesto.

Tinigil niya ang ginagawang paghahanap sa tsinelas. Tumingin siya sa direksyon kung saan nanggagaling ang tunog. Madilim ang eskinitang kinaroroonan niya. Hindi umaabot ang lamp post sa pwesto niya. Wala rin siyang ideya kung anong street siya napunta. Sana lang wala siya sa 15th street. Delikado ang mga street mula sa 1st to 15th. Dahan-dahan niyang sinundan ang tunog.

“Ahh!” bahagya pa siyang nagulat sa isang nasasaktan na boses.

Nakarating siya sa dulo ng eskinita. Nagkubli siya sa isang drum na basurahan at dahan-dahang sumilip. Ganun na lang ang pagkagulat niya sa nakita. Nagtaasan ang kanyang balahibo. Gusto niyang sumigaw pero walang boses na lumabas sa kanya. Gusto niyang tumakbo at lumayo pero nanghihina siya. Tuluyan siyang napaupo dahil sa panghihina. Pinilit ang sarili na umatras para makalayo.

Mas nanlaki ang mga mata ni Reyna dahil sa tunog ng nasaging basurahan. Tumingin ang nakakatakot na nilalang sa kanyang direksyon. Hindi niya makita ang mukha nito dahil sa itim na kasuotan. Ngunit kitang-kita niya ang umaagos na dugo sa hawak nitong patalim galing sa mga nagkalat na katawan. Katawang wala nang buhay. Mga katawan na may saksak sa dibdib at gilit sa leeg.

Humakbang ang nilalang patungo sa kay Reyna. Hindi niya alam kung saan kumuha ng lakas pero mabilis siyang tumayo at tumakbo papalayo sa nilalang. Hindi siya lumingon. Ayaw niyang lumingon. Mas binilisan pa niya ang pagtakbo ng matanaw ang liwanag mula sa kabilang bahagi ng eskinita. Ilang hakbang na lang para makarating siya sa liwanag pero bigla siyang tumigil dahil ang tinatakbuhang nilalang ay nasa harapan na niya. Nakatayo ito sa daraanan niya. Humakbang siya paatras ng humakbang ito palapit sa kanya. Muli niyang nakita ang hawak nitong patalim. Kumikislap yun kapag bahagyang natatamaan ng liwanag.

“S-sino ka?” kinakabahan niyang tanong. Wala siyang sagot na nakuha.

Humakbang siyang muli paatras at handa ng tumakbo pabalik sa pinanggalingan ng biglang nawala ang nilalang sa harapan niya. Kinilabutan siya dahil sa nasaksihan. Higit siyang nakaramdam ng takot ng maramdaman ang matalas na patalim sa leeg niya.

“P-pakiusap... Huwag mo akong papatayin,” kinakabahan niyang sabi. “Marami pa akong pangarap sa buhay. Hindi ko pa nararanasan maligo araw-araw. Kahit tatlong beses sa isang linggo ayos lang,” pakiusap niya. “At higit sa lahat...”

Napahawak siya sa tiyan ng marinig ang tunog no’n.

“... Hindi pa ako naghahapunan.”

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jane Miña Obciana
Tropa kasi yan ...
goodnovel comment avatar
Jane Miña Obciana
Sinasabi kona nga ba itong Mayti Vand ang tropo nina Ragby Van at Glue Vand ...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status