Armed and Dangerous
Armed and Dangerous
Author: SGirl
Kabanata 1

“NAY...”

 

Dahan-dahan akong nilingon ni ina, puno ng kalungkutan ang mga mata habang tahimik na gumagawa ng apoy para sa gabing ito. 

 

Huminga ito nang malalim at ibinalik din ang tingin sa ginagawa. 

 

Namulsa ako’t naupo sa duyan na nakatali sa magkabilaang puno.

 

Batid ko ang dahilan kung bakit siya nagkaka-ganiyan.

 

“Ina, huwag ka nang malungkot. Ang higanti ay darating din sa mga tao na iyon,” mahinang saad ko sa gitna ng katahimikan na bumabalot sa pagitan namin.  “Maghintay lamang sila dahil balang-araw ay luluhod sila sa harapan ko’t mangingisay sa sakit. Ang sandata ko na ito ang babaon sa mayaman nilang mga balat.” 

 

Humigpit ang hawak ko sa aking itak na si ama pa mismo ang nagdisenyo. Ito ang itak na tatapos sa mga taong pumaslang sa aking ama’t mga kapatid. Dinisenyo ito upang kumitil ng buhay ng mga tao.

 

Mabilis na nilamon ng liwanag ang madilim na kagubatan nang makagawa na si ina ng apoy gamit ang mga kawayan na pinagkiskis. 

 

Ang iba naming kasamahan ay nagpapahinga sa ‘di kalayuan at nagkakasiyahan. Batid kong pagod sila sa maghapong pagtuturo at pag-e-ensayo para sa mga bagong anib o recruit sa grupo namin. 

 

Ang mga estudyanteng nasayang ang talino dahil mas pinili nilang labanan ang gobyerno’t talikuran ang lahat sa kanila. Tulad din ng aking naging kapalaran.

 

Mapait akong ngumiti sa kawalan. 

 

Kailangan kong maghiganti...

 

Iyan na ang matagal nang nakatatak sa aking isipan simula pa lamang nang patayin nila ang ilang miyembro ng aking pamilya. 

 

“Isa ka ngang magaling na pinuno at berdugo, Ria. Iyan ang hangarin na matagal nang minimithi ng iyong ama para sa iyo noong humihinga pa ito. Ipagpatuloy mo lamang iyan,” ang wika ng aking ina matapos ang ilang minutong katahimikan. 

 

Wala sa sarili akong napalunok habang naniningkit ang mga mata na nakatingin sa buwan. 

 

Iyon ang bagay na pinaka-ayaw kong makita sa tuwing sumasapit ang dilim. Naaalala ko lamang ang mga nakakadiring alaala namin ng lalaking iyon.

 

Pumikit na lamang ako’t pinayapa ang sarili. Ayokong alalahanin pa ang talipandas na iyon. Nandidiri at nagagalit lamang ako sa sarili ko dahil pumatol ako sa isang tulad niya, isa ring mamamatay tao na katulad ko.

 

Napadilat ako bigla nang may tumikhim sa ‘di kalayuan. 

 

Nang lingunin ko ay si Alicia pala, ang aking kapatid na natitira na lamang sa amin. 

 

“Alicia,” bulalas ko’t napayuko. 

 

“Istupida!” biglaang sigaw nito kaya’t napansin ko ang pagkatigil ng lahat. “Huwag kang yuyuko sa sino man! Tandaan mo kung ano ang puwesto mo rito, Austrianna! Duwag lamang ang yumuyuko!” galit nitong pangaral sa akin kaya’t mabilis kong kinumpostura ang sarili. 

 

Tumigas ang mukha ko at nawalan ng emosiyon. 

 

Galit niya akong nilapitan. “Kapag nangyaring nakaharap mo na ang isa sa mga taong lumapastangan sa pamilya natin ay yuyukod ka ba sa kanila? Ikaw ang pinuno’t kumander ng ating grupo! Nararapat lamang na maging matigas ka at mapagmataas!” Dinuro nito ang noo ko, nagpapahiwatig na itanim ko sa aking kokote ang mga sinasabi niya. 

 

Batid ko naman iyon. Hindi na niya kailangang sabihin pa.

 

“Matagal nang nakatatak sa isip ko iyan, Alicia. Huwag mo akong sigawan dahil kaharap mo ngayon ang pinuno mo. Nararapat lamang na ilugar mo ang sarili mo,” mariin kong sambit at tinampal ang kaniyang kamay. 

 

 

Natigilan ito at palihim na nagtagis ang bagang. 

 

Isang malaman na tingin ang ibinato ko rito bago ako tumalikod nang walang pasabi. 

 

Dala ang nakayukom na kamay ay tinungo ko ang aking nagsisilbing tuluyan. Isa iyong malaking tent na kumpleto sa kagamitan. 

 

Ako ang pinuno’t berdugo kaya nararapat lamang na nasa akin ang lahat. 

 

Umismid ako sa kawalan at lihim na nagtagis ang bagang para sa aking lapastangang nakakatandang kapatid. 

 

Batid kong siya ang naghubog sa akin bilang isang magaling na pinuno ng rebeldeng komunista simula pa lamang noong ako’y baguhan dito. Ngunit hindi niya ako dapat inaktuhan ng ganoon. Ang pinuno ay hindi tinatawag na istupida.

 

Batid ko naman kung bakit nagkaka-ganoon ang aking kapatid. Siya ang matagal nang kasa-kasama ni ama ngunit sa akin ibinilin ang samahan o ang grupong ito, hindi sa kaniya o maging kay ina. Nagseselos siya sa akin kaya’t lagi siyang galit.

 

Naupo ako sa aking upuan na gawa sa kawayan. Doon ay binuklat ko ang makapal kong kuwaderno. 

 

Iyon ang naging sulatan ko noong ako’y nag-aaral pa lamang sa kolehiyo, ika-dalawang taon ko roon. Limang taon na ang nakalilipas. 

 

Hilig ko noon ang pag-aaral at ang musika, ngunit dahil sa isang trahedya ay napilitan akong itigil ang aking mga pangarap at tulungan ang aking natirang ina’t kapatid dito. Hindi ko sila maaaring pabayaan dito lalo na’t sa akin inihabilin ni ama ang grupo namin.

 

Taimtim akong nagsulat at binalikan ang mga aralin namin noon sa paaralan. 

 

Ang paaralan na alam kong hindi ko na mababalikan pa. Ito na ang tinahak kong daan sa buhay. Wala ring silbi ang pag-aaral kung mamamatay rin ako sa labanan namin kapag nagkataon. 

 

Ngunit kahit dito sa maliit na bagay na ito ay nais ko pa ring matuto at makapag-aral. Itong aking kuwaderno na lamang ang nagpapagaan sa loob ko sa tuwing ako’y binabalot ng kalungkutan at problema.

 

Problema...

 

Marahas akong napapikit at galit na pinukpok ang mesa na pinapatungan ng aking kuwaderno. Naalala ko na naman ang aking nabalitaan kanina mula sa aking taga-bigay ng impormasiyon, ng aking kanang-kamay...

 

“Kumander, nabalitaan ko mula sa isang mapagkakatiwalaang kasapi na naririto ang isang Montehermoso. Ang ulat ay iyon na raw ang pumalit sa dating Battalion Commander ng mga sundalo ng gobyerno,” ang ulat ni Ka Benjo sa akin habang ako’y abala sa pagmamasid sa mga batang bagong anib sa aming grupo. 

 

Nag-e-ensayo ang mga ito sa ilalim ng matinding init ng araw, walang pakialam kung masira ang balat dahil ang importante ay matuto ng mga taktika. 

 

Huminga ako nang malalim at hinarap ito. Mariin kong iniyukom ang kamay na naka-puwesto sa aking likuran. 

 

“Kanino mo iyan nabalitaan?” walang emosiyong tanong ko. 

 

Nababahala ako sa nalaman, ngunit hindi dapat ako magpakita ng takot o pagkabahala sa aking mga miyembro. 

 

Nagngangalit ang aking bagang sa galit ngunit pinanatili ko ang kalmadong hitsura. 

 

Yumukod ito nang bahagya bago tumugon. “Sa isang taga-bantay sa bayan, kumander. Nasisiguro kong totoo ang kaniyang ibinalita dahil maging ako mismo ay nasaksihan ng dalawang mga mata ko ang sinasabi niyang Montehermoso. Nagbabalak ang grupo nito na patumbahin na naman tayo.”

 

Napaismid ako.

 

Bubuwagin na naman niya ang grupo namin? 

 

Napangisi ako sa isipan. 

 

'Napakatapang mo talaga, Zach. Iyan ang hinahangaan ko sa ‘yo noong tayo pa, ngunit iba na ang sitwasiyon natin ngayon. ‘Yang tapang mo ang lalong nagpapagalit sa akin, talipandas...'

 

“Hayaan mo silang gumawa ng hakbang, Ka Benjo. Itira n’yo lamang sa akin si Montehermoso dahil nais kong ako ang gigilit sa leeg niyang mapagmataas. Pipira-pirasuhin ko ang katawang-lupa niya at aking isusunod ang pamilya niya,” nanggagalaiti kong wika sa aking kanang-kamay. 

 

Muli itong yumuko. “Masusunod, pinuno...”

 

Umalis ito sa aking tabi kaya bumalik sa mga nag-e-ensayo ang aking tingin...

 

Bumalik na naman dito ang lalaking iyon. Papatayin niya na naman ang aming mga ka-grupo’t bubuwagin ang samahan. 

 

Ngunit hindi ko siya hahayaan. 

 

Nilapastangan na nila ang ama’t mga kapatid ko noon, hindi ko na hahayaang maulit muli ang tadhana sa amin ni ina at Alicia. Magkakamatayan muna kami...

 

SA PAGSAPIT ng liwanag ay agad na akong bumaba ng bundok upang puntahan ang ilan sa mga katiwala ko sa bayan. 

 

Simpleng damit lamang ang suot ko upang magmukha akong ordinaryong mamamayan dito. Isang mahabang saya ang suot ko at mahabang manggas pang-itaas. Nakapatong sa ulo ko ang aking pantakip ng mukha habang tahimik na tinatahak ang malawak na palayan. 

 

Ito ang daanan ko dahil mas malapit ito sa pupuntahan ko.

 

Sa ilalim ng aking saya ay nakatago ang isang patalim. Akin iyong gagamitin kung sakaling may manloko sa akin sa gitna ng aking paglalakbay. Huwag lamang silang magkakamali na paglaruan ako.

 

Nakarating ako sa bayan na tirik na ang araw. Marami na ang naglilitawan na mga tao sa paligid. 

 

Sa isang malaking kubo ay pumasok ako. Sinalubong agad ako ng bati ng ilang mga katiwala ko na nakatalaga rito. 

 

“Maaari ko bang makita ang mga nakuha ninyo?” seryosong tanong ko sa mga ito na agad nilang sinang-ayunan. 

 

“Maaari ho, pinuno. Sa katunayan ay alam naming matutuwa kayo dahil kumpara noong nakaraang linggo ay mas marami ang nakamkam namin ngayon na pagkain at pera mula sa mamamayan,” imporma sa akin ng isang katiwala. 

 

Ginabayan niya ako patungo sa isang kuwarto, kung saan nila iniimbak at iniipon ang mga nakokolekta nilang pagkain at pera para sa grupo. 

 

Ito ang isa sa mga gawain namin noon pa. Ang nakawan ang bayan ng pera’t pagkain upang mapunan ang gutom namin doon sa itaas ng bundok, sa aming kampo. 

 

Sapilitan ang ginagawa nilang panghuhuthot. Pinagbabantaan nila na dadakpin at dadalhin sa akin, sa berdugo, upang gilitan ng leeg at patayin, nang sa gayon ay bumaba ang buntot sa amin ng mga tao rito. 

 

Kami ang kinakatakutan ng mga mamamayan dito. Ngunit kami rin ang takbuhan sa tuwing may mga kriminal dito na umaatake. Dadakpin at ilalagay sa tapat ko upang bigyan ng hatol. 

 

Ako man, bilang isang kumander at berdugo ng grupo, ay ginagampanan ko ang tungkulin kong parusahan ang mga kriminal na nanggugulo sa bayan. 

 

Kakatuwang isipin na pumapatay ako, kami, ng mga kriminal ngunit batid ko na isa rin kaming ganoon. Isa rin kaming kriminal at panggulo sa bayan na ito.

 

Nang masilayan ko na ang ibinibida nito ay napatango-tango ako. Marami na nga iyon. 

 

“Tama lamang ito para sa loob ng dalawang linggo. Sa susunod ay galingan n’yo pa ang pagnanakaw dahil baka dumating ang araw ng tag-gutom. Wala tayong laban sa mga sundalo kapag nagkataon,” mariing wika ko’t sumenyas na dalhin na nila ang mga ito sa kampo namin. 

 

Ang ibig sabihin ng araw ng tag-gutom sa amin ay ang araw ng paglusob ng puwersa ng gobyerno kontra rebelde. Kapag nangyayari iyon ay nahihirapan kami na lumabas at manghuthot ng mga pagkain at pera sa mga tao. Magugutom kami’t luluhod sa panghihina. 

 

Iyan ang bagay na kinakatakutan ko, lalo na’t nariyan na ang bagong pinuno ng mga sundalo na batid kong malaki ang pagnanasa na buwagin ang grupo namin, sa pangalawang pagkakataon.

 

Isa-isa nilang hinakot at dinala sa kampo ang mga naipong pagkain. 

 

Ngayon ay alam kong hindi na kakalam ang aming mga sikmura sa loob ng dalawang linggo.

 

Sumilay ang isang ngisi sa aking mga labi habang tinatahak ang daan papunta sa palengke. 

 

May mga salapi akong itinago at nais kong ibili iyon ng bagong pluma at kuwaderno. 

 

Kinagagalitan ni ina’t Alicia kapag mayroon akong hawak na papel at pluma kaysa sa sandata. 

 

Anila’y hindi iyon ang nababagay sa mga kamay kong may bahid na ng karumihan. Hindi na nababagay sa akin ang pag-aaral. 

 

Ngunit hindi ko lamang mapigilan ang sarili. Kaya’t minsan ay nagtutungo ako sa bayan upang bumili ng mga iyon. 

 

Nagsusulat ako sa tuwing alam kong walang nakakakita sa akin, nang sa gayon ay walang makapansin sa aking mga ginagawa. Sa madaling salita ay nagsusulat ako sa kadiliman.

 

Huminto ako sa tapat ng isang tindahan ng mga libro na luma na. Nais kong bumili ng isa sa mga iyon upang may mapaglilibangan ako kapag ako’y walang ginagawa, ngunit kulang ang dala kong salapi. Ayokong gastahin ito sa mga medyo matataas na presyong gamit. Papel at panulat lamang ang kaya kong bilhin. 

 

Bumuntong hininga ako’t lumipat sa ibang tindahan. Doon ay napangiti ako sa nakita. 

 

“Magkano ho ang presyo rito?” Tinuro ko ang malaki at makapal na kuwaderno. Halos kasing-kapal nito ang dalawang pinagpatong na kuwaderno. Iyon ang palagi kong binibili rito sa bayan.  

 

Ngunit kakaiba ang isang ito. May disenyo ito na mga bulaklak at kulay pink. Nagustuhan ko agad iyon dahil bago sa paningin ko. 

 

Ang mga binibili ko noon ay puro walang disenyo na kuwaderno.

 

Nang sabihin nito ang presyo ay agad ko itong binayaran. Hindi ko na pina-plastik ang bago kong kuwaderno upang madama ko iyon. 

 

Masayang-masaya ako dahil may bago na naman akong susulatan. 

 

Bitbit ang bagay na iyon ay nagpunta ako sa isang tindahan ng mga pluma. 

 

Ngunit... sandali akong napatigil nang mapansing may komusyon sa ‘di kalayuan. 

 

“Ano’ng mayroon doon?” takang tanong ko sa babae na katabi ko lamang. Maging ito man ay nakatingin doon. 

 

“Hindi ko sigurado, e. Pero mukhang nandito na naman ang mga sundalo. Paniguradong nag-i-inspeksiyon na naman sila rito sa bayan,” ang tugon nito na ikinawala ng masayang pakiramdam ko. 

 

Naalis ang emosiyon ko na nakadikit sa aking mukha kani-kanina lamang, saka muling hinarap ang nagtitinda ng mga pluma at kung ano-ano pa. 

 

Nagtagis ang aking bagang at nanlisik ang mga mata. 

 

Kampante naman akong walang makakakilala sa akin dito. Ang pandong ko sa ulo ay natatakpan ang aking buong mukha, maliban na lamang sa aking mga mata. 

 

Ako’y walang relihiyon. Wala akong kinikilalang bathala sa buhay. Ganito lamang ako manamit dahil nagtatago ako ng anyo sa mata ng mga tao.

 

Naglikot ang aking mga mata.

 

Sa pagkatalikod ng bantay ng tindahan ay agad na kumilos ang aking kanang kamay upang humablot ng mga pluma. 

 

Batid kong hindi kakasya ang dala kong salapi upang bumili ng dalawang pluma, kaya dudukot na lamang ako upang makakuha ng limang panulat. 

 

Akma ko iyong itatago nang biglang may nagsalita sa gilid ko. 

 

“Hindi maganda ang pagnanakaw...” 

 

Nawindang ako’t nilingon iyon—na sana’y hindi ko na pala ginawa dahil nakita ko na naman ang taong hindi ko nais na makita sa ganitong sitwasiyon. 

 

Inayos ko ang sarili’t sineryoso ang mukha. 

 

Blangko itong tumingin sa akin, pagkaraa’y naningkit ang mga mata. Kaya’t bago pa man niya makilala ang mga mata ko ay tinalikuran ko na ito. 

 

Ngunit batid niya ang plano ko dahil mabilis niyang nahablot ang braso ko. 

 

Dumukot ito ng pera sa bulsa ng suot niyang army pants at saka nagbigay ng malaking halagang salapi sa tindera na nagtataka sa nangyayari sa amin. Hindi nito napansin ang ginawa kong pandurukot kani-kanina lamang. 

 

Nang makabayad ay hinila ako sa tabi ng lalaki. 

 

Inis kong kinalas ang hawak nitong pahigpit nang pahigpit. 

 

“Isang kalapastangan ang paghawak mo nang ganoon sa isang binibini,” matigas kong wika rito at bahagyang nilagyan ng distansiya ang pagitan namin. 

 

Kung maaari ko lamang gilitan ito ng leeg ngayon mismo ay gagawin ko na. Ngunit hindi maaari... mabubuking agad ako ng mga tao. 

 

Umiwas ako rito ng tingin nang titigan niya ang mga mata ko. 

 

'Hindi pa ngayon ang tamang oras upang paslangin ka, Zach...'

 

Napailing ako sa sinabi ng aking isip. 

 

“Hindi ba’t isang kawalang-hiyaan din ang ginawa mo kanina, binibini? Pasalamat ka dahil hindi kita pinarusahan,” aniya’t namulsa.

 

Taas-noo ako nitong pinagmasdan habang tila ba kinikilatis ako. Naasiwa ako sa mga tingin na ibinibigay nito kaya lalo akong dumistansiya. 

 

Kita ko pa kung paano gumalaw ang isang kamay niya na nasa loob ng bulsa niya. Batid kong pumormang kamao iyon, tila ba nagpipigil ng galit. 

 

Ginapangan ako ng pagkabahala dahil baka nakilala ako nito sa boses o ‘di kaya’y sa mga mata. 

 

Kilalang-kilala niya ako mula pa noon. Alam niya kung paano ako kumilos, ang paraan ng aking pagsasalita, at ang aking mga mata. 

 

Limang taon kaming naging magkarelasiyon noon, bago nasira ng trahedya ang aming tadhana sana.

 

Mahigpit kong hinawakan ang aking kuwaderno’t ninakaw na mga pluma.

 

Ngumiti ako nang matamis sa ilalim ng aking takip sa mukha. “Wala akong makapang pakialam, Sir,” napo-poot kong turan sa kaniya. 

 

Umangat ang sulok ng labi nito at natutuwa akong tiningnan. 

 

Sandali pa akong natigilan nang bahagya itong yumukod at lumapit sa akin. 

 

“Wala ka pa rin palang ipinagbago, mahal ko,” bulong nito na ikinagimbal ko. “Hayaan mo’t palalayain kita ngayon. Ngunit sa susunod na makita pa kita ay dapat ka nang pangatugan ng tuhod.  Sapagkat ipagkakait ko sa iyo ang karapatan mo na makasama ang pamilya mo. Kukunin kita, mahal, ano mang oras mula ngayon.”

 

Napamaang ako’t malakas na tinulak ang matipuno nitong dibdib. 

 

Nagtaas-baba ang aking dibdib  sa galit. 

 

Kung ganoon ay nakilala niya ako agad. Sinasabi ko na nga ba. 

 

Natutuwang ngumisi ito sa nakitang galit at pagka-gulat sa aking mga mata. 

 

Kumuyom ang mga kamay ko at saka napalingon sa paligid. 

 

Ngayon ko lamang napagtanto na pinagtitinginan na kami ng mga tao sa paligid. Kasama na roon ang mga kasamahan nitong sundalo na nagtataka ang mga tingin sa amin. 

 

Sa galit ko’y mabilis akong umalis sa bayan at umuwing baon ang galit na nararamdaman...

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status