Share

Chapter 5

Hindi ko alam kung bakit ganoon pa rin ang trato ni Kuya River sa akin sa kabila ng nalalaman niya. Nagagawa niya pa rin na maging ganoon kabait, at kailan man ay hindi niya ipinaramdam sa akin na ayaw niya akong kasama. Napakabait niya.

“Kumusta? Susunduin namin kayo sa airport. Nag-enjoy ba kayo?” tanong ni Mommy sa akin sa telepono habang inaayos ko ang aking gamit at naghahanda sa pag-alis namin dito sa Batanes.

“O-Oo naman po. Sobrang nag-enjoy po kami. Sobrang maasikaso rin po ni Kuya River. Nakakahiya nga po, eh,” asik ko at napanguso. Totoo kasi iyon.

“Bakit naman?”

“Siya po kasi palagi ang nagluluto at naghuhugas ng mga p-plato. Kapag naman po inaanyayahan ko siyang kumain sa labas… siya rin ang nagbabayad,” sambit ko.

Napatigil ako sa paglalagay ng lotion nang marinig ko ang tawa ni Mommy mula sa kabilang linya. “Mommy, ano pong nakakatawa?” inosenteng tanong ko pa.

“Sabi ko na nga ba at tama kami ng pinili ng Daddy mo para sa iyo. River is such a gentleman! Hindi ba?”

“O-Opo.” Kaso may gusto naman siyang iba at hindi ako 'yon.

“And don't be sad anymore, hija. Kung ang inaalala mo ay ang Tita Roselle mo, she already agreed to the marriage!” maligayang sambit niya na ikinagulat ko

Si Tita Roselle? Pumayag na sa kasal namin ni River?

“T-Talaga po? P-Paanong nangyari iyon?”

“She said that she really wants you for River. Iniisip niya lang na baka may mahal na iba si River. However, I don't know what happened, but she said that River's girlfriend or fling is rude. Basta ang daming insulto na sinabi ni Roselle tungkol sa babaeng iyon at ayoko nang alalahanin pa. Cursing makes me look older! Anyway, tinatawag na ako ng Daddy mo. See you later, sweetie. Mwah!”

“T-Teka lang po, Mommy—!” Naputol ang sasabihin ko nang bigla niyang ibaba ang tawag. 

Naman eh!

Patuloy ang pagmamaktol ko at pag-iisip sa mga sinabi ni Mommy sa buong biyahe lalo na noong nasa eroplano kami. Hindi ko rin naman makausap si Kuya River dahil may kausap yata ito sa telepono. Mukha siyang frustrated at kanina pa nagtitipa sa kaniyang cellphone. Gusto ko pang magtanong kung maayos lang ba siya pero dahil sa dami ng bumabagabag sa akin ay hinayaan ko lang na manahimik kaming pareho.

“Hijo, Hija!” Napatakbo palapit sa akin si Mommy at niyakap ako nang makarating kami sa airport. Si Tita Roselle ang kasama niya at sina Daddy raw ay nasa aming sasakyan.

“Hi po, Mommy!” Nakangiting sambit ko at saka ako napalingon kay Tita Roselle. “M-Magandang gabi po,” nahihiyang usal ko.

“Good evening din. I'm glad to see you again, Charlotte. You've grown beautifully! Malayo pa lang ay bagay na bagay na kayo ng anak ko,” nakangiting papuri niya at lumapit para bumeso. 

“So, let's go? Handa na ang dinner sa bahay,” Mommy said.

Hindi talaga ako komportable lalo na noong makarating kami sa bahay paramaghapunan. Tahimik lang ako habang nakikinig sa aming mga magulang. Ganoon din si Kuya River. Mas… madalas nga lang siyang bumuntong hininga.

“Anyway, why don't we tell them about our surprise?” tanong ni Mommy.

“A-Ano pong sorpresa?” tanong ko sa kanila. Atat na 'kong malaman ang sinasabi nila.

“We decided to have an engagement party for the two of you! Tomorrow! Ngayon sana, kaya lang ay naisip namin ni Roselle na masyado pa kayong pagod,” Mommy said.

Napaawang ang aking bibig at napatitig ako sa mga naroon. Pati si Ate Lorie ay napagkunotan ko na rin ng noo!

“Pardon?” matigas na tanong ni Kuya River.

“I've contacted the catering and design services for tomorrow. The invitations are out, too,” Tita Roselle said.

“Mom? What's with the rush?” tanong ni Kuya River.

Lolokohin ko ang sarili ko kung sasabihin kong hindi ko gusto ito. Pinangarap ko ito. Pinangarap kong makasama siya hanggang sa huling hininga. Pinangarap kong magustuhan niya ako at hayaan akong alagaan siya.

Pinangarap kong makasal sa kaniya, pero hindi naman sa ganitong paraan.

Lalo na kung ayaw naman ni Kuya River.

“There's no rush, hijo. It's just an engagement party. The invitations are also out.” Nanlaki ang aking mata at napalingon ako kay Tito Lucio na parang proud pa sa sinabi.

“D-Daddy? Mommy?” Nilingon ko ang aking mga magulang at napakurap-kurap.

“Yes, sweetie. I picked your dress already!” bulong pa sa akin ng Mommy.

Aapila pa sana ako pero wala na akong magawa nang magsalita ang Daddy patungkol doon.

“Everything is set already. Wala na kayong dapat pang alalahanin. And don't pressure yourselves. This is just a party announcing your engagement. Hindi ba at napag-usapan na natin ito bago pa man kayo makapuntang Batanes?” Napanguso na lang ako at napatungo. Oo nga at napag-usapan namin iyon pero hindi naman namin alam na mangyayari agad!

Wala ba akong kakampi rito? Ate Lorie, tulungan mo ako.

“I hope that it will be okay with River?” Istriktong tanong ni Daddy kina Tito Lucio. Kunot-noo ring tiningnan ni Tito Lucio si Kuya River kaya't walang nagawa ito.

“I-It's fine, Sir,” aniya. Subalit alam kong hindi. Bakit hindi man lang siya umaapila?

"Good. I guess we'll be seeing you tomorrow, then?” tanong ng Daddy. Sa paraan ng pagkakatanong niya ay parang walang maglalakas loob na tumanggi. It’s very authoritative.

Hindi ako mapalagay noong gabing iyon. Pakiramdam ko ay kasalanan ko lahat. Parang manipulado lahat ng nangyayari at hindi iyon tama.

Halos hindi ako natulog at puro isip at iyak lang ang tangi kong nagawa. Napapaidlip lang ako subalit magigising kalaunan para mag-isip at umiyak muli.

Hindi ko alam kung ano ang dapat maramdaman. Naguguluhan ako sa aking sarili. Oo nga at gustong-gusto ko siya. Gusto ng puso ko na makasal sa kaniya isang araw.

Pero sa tuwing naiisip kong may mahal siyang iba at mamumuhay kami ng ganoon… hindi ko kaya.

Ang isiping kamumuhian niya ako dahil lang sa pag-ibig ko ay hindi ko gustong mangyari kailanman.

“Sweetie, are you okay?” tanong ni Mommy noong hapong iyon habang inaayusan niya ako.

“P-Po? Oo naman po,” pagsisinungaling ko kahit kagabi pa akong binabagabag ng konsensiya ko.

“Sweetie, I know that there's something wrong. Tell me.” Sinuklay ni Mommy ang maalon kong buhok habang nakaharap ako sa salamin at suot ang kulay puting roba.

“W-Wala po talaga… i-iniisip ko lang po si Kuya River.” 

“You should call him by his first name since you're already engaged. Anyway, ano ba ang bumabagabag talaga sa iyo?” tanong niya.

Tinitigan ko ang sarili ko sa salamin. Mukhang inosente ang may pagkabilog kong mga mata. Bahagyang mapula ang natural at hugis puso kong mga labi. Noon ko lang din napansin ang lampas balikat, maalon at maitim kong buhok.

Noon ko napansin na hindi ko gusto ang hugis ng aking mata. Hindi ko gusto ang aking buhok dahil hindi ito tuwid kagaya ng iba. Tapos 'yung katawan ko… hindi rin maganda. Napakapayat at mukhang nagkulang. Idagdag pa ang malaking peklat sa tiyan dahil sa nakaraan.

“Charlotte?”

“Ang pangit ko po pala?”

Napapitlag ako nang iharap niya ako sa kaniya. Kunot ang kaniyang noo at halatang hindi natuwa sa narinig.

“Who told you that? Why are you thinking like that?” istriktang tanong ni Mommy kaya't napakagat na lang ako sa aking labi.

“N-Naisip ko lang po,” asik ko at napatungo.

Bumuntong hininga si Mommy at itinapat sa akin ang isang spaghetti strap na fitted satin dress. May slit iyon sa binti at hindi ko alam kung kakayanin ko bang isuot. Hapit na hapit, eh.

“You're having insecurities because of River's girlfriend?” istriktang tanong niya sa akin. Napalabi ako at nagulat nang bahagya niya akong hilahin palapit sa kaniya.

Ganito madalas si Mommy. Mabait siya at makulit kapag kami ni Daddy ang kaharap. Kapag hindi naman...

“Listen to me, Charlotte Katherine. You are a beauty. And most of all, you are a Belmonte. You are the well-known Belmonte heiress. Didn't you know that girls envy you?” tanong niya. “I'm glad you have that pure heart, pero anak, hindi mo dapat minamaliit at ibinababa ang sarili mo. You’re more expensive than the greatest diamonds.”

Ngumuso ako at marahang tumango kay Mommy. Bumuntong hininga siya bago iniabot sa akin ang dress.

“Wear that. I'll see you later,” nakangiting sambit niya at saka lumabas ng aking kwarto.

Wala na akong nagawa bukod sa sundin siya at isuot iyon bago ako lumabas ng kuwarto. Sinalubong naman ako ni Ate Lorie na may hawak na ilang pagkain.

“Napakaganda mo, CK,” sambit niya.

“S-Salamat po,” asik ko. Hindi ko alam kung maniniwala ba  ako sa kaniya. Tanging blush-on at lip gloss lang naman ang inilagay sa akin ni Mommy. Wala naman yatang nagbago.

“Cha?” Napalingon ako sa tawag ni Kuya River sa akin. Napakagwapo niya sa suot na coat at polo. Wala siyang tatalo sa kagwapuhan niya lalong-lalo na sa paningin ko.

“K-Kuya River,” nakangiting sambit ko. Nginitian kami ni Ate Lorie bago siya nagpatuloy sa paglalakad.

Inilahad ni Kuya River ang kaniyang kamay sa akin. Nag-aalinlangan man ay tinanggap ko pa rin iyon.

Pigil ang hininga ko nang hinawakan ang kamay niya. Ikinawit niya iyon sa kaniyang braso para alalayan ako sa pagbaba sa mahabang hagdan ng aming bahay.

Kakatwang sa mga oras na iyon, wala akong pakialam sa hagdan o kahit sa mga taong naroon at pumapalakpak sa aming pagbaba.

Sa kaniya lamang ako nakatingin. Sa seryoso niyang ekspresyon, sa nasasaktan niyang mga mata, at sa mapupula niyang labi. Gusto kong makasal sa kaniya. Sa kaniya lang at wala nang iba.

Lutang pa rin ang isipan ko kahit nagsisimula na ang batian ng lahat. Ang pakikipag-usap nina Mommy at Daddy sa mga taong naroroon ay halos hindi ko inalintana.

Parang sa buong oras ay nakahawak lang ako kay Kuya River, nag-iisip at nasasaktan.

Kagaya noon, kanina pa siyang may tinatawagan at wala sa akin ang atensyon niya o kahit sa kung kanino mang negosyanteng gustong kumausap sa kaniya. Tanging nasa babaeng tinatawagan lang. It breaks my heart. Yet, I have no choice.

“We would like to thank everyone for attending tonight. So? Why don't we hear what the future bride and groom would say?” sabi ni Mommy sa microphone.

“K-Kuya River?” Bulong ko sa kaniya subalit hindi niya ako pinansin. “K-Kuya?”

“Just go, Cha. Okay?” medyo iritadong sabi niya kaya't napatango ako. Tinanggal ko ang aking kamay sa kaniya at saka marahang tumayo para umakyat sa platform.

Hinawakan ko ang microphone na nasa stand. May media sa harap at  kahit nakakasilaw ang bawat flash ng camera nila, hindi nakatakas sa paningin ko ang paglapit ni Tita Roselle kay Kuya River.

“Good evening po. I would just like to thank everyone for coming here tonight—”

“Why didn't you come up there?” tanong ni Tita Roselle kay Kuya River.

“What did you do to Sandra? Iniwan niya ako!” Rinig ko ang pag-aaway ng mag-ina sa gilid. Maaaring maingay ang mga tao at ang media pero hindi iyon nakatakas sa pandinig ko.

I longed for his love. However, I couldn’t stand this anymore. He’s too good to be true. Too good to be mine.

“Napakasaya ko po na makita kayong lahat dito sa ganitong party na pinangarap ng kahit sinong babae. Pinangarap ko ring maikasal noon sa isang lalaki at sobrang saya ko na magkakatotoo na ang pangarap na 'yon. Napakasaya ko dahil sa wakas… ikakasal na ako sa kaniya. Sa wakas ay nagustuhan niya na ako. Sa wakas ay napansin niya na ang damdamin ko,” nakangiting sabi ko habang nakatingin sa kawalan. Wala akong gustong tingnan noong mga panahong iyon. Pakiramdam ko ay pipigilan nila akong lahat.

“Pero hindi ganito ang pinangarap ko. Hindi ko naisip na magkakaganito. Sana pala… nag-isip muna ako bago ako nangarap. Sana pala… inisip ko kung gusto niya rin bang makasal sa akin.”

“Charlotte,” tawag sa akin ni Mommy na hindi ko pinansin.

“I've been in love with Kuya River for almost 8 years already. Pero sorry po, Mommy, Daddy. H-Hindi po… ako magpapakasal sa kaniya. I'm sorry to disappoint everyone, but you may all leave now. The engagement is over.” Pinatay at ibinagsak ko ang mic para magtatakbo palayo sa kahihiyan. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status