Share

Chapter 2

"Si Collin dumarating!" 

Hindi ko magawang kumilos sa aking kinatatayuan nang marinig ko ang sigaw na iyon ng isa sa mga lalaking nasa loob kanina ng simbahan. 

"Bakit ngayon ka lang, Collin? Alam mo ba kung gaano kalaking kahihiyan itong nagawa mo? Hindi mo na inisip ang mararamdaman ni Ann," galit na tanong agad ng daddy ni Collin nang makapasok na sa loob ng simbahan ang binata.

"I'm sorry. Medyo naparami kami ng inom kagabi ng mga kaibigan ko kaya't tinanghali ako ng gising," paumanhin ni Collin sa ama ngunit pakiramdam niya ay kulang iyon sa sinseridad. Parang hindi naman ito humihingi ng sorry kundi nagsasabi lamang ng dahilan kung bakit hindi ito nakarating sa kanilang kasal.

"Wala na ang mga taong a-attend sana sa kasal ninyo pati na rin ang pari ay umalis na. Ano na ngayon ang gagawin mo?" narinig kong tanong ni Mommy kay Colt. Hindi pa kasi ako lumilingon. Nananatili lamang akong nakatalikod sa kanila at nakatingin sa altar kung saan dapat kami luluhod. Hindi ako kumilos kahit naramdaman kong naglakad siya palapit sa akin.

"I'm sorry," mahinang sambit nito nang tuluyang makalapit sa akin. Napapikit ako nang marinig ko ang boses niya sa tabi ko. Sa pagkakataong ito ay ramdam ko ang sinseridad sa boses niya. Dahan-dahan niya akong ipinihit paharap sa kanya.

"Bakit ngayon ka lang?" hindi ko napigilan ang humikbi. Magkahalong panghihinayang at saya ang nararamdaman ko. Nanghihinayang dahil hindi natuloy ang kasal namin sa simbahan at saya dahil kahit huli na ay dumating pa rin ito.

"I'm sorry," ulit nito sa paumahin sa akin. Umangat ang isang kamay nito at pinahid ang mga butil ng luha na pumatak sa mga pisngi ko. Titig na titig siya sa mukha ko ngunit hindi ko mabasa kung ano ang nilalaman ng utak niya. Nararamdaman ko lamang ang sinseridad sa kanyang tono ngunit hindi ko iyon makita sa ekspresyon ng mukha niya dahil blangko ito.

Hindi ako nakatiis at niyakap ko siya ng mahigpit na ginantihan naman niya ng mas mahigpit na yakap.

"Ano na ang plano mo ngayon, Collin?" mayamaya ay tanong ni Tito Amado kay Collin. 

Pinakawalan niya ako nang marinig ang tanong ng daddy niya at hinarap ng ama. " Matutuloy pa rin ang kasal namin ngunit hindi nga lang sa simbahan kundi sa huwes na lang muna. Tawagan n'yo na lang ang mga um-attend at papuntahin sa reception. Doon na lang tayo magkita-kita," ani Collin sa ama. Pagkatapos ay hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako palabas ng simbahan.

Sa opisina ng mayor ako dinala ni Collin. Naabutan namin ang mayor sa lugar namin at dalawang konsehal. Ang dalawa ang ginawa nilang witness sa civil wedding nila. Medyo nagtaka siya dahil parang alam ng mga taong naroon na ikakasal sila ni Collin doon at tila ba hinihintay lamang sila na dumating. Ngunit hindi ko na lamang iyon pinansin masyado. Natuon kasi ang atensiyon ko nang gawaran ako ni Collin ng isang malalim at makapugtong-hiningang halik. Bigla akong naliyo sa masarap na pakiramdam na ito. Ito ang unang beses na hinalikan niya ako at ito rin ang unang beses na nahalikan ako ng isang lalaki. Ang asawa ko lamang kasi ang hinihintay ko na maging una at huling halik ko.

"Congratulations, Mr. and Mrs. Dela Serna," nakangiting bati sa amin ng napakabatang mayor sa lugar namin. Inabot niya ang kamay niya para makipag-kamay sa akin na malugod kong tinanggap.

"Thank you po, Mayor," matamis ang ngiting sagot ko sa kanya. Pagkatapos niya akong kamayan ay ang asawa ko naman ang hinarap niya para kamayan.

"Congratulations, Collin. Natupad na ang gusto mo. Sana ay alam mo ang ginagawa mo ngayon," sabi ni Mayor sa asawa ko sabay tapik sa kanang balikat. Kumunot ang noo ko dahil sa aking narinig. Naisip ko na siguro magkakilala ng personal ang dalawa kaya parang magkaibigan kung kumilos at mag-usap.

Ngumiti naman si Collin at inakbayan si Mayor. "Siyempre naman. Malaki na ako kaya't alam ko kung ano ang gusto ko. At iyon ay ang pakasalan si Ann."

Napangiti ako ng matamis nang marinig ko ang sinabi ni Collin. Iyon pala ang ibig sabihin ng mayor sa sinabi nito. Akala ko ay kung ano na.

Hindi na kami nagtagal sa munisipyo at dumiretso na kami sa reception ng kasal namin. Inaya kong sumama sa amin si Mayor ngunit magalang niya akong tinanggihan dahil may meeting daw ito na pupuntahan pagkatapos nitong magkasal sa amin ni Collin.

Pagdating namin sa reception ay naroon na lahat ng mga taong um-attend sa kasal sana namin ni Colt sa simbahan. Sa pintuan ay sinalubong kami ng masigabobg palakpakan ng mga bisita at mga petals ng bulaklak ng rosas sa magkahalong pink at puti. Iyon sana ang isasaboy ng aming flower girl kung natuloy ang kasal namin sa simbahan. Pero ayos lang kahit hindi natuloy sa simbahan dahil ikinasal din naman kami sa huwes. Ang mahalaga ay kasal na kami ngayon. Opisyal na kaming mag-asawa ni Collin ngayon.

"Congratulations, Ann!" nakangiting bati sa akin ni Katrina pagkatapos ay niyakap ako ng mahigpit. "Kinabahan talaga ako kanina. Akala ko'y hindi na kayo ikakasal ni Collin," dugtong nito nang kumawala sa pagkakayakap ko.

"Me too. My gosh! Feeling ko kanina ay aatakehin ako sa puso. Akala ko'y talagang nagkatotoo ang iniisip namin ni Katrina. But anyway, congratulations," niyakap rin ako ng mahigpit ni Jade pagkatapos niya akong batiin.

Ang tinutukoy ni Jade na iniisip nito at ni Katrina ay ang hinala na balak lamang akong gantihan ni Collin kaya niyaya niya akong pakasal agad kahit bago pa lamang kami. Mabuti na lamang at hindi iyon nagkatotoo. Dahil kung nagkataong nagkatotoo ang iniisip ng dalawa kong kaibigan ay hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

"Congratulations. Ang drama ng kasal mo, ha," bati sa akin ni Pam. Ka-edad ko lamang siya ngunit mas mukha siyang matanda sa akin dahil naka-makeup ito ng pang-mature na babae. Ako kasi mahilig sa mga light makeup lamang.

"Congratulations din," tila napipilitang bati naman sa akin ni Ate Pia. Para pa nga siyang umirap sa akin ngunit hindi ko na lamang pinansin. Kasal ko ngayon kaya dapat masayang atmosphere lamang ang nandito. Tama na ang negatibong tagpo tulad kanina sa simbahan.

"Thank you," matipid kong sagot sa kanilang dalawa. Pagkatapos  mai-abot sa akin ang regalo nila ay mabilis nang lumayo sa akin ang magkapatid na tila ba ayaw akong makaharap ng matagal. Napailing na lamang ako habang sinusundan sila ng tingin.

"Mga epal talaga iyang mga pinsan mo, 'no," hindi napigilang komento ni Jade pagkaalis ng dalawa kong pinsan.

"I agree," mabilis na segunda ni Katrina. "Kung hindi nga lang ako pinigilan ni Jade kanina ay baka nakalbo ko na ang dalawang demonyitang iyon. Ang sarap hilahin ng mga dila nila at ipakain sa alaga kong bayawak."

Hindi ko napigilang matawa sa sinabi ni Katrina. Kahit na kailan ay matapang talaga ang kaibigan kong ito. How I wish na kasing-tapang niya ako. Kaso hindi, eh. Nagmana ako kay Mommy na madaling masaktan ngunit hindi mabilis magalit.

"Hayaan n'yo na nga sila. Huwag n'yo na silang pansinin at magkakaroon lamang kayo ng wrinkles," nakangiting biro ko sa kanila. "O kumain na kayo roon at aasikasuhin ko pa ang iba pa naming mga bisita," ipinagtabuyan ko na sila para maasikaso ko naman ang ibang mga bisita ko.

Sa dami ng mga bisitang dumalo ay hindi ako magkandatuto sa pag-estima. Mabuti na lamang at naroon si Mommy at Tito Amado para tulungan ako sa pag-iistima sa mga bisita namin ni Collin. Speaking of Collin, nasaan na kaya ang asawa kong iyon? Kanina ko pa siya hindi makita. Kapag hinahanap siya ng mga bisita namin para batiin ay hindi ko tuloy alam kung ano ang isasagot ko. Hindi ko kasi alam kung nasaan siya dahil bigla na lamang siyang nawala nang magsidatingan ang iba pang mga bisita.

Mataktikang nagpaalam ako sa ilang bisita na kausap para hanapin ang asawa ko. Nakita ko ang bunsong anak ni Tita Mildred na nakaupo sa upuan at naglalaro sa cellphone nito kaya nilapitan ko para tanungin.

"Sasa, did you see my husband?" nakangiting tanong ko sa kanya. Kailangang English-in ko ang mga salita ko dahil hindi ito nakakaintindi ng Tagalog. English at French lamang kasi ang naiintindihan nitong language.

"Hi, Ate Ann. I saw Kuya Collin talking to a girl outside the gate," inosenteng sagot sa akin ng pitong taong gulang kong pinsan.

Biglang naglaho ang ngiti ko sa mga labi nang marinig ko ang sinabi ng bata. Sino naman kaya ang babaeng kausap ng asawa ko doon sa may gate? Bakit hindi pinapasok sa loob para kumain kung isa sa mga bisita niya? Para malaman ko ang sagot ay nagtungo ako sa labas. At tama nga si Sasa sa sinabi nito dahil may kausap na magandang babae si Collin at tila umiiyak ito. Kunot ang noong lumapit ako sa dalawa.

"Collin, may problema ba? Kaibigan mo ba siya? Bakit hindi mo papasukin sa loob para makakain?" magkakasunud-sunod kong tanong.

Halatadong nabigla ang asawa ko nang makita ako ngunit agad ding nakabawi samantalang tumalim naman ang tingin sa akin ng kausap nitong babae.

"Ah hindi. Dumaan lang siya para batiin ako. Aalis na rin siya, 'di ba Samantha?" mabilis na sagot ni Collin. Pinapaalis na nito ang babae na para bang ayaw nitong magtagal pa roon ang kausap.

"Yes. Aalis na ako agad. Pero gusto ko sanang makausap si Ann ng sarilinan. Puwede ba, Collin?" tanong naman ng babae na tinawag na Samantha.

Tinitigan ng mariin ni Collin si Samantha at tila may pagbabanta sa titig ng aking asawa na labis kong ipinagtaka. Nang tumalikod na ito at pumasok sa loob ng reception ay nakaramdam ako ng munting kudlit sa aking puso. Hindi man lang kasi nag-abala ang aking asawa na ipakilala ako sa magandang babae na kausap nito. Pero gaya ng madalas kong ginagawa ay hindi ko na lamang pinagtuunan iyon ng pansin at baka nakalimutan lamang ni Collin na ipakilala ako sa babaeng kausap nito.

"May gusto ka bang sabihin sa akin?" nakangiting tanong ko kay Samantha. Sa pagkagulat ko ay biglang nanlisik ang mga mata ng kaharap ko.

"Kung sa tingin mo ay nanalo ka na sa laban ay nagkakamali ka. Dahil wala kang alam. Walang kaalam-alam," mahiwagang saad nito. Hindi nawawala ang panlilisik ng mga mata nito.

"Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, Samantha. Anong laban ba ang tinutukoy mo?" tanong ko sa kanya. Naglaho sa mga labi ko ang ngiting kanina lamang ay nakapaskil.

Napaismid ito. "Tanga ka nga kaya ka nagawang pasakayin sa isang drama."

Napahugot ako ng buntong-hininga. "Ano ba talaga ang ibig mong sabihin? Bakit hindi mo ako deretsuhin?" nagugulumihan kong tanong. Hindi ko na talaga nagugustuhan ang itinatakbo ng usapan namin. Tila may nais itong ipakahulugan sa mga sinabi nito. Parang may alam ito na hindi ko alam.

"Bakit ko sasabihin? Hihintayin ko na lamang na matuklasan mo ang lahat. At pagdating ng araw na iyon ay babawiin ko kung ano ang akin," patuloy na pagsasalita ni Samantha sa mga pinagsasasabi nito na hindi ko naman maintindihan. 

Sa sinabing iyon ni Samantha ay mas lalo lamang akong nagulumihan. Gusto ko pa sana siyang pilitin kung ano ang ibig sabihin ng mga sinabi niya sa akin ngunit bigla na lamang niya akong tinalikuran ng walang paalam. Mabilis siyang sumakay sa kanyang kotse at pinaharurot iyon palayo. Naiwan akong nagtataka at naguguluhan. Tungkol saan ba ang mga pinagsasabi niya sa akin? Kaano-ano ba siya ni Collin at tila malaki ang galit niya sa akin?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status