Share

KABANATA 2

KABANATA 2

Sa malaki at madilim na silid, prenteng nakaupo si Rostam sa kaniyang supa habang pinapatay-sindi ang cigarette lighter na hawak niya. Isang musika din ang bumabalot sa kabuan ng kaniyang kwarto na malaking tulong upang ang isip niya ang maging kalmado. Pasado alas tres na ng madaling araw pero di pa rin siya dinadalaw ng antok. Mukhang inaatake na naman siya ng kaniyang insomnia.

Bumangon siya saka naglakad patungo balkonahe. Sinalubong siya nang sariwang hangin at isang malaki at bilog na buwan na nagbibigay liwanag sa buong kalangitan. Inilabas niya ang isang stick ng sigarilyo, sinindihan bago ito inilagay sakaniyang bibig.

Buong araw siyang nag trabaho nang walang halos pahinga, pero ni isa sa mga ginawa niya maghapon, wala pa ring lead sa hinahanap niya. Dismayado pero di na bago sakaniya na ganito matapos ang araw niya.

Sa kalagitnaan ng kaniyang pag mununi-muni, nakarinig siya ng pag sara ng pinto. Mahina lang pero hindi ito nakatakas sa kaniyang pandinig. Agad niyang binitawan ang sigarilyo sabay apak dito bago hugutin ang baril na nakaipit sa pantalon niya. Maingat siyang pumuslit papasok sa loob at kahit nakapatay ang ilaw, kabisado niya ang bawat parte nitong silid. Madilim kaya alerto siya sa paligid ngunit hindi niya inaasahan ang biglang pagbukas ng ilaw na nagbigay liwanag sa kabuuan ng kwarto.

" Holy sh*t! " halos mapatalon sa gulat si Catalina nang makita ang lalakeng nakatayo sa harap niya. Napahawak siya sa kaniyang d****b upang pakalmahin ang sarili pero lalo itong lumala nang makitang may hawak na baril ang taong kasama niya sa silid na pinasukan niya. Tumayo siya nang diretso sabay taas ng dalawang kamay niya. " Pasensya na, wala akong binabalak na masama. Naligaw na naman ako. H-hindi ko alam na maling kwarto pinasukan ko. "

Ibinaba ni Rostam ang baril na hawak niya pero hindi inalis ang tingin sa babaeng na sa kaniyang harapan. " Anong binabalak mo? "

Nagsalubong ang kilay nito. " Balak saan? "

Hindi siya kumibo. Nagsukatan sila ng tingin hanggang sa sumuko ang isa kanila.

" Fine, kailangan ko na kasing umalis at umuwi saamin. Hinahanap na ako ng parents ko. Sa laki ng bahay na'to, hindi ko alam kung saan ako lalabas o papasok. "

Napangisi si Rostam." At this hour? "

" Oo, hindi pa pwede? "

" May uuwian ka ba? "

Saglit na natigilan si Catalina. " Anong ibig mong sabihin? "

Imbis na sumagot, nag kibit balikat na lamang si Rostam saka bumalik sa supa kung saan siya nakaupo kanina. Nagsalin siya ng alak sa baso saka inabot sa dalagang kasama niya.

" Hindi ako umiinok ng alak, " anito kaya siya nalamang ang lumagok sa alak na inalok niya.

" Pagkalabas mo dito sa kwarto, dumiretso ka sa kaliwang hallway, " aniya at muling nagsalin ng alak. " Kanan, pagkatapos kaliwa. Dumiretso ka lang ng lakad, may makikita kang gate pero hindi pa iyong ang daan palabas. Kumaliwa ka, diretso, kanan tapos kaliwa, diretso--"

" Niloloko mo ba ako? " hindi maitago ang inis sa boses na Catalina nang putulin niya ang sinasabi ng lalakeng kausap niya.

" Kung sa tingin mo niloloko kita, bahala ka maghanap ng daan palabas, " kaswal na sagot ni Rostam. Isang malalim na buntong hininga na lang ang pinawalan ng dalaga bago siya lumabas ng silid. Saglit nilingon ito ni Rostam upang matiyak kung siya na nga lang ba ang natitira sa sariling kwarto bago kuhanin ang cellphone para matawagan ang ilang tauhan na nagbabantaybsa hacienda.

" Wala kayong palalabasin ngayon. Kapag nagpumilit, alam niyo na ang gagawin n'yo, " aniya saka binaba ang tawag nang matapos bigyan ng signal ang mga tao niya.

Alam niyang inosente ang bisita at walang kinalaman sa mundong ginagalawan nila ayon na rin kay Lorenzo na nag asikaso sa dalaga kanina. Subalit hindi niya maiwasang maghinala dahil sa mga kakaibang kinikilos nito na animo'y may pina-plano.

***

Sa huli, ibinalik din si Catalina ng kaniyang mga paa sa kwarto kung saan siya pinatuloy kanina. Kung saan-saan na siyang nagsususuot para lang makahanap ng malalabasan pero wala, bigo siya.

Bagsak ang balikat niyang naupo sa kama sabay higa para makipagtitigan sa harap ng kisame.

" Sira ulong lalake 'yon, " bulong niya nang maalala ang pag uusap nila ni Rostam. Kung kanina natatakot siya sa awra nito, ngayon hindi niya maiwasang maasar dahil pakiramdam niya, pinaglalaruan lang siya nito. Hindi niya sigurado kung anong klaseng mga tao ang kasama niya dito pero sa mga nakikita niya, batid niyang hindi siya ligtas.

Kinaumagahan, nagising siya sa sa sinag ng araw na tumatama sa talukap ng kaniyang mata. Bumangon agad siya at agad na hinanap ang orasan para tignan kung anong oras na. Alas-nuebe na ng tanghali.

Mabilis siyang umalis ng kama para lumabas ng kuwarto. Hindi na siya nag paligoy-ligoy pang bumaba ng hagdan. Maliwanag na ang buong hacienda kaya kitang-kita na niya ang bawat pasilyo na kailangan niyang daanan para tuluyang makalabas.

" Oh gising ka na pala. " Napahinto siya sa paglalakad nang marinig ang boses sa likuran niya. Iyong lalakeng nag asikaso sakaniya kagabi na hanggang ngayon, di pa rin niya alam ang pangalan. " Good morning. Halika, samahan mo kami mag breakfast. "

" Ha? Hindi na, busog pa ako--" hindi lang pala luha ang traydor, pati na rin pala sikmura.

" Oh kitams? Tiyan mo na nagsalita para sayo, " natatawang wika nito saka ipinatong ang dalawang kamay sa magkabila niyang balikat para dalhin siya sa kusina. " Sumabay ka na saamin, h'wag ka na mahiya. "

Wala na siyang nagawa kundi pumayag sa alok ng lalakeng nasa likuran niya. Totoo ngang kumakalam na ang sikmura niya pero makakakain ba siya kasama ang mga taong ito?

Isang malaki at mahabang mesa ang bumungad kay Catalina nang makarating sila sa kusina. Hindi lang iyon ang nagpa nga-nga sakaniya kundi ang mga nakahain sa mesa. Parang pyesta dahil napakarami ng putahe.

" Good morning! " bati ng mga kalalakihan na nakaupo na sa kani-kanilang pwesto. Hindi niya magawang bumati dahil nag aalangan siya sa mga kasama niya.

" Mauna na raw tayong kumain sabi ni Boss. May inaasikaso pa sa itaas, " sabi ng isa na kauupo lang. Dadakot na sana ito ng ulam nang tampalin ang kamay niya ng kasama niya.

Nanatiling nakatayo si Catalina dahil pinakikiramdaman niya pa kung tutuloy siya. Naaakit siya sa amoy ng mga pagkain na nakahain at nararamdaman na rin niya ang paglalaway niya.

" Don't worry, walang lason ang pagkain dito, " sabi nung kulot na nasa kaniyang gilid sabay hila ng isang silya para paupuin siya. " Magpaka-busog ka lang, huwag kang mahiya. "

Hindi na nagawang mag pigil ni Catalina dahil muling kumalam ang sikmura niya nang makita ang afritadang ibinaba sa mesa. Kinuha niya ang kutsura at nakahanda na sanang kumuha nito nang marinig ang mahihinang dasal ng mga kasama niya. Bigla siyang nakaramdam ng hiya kaya dahan-dahan niyang ipinagdikit ang mga palad at pumikit para makisabay sa pagdarasal ng mga nasa mesa.

Makalipas ng ilang sandali, nagsimula na silang kumain ng umagahan na sinamahan ng daldalan ng mga lalakeng kasama niya sa mesa. Hindi interesado si Catalina sa mga kwentuhan nila kaya tahimik lang siyang kumakain at sinusulit ang huling araw niya sa hacienda na ito.

" Siya nga pala, okay na ba ang pakiramdam mo ngayon? Hindi na ba kailangan ng Doctor para matignan ka? " Natigil sa pag-nguya si Catalina nang maramdaman ang tingin sa kaniya ng mga kasama niya sa mesa.

Uminom muna siya ng tubig bago magsalita. " Uhm, thanks pero okay na ako. Hindi na kailangan ng Doctor. "

" Sure ka? Lakas ng pagkakabagok mo kahapon. May bukol kaya iyong ulo mo kagabi, di mo napansin? Dumugo pa nga kaya matagal bago ka nagkamalay. "

Nagsalubong ang kilay niya at agad na kinapa ang kaniyang ulo nang biglang magtawanan ang mga ito.

" Joke lang, hindi ka mabiro, " anito sabay simsim sa kape niya.

Hindi magawang tumawa ni Catalina dahil wala siyang makitang dahilan para makisabay sa kasiyahan ng mga kasama niya.

" Ang babaw ng kaligayahan niyo, " aniya saka tumayo. " Salamat sa pagkain at pagpapatuloy saakin. Hayaan niyo, di na mauulit 'to. "

Tumalikod na siya at nakahanda na sanang mag martsa paalis nang makitang dumarating ang isang taong tinutunaw na siya gamit ang matalim na tingin. Hindi na sana niya ito papansinin nang pigilan siya nito gamit ang paghawak sa kaniyang braso.

" Saan mo balak pumunta? " tanong nito sakaniya.

" Uuwi na ako. Salamat sa pag papatuloy saakin, " sinubukan niyang bawiin ang kaniyang braso pero mahigpit ang pagkakahawak nito sakaniya. " Ano ba? Bitawan mo ako--"

" Buong akala ko, paa mo lang ang malikot. Pati pala kamay mo, " seryosong wika nito saka hinila pababa ang damit na suot niya dahilan kaya nagkalaglag ang ilang mamahaling alahas na kinuha niya kagabi sa isang kwartong napasukan niya.

Mariin siyang napapikit. Hindi na siya nag abalang magsalita para ipaliwanag ang sarili dahil alam niyang wala na siyang ligtas o takas.

" Wala ka bang balak mag paliwanag? " tanong ni Rostam.

" Bakit pa ako mag e-explain kung maliwanag naman sa sikat ng araw na nag nakaw nga ako? " Inayos ni Catalina ang sarili niya saka diretsong tinignan sa mata ang lalake sa harap niya. " Ang galing din ng style niyo. Bulok. Sinong sira ulong mag iiwan ng mga alahas sa isang kwarto kung alam niyong may estranghero nakikituloy sainyo? Kabisote ako pero di ako tanga. "

" Hindi ba't pareho lang 'yon? "

Hindi nakuhang lumingon ni Catalina sa nagsalita sa likuran niya dahil sa pagkakataong ito, wala na siyang balak putulin ang pakikipag titigan kay Rostam.

" Ginawa niyo talagang pain yung mga alahas para saakin, no? Bakit? Anong mayroon? Sinong nag utos sainyo na gawin 'to? " tanong niya, " Teka sandali, isa ba kayo sa mga pinagkakautangan ko? Kung oo, pwes magaling ang ginawa niyo! Dalawang kaso na ang kahaharapin ko, happy? Hindi kayo makapag hintay, sabi ng babayaran ko naman kayo diba? Atat na atat kayong magka pera, ang yayaman niyo na! Hindi ko naman kayo tinatakasan, humahanap lang ako ng ibang lugar para may pagka-perahan ako at may mai-hulog sainyo. Hindi niyo naman ako kailangan kidnap-in at i-frame up, paano ko kayo mababayaran kung nasa kulungan na ako diba? "

Namayani ang katahimikan sa buong hacienda. Maski ang mga tagapag luto sa kusina ay hindi maiwasang makiusyoso dahil sa sunod-sunod na pagsasalita ni Catalina. Wala itong preno, tuloy-tuloy na tila ba nakikipag paligsahan sa pag-rap.

Ilang saglit lang, sumilay ang ngisi sa mukha ni Rostam na unti-unting napapalitan ng tawa.

" T*ngina, ibang klase, " anito.

" Minumura mo ba ako? " tanong ni Catalina.

" May narinig ka bang pangalan mo? "

Hindi siya sumagot. Pinagmasdan lang niya ang lalake sa harap niya na naaliw sa reaksyon na ipinakita niya.

" Mas malala ka pa sa machine gun, " kumento ng isa kaya inis na lumingon si Catalina sa likuran niya. Pakiramdam niya, pinagkakaisahan siya ng mga tao dito.

Naiyukom niya ang kamao at muling binalik ang tingin kay Rostam. " Bahala ka na sa gusto mong gawin saakin, pero kung gusto mong mabawi ang inutang ko sayo, bigyan mo pa ako ng pagkakataon at ibibigay ko sayo ng buo yung halaga ng perang hiniram ko. "

Nakangising nagkibit-balikat si Rostam at hinayaan nalang ang dalaga na paniwalaan ang teoryang binuo ng isip niya. Negative. Sa tingin niya, wala talaga itong ideya kung anong klase silang mga tao.

***

Tila isang batang palaboy-laboy sa kalsada si Catalina na hindi alam kung saan pupunta. Ilang beses na ngang may nakakabunggo sa balikat niya pero di niya magawang mag reklamo dahil okupado ang isip niya. Wala na sakaniya ang bag niya na may mga lamang ibang damit at gamit. Tanging sarili na lang niya ang dala at hindi rin alam kung may silbi pa ba ito matapos ng mga naranasan niya.

" Dapat pala nag tago man lang ako ng kahit isang alahas nang may maibenta, " bulong niya saka naupo sa isang bench upang makapag pahinga.

Sa dami ng mga taong pinagtataguan ni Catalina, mukhang kahit saang lugar siya mag punta ay matutunton ang kinalalagyan niya. Ang dami niyang utang, ni hindi na nga rin niya kilala ang mga ito dahil iba-iba ang mukha na nakikita niya sa tuwing may naniningil sakaniya. Wala siyang permanenteng trabaho, kumikita lang siya sa pa-raket-raket kaya naman hindi sapat ang kinikita niya pambayad ng upa at utang. Hindi rin siya nakapag tapos ng kolehiyo dahil sa pag r-rebelde niya sa kaniyang magulang noon. Lumayas siya sa kanila para may mapatunayan, pero paano nga ba ito mangyayari kung puro kamalasan ang nangyayari sa buhay niya?

" Hindi pa ako pwedeng mamatay hangga't wala pa akong napapatunayan, " wala sa sarili niyang sambit habang pinagmamasdan ang makulimlim na kalangitan. May isang tao siyang pinangakuan patungkol sa pag-angat niya sa buhay. Ang kaniyang Ama na matagal ng namayapa subalit buhay pa rin sa isip at puso ni Catalina.

" Lalim ng buntong hininga natin ah? " Nahinto siya sa pag mumuni-muni nang may isang babae ang naupo sa tabi niya. Una niyang napansin ang malaki nitong dinadala dahil sa manipis na sando nitong suot-suot. May mahaba rin itong hikaw na halos sumayad sa magkabila nitong balikat. " Huwag mo akong titigan, baka matunaw ako niyan. "

Ngumiwi siya bago alisin ang tingin sa hinaharap nito. Hindi niya maiwasang ibaba ang tingin sa sarili at pasimpleng ikinumpara ang kaniya sa katabi niya.

" Alam mo hija, maganda ka. Maganda rin ang hubog ng katawan mo at kung aayusan ka, tiyak na mag niningning ka, " wika ng babae na nagpalingon sakaniya.

" Uhm, salamat? " aniya dahil nag aalangan siya sa kaniyang isasagot.

" May lahi kang banyaga, tama? " tanong pa nito saka nag sindi ng sigarilyo sa harap niya. " May pinagkakaabalahan ka ba ngayon? May problema ka ba na hinahanapan mo ng solusyon? Tulungan kita. "

" Sandali, sandali lang. Magkakilala ho ba tayo? " Umayos ng upo si Catalina at pilit kinikilala ang kausap niya pero ngayon lang niya ito nakita.

" Huwag mo nga akong i-po. Hindi nalalayo ang edad natin, ano ka ba? " natatawang wika nito saka hinawi ang buhok niya papunta sa likod. " Pero para sagutin ang tanong, ngayon lang tayo nagkakilala. Ako si Janice, o mas kilala sa tawag na Mamita. Ikaw ano ang pangalan mo? "

" Catalina, " sagot naman niya. " Nice to meet you, Janice. Pero maitanong ko lang, saan ba pupunta ang usapan na 'to? Kung pera ang habol mo, wala akong maibibigay dahil kita mo naman, wala akong dalang kahit na ano. Ni singkong duling, wala ako. "

" Wow, I love your attitude na. Walang paligoy-ligoy. Diretso kang magtanong, " tila mas natuwa ito dahil sa pinakita ni Catalina sa kaniya. May inilabas itong card sa wallet niya saka inilagay sa palad ng dalaga. " Ito ang sagot sa problema mo. Malapit lang siya dito at kung interesado ka, tawagan mo ako. "

Agad na tinignan ni Catalina ang card na hawak niya at sa hitsura at ilang detalye na nakalagay dito, batid na niya ang trabahong inaalok sakaniya.

" Teka sandali, " pigil niya nang makitang paalis na si Janice sa tabi niya. Agad siyang tumayo para isauli yung card na inabot sakaniya.

" Oh I see, hindi ka interesado--"

" Kung magsisimula ba ako ngayon, may kikitain na ako? " putol ni Catalina na nagpasilay ng ngiti sa babaeng kaharap niya.

---

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status