Share

Fating the Dots
Fating the Dots
Author: yourlin

Prologue

Napakasasahol nila! Wala silang ibang pinakikinggan kundi ang sarili nila! Maraming d*******g sa kanilang pang-aabuso ngunit walang napakikinggan. Pilit nila kaming pinatatahimik. Ang mag-salita kontra sa kanilang pamumuno, tinuturing na kalaban. Ngunit ang nais lang naman namin, pantay at makatwirang pamumuno.

Subalit... itinutulak nila kaming maghimagsik at patalsikin sila sa bayang ito.

"Paano kapag ikaw naman ang sinunod nila?" galit na tanong ni Inang sabay tulak sa aking ulo ngunit hindi ko magawang makalayo sa kanya sapagkat hawak niya ang aking mahabang buhok at kanina niya pa ako kinakaladkad galing sa kubo ni Lola Maming papunta sa kubo namin ni Inang. Masakit na ang aking anit ngunit mas masakit ang aking puso dahil sa pagkamatay nina Lola Maming dagdag pa na nawawala ang aking matalik na kaibigan.

Tatlo lamang ang maaaring mangyari sa kanya; nakatakas, nahuli at napatay o nahuli at pinahihirapan. Nawa'y siya'y nakatakas sapagkat masahol ang pagpapahirap ng mga Kastila sa mga kababaihan dito.

"Liliana, sinasabi ko sa'yo! Hindi kita itatago sa mga Guardia!" sigaw ni Inang sabay tulak sa'kin dahilan para mapaupo na ako sa sahig at napasandal sa upuang gawa sa kahoy na malapit na ring masira. Nasa loon na kami ng aming kubo. Lalo akong naiyak sa kanyang sinabi ngunit aking nauunawaan. Si Lola Maming kasama ang kanyang pamilya ay napaslang dahil pinagtangkaan nilang itago ang aking kaibigan. "Tigilan mo na ang kahibangan mo. Huwag na huwag mo siyang hahanapin!" sigaw niya pa. Hindi ako makasagot. Iyak lang ako nang iyak. Labis akong nangangamba sa kalagayan ngayon ni Liwan. "Sumunod ka sa'kin," gigil na sabi pa ni Inang sabay hila sa aking buhok hanggang sa makarating kami sa likod-bahay. Dali-dali niyang kinuha ang isang nigo at mga asin nang hindi ako binibitawan.

"Inang, susunod na po ako. Huwag niyo lamang itong gawin," pagmamakaawa ko habang magkadaupang palad ang aking mga kamay ngunit hindi niya ako pinakinggan. Nais niya na naman akong parusahan upang ako'y mag-tanda. Pinaluhod niya ako sa asin na siyang kay hapding tunay sa aking mga tuhod dagdag pa na panay ang hampas niya sa akin ng patpat habang ako'y pinangangaralan. Basang-b**a na ako ng luha't pawis.

Ganito si Inang kapag galit. Ako palagi ang napagbubuntungan ng kanyang galit. Siguro'y pinarurusahan niya ako ngayon sapagkat hindi ako nakinig sa kanya noon na huwag akong makikipagkaibigan sa isang Kastilang panay tutol sa pamamalakad ng mga mapang-abusong Prayle't mga opisyal ng gobyerno. Kagabi, siya'y nasawi at hindi mahagilap ng taumbayan na kanyang kakampi ang kanyang wangis. Umaasa akong nagawa niyang makatakas. Tinulungan siya ng pamilya ni Lola Maming na magtago ngunit natagpuan sila roon ng mga sundalo. Kalat pa rin ngayon ang mga Guardia Civil sa paligid at pinaghahahanap si Liwan. Iniisip ko na siya'y nakatakas.

Huwag na sana siyang babalik dahil hindi na mabuti ang bayang ito sa kanya. Mapapahamak lamang siya...

"Inang, bakit sa'kin ika'y napakalupit yaring tayo'y magkadugo?" lumuluhang tanong ko habang tinatapalan ng mga dahon pang-gamot ang aking mga sugat sa tuhod sanhi ng pagkakaluhod ko sa isang bilao ng asin. Nanlulumo ako sa tuwing naaalala kong kumalat sa asin ang aking dugo. Ako'y namamanhid. Nagawa niya siguro ito sa akin hindi dahil sa takot siyang mahuli ng mga Kastila tulad ng sinapit ng pamilya ni Lola Maming kundi dahil hindi niya naman ako tunay na anak. Siya'y aking Tiya at kapatid niya ang aking tunay na Ina na namatay nang ako'y kanyang ipanganak. Sinisisi niya ako sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Sa pagpapalaki niya sa akin, tumanda na rin siyang isa pa ring dalaga at birhen. Hindi ko naman iyon ginustong mangyari sa kanila. Wala akong kasalanan.

"Liliana?" tawag sa'kin ni Señorito Nikolas Acosta kaya dali-dali kong hinarang ang aking saya sa aking mga tuhod. Hindi maaaring makita ng isang lalaki ang maseselang bahagi ng isang babae. Isa pa, ako'y sugatan. "Anong ginagawa mo rito?" tanong niya nang magawa niyang makalapit sa'kin. Nagpalinga-linga ako ng tingin sapagkat hindi rin magandang makita na magkasama nang silang dalawa lamang ang isang binata at dalaga. Wala namang tao. Nandito kami sa isang batis na napapaligiran ng mga ligaw na halaman. Sinadya kong rito gamutin ang aking sarili ngayong hapon dahil siesta at wala ring masyadong tao.

"Nais ko lamang pong magpahinga," sagot ko ngunit tila siya'y hindi naniwala. Hindi naman kami magkaibigan ngunit sa tuwing nagluluto ako sa kanilang mansyon ay nakikita ko siya. Hindi ko ba alam kung bakit nandito siya at nagawa pa akong tabihan sa pagkakaupo rito sa kababatuhan. Hindi ko tuloy maipagpatuloy ang pag-gamot ko sa aking sarili.

"Nabalitaan ko ang nangyari kay Binibining Liwan," aniya kaya bahagya akong tumango at umiwas ng tingin. Isusuplong niya ba ako sa otoridad gayong alam niyang ako'y kaibigan ng pinaghahahanap nila? "Nagawa niyang makatakas. Galit na galit ang mga Prayle," dagdag niya kaya gulat akong napatingin sa kanya habang siya'y napapangisi. Nakatakas nga siyang tunay. "Matatag siya. Mabubuhay siya. Huwag kang mag-alala," sabi niya pa ngunit hindi ko magawang makapagsalita. Bakit tila siya'y masaya pa? Nasa amin ba ang kanyang simpatya? "Balita ko'y namatay na raw siya. Naubusan ng dugo ngunit makalipas ang ilang oras ay muli siyang nagising at nakatakas. Iyon ang sabi ng ilang nakatakas kagabi. Hindi ba't kataka-taka?" tanong niya na lalong nakapagpakaba sa akin. Iyon din kasi ang nalaman ko kaninang umaga nang magtungo ako sa kubo ni Lola Maming. Ayon sa ibang nakasaksi, nahulog si Liwan sa bangin matapos siyang mabaril ng Guardia Civil. Imposibleng nabuhay pa siya roon. Maraming haka-haka at kababalaghang nangyayari sa bayang ito. Hindi ko na rin alam kung paano ko hahanapin ang kasagutan sa mga iyon.

"Hindi ba't dapat, isumbong niyo na po ako sa otoridad gayong alam niyong ako'y kaibigan ng isang taksil sa kanila?" nag-aalalang tanong ko na nginisihan niya lang habang umiiling. Tunay ngang si Señorito Nikolas na anak ng isang mayamang haciendero rito sa Salvacion ay may nakahuhumaling na ngiti. Ngunit bali-balita rin naman ang kanyang kapilyuhan kaya ni minsan ay hindi ko ninais na magtagpo ang aming landas.

"Hayaan natin silang mapagod maghanap. Isa pa, sawang-sawa na rin ako sa pakikisama sa mga taong halang ang bituka," hayag niya na kinagugulat ko pa rin. Nagpulot siya ng isang bato at pinalipad-lipad ito sa ere habang sinasalo. "Nais mo bang mahanap si Binibining Liwan?" tanong niya nang hindi ako tinitingnan.

Hindi kaagad ako nakasagot. Kapag hinanap ko si Liwan, baka may makasunod lamang sa'kin at ako pa ang makapagdala sa kanya ng panganib. Kung hindi ko naman siya hahanapin, patuloy akong mangangamba kung siya ba'y nasa maayos na kalagayan lamang. "Bakit niyo po ako kinakausap gayong hindi naman tayo malapit sa isa't-isa dagdag pa na ako'y inyong alipin lamang," sabi ko na lang. Hindi ko rin naman tiyak kung siya'y mapagkakatiwalaan kaya hindi ko na lamang hahanapin si Liwan. Baka ipahamak pa kami ni Señorito Nikolas.

"Nagkataon na nandirito ka sa lugar kung saan ako nagpapalipas ng oras. Hindi ka rin namin alipin. Isa ka sa mga kusinera namin tuwing may piging, tama ba?" tanong niya kaya tumango ako nang hindi siya tinitingnan. Hindi niya pala ako tinuturing na alipin. Nagagalak akong malaman iyon.

"Paumanhin, Señorito Nikolas. Ako po'y lilisan na," paalam ko at saka tumayo ngunit ako'y nahihirapan dahil sobrang sakit ng aking tuhod. Ilang oras din yata akong nakaluhod kanina sa asin.

"Huwag na. Ako na lang ang lilisan," aniya sabay tayo kaya muli akong napaupo at napatingala sa kanya. Napakatangkad talaga ng Ginoong ito. Ang tikas din ng kanyang tindig. Hindi kataka-takang marami rin ang humahanga sa kanyang kababaihan dito. "Ngunit nais kong malaman, saan galing ang iyong mga sugat?" tanong niya. Napayuko ako at napahigpit ang hawak sa aking saya. Lagot! Nakita niya ang aking binti! Hindi ito maaari! "Ang iyong Inang?" tanong niya pa.

Napalunok ako at umiling. Hindi ko nais masira ang ngalan o imahe ng aking Inang sa kung sinumang tao. "Bakit tila napakarami niyo pong nalalaman tungkol sa'kin? Ang aking ngalan, si Liwan, ang aking Inang? Ngayon lamang po tayo nagkausap," nag-aalala at nagtatakang tanong ko.

Hindi agad siya sumagot. "Kilala mo rin naman ako. Paanong hindi rin kita makikilala?" tanong niya bago siya tumalikod at naglakad papalayo sa'kin. Sinundan ko na lang siya ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang makalayo sa akin. Hindi naman por que siya'y aking kilala ay makikilala niya na rin ako. Bantog ang kanyang pamilya sa bayan namin samantalang ako'y hindi. Magkaibang-magkaiba ang aming mundo. Hindi niya iyon maaaring ihambing.

Baka dahil sa kanyang nakatatandang kapatid na si Señorito Martino na siyang may pag-sinta kay Liwan? Pansin ko ang kanyang mga tingin sa aking kaibigan. Ngunit si Liwan ang umiiwas. Hindi niya raw nais makasal sa Ginoong bulag sa kalupitan ng kanilang pamilya. Dahil kahit wala tayong ginagawa, kung hinahayaan lang din nating gawin ng ating mga kasama ang masasamang bagay, ibig sabihin ay masama na rin tayo. Dahil may magagawa naman tayo ngunit nanatili tayong nakapikit.

Lumipas ang mga araw na hindi pa rin nahahanap si Liwan. Nakarating na rin sa ibang bayan ang nga Guardia Civil sa paghahanap. Ang kaso ni Liwan, may natagpuang bibliya sa kanyang tindahan ng mga libro at tangkang pag-patay rin daw sa Prayle. Hindi ako naniniwala sapagkat kilala ko si Liwan. At kilala ko rin ang mga Prayle at mga Guardia Civil dito. Mahilig silang mambintang, masabi lamang na may ginagawa sila.

"Liliana!" tawag sa'kin ni Señorito Nikolas kaya agad akong tumigil sa paglalakad at yumuko upang magbigay galang. Kapag hindi ko ito ginawa, pagmamalupitan nila ako. Ayaw ng mga Kastila na iniinda sila. Isa pa, ayoko ring mapansin niyang iika-ika pa rin ako sa paglalakad dahil hindi pa magaling ang sugat ko sa aking mga tuhod. Masakit pa rin ang aking tuhod. "Hindi mo naman kailangang gawin 'yan," aniya nang makalapit na siya sa'kin. Nakayuko pa rin ako habang hawak itong nigo na may mga gulay. Paninda ko ito at aking inilalako kapag hindi naubos sa palengke. Hapon na at maya-maya'y tutunog na ang kampana. Tiningnan ko ang magkabilang bahagi ng kalsada at may ilang taong napapatingin sa amin. "Sa makalawa na ang kaarawan ng Ina," sabi niya pa. Umayos na ako ng tayo ngunit hindi ko pa rin siya tinitingnan sa mga mata.

"Nabanggit na po sa akin ng Inang. Dalawa po kami sa mga kusinera," sabi ko.

"Ngunit may iba akong gustong ipagawa sa iyo," sabi niya dahilan para mapatingin na ako sa kanya habang namimilog ang aking mga mata. Ngumiti siya sa'kin dahilan para ako'y hindi mapalagay. Bakit niya ako nginingitian? "Maaari bang tulungan mo akong gumawa ng isang regalong maiibigan ng aking Ina?" tanong niya pa.

"Bakit ako?" wala sa sariling naitanong ko.

Nagkibit-balikat siya at umiwas ng tingin. "Puros kalalakihan ang aking mga kapatid. Wala rin naman akong kaibigang babae," sagot niya.

"Ngunit bakit po ako?" tanong ko ulit kaya tiningnan niya na ako.

"Bakit hindi ikaw?" pagbalik niya ng tanong. Nanatili akong nakatingin sa kanya na hindi naman dapat. Nakakapagtaka lang kasi ang kanyang mga kilos. "Magkita tayo bukas sa may batis kung saan tayo unang nagkita," sabi niya pa nang hindi ako sumagot. Pagkatapos nun ay umalis na siya dala iyong kabayong nasa gilid ng daan. Sa kanya pala iyon. Naiwan akong nakatanaw sa papaalis na Señorito Nikolas. Baka may naiisip na naman siyang kapilyuhan at ako ngayon ang kanyang biktima.

Napailing na lang ako at muling naglako ng mga gulay. Kailangan ko ng pera upang hindi ako napagmamalupitan ni Inang at nang may pambayad kami sa buwis sa lupa.

"Liliana!" tawag na naman sa'kin ng isang Binibining tunay na kay tabil ng dila kaya hindi ko ito kinakausap. Si Crisanta. May dala rin siyang bayong na wala ng laman at sinasabayan niya ako sa paglalakad. "Nakita ko kayo ni Señorito Nikolas. Anong meron?" pag-uusisa niya gamit ang mahinang na boses. Ayaw niyang may makarinig ngunit tiyak na sasabihin niya rin naman sa iba. Ganun siya kadaldal.

"Pinaaalala niya lamang ang tungkol sa kaarawan ng kanyang Ina," sagot ko nang hindi siya tinitingnan. Ayoko rin namang malaman niya na may ibang nais ipagawa sa'kin ang Ginoo. Tiyak na kakalat agad iyon.

"Batid ko ang tungkol doon. Isa rin ako sa magluluto. Kapag sila ang may papiging, tiyak na marami ang bisita," tuwang-tuwang sabi niya kaya napatango na lang ako. Nakakapagod man ang kanilang papiging para sa aming mga nagsisilbi ngunit may pera naman silang iniaabot sa amin. Sapat na rason na upang masiyahan. "Paano ka pala nakilala ni Señorito Nikolas?" tanong niya na naman.

"Tila kilala niya ang kanilang mga tagapagsilbi." sa dami ng kanilang mga tagapagsilbi, imposible ang aking sinabi. Ngunit iyon na lang ang aking sinagot upang hindi na siya mag-usisa pa.

"Bakit hindi niya man lang ako tiningnan kanina nang batiin ko siya?" nagtataka at nalulungkot na tanong niya. Nakagat ko ang aking labi dahil sa kanyang tinuran. O baka naman hindi lang siya nito narinig o nakita.

Ilang sandali pa kaming naglalakad nang matigilan ako dahil nadaanan namin ang tindahan ni Liwan. Maraming tao sa paligid na nanonood lamang. Kinukuha ng mga Guardia Civil ang mga librong paninda ni Liwan. Dito rin ako nagtatrabaho noong nandito pa siya. Ngunit wala akong magawa upang pigilan ngayon ang kapangahasan ng mga Guardiang ito sapagkat duwag ako. Hindi ako kasing tapang ni Liwan. Natatakot ako na madamay rin si Inang kung ako'y lalaban. Wala kasing pinipiling kalaban ang mga Kastila. Dinadamay nila lahat. Buti sana kung ako lamang ang mapapahamak.

"Mabuti pa'y ipaubos na natin ang iyong paninda," ani Crisanta at naramdaman ko na lang ang paghila niya sa'kin paalis sa lugar na iyon. Agad akong nagpunas ng luha. "Kung nasaan man si Binibining Liwan, tiyak na siya'y nasa mabuting kalagayan na. Dahil kung hindi, muli siyang ibabalik dito ng mga Prayle upang ipahiya sa buong bayan," mahinang sabi ni Crisanta.

May katabilan ang dila niya ngunit nagpapasalamat ako na tikom sa iba ang kanyang bibig kapag tungkol na kay Liwan ang usapan tulad ng tikom ang kanyang bibig tungkol sa karahasan ng pamahalaang ito.

Itutuloy...

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status