My Love From The Past
My Love From The Past
Author: jeanneration
Kabanata I

Lucky's POV

"Miss Lucky may emergency po." Bungad sa akin ni Yana, ang personal assistant ko, pagkapasok ng dressing room. Kakatapos palang ng guesting ko sa isang talk show at mukhang sasalubungin na naman ako ng isang masamang balita.

"Kung tungkol na naman kay Agatha 'yan, don't bother. I knew it already, siya na ang bagong endorser ng Shoebizz and I don't care." Sagot ko at umupo na sa upuan ko.

Alam kong magagalit na naman si Mommy dahil may tinanggihan na naman akong kontrata. But like I said kanina, I don't care.

Hindi kayang abutin ng Shoebizz ang mga list of demands ko. So, why would I settle for less? Isa pa, hindi kawalan sa akin ang endorserment na iyon dahil madaming brands ang nagkakandarapang makuha ang pirma ko.

Ako nga pala si Maria Anna Lucia de Legazpi o mas kilala bilang Lucky sa show business. Anak ng isang superstar at isang businessman.

Nagsimula ako sa show business nang bata pa lang ako, malimit akong sinasama ni Mommy noon sa mga guesting niya at doon ako nagustuhan ng madla. Simula noon ay hindi na ako nilubayan ng camera.

Nasaksihan ng buong Pilipinas ang paglaki ko. Mula sa pagiging child star hanggang sa kinatatayuan ko na ngayon, teen queen.

Mabait naman akong tao, malaki din ang pasalamat ko sa mga fans ko na hindi ako iniwan mula pagkabata. Medyo sakit ng ulo nga lang ako ng manager at Mommy ko dahil mapili ako sa mga projects na tatanggapin.

Ayokong magkamali at may pagsisisihan sa huli dahil sa show business isang maling galaw mo lang mawawala ang lahat ng pinaghirapan mo.

Ayokong mangyari iyon.

"Lucky!" Sigaw ni Ms. Martha, ang manager ko, hingal na hingal siya habang papasok ng dressing room. "Ang Tita Amanda mo..."

"Anong nangyari sa kanya?"

"Nasa hospital." Nang marinig ko ang balita kay Manager ay agad kong hinila si Yana para dalhin ako sa hospital kung saan na-confine si Tita Amanda.

Halos paliparin ni Yanna ang kotse dahil na din sa utos ko.

Kailangan naming magmadali, noong nakaraang linggo, kung kailan huli kaming nagkita ni Tita Amanda ramdam kong may pinoproblema siya. Hindi niya lang masabi sabi sa akin sa hindi malamamg kadahilanan.

Nahawi ang daan nang makita ng mga taong papalapit kami ni Yana. Rinig ko ang bulong bulungan ng mga tao habang lakad takbo kami papuntang reception ng hospital. Tila hindi sila makapaniwala na nasa hospital ang isang artista.

"Nasaan po ang room ni Amanda de Legazpi?" Tanong ko sa babaeng nasa reception.

"Kaano-ano po kayo ng pas... yente?" Panandaliang na tulala ang babae nang pag-angat niya ng tingin ay ako ang nasa harap niya.

Come on people. Palagi na lang bang ganito? Pare-parehas naman tayong tao, kumakain at dumudumi, bakit kailan pa nilang matigilan kapag nakikita nila ako?

"Pamangkin niya ako." Sagot ko dito. "Ako si ..."

"Maria Anna Lucia de Legazpi." Sabay naming sabi ng babaeng nasa reception.

"9th floor po. Room 9260."

Tatakbo sana ako papuntang elevator nang harangin ako ni Yana. "Hindi magandang idea kung gagamit ka ng elevator, madaming tao ang makakakita sa iyo at mamaya magsimula na naman ito ng panibagong issue tungkol sa iyo." Sabi nito sa akin.

"Ano naman?" Tanong ko sa kanya. "Eh di sabihin natin ang totoo."

"Tandaan mo Lucky, desidido na ang kampo ni Agatha na tanggalin ka sa posisyon mo. Gagawa at gagawa sila ng mga balitang ikakasira mo, pwede din nilang gamitin ang kwento ng Tita mo o mas masama ay gumawa ng kwento upang ikasira mo." Paalala ni Yana sa akin.

"Saan na ako dadaan niyan?" Tanong ko sa kanya. Sinagot naman niya ako sa pamamagitan ng pagturo ng daan. "Wala na bang ibang choice?"

Umiling ito kaya naman naglakad na kami papuntang hagdanan.

Bumuntong hininga ako habang tinitignan kung gaano kataas ang aming aakyatin. "Kakayanin ko ito para kay Tita Amanda." Bulong ko bago sinimulan ang pag-akyat.

Second floor

Sisiw!

Third floor

Hingal ng kaunti

Fourth floor

Keri pa!

Fifth floor

Laban lang ng laban!

Six floor

Habol hininga

Seven floor

Kinakaladkad ko na ang sarili ko paakyat

Eight floor

Halos gapangin na namin ni Yana ang hagdan. Kung may makakakita sa amin ay paniguradong matatakot. Isipin mo ba namang may dalawang babaeng gumagapang sa hagdan, magulo ang buhok na parang si Kayako.

Ninth floor

Halos hindi na namin magalaw ni Yana ang mga hita namin. Ramdam namin ang hapdi at ngalay nito dahil siguro sa pagkabigla.

"Ma'am ok lang po ba kayo?" Tanong ng nurse sa amin ni Yanna nang makalabas kami ng fire exit. Tumango lang kaming dalawa pero ang totoo kulang na lang lumabas ang puso namin sa katawan dahil sa bilis ng tibok.

"N-nasaan ang room 9260?" Tanong ko at tinuro niya sa amin ang daan.

"Sigurado po ba kayo, ayaw niyo munang magpahinga?" Tanong ng nurse sa amin. Umiling kami ni Yanna at nilakad ang daan na tinuro ng nurse.

Nang makarating na kami sa tapat ng kwarto ni Tita Amanda ay agad kong inayos ang sarili ko. Ayokong mag-alala pa siya sa akin kapag makita niya ang haggard kong itsura.

Sumalubong sa aking paningin si Tatay na nakayuko sa tabi ng kamay ni Tita Amanda. Si Mommy naman, nakaupo sa sofa at pinapanuod lang ang magkapatid.

"What happened?" Tanong ko kay Mommy nang maupo ako sa tabi niya. "Bakit siya nandito sa hospital?"

"Your aunt tried to kill herself." Sagot ni Mommy na kinabigla ko.

"Bakit?" Tanging naging sagot ko.

"Iniwan siya ng fiancé niya."

"But it's only two weeks before the wedding. Ano daw ang nangyari?" Hindi makapaniwalang tanong ko.

Tita Amanda and Tito Roy were the sweetest couple I've known. Hindi nga sila mapaghiwalay dahil simula highschool magkarelasyon na silang dalawa. 

"I don't know." Sagot ng Mommy. "Wala naman siyang sinabing malinaw na dahilan sa suicide note niya."

Nilabas ni Mommy ang sulat at pinakita sa akin...

Alam kong mali ang gagawin ko pero sana'y patawarin niyo ako. Wala na si Roy. Iniwan niya ako. Iniwan niya ako at hindi man lang nagbigay ng kahit isang paliwanag. Paano ko itutuloy ang buhay kung nawala na sa akin ang kalahati ng aking puso? Paano ko gugustuhing ituloy ang buhay kung napatunayan kong totoo ang sumpa sa pamilya? Kahit kailan ay hindi matutupad ang pangarap kong maging isang mabuti asawa at ina. Mas mabuti pang tapusin ko na lang ito upang hindi na ako magdusa habang buhay.

Sanay maintindihan niyo ang aking desisyon at patawarin niyo ako.

Amanda

"Anong sumpa ang sinasabi niya?" Tanong ko pero umiling lang si Mommy.

"Ang tatay mo ang tanungin mo." Sagot nito sa akin bago lumabas ng kwarto.

Alam kong ayaw ni Mommy kay Tita Amanda pero sana naman magpakita man lang siya kahit kaunti pag-aalala sa kalagayan nito ngayon. Oo, desisyon niyang gawin ang bagay na ito pero hindi ba niya naisip na baka nagkulang kami sa pagpaparamdam kay Tita Amanda na mahal namin siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status