Share

Kabanata V

Lucky's POV

"Ayoko."Sigaw ko at pilit na hinahawakan ang kamay niya. Ayokong bumitaw, ayoko siyang iwan dito. Hindi ko alam kung paano itutuloy ang buhay nang wala siya sa tabi ko. "Sabihin mong ayaw mo akong mawala sa tabi mo. Ikaw ang pipiliin ko."

"Lucky." Sabi niya at binitawan ang kamay ko. Hinaplos niya ang pisngi ko dahilan para mapapikit ako at namnamin ang huling pagkakataong mahahawakan niya ang mukha ko. "Gustuhin ko mang manatili ka sa tabi ko, bumuo ng pamilya kasama ka ngunit hindi ito ang tamang panahon."

"Paano mo naman nasabi?" Inis na tanong ko sa kanya. "Hindi ka naman manghuhula ahh. Nakausap mo ba si Papa Jesus? Hindi naman di ba? Kung sinabi man niyang oo, pwede naman natin siyang kausapin. Mabait 'yun, promise!"

"May mga taong naghihintay sa pagbabalik mo. Maraming masasaktan kung mas pipiliin mong manatili sa panahong ito."

Tinanggal ko ang kamay niya na nasa pisngi ko, ayokong punasan niya ang mga luha ko. Hindi iyon ang gusto kong gawin niya, gusto kong sabihin niyang gusto niya akong manatili sa panahon niya, kasama siya.

"Ganun na lang, hahayaan mong masaktan ang damdamin ko?" Tanong ko at iniwas niya muna ang tingin sa akin bago tumango.

"Patawad Lucky, mahal na mahal kita ngunit kailangan kitang pakawalan." Sabi nito bago ako binigyan ng isang h***k sa noo.

Bago pa niya tuluyang ilayo ang labi niya sa akin, hinawakan ko ang mukha niya at ginaya ito papuntang labi ko. Kung ito na nga ang huli naming pagkikita, lulubusin ko na.

Alam kong nagulat siya nang hinalikan ko siya sa labi. Ngunit ito na lang ang tanging magandang alaala na babaunin ko sa aking paglisan.

Nang maghiwalay ang aming mga labi ay hinayaan ko siyang lumayo sa akin. Pinagmasdan ko siyang maglakad papalayo sa akin, masakit man pero nakapag-desisyon na siya.

Maybe we have the right love at the wrong time.

"Paalam mahal."

• • • • •

Nagising ako dahil sa huni ng mga ibon at lamig ng simoy ng hangin.

Agad akong napabangon sa hinihigaan kong malaking bato. Nilibot ko ang paningin sa lugar at hindi ko alam kung bakit ako napapaligiran ng mga nagtataasang puno.

Nasaan ako?

Nasaan si Gio?

Ang buong akala ko magigising ako sa hospital dahil sa pagkakalunod ko sa balon. Pinalo ko ang ulo ko dahil wala na akong maramdamang sakit o makitang bakas ng pagkahulog sa balon.

Impossible!

Hindi kaya... hindi kaya nasa langit na ako.

Patay na ba ako?

Hindi pwede! Hindi ko pa tapos sa mission ko, hindi ko pa natutulungan si Tita Amanda.

Napaluhod ako at nagsign of the cross, "Lord, salamat dahil nakarating na ako sa langit. Masaya po ako dahil hindi niyo ako pinatapon sa baba pero pwede bang ibalik niyo muna ako Earth ulit. Sandali lang po, tutulungan ko lang si Tita Amanda." Pagmamakaawa ko sa kanya.

Ilang minuto rin akong naghintay ng milagro pero nauwi lang ako sa buntong hininga. Ginala ko ang tingin sa paligid, maganda ang lugar at payapa kung titignan. Wala akong makita na kahit isang tao, siguro nga nasa langit na ako.

Pinunasan ko ang mata ko at nagulat na lang ako nang may luha na galing dito. Totoong umiyak ako? Ang buong akala ko sa panaginip lang ako umiiyak.

Hindi ko din maintindihan kung bakit ramdam ko pa rin ang bigat ng damdamin ng nasa panaginip ko. 

Napailing na lang ako at binalewala iyon.

Nagsimula akong maglakad lakad kailangan kong makahanap ng lugar na pwede pagtuluyan lalo kung dumilim. Naniniwala na akong nasa langit ako ngayon, walang ganito kaganda at payapang lugar sa Pilipinas.

Puno ng nagtataasang puno ang paligid kaya hindi masyadong mainit sa pakiramdam kahit pa naglalakad ako at mukhang 3 o'clock ng hapon. Ang sarap ding singhutin ng hangin, sobrang linis. Marami ring mga ibon at paru-parong lumilipad.

Nasa paraiso na ako.

Manghang mangha ako sa lugar na nilalakaran ko, panandalian kong nakalimutan ang problema tungkol kay Tita Amanda. Para bang ayoko nang umalis sa lugar na ito, gusto kong dito na lang tumira habang buhay... este sa eternity ko.

Patay na nga pala ako.

Ibig sabihin, wala na akong buhay.

"Tabi! Tabi po! Makikihingi lang po ng pagkain." Paalam ko. Mahirap na! Mamaya may magalit pa dahil kumuha ako ng prutas.

Umakyat ako ng puno ng mangga at kumuha nito, mabuti na lang tinuruan ako ni Tatay kung paano magbalat nito na walang ginagamit na kutsilyo. Unang kagat pa lang, nanlaki na agad ang mata ko dahil sa sobrang sarap.

Hindi ko maintindihan kung ngayon lang ba ako muling nakakain ng mangga kaya sarap na sarap ako o talagang masarap lang ang manggang nakuha ko.

Hindi siya sobrang asim, tamang tama lang ang lasa niya kaya kumuha pa ako ng tatlo pa.

Kumain ako habang nakaupo sa isang malaking sanga ng puno. Wala pang isang oras, natututo na akong mamuhay sa panahong ito at nagugustuhan ko ang paanatili dito.

Napailing ako, "Lord naman, alam kong maganda ang lugar na ito at unti unti na akong natutuksong manatili dito pero kailangan tulungan ko muna si Tita Amanda, please!" Muli kong pakikipag-usap sa kanya.

Matapos kong kumain, nakaramdam ako ng uhaw. Muli akong nag-ikot ikot para humanap naman ng maiinom.

Sa pag-iikot ikot may natagpuan akong batis o sapa. Hindi ko alam ang tawag basta ang alam isa itong anyong tubig. Lalo akong na mangha dito dahil napakalinaw ng tubig, wala kang makikitang kahit na anong b****a.

"Hindi naman siguro ako malalason dito."

Hindi ko napigilan ang sarili kong uminom dito. Una dahil uhaw na uhaw na ako at pangalawa mukhang inaakit ako ng tubig na ito.

Wala naman akong nalasahang kakaiba sa tubig. Mas masarap pa nga ito sa mineral water. Kaunti na lang talaga maniniwala na akong nasa langit ako.

At dahil nagpaakit din ako sa ganda ng tubig, agad kong hinubad ang damit ko at lumusong sa tubig. Sa lamig ng tubig ako nagtampisaw, nakakagaan ng pakiramdam.

Inaakit talaga ako ng lugar na ito para hindi ako umalis. Humiga ako sa isang malaking bato na nasa gitna at pinagmasdan ang langit. Walang pinagbago ang ganda nito kahit dito sa paraiso o Maynila.

Dati, sa tuwing napapagod ako, tumitingin lang ako sa langit para mawala ang stress at pagod ko.

Paano ako napunta dito?

Kung nasa langit ako, bakit wala man lang nag-welcome sa akin na kahit isang angel or fellow kaluluwa ko.

Napabangon ako nang marinig kong may kumaluskos sa may damuhan. Agad akong lumangoy pabalik sa gamit ko at muling sinuot ang T-shirt at pantalon na suot ko kanina. Wala akong pakialam kung mabasa man ang damit ko, ang mahalaga makaalis ako sa lugar na ito.

Paano kung isang mabangis na hayop iyon?

O

Isang masamang tao?

Paano kung patayin ako? Double dead ma ang kinalabasan ko. 

Binulagbog ko muna ang paligid bago umalis. Paniguradong matatakot ang hayop sa binato kong buto ng mangga at aalis na iyon. Lalong lumakas ang tibok ng puso nang maramdaman kong sinusundan ako ng nilalang na kumakaluskos, isa lang ang sigurado ko.

Hindi iyon hayop, isa iyong tao.

Kinuha ko ang isang sanga na nasa lapag at tinago iyon, papalapit ng papalapit at papalakas ng papalakas ang kaluskos kaya naman dapat maging handa ako.

Nahinto ako sa paglalakad nang mawala na ang kaluskos pero ramdam kong nasa likuran ko na siya kaya lalong bumigat ang hinga ko at humigpit ang hawak ko sa piraso ng sangang hawak ko.

"Yaaaaaaaaaa!" Sigaw ko habang pikit matang pinalo ng sanga ang taong nasa likod ko. Minulat ko lang ang mata ko nang maramdaman kong bumagsak ang tao.

Nanlaki ang mata ko nang makitang may dugo sa noo niya at nakahandusay siya sa harap ko. Ang akala ko napatay ko siya pero laking pasalamat ko nang nakita ko siyang humihinga pa.

May hawak siya sa kaliwang kamay niya at lalo akong nagulat nang makitang iyon ang paborito kong panyo. Balak niya ba iyong ibalik sa akin?

"Ang galing mo talaga Lucky." sarkastikong bulong ko sa sarili ko.

Siya na nga ang nagmagandang loob.

Siya pa ang napahamak.

Tinihaya ko siya para maging maayos ang posisyon niya at magamot ko ng maayos ang sugat niya pero natigilan ako nang mapagmasdan ko ang mukha niya.

Siya yung lalaki sa panaginip ko!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status