Share

CHAPTER 02- THE MAN SHE MET IN THE BAR

            “Oh, bakit nakakunot ang noo ng Architect namin?” bungad sa akin ni Kyla, isa sa mga staff dito sa bar nang makita niya akong lumabas ng opisina ni Mama. Dala ko ang aking bag dahil nagdesisyon akong uuwi muna ako ng bahay. Dahil sa nangyari kanina, pakiramdam ko ay hindi ko kaya na makita siya pansamantala.

Huminto lang ako sa tapat ni Kyla at tipid na ngumiti. Marahan kong pinasadahan ang kaniyang suot na damit. Fully covered ang kaniyang itaas na parte dahil nakasuot siya ng itim na t-shirt na may tatak ng pangalan ng bar. Pero bahagya akong napangiwi nang makita ang kaniyang suot pang-ibaba. Nakasuot siya ng pencil-cut skirt na above the knee ang haba. Wala rin siyang suot na stockings kaya naman litaw ang kaputian ng kaniyang binti at ibabang parte ng kaniyang hita.

“Bakit ganyan ang suot mo? Nagbago na ba ang uniform ng mga staff na babae rito?”

Natigilan siya nang marinig ang aking tanong. Bahagya pa siyang nagkamot ng batok bago nagsalita.

“Oo eh. Utos ni Ma’am Diana. Mas maganda raw kasing tingnan kung ganito. May punto naman siya, mas kumportable ang pakiramdam ko ngayon kaysa noong dati nan aka-stockings kami. At least hindi na ako mangangati.” Nakangiting sambit niya.

“Hindi ka nga mangangati, paniguradong mahihipuan ka naman sa suot mo,” saad ko saka umirap.

“Eh yun nga yung goal eh,” pabiro niyang sambit. Nagsalubong ang kilay ko sa sinabi niya.

Kilala ko si Kyla, para siyang ako, conservative. Pero ngayon hindi ko na alam. Matagal na siyang nagtatrabaho sa bar na ito. Halos magli-limang taon na rin. 18 years old siya nang magsimula siyang magtrabaho bilang isang janitress. Pero ayon kay Mama, nakikitaan niya raw ito ng husay sa ginagawa kaya naman pinromote niya ito sa pagiging isang waitress. Magmula noon ay nagkaroon na ng maraming costumer ang bar dahil sa kaniya. Marami kasing bumibisita sa kaniya na mga manliligaw dahil talaga namang maganda siya.

“Nagbago ka na talaga,” nailing na sambit ko.

Tumawa naman siya.

“Ganoon talaga, lahat naman nagbabago.”

Nagkibit-balikat lang ako na naglakad palabas. Nang mapadaan ako sa main door ay binati pa ako ng dalawang guard na nakabantay roon.

“Saan ho kayo punta Ma’am Andra? May pasok pa ho kayo?” tanong ni Manong Fred, ang guard na medyo matanda na ang edad.

Umiling naman ako.

“Uwi po muna ako sa bahay, balik nalang po ako ulit dito sa susunod na linggo.”

“Naku, edi mawawalan ng magaling na bartender ang bar ng ilang araw.”

Mahina akong tumawa. Mabait talaga itong si Manong Fred. Isa siya sa mga staff ng main branch ng bar na malapit sa akin dahil para na ring anak ang turing niya sa akin.

“Hindi na naman kayo nagkasundo ni Ma’am Diana ano?”

Hindi ako sumagot sa tanong niya. Ngumiti nalang ako at humugot ng malalim na hininga.

“Naroon naman po si Kier. Kaya niya na po iyon,” saad ko na ang tinutukoy ay ang kaedad kong bartender na lalaki.

Kapag dito ako tumutuloy sa bar, ako na minsan ang tumutulong kay Kier sa pagmi-mix ng mga alak. Bata palang kasi ako ay exposed na ako sa mga iyon. Ang ironic lang dahil kahit sobrang daming alak ko nang alam, hindi pa rin ako nagkakaroon ng pagkakataon na tumikim nito.  Hindi dahil sa takot ako sa posibleng maging reaksiyon ni Mama kundi dahil ayoko. Magmula noong bata ako ay sinabi ko na sa aking sarili na hindi ako iinom ng alak.

“Leandra, naku. Salamat naman at naisipan mong umuwi rito.”

Napahinto ako sa paglalakad papasok ng bahay nang makita ko si Yaya Gina na tumatakbo papunta sa akin. Nang makalapit siya ay agad niya akong niyakap nang mahigpit.

“Akala ko ay hindi ka na uuwi rito. Akala ko mas gusto mo nang manatili sa maliit na silid mo roon sa Bar ng Mama mo. Miss na miss na kitang bata ka. Akala ko ay aamagin ako rito sa pamamahay niyo bago mo kita makita.”

Humugot ako ng malalim na hininga. Lumapit ako rito at saglit na yumakap.

“May nangyari ano? Kaya ka umuwi?” Kahit kailan talaga, ang galing niyang manghula. Talagang kilalang-kilala niya na ako.

Tumingin ako sa kaniya at marahang tumango.

“Nagkasagutan po kasi kami ni Mama.”

Nag-aalalang tingin ang ibinigay sa akin ng matanda at marahang hinaplos ang aking balikat.

“Bakit anong nangyari?”

Imbes na sagutin ang tanong niya ay mayroon akong biglang naisip. Biglang nawala sa isip ko ang pinag-awayan namin ni Mama bagkus ay nagbalik sa aking isipan ang nangyari sa pagitan namin ni Karina. I blew a short breath of frustration before I stepped back. Humarap ako nang maayos sa harapan ni Yaya Gina saka umikot.  

“Yaya, sagutin mo ako nang diretso ha, mukha ba akong p****k?”

Nagsalubong ang kilay ni Yaya Gina dahil sa tanong ko sa kaniya. Magkahalong gulat at pagkainis ang nakita kong ekspresiyon ng kaniyang mukha.

“Seryoso ka ba sa tanong mong iyan, Leandra?”

Tumango naman ako. Seryoso ako. Gusto ko lang malaman kung anong tingin niya sa akin. Baka tama nga si Karina. Baka mukha nga akong prosti.

“Aysusmaryosep, siyempre hindi. Isa pa, bakit ka naman magmumukhang p****k eh nakapakonserbatibo mo pagdating sa iyong kasuotan palagi. Hindi nga kita nakitang nagsuot ng palda na maikli o damit na revealing.”

Gumaan naman ang aking pakiramdam sa sinabi ni Yaya. Lumapit ako sa kaniya at saka yumakap.

“The best ka talaga, Yaya Gina.”

Marahan naman ako nitong tinapik sa balikat.

“Oh siya, umakyat ka na roon sa kuwarto mo at ipahahatid ko nalang doon ang pagkain mo.”

Kumpara sa kuwarto ko roon sa bar, mas malaki ang kuwarto ko rito sa bahay namin. Malaki din naman kasi ang bahay namin dito sa Makati pero wala nang nakatira dahil si Mama ay sa condo niya sa QC umuuwi, samantalang ako ay palaging sa bar natutulog. Halos gawin ko na ngang bahay iyon dahil naroon ako palagi.

Puro mga helpers na lang ang nakatira rito. Nakakatuwa dahil talagang pinananatili nila ang kalinisan ng buong bahay kahit na wala kami ni Mama. Wala rin akong reklamo sa mga ito dahil lahat sila ay mababait.

Pagpasok ko sa loob ng kuwarto ko ay naamoy ko agad ang pamilyar na amoy ng aking mga scented candles. Alam kong matagal ko nang hindi sinisindihan ang mga iyon pero humahalimuyak pa rin ang bango nito sa buong kuwarto ko.

Dumiretso ako sa aking study table na walang bahid ng alikabok. Inilapag ko roon ang aking bag. Isa-isa ko ring chineck ang aking reminder’s notebook. Nang makita kong may plates akong kailangang gawin ay agad akong naligo at nagbihis ng kulay puti na loose shirt at denim na tokong na umaabot ang haba hanggang sa aking tuhod. Nang makapag-ayos na ako ay agad kong kinuha ang aking wallet at saka bumaba.

Agad kong hinanap si Yaya Gina para magpaalam dito. Lagi namang ganoon. Hindi ako puwedeng umalis ng bahay nang hindi nagpapaalam sa kaniya.

“Siguraduhin mong babalik ka nang maaga ha.”

Ngumiti naman ako sa kaniya at tumango. Kailangan ko lang namang pumunta ng bookstore para mamili ng mga kailangan ko sa paggawa nga aking plates dahil obviously, wala akong gamit sa bahay. Isa pa, huling plates na rin naman itong gagawin ko dahil magmula sa susunod na linggo ay wala na kaming ibang gagawin kundi ang mag-practice para sa nalalapit na graduation.

Dahil nasa tamang edad na ako at mayroon na rin akong lisensiya para mag-drive, kinuha ko ang susi ng Nissan Versa sedan na naka-parada sa garahe. Pinagbuksan naman ako ng dalawang helper ng gate.

Hindi naman traffic sa mga oras na ito kaya madali akong nakarating sa mall. Pagpasok ko ay agad akong dumiretso sa bookstore at binili ang lahat ng mga kailangan ko para sa plates. Pagkatapos kong magbayad ay bumalik na rin ako agad sa sasakyan.

Nang pauwi na ako ay doon na ako inabutan ng malalang traffic. Sinubukan kong aliwin ang aking sarili habang nasa loob ako ng sasakyan sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng music pero hindi effective ang ganoon sa akin. Bigla namang sumagi sa aking isipan ang tungkol sa nangyari sa akin sa school kanina. At habang patuloy ang pagtakbo nito sa aking isipan ay patuloy lang akong naiinis. Sa hindi kalayuan ay mayroon akong nakita bukas na high-end bar. Hindi ko alam kung anong pumasok sa aking isipan at nagdesisyon akong magtungo roon. Pagkaparada ko sa parking area nito ay agad akong lumabas dala ang aking wallet at ang susi ng sasakyan.

Nang nasa entrance na ako ay agad na humarang ang isang guard sa akin.

“Bawal po ang minor dito, Miss.”

Marahan akong tumawa sa guwardiya. Kinuha ko ang wallet ko sa aking bulsa at ipinakita ang aking school ID. Tila hindi pa ito kumbinsido na 21 years old na ako. Pinagmasdan pa ako nito mula ulo hanggang paa.

“Sigurado ka bang hindi ka naliligaw, Miss?”

Napatingin ako sa aking damit.

“Bakit? Dahil ba sa suot ko? Iinom lang naman ako Manong, hindi maghahanap ng lalaki na iuuwi,” inis na sabi ko bago dire-diretsong pumasok sa loob.

Gaya ng aking inaasahan, dahil high-end bar ito, lahat ng pumupunta ay mga mayayaman at iyong mga negosyante. Mapapansin agad iyon sa kanilang mga kasuotan. Sa paligid ay mayroon ding mga babae na naglilibot sa kung saan-saan, umaasang may mahahanap silang lalaki na papatol sa kanila. I’ve known about that since then dahil tinuro iyon sa akin ni Mama.

Walang gaanong tao sa front bar kaya doon ako dumiretso. Kumunot ang noo sa akin ng lalaking bartender nang makita ako nito na umupo sa upuan malapit sa kaniya.

“One glass of whiskey, please.”

Noong una ay nag-aalangan pa ito kung bibigyan ako nito ng alak. Wala akong nagawa kundi ipakita ang ID ko rito.

“Pasensiya na, Ma’am. Akala ko po kasi ay minor po kayo.”

Sa totoo lang, hindi ko alam kung dapat kong ikatuwa kapag sinasabi nilang mukha akong minor. Matangkad naman ako kaya sigurado akong hindi height ang kanilang basehan.

“Huwag niyo pong masamain Ma’am ah. Baby-faced po kasi kayo kaya ganoon,” saad nito saka inabot sa akin ang inorder kong alak.

Dire-diretso kong ininom iyon. Ang akala ko ay hindi ako tatablan ng pait niyon, pero nagkamali ako. Damang-dama ko ang pagguhit nito sa aking lalamunan. Narinig ko ang mahinang pagtawa ng bartender.

“First time mo, Ma’am?”  

Tumango nalang ako bilang sagot. Pinalipas ko muna sandali ang ilang minuto bago ako umorder ulit ng dalawa pang baso. Habang patagal nang patagal ay parami nang parami ang costumer ng bar. At dahil napaparami na rin ako ng naiinom unti-unti na rin akong nakakaramdam ng pagkahilo. That’s when I know that I have to stop. Isa sa mga bagay na kinatatakutan ko ay ang maaksidente habang nagmamaneho ako ng sasakyan.

Humingi agad ako ng bill sa bartender at binayaran iyon agad. Dahil nahihilo ay kailangan kong magdahan-dahan sa paglalakad. Ang kaso, may biglang sumagi sa akin kaya naman agad akong nabuwal sa aking kinatatayuan. Ang akala ko ay sa sahig ako babagsak, pero nagulat ako nang maramdaman kong napaupo ako sa hita ng isang lalaki na nakaupo sa sofa.

Naramdaman ko agad ang paghawak nito sa aking beywang para maalalayan ako.

“Oh my gosh, Jacob! There’s a kid on your lap,” narinig kong saad ng isa sa mga lalaki habang tumatawa ito. So, Jacob pala ang lalaking pinaglandingan ko. Sinubukan kong ilapit ang aking mukha sa kaniya para makita ko ang hitsura nito pero blurry image lang ang aking nakikita. Pero sigurado akong guwapo ito at mabango pa.

“S-sorry, hindi ko sinasadya,” pabulong kong sambit sa lalaki.

Hindi naman ito sumagot. Sinubukan kong tumayo pero bumagsak akong muli sa kaniya. I heard him grunt kaya naman muli akong humingi nang pasensiya.

Ang mga kasama niya naman ay panay lang ang tawa at pang-aasar sa kaniya.

“Kawawang bata, mukhang unang beses niyang uminom,” dinig kong sambit ng isa.

Muli akong tumayo at sa pagkakataong iyon ay nagawa ko na. Pero nahihilo pa rin ako lalo na kapag nakikita ko ang mga neon lights sa paligid. Sa tuwing naririnig kong tinatawag akong bata hindi ko maiwasang magpanting ang tainga ko.

“Hindi ako bata, okay. 21 na ako. Legal na ang edad ko. Why does everyone call me a kid?” inis na reklamo ko sa mga ito.

“Because you are a kid,” saad ng lalaking sumalo sa akin kanina na nagngangalang Jacob.

Tumaas ang kilay ko sa kaniya.

“Really?”

Tumango naman siya.

“Then I’ll show you that I’m not,” saad ko saka mabilis na yumuko at hinawakan ang kaniyang magkabilang kuwelyo at hinalikan siya sa labi.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status