Share

Chapter 4

Palakad-lakad si Shan sa loob ng kuwartong pinagdalhan sa kanya ni Anding, ang pinuno ng mga kawaksi sa manor ng prinsipe na kanyang napangasawa. Kanina matapos siyang mailigtas ni Prinsipe Cane ay basta na lamang siyang iniwan sa kamay ni Anding na hindi naman malaman kung ano ang gagawin sa kanya. Pagkatapos ng ilang minutong pag-aalinlangan at pag-iisip kung ano ang gagawin sa kanya ay nagpasya itong samahan siya sa isa sa mga kuwarto sa loob ng manor. At ngayon nga ay hindi siya mapakali. Pakiramdam niya ay may nagawa siyang mali at naghihintay kung ano ang kanyang magiging parusa.

"Binibining Shan, mukhang walang may gusto na nandito ka kahit isa man lang sa mga tao rito. Kanina pa tayo rito ngunit wala man lang pumupunta rito para kausapin ka. Ni wala ngang sumalubong sa'yo pagdating mo kanina. At kung hindi ka pa binalak ni Ginoong Rasmun na kidnapin ay hindi pa lalabas si Prinsipe Cane para pigilan ang kasintahan mo na ilayo ka rito," nakasimangot na wika ni Manda habang nakaupo sa gilid ng kama.

"Hayaan mo na sila, Manda. Wala naman akong pakialam kung gusto nila ako o hindi dahil hindi ko rin naman gusto na tumira sa manor na ito," walang anuman na sagot niya sa kanyang alalay. Ang nakakainis lang ay iyong nasa loob sila ng kuwarto at hindi makalabas dahil ini-lock ni Anding mula sa labas ang pintuan. Para silang mga preso sa loob ng kuwartong iyon.

"Hindi ka man lang in-estima ni Prinsipe Cane. Totoo nga ang sinasabi ng mga tao na walang modo, walang awa, walang konsiderasyon at marami pang iba na hindi magagandang salita patungkol sa kanya ang totoo. Basta ka man lang niyang iniwan sa kamay ng kanilang kasambahay na tila hindi ka niya konsorte," hindi napigilang himutok ni Manda. Mukhang mas apektado pa ito kaysa sa kanya sa hindi magandang pagtrato sa kanya sa unang araw pa lamang ng pagtira niya sa manor na iyon ng prinsipe.

"Hayaan mo na, Manda. Unang-una ay hindi ko naman gustong tumira sa manor na ito at makisama sa kanila. Pangalawa, kapag pumayag si Prinsipe Cane ay makikipag-usap ako sa kanya para mag-divorce kami agad. Since hindi naman namin gusto ang isa't isa kaya bakit pa kami magsasama?"

"Anong divorce, Binibining Shan?" nakakunot ang noo at nagugulumihang tanong ni Manda.

"Makikipaghiwalay ako agad sa kanya," sagot niya. Ang hirap namang magsalita ng mga lenggwahe na hindi naiintindihan ng mga tao sa mundong ito. Ang hirap magpaliwanag.

Hindi naman kasi niya ramdam na nag-asawa na siya dahil hindi naman sila ikinasal sa simbahan. Nagsuot lamang siya ng damit pangkasal sa mundong iyon at pagkatapos ay inihatid sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Ganoon lang kadali at kasimple. Walang seremonyas at walang basbas mula sa maykapal. Kakaibang wedding tradition. Sa tunay na mundo ay walang kahit sinong babae ang papayag sa ganoong set-up.

Biglang pumasok sa isip ni Shan ang nakamaskarang prinsipe na nagligtas sa kanya kanina. Pakiramdam niya ay may kakaiba rito. Bigla na lamang naging green ang mga mata nito kanina. Napakaganda ng mga mata nito. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakakita ng ganoong klaseng mga mata. At saka bakit ba ito nakasuot ng maskara? Totoo ba talaga ang sinasabi ng mga tao na nakakatakot ang hitsura nito? Na wala itong awa at pinapatay nito ang mga taong nagkakasala rito? Kung ganoon ay dapat pala siyang mag-ingat dito. Baka bigla na lamang itong magalit sa kanya at patayin din siya. Although, gusto niyang makalabas at makabalik sa sariling mundo pero hindi sa paraang mamamatay siya. Masakit ang ganoon at nakakatakot. Hindi niya keri.

Literal na napatakon silang dalawa ni Manda nang biglang may nagbukas ng pintuan. Nang tuluyan na itong mabuksan ay mukha ni Anding ang kanilang nabungaran.

"Ipinapatawag ka ng ina ni Prinsipe Cane," anunsiyo nito sa seryosong anyo. "Sumunod kayo sa akin."

"Sumunod daw tayo sa kanya," bulong niya kay Manda bago nagpatiunang sumunod kay Anding. Gutom na siya dahil hindi pa siya kumakain ng agahan at ngayon ay lagpas tanghalian na kaya naman nag-aalburuto na talaga ang kanyang sikmura. Sana naman ay pakainin sila ngayon. Kahit nga ang mga preso sa bilangguan ay pinapakain din tatlong beses sa isang araw, siya pa kaya na asawa na ngayon ng prinsipe hindi nila pakakainin? Baka sila ang kainin niya kapag hindi siya pinakain.

***

Hindi mapigilan ni Shan ang kabahan habang sinusuyod siya ng masamang tingin ng ina ni Prinsipe Cane na si Consort Jhing. Sa tingin pa lang nito ay parang gusto na siyang lunukin ng buo. Nakaka-intimidate ang paraan ng pagtingin nito sa kanya. Ngunit hindi siya nai-intimidate kahit isa itong consort. Bakit naman siya mai-intimidate, eh, hindi naman niya kagustuhan ang maging asawa ang anak nitong kinakatakutan ng marami? Saka isa lamang itong tauhan na mula sa comics samantalang siya ay tunay na tao mismo. Bakit siya magpapa-intimidate sa isang comics character lamang?

"Anding! Kumuha ka ng maraming asin! Dalian mo!" utos nito sa kasambahay na agad namang sinunod. Ilang saglit lamang ay may dala na itong dalawang takal ng asin. Nagtaka siya kung para saan iyon. Ngunit nang magsalitang muli ang consort ay saka lamang niya nalaman na para pala sa kanya ang asin na iyon. "Ilagay mo sa sahig ang asin Anding at pagkatapos ay luhuran mo, Shan!" utos naman sa kanya.

Nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig. Siya? Luluhod sa asin? Eh, sa totoong mundo nga ay hindi niya naranasang lumuhod ng asin dito pa kaya sa mundong ito? At bakit siya paluluhurin sa asin? Ano ba ang kasalanan na nagawa niya?

"Ano pa ang hinihintay mo, Shan? Lumuhod ka sa may asin ngayon din!" nandidilat ang mga matang utos nito sa kanya.

"At bakit naman ako luluhod diyan? Ano ba ang nagawa kong kasalanan sa'yo?" matapang niyang sagot dito. Kitang-kita niya kung paano biglang nanlaki ang mga mata nito. Kung sa gulat ba dahil sinagot niya ito o dahil natuklasan nito na hindi pala siya isang pipi.

"Nakakapagsalita ka pala? Niloloko mo lang pala ang mga tao sa paligid mo?" asik nito sa kanya. Nasa mga mata pa rin ang hindi pagkapaniwala sa natuklasan. Alam naman pala nila na hindi siya nakakapagsalita. So, tinakot lang pala siya ni Carmel nang sabihin nito sa kanya na papatayin kapag malaman ni Prinsipe Cane na hindi siya nakakapagsalita.

"Kamahalan, totoo po na hindi nagkakapagsalita ang aking binibini pero pagkatapos ng aksidente ay bigla na lamang siyang nakapagsalita. Kaya hindi po niya niloloko ang mga tao sa paligid niya," pagtatanggol sa kanya ni Manda habang nakaluhod sa konsorte.

"Magaling! Hindi mo ba alam na mabigat ang parusang ipapataw sa'yo ng reyna kapag nalaman niyang niloloko mo lang siya?" nakangiting wika nito sa kanya. Mukhang may masama itong naisip kaya kinabahan siya. "Madadamay ang buo mong pamilya sa parusang igagawad sa'yo ng reyna.

Biglang pumasok sa isip niya ang kanyang ama. Ayaw niyang madamay ito sa mabigat na parusa na maaaring ipataw sa kanya ng reyna. Sa ideyang iyon ay bigla na lamang siyang lumuhod sa sahig na may asin at nakiusap sa ina ni Prinsipe Cane na huwag idamay ang kanuang ama.

"Walang kasalanan ang aking ama kaya hindi siya dapat madamay. Kung kasalanan man na nakapagsalita ako pagkatapos ng aksidente ay hayaan mong solohin ko na lamang ang kaparusahan," pakiusap niya sa konsorte.

"Ngayon ay nakikiusap ka pero kanina ay matigas ang iyong ulo at akala mo kung sino kang nagmamalaki," nakaismid na saad nito.

"Ina, patawarin na lang natin siya sa kanyang pagsisinungaling. Sinunod naman niya ang kagustuhan mong lumuhod siya sa asin," pakiusap ng isang magandang babae sa tabi ng konsorte. Ang hula niya ay ito si Tamia. Ang sinasabi ni Manda na adopted sister ni Prinsipe Cane.

"Hah! Pasalamat ka kay Tamia. Kung hindi dahil sa pakiusap niya ay hindi ko palalampasin ang ginawa mo. At kaya kita pinaluhod sa asin ay bilang parusa sa pagdadala mo ng kaguluhan sa labas ng manor nang aking anak. At bilang parusa ay kailangan mong lumuhod sa asin ng anim na oras. Kapag hindi mo tinapos ang oras ay alam mo na kung ano ang mangyayari."

"Maraming salamat po, Ina," pasasalamat niya rito. Ngunit ang kanyang kalooban ay lihim na nagngingitngit. First time niyang lumuhod sa asin at anim na oras pa siyang luluhod. Kung hindi lamang maaaring madamay ang kanyang daddy ay never niyang susundin ang ipinag-uutos ng konsorte. At ito namang si Tamia ay pakiramdam niya'y may itinatagong evilness. Kakaiba kasi ang mga ngiti nito. Maamo ang mukha nito lalo na kung nakangiti ngunit masyadong delikado ang mga ngiti nitong tila may nais ipakahulugan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status