Share

Capítulo Dos: The Brat

Capítulo Dos: The Brat

Napaling pakaliwa ang mukha niya dahil sa ginawa kong pagsampal ng sketch sa kaniya.

Bahagyang na-guilty naman ako sa pananakit na ginawa ko sa kaniya pero siya ang humingi sa akin noon! Siya ang huminging saktan ko siya dahil sa pang-iinsulto niya sa passion at craft ko.

Pinanuod ko ang pagtatagis ng bagang niya at ang bahagyang pagmasahe ng kamay niya sa kaniyang kanang bahagi ng mukha. Namumula ang kanan niyang pisngi at bumakat talaga doon ang sketch pad ko. 

“Sino ka sa tingin mo para saktan at ipahiya ako ng ganito sa harap ng maraming tao?” Matalim ang mga mata niyang nakatingin sa akin.

Gusto kong matakot sa pagbabanta sa boses niya at mapaatras sa dilim na nakikita ko sa mukha niya pero ang mataas kong pride ang siyang nagpipigil sa aking gawin iyon. Isa pa ay alam kong hindi niya ako kayang saktan lalo’t nasa classroom kaming dalawa.

“Ako? Hmm…” nang-aasar kong tanong kahit pa medyo kinakabahan na ako sa kaniya at sa naging reaksiyon niya. “Ako lang naman si Sasha Domingo Miranda, ikaw? Sino ka ba at nakikialam ka?”

“Hindi mo ako kilala?”

Ngumisi ako at natatawang nang-asar. “Ay, paulit-ulit tayo? Bingi lang? Lahat ba ng estudyante rito ay may mga diperensiya at kakulangan sa katawan?”

Kuyom ang mga kamao niyang lumapit sa akin dahilan para mapatingala ako dahil mas matangkad siya sa akin.

“Huwag mo ako’ng galitin lalo, Miss Transferee at sinisiguro ko sa iyong hindi mo iyon magugustuhan,” bulong niya sa may tainga ko dahilan para mangaligkig ako sa kilabot.

Kinilabutan ako at hindi dahil iyon sa banta niya o sa boses niyang singlamig ng yelo at parang hinugot mula sa kailaliman ng lupa o dahil sa malupit at madilim na ekspresyon na nakapinta at nakaukit sa mukha niya kung hindi dahil sa mainit at mabango niyang hiningang nalalanghap ko kada magsasalita siya.

“Banta ba iyan?” bulong ko rin sa tainga niya habang nakatingkayad ako at nakahawak sa balikat niya bilang suporta para hindi ako ma-out of balance. “Kung oo ay puwes, hindi ako natatakot sa iyo.”

Iyon lang at malakas ko siyang itinulak palayo sa akin at naupo na ako sa upuan ko at nakasimagot na tinitigan ko ang sketch pad kong bukod sa lukot-lukot na ay napunit pa. Nanggigil na nilakumos ko ng dalawang kamay ang sketch pad ko at malakas na ibinato iyon sa sahig dahil sa inis ko.

Nakahalukipkip na sumandal ako sa likuran ng upuan ko habang masama ang tingin ko sa sketch pad kong nasa sahig na at hindi ko na mapapakinabangan pa.  Hindi ko namalayang dumating na pala ang homeroom teacher at class adviser namin at binati kami ng magandang umaga.

Napatingin si Señora Vivero sa sketch pad na nasa sahig. Yumuko siya at pinulot ito bago binulatlat isa-isa.

“Kanino itong sketch pad?” Wala ni isang sumagot sa tanong niya pero ramdam na ramdam ko na lahat sila ay nakatingin sa akin. “Bakit naman nilakumos na lang ito? Sayang naman at sobrang ganda pa naman ng pagkakadisenyo ng mga damit na nakaguhit dito.”

Umismid ako dahilan para mapatingin siya sa akin at mapangiti.

“Magandang umaga sa iyo, Señorita Miranda,” nakangiting bati niya sa akin. Nawala ang ngiti niya ng makitang hindi man lang ako natuwa sa kaniya at hindi man lang ako gumanti ng pagbati sa kaniya. “May nangyari ba, class? Bi-nully ninyo ba si Señorita Miranda?”

“Ma’am Vivero.”

“Yes, Olivia?”

“Mali ho ang tanong ninyo, Ma’am.” Napakunot-noo sa pagtataka ang guro sa sinabi ng epal, bida-bida, at pangit na si Olivia. “Dahil dapat ang tanong ninyo ay kung sino ba ang sinaktan niyang tinatawag ninyong Señorita.”

Napabalik-balik ang tingin ng guro sa akin at doon sa Olivia na iyon sa pagtataka.

Matalim ang tingin na nilingon ko si Olivia at nahuli ko pa siyang ngumisi sa akin. Tsk. Epal nga.

Siya iyong tangang nakaharang sa daan ko kanina kaya ko siya binangga sa balikat. At talagang katabi pa niya sa upuan iyong mayabang na William na iyon.

Nagkatinginan kaming dalawa ni William at naningkit ang mga mata niya sa akin kaya inikutan ko siya ng mga mata. 

“Ano’ng ibig mong sabihin sa sinabi mo, Olivia?”

Ngumisi siya sa guro pero halatang hindi siya natutuwa. “Wala naman po, Ma’am. Binangga lang naman ako niyang tinatawag mong Señorita sa balikat ko kanina pero pinalampas ko iyon dahil ayoko ng gulo…” She paused before she deliberately glanced at me. “Nakikita niyo ba itong pamumula at pamamaga sa pisngi ni William? Kagagawan niya rin ho iyan, Ma’am.”

“Mr. Saavedra, totoo ba ang ibinibintang ni Ms. Vanderhurst tungkol kay Señorita Miranda?”

“Ma’am, sandali lang,” angal ni Olivia. “Bakit niyo ho ba siya tinatawag na Señorita? Guro ka namin, Ma’am at hindi ka niya yaya para tawagin mo siyang Señorita.”

Nilingon ko siya at natawa ako sa kabobohan na ipinapakita niya. “Hindi ko alam na bukod sa bulag ka ay bobo at hindi ka rin pala nag-iisip, Olivia,” nang-uuyam kong saad dahilan para tumalim ang tingin niya sa akin at mapakunot-noo siya. “Señorita is a Spanish word for Miss. Hindi ba at marapat lamang na tawagin ako’ng Señorita ni Señora Vivero sapagkat tinatawag ka niyang Miss?”

Napanganga siya sa sinabi ko.

Napapahiyang nagpalinga-linga siya sa lahat ng estudyanteng nakatingin sa kaniya ngayon. Namumula ang pisngi niya maging ang mga mata niya dahil sa pagkapahiya at galit na nararamdaman.

Aww. Mukhang may talunang iiyak ngayon, a.

Umismid ang natural na mamula-mula at mamasa-masang labi ko sa kaniya nang makita ko ang pagtulo ng luha sa kaliwang mata niya.

Ang arte! Akala mo naman kagandahan kung umasta ng ganiyan, eh hindi naman.

“Nakita niyo na, Ma’am? Nakita niyo na ba kung gaano kabastos ang bibig niyang babaeng iyan? Nakita niyo na ba kung gaano siya kasama?” sumbong niya pa na ikinatawa ko.

“Hindi ko na kasalanan kung hindi mo ginagamit ang utak mo, Olivia,” tugon ko. “Oh, wait! Ang tanong ay kung may utak ka nga bang talaga?”

“Tama na iyan, Señorita Miranda,” saway sa akin ni Señora Vivero kaya nagkibit-balikat ako. Binalingan niya ang nagmamay-ari ng madilim na mukha at pares ng pinakamagandang mga matang nakita ko—si  William. Iyong gwapong siraulong sumira ng sketch pad ko. “Inuulit ko ang tanong ko, Mr. Saavedra. Nagsasabi ba ng totoo si Ms. Vanderhurst at sinaktan ka nga ba nitong si Señorita Miranda?”

Tamad na sumulyap siya sa akin bago niya binalingan ng blankong tingin si Señora Vivero at simpleng tumango rito. 

Napasinghap sa gulat ang guro at nagugulat na tinapunan ako ng tingin. “Señorita Miranda, sinaktan mo ba ang mga kaklase mo?” hindi makapaniwala niyang tanong.

Ngumiti ako sa kaniya at nagkibit ng mga balikat, “Kapag sinabi ko ba ang dahilan kung bakit ko ginawa iyon ay maniniwala ka?”

“So, totoo nga Ang ibinibintang sa iyo ni Miss Vanderhurst.” Napapalatak siya sa akin at napahilot ng sintido niya. Isa-isa niya kaming tatlo na tinapunan ng tingin at pinapunta sa Guidance Office. “Señorita Miranda, Mr. Saavedra, Ms. Vanderhurst, to the Guidance Office. Now!”

“But, Ma’am bakit pati kami ni William ay madadamay? Kami ang biktima niya!” 

“Ms. Vanderhurst, hindi mo ba ako narinig? Ang sabi ko ay kayong tatlo ang pupunta sa Guidance Office.”

“Narinig ka niya, Señora Vivero pero mukhang hindi ka naintindihan nitong si Olivia,” nang-aasar na singit ko sa usapan nila.

“Tumahimik ka! Hindi ako bobo!” Umalingawngaw ang matinis na sigaw ni Olivia sa apat na sulok ng classroom na ito.

“Tumigil na kayong dalawa!” Napapitlag si Olivia nang sumigaw na ang guro sa inis habang magkasalubong ang mga kilay na nakatingin sa aming dalawa. “Ang sinabi ko ay sumunod kayo sa akin patungo sa Guidance Office ngayon na!”

“Y-Yes, Ma’am.” Kumunot ang noo ko ng makita kong nanginginig ang mga kamay ni Olivia at natataranta at patakbong sumunod sa nag-walk out na guro.

“Sí?” [Yes?] nakangiting tanong ko sa lalaking nanatiling matalim na nakatingin sa akin.

Kumuyom ang bagang niya at nagkiskisan ang mga ngipin niya habang nananatiling matalim na nakatingin sa akin ang madilim niyang mga mata. Bahagya ako’ng nakaramdam ng panlalamig at takot sa nakikita kong naghuhumiyaw na galit at poot sa mga mata niya pero ininda ko iyon at matapang na sinalubong ang tingin niyang nakakapaso.

“May araw ka rin sa akin,” banta niya pa at tumalikod na.

Napahinga ako ng malalim at inayos ang bahagyang nalukot na puting short sleeve satin tie-neck blouse na suot ko. Pinagpag at inayos ko rin ang burgundy pleated skirt na suot ko. 

“Qué?” [What?] nakasimangot na tanong ko kay Betty La Fea.

“Hindi mo ba narinig ang sinabi ng teacher natin?”

Sarkastikong ngumiti ako sa kaniya.

Pakialamerang Betty La Fea ito!

“I heard,” simpleng sagot ko. 

Napalunok siya at ramdam ko ang kaba niya habang nakikipag-usap sa akin pero hanga ako sa katapangan ni Betty na makipag-usap sa akin sa kabila ng mga narinig at nakita niya ngayon-ngayon lang dahil kung iba iyon ay pangingilagan na nila ako. Kagaya ng mga dating naging kaaway ko sa dati kong escuelahan sa Barcelona. 

“Pinapasunod ka niya sa Guidance Office.”

I sighed exasperatedly bago ko siya tinalikuran at naupo na sa upuan ko habang blangkong nakatingin sa whiteboard. Mariing napapikit ako ng humarang sa harap ko si Betty. Mabuti sana kung magandang tanawin si Betty sa ginawa niyang pagharang sa harapan ko pero hindi naman, e.

“Ano ba ang problema mo, Betty?”

“Kapag hindi ka pumunta roon ay mas lalong magagalit sa iyo si Ma’am Vivero pati na ang Guidance Counselor natin.” 

“Ano naman ngayon kung magalit sila sa akin?”

Nalaglag ang panga niya sa gulat dahil sa sinabi ko. “Ganiyan ka ba talaga?” naibulalas niya sa pinaghalong gulat at pagtataka. Inayos niya ang malaki niyang salamin bago ako pinakatitigan. “Ganito ka ba talaga ka-brat at kawalang respeto, Señorita Miranda?”

Matalim na tiningnan ko siya pero kagaya nga ng sinabi ko kanina ay palaban at makulit ang lahi nitong si Betty kaya naman ay inilang hakbang ko siya bago ko gigil na pinisil ang baba niya.  “Tumahimik ka, hmm? O, baka naman ay gusto mong hilahin ko ang matabil mong dila nang manahimik ka na, Betty?”

Namumutla at napapalunok na napaatras siya palayo sa akin. Nabaling ang atensiyon ko sa may pintuan nang marinig kong tinawag ako ng kung sino. Lumingon ako para lang makita ang isang lalaking guro na nakasuot ng clear na salamin at hinahanap ako.

Mabilis na tumayo ang mga kaklase ko at binati siya ng may paggalang at respeto.  “Good morning, Dr. Herrera!”

Inayos niya ang salamin niya sa tungki ng ilong niya at inilibot ang paningin sa buong classroom at hinanap ako.

“Good morning, Class,” nakangiting bati niya pabalik sa lahat. Naningkit ang mga mata kong tumingin sa kaniya dahil bagaman nakangiti siya ay may ere siya ng awtoridad na para bang nag-uutos sa akin na sundin siya. “Nandito pa ba si Señorita Sasha Domingo Miranda? Hinahanap na siya ni Ma’am Vivero sa Guidance Office.”

Lumabi ako at naglakad palapit sa kaniya. “That’s me!” I announced proudly.

Sinulyapan niya ako mula ulo hanggang paa at napatango. “Halika na kung ganoon, Señorita at kanina ka pa namin hinihintay sa Guidance Office.”

Kalmadong sumunod ako sa kaniya habang napailing-iling naman ang mga kaklase ko sa naging reaksiyon ko.

Nilingon niya ako at kalmadong nagsalita, “Alam mo ba na mali ang mambastos at manakit ng mga kaklase mo, Señorita?” 

Duh! Common sense, siyempre mali iyon.

Pero imbes na sabihin iyon sa kaniya ay nanahimik na lang ako. Nang nakarating na kami sa Guidance Office ay kumatok siya ng dalawang beses at pinagbuksan ako ng pinto bago niya iyon isinara. Iminuwestra niya sa akin ang upuan sa harap nina William at Olivia at naupo sa likod ng lamesa niya.

Dr. Oswald Herrera, Guidance Counselor.

Pagbasa ko sa babasaging nameplate na nakapatong sa gitna ng lamesa niya bago ako kampante at kalmadong naupo sa upuan na nakalaan sa akin at nag-cross legs dahilan para umangat ng bahagya ang skirt ko at lumantad ang maputi at makinis kong mga hita.

“Alam niyo ba kung bakit nandito kayong tatlo?” panimulang tanong ni Dr. Herrera sa amin habang magkasalikop ang mga palad niya sa ibabaw ng lamesa niya at pinakatitigan kami. 

Mula sa pagkakayuko ay mamula-mula ang mga matang sinulyapan siya ni Olivia. “S-Siya po ang may kasalanan, Sir. Siya ang nanakit sa amin kaya bakit pati kami ni William na biktima niya ay nandito rin sa opisina mo?” OA, maarte, at mangiyak-ngiyak na tanong ni Olivia sa kaniya.

Napaingos ako sa reaksiyon niya. Pang-Oscars ang datingan ng acting nitong si Olivia, ha in fairness sa kaniya.

“Gusto ko lang malaman ang dahilan kung bakit niya kayo sinaktan, Ms. Vanderhurst.”

“Hindi pa ba sapat na dahilan na masama siyang tao, Sir? Na bastos siya? Na wala siyang galang? Na mayabang siya at wala siyang pakialam sa ibang tao?”

Nababagot na ipinaikot ko ang mga mata ko sa kaartehang naririnig ko sa matinis na boses niya.

Nakarinig kami ng dalawang katok sa pintuan bago bumukas iyon at iniluwa sina Señora Vivero kasama ang dalawang mag-asawa na hinuha ko ay mga magulang nina Olivia at William.

“Sir, nandito na ho ang mga magulang nina Mr. Saavedra at Ms. Vanderhurst,” magalang na wika ni Señora Vivero bago iminuwestra ang mag-asawang may maayos at maaliwalas na disposisyon bago niya sunod na ipinakilala ng mag-asawang parehong nakasimangot at seryoso. “Ito sina Mr. and Mrs. Saavedra at sina Mr. and Mrs. Vanderhurst.”

Nakarinig ulit kami ng katok sa pinto bago iyon bumukas at iniluwa ang Mommy kong nakasuot ng crisp white boat neck fitted dress at mataas na pares ng itim na takong ng suot niyang sapatos. Sa kaliwang braso niya ay nakasampay ang itim niyang blazer at tinanguan ako ng sekretarya niya bago magalang na nagpaalam sa Mommy ko na sa labas ng Guidance Office na lang siya maghihintay.

Nagsalita ang hinuha kong sekretarya ni Dr. Herrera at ipinakilala si Mommy sa lahat bago magalang na nagpaalam at lumabas ng opisina para hayaan kaming mag-usap at ma-resolve ang issue na ito.

Napataas ang kanan kong kilay ng makita kong nanginginig ang mga kamay ni Olivia habang nakayuko siya, malamig at blangkong nakatitig sa sahig.

Kumuyom ang mga kamao kong nakahawak sa skirt ko at tumalim ang tingin ko nang makita ko kung paano’ng unti-unting hinawakan ni William ang nanginginig at pinagpapawisang kamay ni Olivia at marahang pinisil ito na para bang sinasabi niya sa maarteng si Olivia na nandiyan lang siya para sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status