Share

Chapter 4 

HUWAG kang OA, gigil na sabi ni Jornaliza sa kanyang sarili. Pakiramdam niya kasi'y nilapirot ng husto ang kanyang puso ng sabihin ni Luigi na, ayaw nitong mabastos siya dahil para na silang magkapatid.

Hindi tayo magkadugo, gusto sana niyang ipaalala rito pero alam niyang magmumukha lang siyang tanga kapag ginawa niya iyon. Talaga naman kasing hindi sila magkadugo at pinakadiinan din nito sa kanya ang katagang parang. Ibig sabihin, alam din nitong wala silang kaugnayan sa isa't isa. Gayunman, hindi sapat na dahilan iyon para maisip nito na maaaring mag-level up ang kanilang relasyon. 

Gusto mo ba? Tanong niya sa sarili. 

No way! mariing sabi niya. Umiiling-iling pa siya dahil talagang tumatanggi ang isip niya. Hindi niya dapat magbago ang tingin nila sa isa't isa. Ngunit, bakit parang dinudurog ngayon ang kanyang puso?

"Ehem….ehem…." Narinig niyang wika ng isang boses. 

Kahit na gustung-gusto na niyang malaman kung sino ang tumabi sa kanya, hindi niya magawang iwanan ng tingin si Luigi hanggang hindi ito nawawala sa kanyang paningin. Ngunit, kay Luigi nga lang ba siya nakatingin? Hindi nga ba't nakatuon din ang tingin niya sa babaeng dinaig pa ang anaconda kung makapulupot sa braso ni Luigi. 

Kung may kapangyarihan lamang niya ay siguradong kanina pa nagmistulang uling ang kamay ng babaeng iyon. Para kasing gusto niyang sunugin iyon sa pamamagitan ng kanyang pagtitig. 

Why? Tanong niya sa sarili pagkaraan. 

"Hindi ako nagseselos," wala sa loob niyang sabi. Talaga naman kasing hindi niya dapat isipin na nagseselos siya dahil hindi naman talaga. 

Ngunit, bakit parang gusto niyang ngumawa? Ang sakit-sakit kaya ng dibdib niya ng mga oras na iyon. Bigla'y nag-flashback sa kanyang isipan ang mga pinagsamahan nila ni Luigi. 

"Really?"

Noon siya biglang natauhan kaya agad niyang nilingon ang may-ari ng boses sa kanyang tabi. Awtomatiko tuloy na tumaas ang kanyang kilay. Hindi lang dahil sa pagkapahiya kundi sa inis. Hindi naman kasi niya ito kilala para magkomento ito sa kanyang sinabi. Saka, hindi niya hinihingi ang opinyon nito kaya walang dahilan para may lumabas na anumang kataga sa labi nito. 

"Mind your own business," pasinghal niyang sabi rito pero alam niyang hindi naman kalakasan ang kanyang pagsasalita. Kahit naman kasi naiinis siya ay ayaw niyang mamahiya ng tao. Hindi siya ganoon kasama. 

Bahagyang tawa ang pinawalan nito. 

Gusto sana niya itong tarayan pero hindi na niya nagawa nang harapin niya ito. Abot tenga kasi ang pagkakangiti nito sa kanya. Parang bituin na nagniningning ang mga mata kaya parang natulala siya. 

Para kasing may guwapong anghel na bumaba sa langit para i-meet siya. 

Lumapad tuloy ang ngiti niya nang mga sandaling iyon. Bigla kasi niyang naalala na ang tipo ng lalaking kaharap niya ang tipo ng lalaking gustung-gusto niyang maging boyfriend. 

"Yael. Yael Gomez," wika nito sabay lahad ng kamay. 

Kung kanina'y gusto niya itong tarayan sa pagiging pakialamero. Ngayon ang lapad-lapad nang ngiti niya rito. Kaya, kung kasama lang niya si Luigi, baka binatukan na siya nito. 

Go away, wika niya sa sarili. Nang mga oras na iyon, mariin niyang sinabi sa kanyang sarili na dapat muna niyang kalimutan ang matalik na kaibigan. 

Kaya, agad niyang tinanggap ang kamay nito. "Jorna, short for Jornaliza. Smith naman ang apelyido ko," wika niya pagkaraan. 

Gosh, bakit ba siya natataranta? Nagtataka niyang tanong sa kanyang sarili. 

Kasi type mo siya, wika ng puso niyang parang gustong kiligin. 

"Ang kamay ko," wika niya pagkaraan ng ilang sandali. 

Mala-Prince Charming man ang anyo ng kanyang kaharap pero parang hindi tumigil ang pag-inog ng kanyang mundo tulad ng nababasa niyang sinusulat ng ibang manunulat. Ngayon tuloy ay parang napatotohanan niya na kasinungalingan lang iyon parang nakukuryente….

Hindi na niya nagawang ituloy ang kanyang iniisip dahil parang tuksong ipinaalala sa kanya ng utak niya na naramdaman naman niya iyon itilang araw na ang nakakalipas. Kay Luigi nga lang. 

Magtigil ka! Singhal niya sa kanyang sarili. Kailangan na kasi talaga niyang makalimutan ang naramdaman niya sa kanyang matalik na kaibigan. Kung palagi pa kasi niya iyong aalalahanin, malaki ang posibilidad na maging dahilan lang iyon para masira ang kanilang pagkakaibigan. 

May sakit na nga siyang naramdaman nu'ng iwasan siya ni Luigi na para bang nandidiri sa kanya. Well, hindi naman kataka-taka na makaramdam ito ng pandidiri dahil gusto niyang magpaturo rito ng kamanyakan. 

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Wala naman kasing tumatakbo sa isipan niya ng mga sandaling iyon kundi ang makapagsulat ng maganda para may nobela na siyang pumasa. Kung mangyayari iyon ay hindi na siya pipilitin pa ng kanyang ama na masteral. 

Dahil wala siyang boyfriend, alam niyang si Luigi lang ang makakapagturo sa kanya ng mga gusto niyang malaman. 

"Pasensiya ka na, hindi ko lang kasi napigilan," wika ng lalaki. 

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. Hindi niya kasi na-gets kung ano ba ang ibig nitong sabihin. 

Tiyak niyang nakalarawan sa kanyang mukha ang kanyang pagkalito kaya naman lumapad ang ngiti nito sa kanya na para bang nasiyahan sa kanyang ekspresyon. 

"Ang ganda mo kasi," anitong matamis na matamis ang ngiti sa kanya. 

Dati kapag may lalaking nagsasabi ng ganoon sa kanya ay agad siyang nagri-react. Hindi niya maiwasan ang makaramdam ng galit. Hindi naman kasi siya nakasisiguro kung bukal nga ba talaga sa loob nito ang sinasabi. Kaya, sa inis niya ay napapamura pa siya. 

Ngunit, sa pagkakataong ito ay wala siyang galit na naramdaman. Para ngang biglang nag-init ang kanyang pakiramdam. At kahit hindi siya nakaharap sa salamin ay alam niyang ang pula-pula ng kanyang mukha. 

"Pare-pareho talaga kayong mga lalaki, ang galing ninyong mambola," wika niya pagkaraan ng ilang sandali. Ayaw naman kasi niyang isipin ng kanyang kaharap na masyado siyang naapektuhan sa sinabi nito. 

Hindi nga ba? Tanong niya sa sarili. 

"Wala bang salamin sa inyo?" Nagtatakang tanong sa kanya ni Yael. 

"Ha?"

"Harap ka sa salamin," turo nito sa kanyang likuran. 

Ayaw sana niyang maakusahan na siya'y uto-uto pero nag-about face pa rin siya para sundin ang sinasabi nito. At ngayon ngang nakatitig na siya sa kanyang sarili, hindi niya naiwasan ang mapalunok. Masyado kasing daring ang kanyang hitsura. 

Oh, para tuloy gusto niyang magsisi na nagsuot pa ng ganoong outfit. Hindi naman kasi siya nagtagumpay na makuha ng todo ang atensyon ni Luigi dahil nasa piling ito ng ibang babae ngayon. 

"Siguro naman ngayon ay nakikita mo na kung gaano ka kaganda at kaakit-akit kaya hindi mo na maiisip pang nagsisinungaling ako. Kahit kailangan naman kasi, hindi pambobola ang pagsasabi ng totoo," wika nitong ang lapad-lapad ng ngiti kaya maging ang mga mata nito ay parang kumikinang din. 

Bigla tuloy naisip niya, ang lalaking ito na ba ang magbibigay sa kanya ng inspirasyon para sa kanyang pagsusulat? 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status