Share

CHAPTER 05

    MIRA por donde vas, tonta!”

Malakas na sabi ng babae kay Milagros na kahit hindi niya iyon naintindihan ay nanginig ang buong katawan niya sa takot. Para itong primera kontrabida sa isang local soap opera. Iyong mayaman na matanda na nananampal at nandudura sa teleserye.

Kung hindi siya hawak ni Apple ay baka kanina pa siya napaluhod dahil dama niya na nanghihina ang tuhod niya sa takot.

Mula sa kung saan ay lumapit sa kanila si Monica at Ambrose. “Mama? Is there a problem?” tanong nito sa matangkad na babae na noon lang niya nalaman na nanay pala ng amo nila sa naturang resort.

Mas lalo tuloy natakot si Milagros na baka matanggal agad siya sa trabaho nang dahil sa simple at hindi sinasadyang pagbangga niya sa nanay ni Monica.

“May tatanga-tanga kang tauhan dito, Monica! Hindi marunong tumingin sa dinadaanan! At hindi marunong mag-sorry!” Kung ituro siya ng babae ay para bang isa lamang siyang bagay.

“`Ma, that’s Milagros. She’s nice. Hindi ka lang niya siguro napansin.” Tiningnan siya ni Monica. “Milagros, apologize to my mother.”

“P-pasensiya na po kayo, madam! Hindi ko po sinasadya dahil kami ay nagmamadali.” Bahagyang yumukod si Milagros habang nagdarasal na sana ay tanggapin ng nanay ni Monica ang paghingi niya ng pasensiya.

“Next time na mangyari ito, kahit hindi ko pagmamay-ari ang resort na ito ay ako mismo ang sisipa sa iyo!” ani ng babae.

“Let’s go, `ma. Hayaan mo na si Milagros!” Isinaklit ni Monica ang kamay sa braso ng ina at naglakad na palayo ang mga ito.

Nang hindi na niya nakita ang babae ay doon lamang siya nakahinga nang maluwag. Napahawak pa siya sa dibdib na kumakabog nang malakas.

“Grabe naman ang matandang iyon! Kung maka-react, akala mo ay kotse ang bumangga sa kaniya. Siya nga itong hindi nakatingin sa dinaraanan niya, e!” Nakairap na himutok ni Apple.

“Hayaan mo na. Saka tumahimik ka nga. Baka may makarinig sa iyo, isumbong ka pa sa nanay ni Miss Monica. `Buti at hindi ako sinisante. Akala ko ay mawawalan na agad ako ng trabaho, e.”

“Hoy! Ang OA naman nila kung tatanggalin ka nila dahil lang sa ganoon!”

“Tara na nga. Marami pa tayong gagawin. `Wag na nating pag-usapan ang nangyari,” aniya sabay hila sa kamay ng kaibigan.

KASAMA ni Monica ang inang si Valentina sa paglalakad nila sa napakagandang dalampasigan ng kaning beach resort. Kakatapos lamang nilang mag-lunch kasama ng iba pang investor sa kaniyang business.

“I really don’t understand kung bakit ganitong business ang naisipan mo, Monica. You can be an investor instead para wala ka nang gagawin. Or maybe a modelling agency.” Naiiling na turan ni Valentina sa kaniya.

“Alam mo naman how much I love beach, mama. Bata pa lang ako ay dinadala na ako ni papa sa dagat malapit sa house nila sa province niya.” Bigla tuloy siyang nalungkot nang maalala ang namayapang ama.

Dalawang taon na ang nakakalipas nang isang malagim na kamatayan ang sinapit ng tatay ni Monica. Habang nagda-drive ito ay may riding in tandem ang humarang sa sasakyan nito at pinaulanan ito ng bala ng baril. Dead on the spot ang papa niya. Hanggang ngayon ay wala pa ring lead kung sino ang pumatay dito. Dalawang taon na pero napakailap pa rin ng hustisya para sa papa niya.

Kahit kasi sila ng mama niya ay walang maiturong suspek. Mabait ang tatay niya. Wala itong kaaway. Kaya palaisipan sa kanila kung sino ang pumatay dito at ano ang dahilan.

“And that’s why hindi ka pa rin nakaka-move on sa pagkamatay ng papa mo,” ani Valentina.

“`Ma, paano ako makaka-move on kung until now ay malaya pa rin ang taong pumatay kay papa? No, `ma. Hanggang hindi napaparusahan ang demonyong iyon ay hindi ako matatahimik. Saka bakit ba parang madali lang sa iyo na sabihin ang mag-move on? Hindi mo ba mahal si papa?”

“Don’t you dare question my love for mi esposo! I don’t want to dwell on loneliness. I have to move on otherwise we are both be miserable.”

“I’m sorry, `ma. Hindi ko lang kasi kayang tanggapin na hindi pa rin nakukuha ni papa ang justice na dapat ay sa kaniya.”

“Just accept the fact that justice system here is rotten! Anyway, I have to go. May meeting akong kailangan na puntahan.” Huminto ito sa paglalakad at niyakap siya.

Matapang na babae ang mama ni Monica. Sa pagkawala ng papa niya ay mag-isa nitong pinatakbo ang negosyo ng asawa nito pero sa huli ay nalugi. Ang buong akala niya ay babagsak na sila pero hindi sumuko ang mama niya. Anito, nag-invest ito sa napakaraming negosyo at doon na sila nag-umpisang lumipad nang mas mataas. Kung mayaman na sila dati ay mas yumaman pa sila.

Pagkatapos siyang yakapin ni Valentina ay naglakad na ito palayo. May lungkot sa mga mata na sinunda niya ng tingin ang papalayong ina.

Maya maya ay naramdaman niya ang pagyakap ni Ambrose sa likuran niya at sinimsim nito ang buhok niya.

“Ano’ng sabi ni Tita Valentina?”

“Nothing. She’s still not proud of me.” Mahinang tugon ni Monica.

“It’s okay. Proud naman ako sa iyo, hon.”

“Thank you, Ambrose.” Humarap siya sa nobyo at ginawaran ito ng isang halik sa labi.

NAGMAMADALING bumaba ng kotse si Valentina. Hindi maganda ang timpla ng mukha niya dahil sa isang hindi magandang balita na natanggap niya habang nasa ribbon cutting siya ng resort ng anak na si Monica.

Dire-diretso siyang pumasok sa isang malaki at tagong warehouse. Sumalubong sa kaniya ang limang lalaki. Ang isa rito ay nakasuot ng uniporme ng pulis. Sa lima ang pulis ang pinaka takot na takot na nakatingin sa kaniya.

Akala mo ay isa siyang diyos na nakatayo sa harapan ng limang lalaki. Lahat ay takot sa kaniya at kulang na lang ay maihi sa pantalon.

“Sabihin ninyong hindi totoo ang balitang sinabi ninyo sa akin. Sabihin ninyo!” Dumagundong ang galit na galit na sigaw ni Valentina sa loob ng warehouse.

“M-madam, ikinalulungkot ko pero totoo. Ni-raid ng mga pulis ang isa sa mga laboratory natin. Pangalawa iyon sa pinaka malaki kaya malaki rin ang mawawala sa atin,” sagot ng isa sa limang lalaki.

Tumiim ang bagang ni Valentina. Ang laboratory na tinutukoy ng tauhan niya ay ang pagawaan ng mga illegal drugs na siyang dahilan kung bakit ubod siya ng yaman. Marami siyang laboratory sa bansa at iyon ay protektado ng kapulisan at ilang pulitiko kaya hindi siya natatakot sa batas. Patuloy pa rin sa operation ang mga laboratory niya.

Isang Chinese national ang naging kasosyo niya noon sa ilegal na negosyong iyon. Maayos ang lahat pero napansin niya na para siyang isang anino na nasa likuran lang nito. Ito ang nagkakamal ng mas maraming salapi habang siya ay parang isang tauhan na pinapasahod. Siya ang klase ng babae na hindi pumapayag na maging taga-sunod lamang ng isang lalaki kaya nag-isip siya ng isang plano. Ipinapatay niya ang Chinese national kaya awtomatiko na napunta sa kaniya ang isandaang porsiyento ng operasyon ng ilegal na negosyong iyon.

Uhaw sa pera si Valentina. Gusto pa niyang maging mas makapangyarihan. Hindi siya mabubuhay nang wala niyon. Kaya napakahalaga sa kaniya ng kaniyang negosyo.

Alam niya rin na hindi magugustuhan ng anak niya kapag nalaman nito na sa ganoong paraan siya kumukuha ng pera kaya inilihim niya ang lahat. Sinabi niya na nag-i-invest siya sa iba’t ibang business kaya marami silang pera.

“Alam niyo naman kung gaano kaimportante ang lahat ng laboratory ko, `di ba? Maliit man iyan o malaki. They’re like my babies!” Matalim ang tingin na ipinukol niya sa pulis. “Major Enriquez... Akala ko ba ang sabi mo ay wala akong dapat na ikabahala? Ang sabi mo pa, one hundred percent protection ang ibinibigay mo sa business ko. I paid three times more `cause you demanded for it! Ano itong nangyari? Paano ito nangyari?!”

“Madam V-valentina, iyon na nga, e. H-hindi ko rin alam. M-may mga pulis din kasi talaga na mahirap mabili ang prinsipyo. Sila iyong tunay na kalaban natin.” Natatakot na paliwanag ng pulis.

Matiim na tiningnan ni Valentina ang pulis. Hindi niya kayang tanggapin ang paliwanag nito. Bilyong pera ang mawawala sa kaniya sa pagkaka-raid ng isa sa laboratoryo niya. Hindi niya kayang mapalampas ang pagkakamali na iyon.

Mula sa kaniyang shoulder bag ay isang .45 na baril ang inilabas niya. Itinutok niya iyon sa mukha ng pulis na agad na napaluhod sa sobrang takot. Kahit major pa ang katungkulan nito ay hindi siya natatakot rito. Para sa kaniya ay tauhan niya ito dahil sa binabayaran niya ito nang malaki.

“Madam! Madam! Maawa ka sa akin! May pamilya po ako!” Mangiyak-ngiyak na samo ng pulis.

“You promised me protection, Enriquez, but you failed to fulfill that promised. Una pa lang, alam mong galit ako sa tanga. Pumapatay ako ng tanga, major...”

“Maawa ka sa akin, madam! Aayusin ko na sa susunod. Maawa ka—”

Kinalabit ni Valentina ang gatilyo. Sapol sa noo ang pulis na kaagad na bumagsak nang padapa sa sementadong sahig. Walang awa niya itong tiningnan. Para sa kaniya, walang lugar sa mundo ang mga taong kagaya nito. Malulugi ang negosyo niya kapag may isang tauhan siya na nagkakamali. Ganoon lang kadali para sa kaniya ang bumura ng buhay ng tao.

“Iligpit niyo na ang kalat na iyan.” Utos niya sa mga natitirang tauhan na naroon.

“Ano pong gagawin namin sa kaniya, madam?”

“Isilid ninyo sa drum. Sementuhan ninyo. Itapon sa dagat!” aniya sabay talikod para lumabas na sa warehouse.

Naglabas siya ng sigarilyo at lighter. Habang naglalakad pabalik sa sasakyan ay nagsisigarilyo siya.

Akmang bubuksan na niya ang pinto ng kaniyang sasakyan nang tumunog ang cellphone na nasa loob ng kaniyang bag. Kinuha niya iyon at sinagot.

“Valentina Montealta! Maaari ko na bang malaman ang kasagutan mo sa offer namin na tumakbo ka bilang governor sa Plaridel?” tanong agad ng isang lalaki sa kabilang linya.

Isang makahulugang ngiti ang sumilay sa labi ni Valentina nang marinig ang katanungan na iyon sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status