Share

Chapter 10

Ang isa pa niyang kamay ay nakayakap sa akin habang nasa ilalim ng kumot kaya hindi ko na rin naramdaman ang lamig ng umaga.

Babalik na lang sana ako sa tulog at hahayaan ito nang marinig ang sigaw ni Seya.

"Ahh!" sigaw niya kaya dali-dali akong napabangon dahil na rin sa gulat at pag-aalala.

Nagtataka naman akong napatingin sa kaniya dahil sa akin pala siya nakatingin.

Dali-dali naman siyang pinuntahan nila Kuya, Ate, at Mama habang ako ay nanatili lang sa aking kama.

Napatingin naman ako kay Silas na hanggang ngayon ay mahimbing pa rin ang pagtulog.

"Anong nangyari?" agad na tanong ni Kuya Elias sa kaniya.

Nanginginig naman akong tinuro ng bata na pinagtaka ko. Sinamaan naman ako ng tingin ni Mama na mas lalo kong pinagtaka habang nagtataka rin na tumingin sa akin sina Ate at Kuya.

"Bakit?" naguguluhan na tanong ko kay Seya.

"Tita Vivi, nakita ko po kanina na parang may katabi ka sa ilalim ng kumot mo tapos parang nakayakap pa sa iyo tapos parang nakaunan ka pa sa kaniya," hinihingal na kwento ni Seya.

Agad naman akong natigilan dahil doon.

Dali-dali naman na lumapit si Mama sa akin at agad na tinanggal ang aking kumot sa katawan.

"Wala naman, Seya," wika ni Kuya sa kaniya.

"Pero sigurado po ako sa nakita ko," pagpupumilit pa ng bata.

Hinawakan ni Ate si Seya sa braso at saka hinarap sa kaniya.

"Baka namamalikmata ka lang, okay? Imposible naman kasi na may pumasok na tao rito sa kwarto ni Tita Vivi mo," paliwanag ni Ate sa kaniya.

Dali-dali naman tumango ang bata at saka inaya na siya nila Kuya para bumaba.

"Aray!" nagulat naman ako sa biglaang pagkurot ni Mama sa aking baywang.

"Ikaw talaga! Tinatakot mo pa ang bata," wika niya sa akin.

"Pero natutulog lang naman ako, Ma," naiiyak na paliwanag ko.

"Ay, sus! Tigilan mo 'ko sa mga kalokohan mo na 'yan, Averill," sabi pa sa akin ni Mama.

"Pero nagsasabi ako ng totoo, Ma..." bulong ko.

Imbes na makinig ay malakas na lang nitong sinara ang aking pinto.

Agad ko iyong ni-lock at saka naupo at doon na nga sunod-sunod na tumulo ang aking mga luha.

Bakit ba ayaw ako paniwalaan ni Mama? Ganoon ba kahirap bumuo ng tiwala para sa akin?

Natigilan ako sa pag-iyak nang makita ang mga paa sa aking harapan. Pag-angat ko ng aking ulo ay nagsalubong na naman ang aming mga paningin... Silas.

Umupo rin siya at saka nag-Indian sit sa harapan ko upang magpantay ang aming mga mukha.

"Matulog ka pa roon kung gusto mo," sabi ko habang patuloy ang paghikbi.

Nagulat ako nang bigla niyang idampi ang kaniyang mga kamay sa aking mukha para tanggalin ang aking mga luha kaya napapikit ako dahil sa init ng haplos nito.

"Sorry..." saad niya.

Agad akong napatingin sa kaniya matapos iyong sabihin.

Sarkastiko akong tumawa. "Bakit ka nagso-sorry? Ano ka ba?! Hindi mo 'yon kasalanan, 'no. Nakalimutan ko lang kasi talaga na i-lock ang pinto."

"Pero kung hindi dahil sa akin ay hindi matatakot ang bata at hindi ka pa makukurot ng Nanay mo,"  paliwanag niya.

So, nakita at narinig niya pala...

"Ayos lang. Sanay naman na ako," ngiting sabi ko sa kaniya.

Bumuntong hininga siya na aking pinagtaka.

"Hindi ba't sabi ko sa iyo na huwag kang ngingiti sa akin kung hindi naman ito tunay. Minsan, ayos lang din magpakita ng kalungkutan mo dahil hindi naman ibig sabihin noon ay mahina ka," mahabang paliwanag niya sa akin.

Dahil sa kaniyang sinabi ay mas lalo lang nagtuloy-tuloy ang aking mga luha sa pagtulo pero halos impit pa rin ang aking paghikbi dahil ayaw kong marinig nila Ate iyon.

Sa hindi malamang dahilan ay agad ko siyang niyakap at saka umiyak sa balikat niya. Mas lalo lang akong nagkaroon ng lakas na ibuhos ang aking lungkot nang tapik-tapikin niya ang aking likuran.

This is the first time that I cried on someone's shoulder and this is the first time that someone has let me lean on him.

Ganito pala ang pakiramdam kapag may nakaantabay sa iyo na handa kang samahan sa pag-iyak mo.

Mabuti na lang at kaya kong hawakan si Silas kaya ko nagagawa ang ganitong mga bagay pero mas maganda sana kung mahahawakan ko siya habambuhay...

Natigil lang ako sa pag-iyak nang kumalma na ako. Agad kong pinunasan ang aking mga luha at sipon na kanina pa patulo-tulo.

"Maraming salamat," saad ko sa kaniya.

"Masaya akong nakatulong," wika rin nito sa akin.

Tumango ako at pagkatapos ay nagtungo sa banyo upang naghilamos.

Pinagmasdan ko ang sarili sa salamin at halos ilang beses kong lunurin ang sarili sa kakahilamos dahil halatang umiyak ako gawa nang namumula ang aking ilong gano'n na rin ang aking mga mata.

Hindi pwedeng bababa ako ng ganito ang itsura dahil alam kong magtatanong na naman si Mama at baka mag-alala na naman si Ate.

Malakas akong bumuntong hininga at saka ngumiti nang pagkalawak-lawak kahit na peke ito.

Paglabas ko ng banyo ay nagtaka ako nang hindi na maramdaman ang presensya ni Silas.

"Saan siya nagpunta?" tanong ko sa sarili.

Napakibit-balikat na lang ako bago ko mapagpasiyahan na linisin ang aming pinaghigaan.

Pagkatapos maglinis ay nagtaka ako dahil hindi pa rin siya bumabalik.

"Nasaan na kaya siya?" tanong ko sa sarili.

"Sino ang tinutukoy mo?" Nagulat ako dahil sa biglaang paglitaw ni Shi no Tenshi pagharap ko para sana buksan ang aking pinto.

"Lagi mo na lang ba akong gugulatin?!" inis na tanong ko rito.

"Sino ang tinutukoy mo sa sinabi mo?" Taas-noo na tanong niya.

Napalunok na lang ako ng sarili kong laway dahil sa kaba.

Hindi ko pwede na sabihin kay Tenshi kung sino ang tinutukoy ko dahil alam kong kukuhanin niya si Silas at kapag nangyari iyon ay hindi ko na matutupad ang pinangako sa kaniya.

Pinangako ko rin na ibibigay ko lang siya kay Tenshi kapag nahanap na namin ang katawan niya.

"Si Seya ang tinutukoy ko." Kamot-batok na wika ko.

Seryosong tumingin siya sa akin. "Huwag kang magsinulang sa akin, Vivi. Kilala na kita."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status