Share

DOS

Nang makarating sa trabaho ay nagsimula na agad ako. Isa akong waiter dito at nagpapasalamat ako at natanggap ako dito. Dati kong kaklase sa high school ang may- ari kaya natanggap ako at hapon ang shift ko.

Matapos makapagbihis ng uniporme ay lumabas na ako at nagsimula ng magserve.

Nakakapagod ang pabalik-balik na lakad at hindi ka halos makaupo kahit sandali sa dami ng custumer. Sikat ang restaurant na ito dito sa bayan namin

at dinarayo talaga. Dahil bukod sa hindi kamahalan ang mga pagkain, afford na afford pa talaga at masasarap din.

"Isang large burger at fries! " saad ko sa counter ng kitchen.

Sa restaurant na ito ay hindi lang pang umagahan, tanghalian o hapunan, kundi pati na rin sa meryenda ay kumpleto sila.

"Oh, Nerissa nandito ka na pala?" tanong ni Echo. Siya ang dati kong kaklase at may - ari at isa din siyang chef dito.

"Echo, kanina pa po ako nandito. " sagot ko dito at mapapaikot ko nalang ang mga mata ko.

Napatawa na lang ito at itinuloy ang ginawa. Manliligaw ko siya dati lalo na at transferee ako sa school nila, pero hindi ko ito pinatulan. Marami ang babaeng naghahabol sa kanya at isa na doon si Fely.

Nang magkita ulit kami ay inalok niya ako na mag-asawa nalang kami para hindi na raw ako mahirapan sa pagtatrabaho. Pero hinindian ko ito, kaya inalok niya nalang akong magtrabaho dito na agad ko namang tinanggap dahil kailangan na kailangan ko talaga ng trabaho noon.

Nang matapos ang order ay sinervered ko na ito sa custumer. Malayo pa ang gabi at marami pa ang customer na dumarating. Kung may aalis, maya maya naman ay may dumarating din.

Hanggang sa dumating na ang gabi at natapos ang shift ko ay marami pa rin ang kumakain. Nagpaalam na ako sa mga kasamahan ko at kay Echo.

"Here, bring this! " abot nito sa akin ng isang paper bag. Inabot ko ito at sinilip ang loob.

Nanlaki ang mata ko ng makita ang laman nito. Fried chicken, fries at burger. Muntik ko ng makalimutan,ito ang pangako ko sa mga kapatid ko kanina bago umalis. Napaangat ang tingin ko kay Echo na ngayon ay nakangiti.

"Salamat, muntik ko ng makalimutan. Ibawas mo nalang sa sahod ko." saad kong napapakamot sa ulo. Buti nalang talaga.

"Hindi na, pasalubong ko nalang iyan sa mga kapatid mo. Tsaka mag-iingat ka sa daan. Alam ko naman na ayaw mo ng ihatid kita, kaya ikaw nalang ang magbigay niyan sa mga kapatid mo." saad nito.

Napatango-tango ako. Ayaw ko talaga na magpahatid pa sa kanya. Hindi lang sa tsismis na aabutin ko sa amin, kung hindi dahil pagod din siya kahit na may katulong pa siya sa pagluluto sa kusina.

" Sige, salamat. Mauna na ako. "paalam ko at nagsimula ng pumunta sa paradahan ng tricycle.

Napansin kong may nakasunod sa akin kaya nilingon ko ito. May dalawang lalaki at bigla nalang silang humarap sa isa't - isa at nag-usap.

Napakunot-noo ako at itunuloy ang paglalakad. Hindi naman siguro mga masasamang loob ang mga ito. Naalala ko tuloy ang sinabi ni tiyang kanina bago ako umalis ng bahay.

May mga men in black daw na naghahanap kay tatay.

Napalingon ulit ako at nawala sila. Napatingin ako sa paradahan ng tricycle, medyo malayo pa ako kaya tinakbo ko na ito. Niyakap ko ang paper bag na dala at binilisan ang takbo.

Hingal akong nakarating sa paradahan. Nilingon ko ang pinanggalingan ko at nakatayo doon ang dalawang lalaki. Nanlaki ang mata ko at kinalibutan akong napasakay sa tricycle at nagpahatid sa bahay.

Bago makarating sa bahay ay dumaan muna ako sa nadaanan naming convenience store at bumili ng yakult na parehong paborito naming tatlo.

Dahil gabi na ay tahimik na ang paligid ng makarating ako ng compound. Dumeretso na ako sa bahay at naabutan si tiyang na nagkakape.

"Magandang gabi po tiyang." bati ko at napalingon naman ito agad.

"Oh, nandito kana pala. Kumain ka na ba, halika at ipaghahain kita ng makakain." saad nito at dinala ako sa kusina.

Hindi pa naman ako nagugutom at binigyan ako ni Echo kanina ng burger at busog pa ako.

"Hindi na tiyang busog pa naman ako, magpahinga nalang po kayo. Salamat po sa pagbabantay sa mga kapatid ko." napatigil ito sa paglalakad at humarap sa akin. 

"Wala iyon 'no, pamangkin ko sila. At ikaw nga nagmamalasakit kahit hindi mo sila kaano-ano. Ako pa kayang tiyahin nila? Ikaw nga inaalala ko eh, dapat inaayos mo ang sarili mo. Hindi iyong puro trabaho ang inaatupag mo." saad nito at hinawakan ang kamay ko. 

" Ayos lang po ako tiyang, masaya po akong kasama ang mga kapatid ko. "nakangiti kong tugon. 

Napatango naman ito at ngumiti. 

" Oh, sige magpapahinga na ako. Tulog na ang mga kapatid mo kaya magpahinga ka na din. "saad nito at naglakad na papuntang pinto. 

" Sigurado ka bang kumain ka na? "tanong nito bago makarating sa pinto. 

" Oho tiyang, huwag na po kayong mag-alala. "nakangiti kong tugon. Tumango-tango ito at tuluyan ng lumabas. 

Pumunta na akong kusina at inilagay sa maliit naming refrigerator ang dala ko at uminom ng tubig. Matapos ay sinilip ko muna ang kwarto ng dalawa kong kapatid at dumeretso sa kwarto ko. 

Matapos magbihis at matali ang buhok ko paitaas ay inayos ko na ang nilapag kong bag kanina bago ako umalis. 

Binilang ko ang pera at ang tubo ko at para sa ipupuhunan ko ulit bukas. Bayarin sa renta ng bahay at pagkain namin sa araw-araw. 

Matapos ay ang natira ay inilagay ko sa maliit na box. Doon ko nilalagay ang ipon ko para sa pag-aaral ko. Baka sa susunod na taon, makapasok na ako. Kaunting kayod pa. 

Matapos maiayos ang lahat ay sinilip ko ulit ang mga kapatid ko bago matulog. 

Kailangan ko ulit magising ng maaga para sa mga gulay na ibabagsak bukas sa palengke na ititinda ko. 

Maaga palang ay gising na ako. Matapos maihanda ang almusal ng mga kapatid ko at makahigop ako ng kape ay lumabas na ako ng bahay. At nag-iwan nalang ng note sa mesa. 

Papuntang paradahan ay panay ang tingin ko sa daan. Lingon dito, lingon doon. 

Hindi ko alam ang nangyari sa ama-amahan ko, pero may pakiramdam ako. Lalo na at may bigla nalang naghahanap sa kanya ng bigla siyang mawala. 

Mabait naman siya at hindi siya nagkulang sa pagiging ama sa akin, lalo na ng mawala si mama. Pero kamakailan lang ay nahuhuli ko itong may kausap sa kanyang cellphone at patago nito itong kinakausap at palaging bulong kung magsalita. 

Siguradong may gulo itong napasukan kaya ngayon ay hinahanap siya ng mga men in black na iyon. Huwag lang madadamay ang mga kapatid ko at ibang usapan na iyon. 

Matiwasay akong nakarating ng paradahan na ikinahinga ko ng maluwag. Sumakay na ako at nagpahatid sa palengke. Sakto naman ay nagbaba na sila ng mga gulay at naroon na si Fely. 

"Oy Nerissa, mabuti at nandito ka na." saad nitong nangingiti. 

"Oo, bakit ganyan ka makangiti?" tanong kong nakakunot-noo. 

May ininguso ito at sinundan ko ng tingin ito. Napabuntong-hininga nalang ako ng makita si Jordan. Sila ang may - ari ng farm kung saan galing ang mga gulay na ibinabagsak dito sa palengke. 

At kaya nangingiti si Fely, ay dahil nanliligaw din ito sa akin. And speaking of manliligaw, palapit siya ngayon sa kinaruruunan ko. 

Napalingon ako kay Fely at sinamaan ito ng tingin ng hampas-hampasin ako nito sa braso. 

"Hi Nerissa, good morning. " nakangiti nitong saad. 

"Good morning Jordan. " sagot ni Fely na kinikilig. Napailing nalang ako, ang babaeng ito talaga. Crush niya kasi si Jordan kaso hindi siya nito pinapansin. 

"Magandang umaga din sayo." balik bati ko at pumunta na sa pwesto ko. 

Sumunod naman ito at nakasunod din si Fely sa likod. Kinuha ko ang pera na nasa sobre at inabot sa kanya. 

"Heto na ang bayad, salamat. Sa uulitin ulit." nakangiti kong saad. Kinuha nito ang sobre at iniabot sa kasama niyang naglilista. 

"Wala iyon, anytime." nakangiting tugon nito. 

"Iyong sa amin Jordan, naibigay na ni nanay diba?" tanong ni Fely na nasa tabi ko na at nakangiti pa rin kay Jordan na parang tanga. 

Ramdam kong naiilang si Jordan, kaya kinurot ko si Fely sa tagiliran. Masama ang tingin nitong bumaling sa akin.

"Oo na babalik ako sa pwesto namin." nakangusong saad nito. 

"Bye Jordan, my loves balik ka ha?" nakangiting kumaway ito at ng makarating sa pwesto nito ay napatawa kami ni Jordan ng paluin ito ng nanay niya walis ting-ting. 

"Ang aga-aga naglalandi ka na" saway ng nanay niya. 

"Pagpasensyahan mo na si Fely, may sayad kasi iyan." natatawa kong saad kay Jordan. 

"So, kailan mo ako sasagutin?" napatigil ako sa ginagawang pag-aayos ng mga gulay at napatingin sa kanya. 

"Jordan.. —" 

" I know, I know. Priorities mo ang mga kapatid mo at wala kang oras sa pag-ibig. "napabuntong - hininga ito. 

" Bakit hindi mo ako bigyan ng pagkakataon. Hindi naman ako magiging sagabal sa kung anuman ang gusto mong gawin. "malungkot nitong saad. 

" Jordan, hindi lang naman iyon eh. Ang layo-layo natin sa isa't - isa. Tingnan mo nga ang sarili mo at sarili ko. "saad ko dito at ipinagpatuloy ang ginagawa. 

Lumapit ito sa akin kaya napaangat ulit ako ng tingin sa kanya. 

" Nerissa, kung iyon ang inaalala mo. Huwag mo ng intindihin iyon. Walang kaso iyon sa akin. Gusto kita, at nararamdaman ko din na kahit kaunti ay may nararamdaman ka din para sa akin." saad nito at hinawakan ang kamay ko.

Napailing ako, hindi lang naman iyon ang problema dito. Ako, ako ang problema. Hindi ko siya gusto, kaibigan lang ang turing ko sa kanya. 

Sinabihan ko na siya dati na hindi ko maibabalik kung anuman ang pagkagusto na ibinibigay niya sa akin. Siya lang itong mapilit. 

Siguro ito na ang tamang oras na sabihin ko sa kanya ng deretso. Kung tatagal ito, mas lalo lang siyang aasa. Bahala na! 

"Jordan" napalunok ako. 

"Gusto kita bilang kaibigan, pero hindi na hihigit pa doon." malumanay kung saad sa kanya. 

Napaatras ito at tumango-tango. 

"Pasensya na. " dugtong ko. Nag-angat ito ng tingin at ngumiti ng malungkot. 

"Alam ko naman iyon, pero umasa pa rin ako. Na sana, kahit kaunti ay makapasok man lang ako sa puso mo. Pero mukhang hindi ako nagtagumpay." napatingin ito sa kasamahan ng tawagin siya nito. 

"Ayos lang, baka ito na rin ang huli kong punta dito. Pero huwag kang mag-alala. Tuloy-tuloy ang pagbagsak ng gulay dito. Paalam Nerissa. " bagsak ang balikat itong umalis. 

Napabuntong hininga nalang ako at ipinagpatuliy ang ginagawa. 

"Thank you and goodbye. " nanigas ako at hindi makagalaw ng bigla akong yakapin ni Jordan. Tulala akong napatingin sa bulto nitong papasakay sa sasakyan nila. 

"Hoy bruha ano iyon? Bakit may yakap, bakit ikaw lang?" niyogyog ako ni Fely at kunwaring sinasabunutan. 

"Nagpaalam siyang hindi na siya babalik pa." sagot ko na lamang at ipinagpatuloy ang ginagawa. 

"Oh no, bakit anong nangyari? Bakit daw hindi na siya babalik?" sinilip nito ang mukha kung nakayuko. 

"Sinabi ko sa kanyang hindi ko siya gusto at hanggang pagkakaibigan lang ang maibibigay ko sa kanya." sagot ko at napaupo naman si Fely sa sahig at napahawak sa mukha niya. 

"Oh. my. god, binasted mo? Hindi ko na masisilayan ang aking irog. Bakit kasi hindi mo nalang sinagot ha! " madramang saad nito. 

"Hoy Felicia, bumalik ka na nga rito at mamaya dadami na ang tao!" sigaw ng nanay niya kaya napatayo agad ito at nagpagpag ng suot at nagpaalam na.

Napailing nalang ako, kahit sagutin ko pa si Jordan. Kung wala naman akong nararamdaman sa kanya. Hindi din magtatagal ang relasyon kung hindi kayo pareho ng nararamdaman. 

Tbc... 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status