Share

Chapter 4

CHAPTER 4

            “Anong ginagawa mo rito?” nagtataka niyang tanong kay Luis nang itimbre sa kanya ng isang tauhan na may naghahanap daw sa kanya sa bukana ng Rancho.

            “May lakad ako. Wala akong pag-iiwanan kay Kismo,” sagot nito.

            Lumabas ang ulo ng pamangkin sa bintana ng pick-up truck at maligayang kumaway sa kanya.

            “Bakit dito?” Hindi naman sa ayaw niya, kaya lang baka wala sa oras na mabuko siya ni Castiel.

            “Dinala si Lyana sa Bicol Medical Center. Manganganak na. Hindi ko pwedeng isama ang anak ko.”

            Sa huli, wala siyang nagawa kundi pumayag na sa kanya muna si Kismo. Hindi naman maatim ng konsensya niya na maiiwan ang batang mag-isa sa bahay ng mga ito. Dadalhin na lang niya ito sa kung saan. Mabuti na lang at maagang umalis si Castiel, hindi siya masisita kung bakit kasama niya si Kismo.

            Si Clara at ilang katulong lang ang natira sa Ancestral House ng mga Revamonte. Ipupuslit niya na lang ang bata sa taas para makapagbihis siya bago umalis.

            Humawak sa kamay niya si Kismo habang pinapanood nila ang papalayong sasakyan ni Luis. Napalingon siya sa kabilang bahagi ng kalsada nang maramdaman na tila may nagmamasid sa kanila.

            She was feeling that since the other day. Kagaya ng dati, wala siyang nakitang tao na nakatingin sa kanila. Tahimik ang matalahib na bakanteng lote na nasa harap ng lupain ng mga Revamonte.

            “Mama, ganda po ng bahay mo.” Nagkakandahaba ang leeg ni Kismo nang matanaw nila ang may kalakihang ancestral house.

            “Quite ka, Baby. Shh…”

            “Bakit po?” kukurap-kurap nitong tanong nang pinatago niya ito sa likod ng malaking pinto.

            “Basta.” Parang magnanakaw na isinilip niya ang ulo. Nang hindi niya makita si Clara sa living room ay kanda-takbo na ipinuslit niya ang bata pataas.

            Mabuti na lang at sadyang maliksi rin talaga itong pamangkin niya. Sanay na sanay yatang makipaghabulan dahil hindi man lang hiningal sa hagdan.

            “Magbibihis lang ako ha. Tapos punta tayo sa mall.”

            Pinaupo niya ito sa ibabaw ng kama habang sinisilip niya ang laman ng kulay blue nitong backpack. T-shirt na pambihis, bimpo, pulbo at snacks.

            “Kakain po tayo ng Jolibee. Bibili mo ako ng ice cream?”

            “Oo, basta behave ka lang.”

Mabait na tumango ang bata dahilan para tumalbog ang matambok nitong pisngi. Gigil na n*******n niya ang bata sa ka-cute-an nito. Habang tumatagal, parang nagiging pamilyar sa kanya ang mukha ni Kismo. Hindi niya lang maalala kung sino ba ang kahawig.

            Medyo natagalan siyang magbihis dahil naligo pa siya. Pagkatapos, ay dismayadong kinuha niya ang charger dahil dead batt na ang kanyang cellphone. Wala naman siyang inaasahan na tatawag kaya lang aalis siya at baka tumawag si Castiel.

            Nakadapa na sa kama si Kismo nang balikan niya. Busy ito sa pagkutingting sa pinahiram niyang Ipad para hindi ito mabore habang hinihintay siya.

            “Aalis na tayo, Mama?” Mukhang ayaw ng umalis ng bata dahil nagustuhan na yata ang paglalaro sa Ipad niya.

            “Yes, come on.”

            Kung sarili lang niyang bahay ang kinaroroonan nila, hahayaan niya si Kismo na manatili kahit buong magdamag pa.

            “Pwede po dalhin natin ‘to?”

            “Gusto mo ba ng sariling Ipad?

            “Gusto ko maglaro nito, Mama. Lalaro din ako nito sa cellphone ni Papa eh.”

            “Bilhan kita.” Ilang taon din niyang hindi na-spoil ang pamangkin kaya talagang bumabawi siya rito.

            “Baka magalit si Papa.”

            “Bakit naman?”

            “Sabi niya huwag daw po akong hihingi sa ‘yo eh.”

            Napabuntong-hininga siya kahit naiintindihan naman niya si Luis. “Sige, ganito na lang. Ako na lang kakausap sa Papa mo. At saka, hindi mo naman hiningi sa akin, ako ang nagkusang nagbigay. Magkaiba ‘yon.”

            Sandali itong tumingala sa kisame bago tumango-tango. Niyaya niya na itong lumabas.

            Dahan-dahan ulit silang naglakad pababa para hindi makatunog si Clara na naririnig na niya ang boses sa kusina.

            “Mama, bakit tayo nagtatago?”

            “Hindi tayo nagtatago. We are just…”

            “I-english ka na naman, Mama eh.”

            Hindi na siya nakasagot kay Kismo dahil natuod na siya sa kinatatayuan nang mabungaran ang mukha ni Castiel sa harap ng main door.

            Awtomatikong nahila niya si Kismo patago sa likod niya nang magtama ang mata nilang dalawa ng asawa.

            “Cast…”

            Bumaba ang mga mata nito sa paa ni Kismo na kita sa pagitan ng mga binti niya.

            “Oh, ang aga mo yatang bumalik,” sulpot ni Clara mula sa kusina bago tumuon din ang tingin kay Kismo. “Sino ang batang ‘yan?”

            “Elow!” kaway ng pamangkin niya at nakisilip na.

            “Ay ang kyut naman.” Nauna pa si Clara na naglakad palapit sa kanya. Bago pa man siya makahuma ay hinila na nito si Kismo mula sa likuran niya.

            “Elow po!” ulit ng pamangkin at kumaway pa.

            “Anong pangalan mo?”

            “Kien Masimo po. Six years old. Kismo ang tawag sa akin mama at papa ko. Mama ko siya. Ganda di ba?” Tinuro siya ng bata na mas lalo niyang kinalagot.

            “Your son?” paos ang boses na sambit ni Castiel. Hindi niya mawari kung galit ba ito o ano.

            “M-Magpapaliwanag ako.”

            Tila pusa siyang nasukol. Umarangkada na ang utak niya sa gagawing palusot nang ibinaling ni Kismo ang tingin kay Castiel.

            “Ba’t mo tanong? Sino ka pu?”

            Kumunot ang noo ni Castiel at humalukipkip. Gusto niyang mapasapo ng noon ang hindi man lang naintimida ang paslit.

            “I’m your mom’s husband. You. Who are you?!”

            Lumabi ang bata at nilingon siya. “Mama, i-english rin siya.”

            “You don’t understand English?!”

            Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ng pamangkin para huwag na itong magsalita pa. Baka kung ano pang masabi at hindi na niya magawan ng paraan.

            “Si Kismo. He’s my nephew.”

            “That kid is familiar,” magkasalubong pa rin ang kilay ni Castiel. “You’re only child.”

            “His mom is my cousin. You probably saw him from time to time here in town. He is calling me Mama.”

            Ilang sandali silang pinagmasdan ni Castiel at mas lalong tumuwid ang tayo nito. Nanghahamon! Kaya kahit gusto na niyang umusal ng paumanhin sa mga hinabi niyang kasinungalingan ay pinilit niyang salubungin ang mga mata nito.

            “May pupuntahan kayo?” Pinutol ni Clara ang awkward na katahimikan. Tumungo siya sa bata.

            “Sa mall po. Bibili daw ako mama Jollibee.”

            Hinawakan niya si Kismo sa kamay at tumingala kay Castiel para bigyan ito ng maliit na ngiti bilang pamamaalam.

            Hindi siya sinuklian ng ngiti ng lalaki bagkus, ay naglakad lamang ito papalapit sa kanila. Akala niya ay lalagpasan lang siya nito at papanhik sa taas.

            Nagulat siya nang tumigil ito sa harap ni Kismo at inilahad ang palad sa bata. “Castiel.”

            Para naman matanda si Kismo na tinanggap ang kamay ng asawa niya at kita ang gilagid na ngumiti ito.

            Umawang ang labi niya nang binuhat ni Castiel ang pamangkin niya at naglakad palabas. “Samahan ko kayo. Saan mo gustong unang pumunta?”

            “Bili mo po ako spaghetti. Libre.”

            Nilingon siya ni Castiel bago pa man ang mga ito makalabas ng front door. At sa pagkataranta ay wala sa loob na kinuha niya ang kamay ni Tita Clara at nagmano bago siya kumaripas ng takbo pasunod sa dalawa.

           

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Eivon Talde
Maganda ang story
goodnovel comment avatar
Maw Kuri
Ang cute ni Kismo. Parang gusto niya talagang mama si joana
goodnovel comment avatar
Ravenjane Milagan Nakila
Hala kaninong anak itong si kismo? di nman daw ka mukha ehh,
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status