Share

The Wayward Daughter
The Wayward Daughter
Author: msalchemist

Chapter 1

KASAMANG PUMASOK NI Clip ang mga kabarkada sa Desperados, ang go-to night spot ng San Jose del Monte, kung saan si SB na naman ang tumutugtog. Kilala si Sinatra Blue o SB dahil ito lang naman ang laging tumutugtog dito sa Despe ng hatinggabi. Kapag nakarinig na ng mala-Freddie Aguilar na tirada, awomatiko na kung sino ang nakasalang. Bubwelta pa ito ng Red Hot Chili Peppers kapag dumating na ang mga kaibigan nitong walang pinipiling edad. 

Open area ang Despe at nasa ikalawang palapag ng establisyimiyento. Dito sila nagkayayaan dahil gusto nilang makinig ng live band habang kumakain at umiinom ng beer. 

Hinubad ni Clip ang suot na leather jacket at sinampay iyon sa sandalan ng monoblock saka siya naupo. Inayos niya ang umaangat na palda at bumababang strap ng pantaas na damit. Nilinga niya ang paligid at umusli ang isang mapanglarong ngiti nang makita ang maraming mata na tinatapunan siya ng tingin. Hindi na iyon bago sa kanya. Isa na lang itong laro sa kanya. Kabisado na niya kung paano laruin ang mga utak ng mga taong nasa paligid niya. Madali nang maglabas ng balat para sa kanya. Iyon ang gusto ng mga tao ngayon. Madali na ang magbawas ng kasuotan hindi para magmukhang malandi o kaladkarin kundi dahil kumportable ang tao sa sinusuot nito at mataas ang kumpiyansa sa sarili na kaya nitong dalhin iyon.

Ngunit para kay Clip, matagal nang buo ang isip ng taumbayan na ubod siya ng landi. Kauri ni Magdalena. Hinatulan na siya ng buong Bulacan na haliparot siya dahil lang sa mga mapanuksong kasuotan at anyo—maiikling palda at shorts, malalalim na ukab ng damit, humahapit na bestida, makulay na buhok, mapupulang labi, mahahabang pilikmata. 

Parang kasalanan na ngayon ang magpaganda. Kapag mga artista ay okay lang kung mag-posing ang mga ito sa tabloid at billboard na halos onti ang saplot pero kapag isang ordinaryong tao lamang ay grabe na kung manglait ang iba. Maraming sinasabi porket iyon ang naririnig tungkol sa kanya. Iyong iba ay sumusunod na lang sa uso. Nakikitsimis kung ano na ang bago sa kanya.

Sinusubukan namang magmukhang classy ni Clip sa kanyang pananamit at postura para hindi siya nasasabihang mababa ang lipad. Kapag tumutingin naman siya sa salamin ay masaya siya sa nakikita. Mahal niya ang repleksyong nakangiti sa salamin. 

Siya na lang naman ang tagapagtanggol ng sarili niya. Walang ibang magtataas sa sarili niya kundi siya. 

Nagbigay na lang siya ng order niya sa waiter nang masiyasat niya ang mga lalakeng kanina pa disimuladong kinukuha ang kanyang pansin. Walang panama ang mga ito sa boyfriend niya na hindi niya pa nakikita. Isa itong foreigner na naglalagi sa England. 

Isa pa iyon sa sinusundang balita patungkol sa kanya. Isa raw siyang gold digger. Well, may bahid naman ng katotohanan iyon. Sino ba ang aayaw sa pera kapag kusa na iyong binibigay  lalo at hindi pa niya pinaghirapan? Buhay prinsesa na nga siya kung tutuusin. May monthly allowance siyang natatanggap sa boyfriend na si Alex. Noong una ay ayaw niyang tanggapin iyon hanggang sa napilitan na lang siya dahil ginigipit siya sa bahay nila. Buong mundo na yata ang kalaban ni Clip. Pati mga magulang niya ay sinusukuan na siya. 

Dalawang dekada pa lang siyang namumuhay pero mukhang mag-iiwan pa siya ng history sa lugar nila.

Biyernes ngayon kaya naman lumabas sila. Hindi na school night kaya pupwedeng magpuyat at tumagal sa labas. Kahit naman hindi weekend ay lumalabas pa rin sila. 

Silang magkakaibigan ang tinaguriang mga bad influence ng kanilang pamantasan. Sikat sila sa kabobohan. Puro paganda raw kasi ang alam nila pero pagdating sa academics, wala silang ibubuga. 

Aminado naman si Clip sa parteng tamad siya mag-aral. Pero hindi siya bobo. Makapanglait lang talaga ang iba basta maiangat ang sarili. 

Malakas lang talaga ang impluwensiya ng mga kaibigan niya, nambubuyo na uminom, huwag nang pumasok, mag-party na lang kaysa pasukan ang napaka-boring na mga asignatura. 

Resulta ng maraming bagsak sa kanyang grado, may foreigner na boyfriend, at may tinatanggap na allowance, ano na lang ang tawag ng mga tao sa kanya?

Sinalo na niya lahat. Siya na ang gold digger at village idiot kung tawagin.

Nilinga niya ang mesa nila. Isa-isang tiningnan ang mga tinatawag niyang ‘tropa’. Naaalala lang siya ng mga ito kapag may pera na siya. Sila pa ang unang nagyaya. Siya pa ang ‘bad influence’ sa lagay na iyon? 

Napaingos siya. 

Pinagtuunan na lang niya ng pansin ang boses sa gitna ng entamblado. Tiningnan niya ang lalakeng tumutugtog ng gitara. Pinanood niya kung paano maglaro ang mga daliri nito sa pagkalabit sa bawat kuwerdas at ang taas-baba ng paa nito sa aparato sa sahig na naglilikha ng loop.

Mr. Blue ang tawag niya rito. Mas matanda ito sa kanya ng isang dekada’t kalahati kaya naman sa ganoong paraan niya ito tawagin. Isa pa, gusto niyang bigyan ng halaga ang pagiging musikero nito kaya tinatawag niya pa rin ito sa stage name nito kahit saan sila magkita. 

Nagtama ang mga mata nila. Hindi siya nito nakilala. Hindi na siya nagtaka dahil malayo ang puwesto nila. 

Gustong-gusto niyang kakwentuhan si Mr. Blue dahil mas matanda ito at may nakukuha siyang aral dito. Kumpara naman sa lagi niyang nakakasama na mga kaedaran niya. Ano ba ang alam nila? Hindi pa nga sila masyadong gising sa tunay na agos ng mundo. Puro pagpapakasarap pa lang ang alam nila. Iyon lang ang alam nilang gawin. Kaya kahit papaano, gusto niyang nakadikit pa rin ang mga paa niya sa sahig sa tulong na rin ng isang nakatatanda. 

“Clipper, pass me your lighter, please,” anang kaibigan niyang si Monique. 

Naputol ang daloy ng isipan niya sa narinig na boses. Kinuha niya mula sa MK handbag niya ang reserba niyang lighter. Hindi niya pinapahiram ang paborito niya dahil baka hindi na iyon makabalik sa kanya. 

“You okay, hon?” usisa ni Monique matapos sindihan ang sigarilyo nito. Humithit ito at ilang segundo pa’y pinakawalan ang usok sa ere. 

Nagkibit-balikat lamang siya. “Magdagdag kayo ng isa pang bucket, may susunod pa raw sa’tin,” ang tanging sabi niya. 

Naghiyawan ang mga kasama nila sa mesa. “Nagsusunog ka na naman ng pera. I want a sugar daddy na tuloy,” ani Monique na lumabi pa sabay de cuatro.

“God, Monique, you already have Sebastian. What are you gonna do with another pair of balls?” tukso niya.

Monique bursts out laughing. “Hello? No brainer.”

Hindi niya alam kung kanino ang box sa gitna ng mesa, basta na lamang siya kumuha ng isang stick at sinindihan iyon. 

“Hey, Romano, mag-request ka kay Mr. Blue,” utos niya rito. Kanina niya pa ramdam ang titig nito sa kanya. Hindi naman lihim sa circle nila na may pagtingin ito sa kanyang hindi na mamatay-matay. Hindi niya alam kung ano ang nakikita nito sa kanya na hindi makita ng ibang tao. Akalain ba niya na may dalawang taong magkakagusto sa kanya? 

“What do you want?” agad na pagtalima nito.

“You have something I can write on?” tanong ni Clip.

Agaran itong naghanap sa bulsa nito. Habang siya’y inabala muna ang sarili sa pakikipagkwentuhan sa ibang kasama. Sa gilid ng kanyang mata ay nakita niyang tumayo si Romano. Sinundan niya ito ng tingin at pinanood kung paano ito nanghingi ng papel at nanghiram ng ballpen sa isang staff. 

Napangisi na lang siya sa nakita.

“You’re lucky,” narinig niyang wika ni Monique sa tabi niya. Ito naman ang binalingan niya. “You still have guys under your spell,” komento nito nang makita ang ginawa ni Romano.

Nangunot ang noo niya sa narinig. Ano ang nais nitong ipakahulugan? Na may nauuto pa rin siya kahit ganito siya? 

Kumibot-kibot ang kanyang mga labi. Matagal niyang tinitigan si Monique at pilit inaaninag ang mukha nito sa papalit-palit na ilaw. Ang mga mata nito’y diretso lamang. Mariin ang pagkakalapat ng mga labi nito. Ano na naman ba ang bumabagabag sa isipan nito?

Kinalabit niya ito. “What did you say, Monique?” kunwa’y hindi niya narinig ang sinabi nito.

Monique shrugged her shoulders. “Nothing, babe. I’m hungry. Ang kupad talaga ng service crew dito. And yet, dito mo kami laging dinadala,” reklamo nito.

Hindi niya napigilan ang kumawalang buntong-hininga na naudlot nang mabilis ang ginawang pagbaling ni Monique sa kanya. Tumaas ang isang kilay nito. “What? May sasabihin ka?” mataray nitong tanong, tila nanghahamak. 

“I asked everyone. Majority wants to go here. Magpapaklayo pa ba tayo, eh, meron namang Desperados?” sagot niya rito.

Umiling ito. “Please,” she scoffed. “Gumastos ka na naman, ‘no? Nagtitipid ka?” 

Humigpit ang pagkakahawak niya sa sigarilyo. Hinintay na lang niyang makabalik si Romano kaysa sagutin ito. Inabot nito ang kapirasong papel at ballpen. Nagpasalamat siya rito. 

Nang matapos ay ibinalik ang mga iyon kay Romano. “Ibigay ko na ba?” tanong nito.

“Ikaw, kung may gusto kang isulat.”

Hindi ito sumagot kaya palihim niya itong tiningnan. Nahuli niyang nakatingin din pala ito sa kanya. Sumungaw ang isang ngiti sa mga labi nito. Matipid niyang ibinalik ang ngiting iyon sabay tango.

Pagkaalis nito ay dumating naman na ang in-order nilang drinks. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status