Share

CHAPTER 3

     'ILANG hakbang na lang…' Naihilig ni Luke ang noo sa malamig na poste. Inilibot niya ang tingin sa tahimik na kalsada bago nagpasyang magpatuloy. Kauuwi niya lamang galing sa burger shop at napagtanto niyang sa mga buwang nagdaan, ngayon lamang niya naramdaman ang ganitong uri ng pagod. Naiinis siya.

Gusto niyang humanap ng makakaaway ngayon upang may patunayan. Subalit sino nga ba ang gusto niyang pakitaan ng gilas?

Si Logan Caraig.

Hindi niya nagustuhan ang mapang-akusang titig ng malalamig nitong mga mata sa kaniya. Ang lalaking iyon, kaya siguro nitong gawing yelo ang isang tao gamit lang ang mariing paninitig. Sigurado siyang naramdaman nito ang panginginig ng kaniyang kalamnan dahil sa kaba.

Umuwi ang lalaki nang pagod at halatang may iniinda. Hindi man nakakunot ang noo nito ay may awrang bumabalot kay Logan na nagsasabing huwag itong lapitan.

Naging masyado itong istrikto sa mga pamangkin kanina! Kahit ang batang si Travis ay hindi ito pinansin.

Huminga nang malalim si Luke at inalala ang naging pag-uusap nila ni Logan.

"Huwag mo itong masamain, Luke, pero hindi maganda ang ginawa mo nito lang." Niluwagan ni Logan ang kwelyo ng suot na polo bago pabagsak na umupo sa silya. "You should be a good example to the kids ngunit ano ang ginawa mo? Ikaw pa ang naging pasimuno!"

"Sir Logan…" Tumikhim si Luke at kinain lahat ng salitang salungat sa gustong marinig ni Logan ngayon. "…hindi na mauulit."

Alam niya kung paano makisalamuha sa mga taong galit. Sinanay na siya ng kaniyang experience sa mga naunang trabaho.

"You say that now but you should not get yourself too close with the kids dahil una, kapatid mo ang sumira sa kinabukasan nila." Logan tsked. "Masisira lang ang pagtingin nila sa 'yo and I'll be the one to console them. Ayokong dumagdag pa iyon sa trabaho ko."

Hindi maipaliwanag ni Luke ang nararamdaman noong mga segundong iyon. Nanibago siya kay Logan ngunit hindi niya masabing hindi niya ito inasahan. Galit ito sa kaniya subalit ipinagkatiwala pa rin nito ang mga bata.

‘Subalit ano naman?’ Pumikit si Luke. Nawalan man ng kapatid si Logan ay hindi ito dapat ganito kung magsalita sa kaniya! Ano ang nagtulak sa lalaking 'yon upang maging gano'n kasama?

'Nawalan din ako ng mga magulang, ng isang kapatid.' Gusto iyong isumbat ni Luke subalit alam niyang mahuhulog sa taingang hindi nakakarinig ang kaniyang hinanaing. Sasabihin lamang nito na hindi niya tunay na kadugo ang nawala sa kaniya.

Isa pa, higit ngang nakaaawa ang mga bata. Hindi niya ipagkakait iyon.

Hindi na ba siya puwedeng magdamdam dahil dito?

Masakit kung magsalita si Logan Caraig. Alam na iyon ni Luke sa ngayon. Gusto niya man itong sisihin, wala siyang karapatan.

"Ayusin mo ang trabaho mo, Luke. I'm paying you. Sana huwag mo sirain ang natitirang tiwala ko sa 'yo." Logen then shook his head. Inayos nito ang salamin sa mata pagkatapos. "Nagdala ako ng pagkain. Maghapunan ka bago umalis."

Gustong bulyawan ni Luke ang lalaking iyon. Sino ang gugustuhin pang kumain pagkatapos ng mga sinabi nito? Tumango si Luke noon. Itinapon ang pagkaing sinabi ni Logan at nagkunwaring busog.

Hindi niya kayang kumain sa bahay ng taong may galit sa kaniya.

Saglit niyang sinilip ang hitsura ni Logan upang malaman ang mood nito. Nang makitang hindi na tuwid na linya ang makakapal nitong kilay at may may kurba na sa makakapal nitong labi ay nakahinga siya nang maluwag.

Nagpaalam siya kay Logan nang maayos at mabilis na umalis. Hindi siya nakapagpaalam sa mga bata.

Ginulat siya ng maraming kostumer sa harap ng pinagtatrabahuan niyang burger shop. Mabilis mang nawala ang isyu ni Logan sa kaniyang isip dahil sa trabaho, hindi naman siya nilulubayan nito kapag nagpapahinga siya.

Kumalam ang sikmura ni Luke. Napahawak siya rito. Kailangang magkalaman ang kaniyang tiyan. Magkakasakit siya kung titiisin niya ito.

Napagtanto niya ngayon na kailangan nga niyang gumanti kay Logan. Kahit sa maliliit lamang na paraan. Sa paraang hindi maaapektuhan ang mga bata. Iyong si Logan lamang ang mamomroblema.

Dahil tama ang sinabi nito. Oras na malaman ni Travis at Tanya na kapatid siya ng nakapatay sa kanilang ama, kamumuhian siya ng mga ito.

Ang dapat niyang gawin ngayon ay mag-aral nang mabuti. Gawing nakakaangat ang sarili. Dapat maipakita niya kay Logan na kahit kinuha na nito ang lahat sa kaniya, may sarili pa rin siyang aasahan. Magiging lamang siya rito.

Makikita nito.

Darating ang araw na hindi siya nito maaapi nang basta-basta dahil ito na mismo ang nagsabi. Hindi niya kadugo ang mga Cabrera. Hindi siya ang nagtulak upang magkaroon ng aksidente. Hindi siya ang dahilan ng trahedyang naganap.

Sa katunayan ay wala dapat siyang sabit sa mga nangyari. Kung kaya bakit madali lang sa lalaking iyon ang insultuhin siya?

Sayang ang magandang hitsura at talino nito kung wala namang magandang asal. Hindi ito nag-iisip at basta-basta nalang kung magpadala sa galit!

Inis na sinipa ni Luke ang maliit na batong nagtangkang humadlang sa kaniyang daraanan. "Makikita mo, Logan! Makikita mo!" sigaw niya.

Isang matinis na tunog ng teleponong nag-ri-ring ang nagpahinto sa kaniya. Mabilis niyang kinuha ang cell phone sa bulsa at sinagot. "Hello, Ethan?"

"Luke!" maligayang bati ng kaibigan sa kabilang linya. Sa pasuray-suray na boses ay nagpaliwanag si Ethan. "May project tayo. I-se-send ko sa 'yo ngayon ang detalye. Jusko! Buti naalala kita kung 'di ay baka nagkasala pa 'ko sa diyos dahil hindi kita na-inform!"

Napangiti si Luke. "Saang bar ka na naman ba nagsusuot, ha?"

"Hay! Ewan ko ba. Hindi ko na maalala. My God!" sagot nito.

"I-send mo sa akin kaagad tapos umuwi ka na." Kakaibang kausap si Ethan tuwing lasing ito. Walang pangungusap na nakakalagpas nang walang pagtawag sa panginoon. Hindi naman ito relihiyosong talaga. Minsan tuloy ay nalilito si Luke kung maiilang ba siya o tatawa sa kakaiba nitong pag-uugali. "H'wag mo hintaying mangyari ulit sa 'yo 'yong dati."

"Ugh, my lord, Luke. Ipinaalala mo na naman sa akin. Hindi ko na nga nakita ang ulupong na iyon, e." Suminghap ito. "Magpakita lang siya sa 'kin, Luke, at talagang babangasan ko siya."

Nakikita na ni Luke sa kaniyang isip ang posibleng hitsura ni Ethan ngayon. Ang itim nitong buhok ay sabog, mga pisngi ay namumula dahil sa pagkalasing at mga matang hindi na maipokus ang tingin. Isa si Ethan sa iilang taong kilala ni Luke na masasabi niyang 'guwapo'. Nasa pinakauna sa listahang iyon ay si Logan.

Nalukot ang mukha ni Luke. Naaalala niya na naman ang supladong iyon!

"Hindi mo pa rin talaga nakakalimutan 'yong ex bestfriend mo, ano?" komento ni Luke na siyang nag-udyok para putulin ni Ethan ang tawag.

"Pagkatapos niya 'kong halik-halikan noong nalasing ako? Hindi, uy! God, limot ko na po 'yon. Diyos ko, siya lang ba?" Pumalatak si Ethan. "O, siya. Bye-bye na."

Hindi pa man nakakapag-paalam si Luke ay ibinaba na nito ang tawag. Naiiling na bumuntong hininga si Luke.

Noong sophomore year nila ay may nangyaring hindi inaasahan kay Ethan Romualdez. Nagkatuwaan silang magkaklase hanggang sa sila ay malasing. Hindi alam ni Luke ang buong kuwento dahil maging siya ay sumusuka na sa labasan ng bar sa mga panahong iyon. Ang malapit na kaibihan dati ni Ethan na si Rexforth Chua, naging tampuhan ng tukso at isyu noong kinabukasan.

Ang sabi, hinalikan ni Rexforth Chua si Ethan sa banyo. Nawalan ng malay noon si Ethan dahil sa kalasingan. Pati si Ethan ay hindi sigurado sa mga naganap pero ang napansin nila ay ang mabilisang pag-transfer si Rexforth.

Hindi man nagimbal si Ethan sa balitang kumakalat, nanlumo siya nang lubos sa pag-alis ni Rex.

Kaya kahit ayaw nitong maniwala sa mga tsismis, dahil sa galit ay kinumpirma nito na totoo nga iyon.

Tiningala ni Luke ang buwan. Kakaunti lamang ang bituin sa langit. Muling tumunog ang telepono niya. Mabilis niyang tinanggap ang tawag at pabirong sinabi, "O, ano, kumalma ka na ba?" Binabaan niya ang tono noong maalalang nakainom ang kaniyang kausap at aniya, "I'm sorry."

Hindi magandang pagtaasan ng boses ang mga taong lasing. Iisipin ng mga itong nanghahamon siya ng away.

Baka totoo ngang nainis si Ethan sa pagpapaalala niya rito. Hindi sumagot ang nasa kabilang linya kaya natigilan siya. Wala ang maingay na background ng mga taong nagsisiyahan kaya mas lalo siyang nagtaka.

Sinilip niya ang pangalan ng kausap. Si Logan ang nasa kabilang linya. Natigilan  si Luke. Bumagsak ang kaniyang sikmura. Tumikhim siya at pautal-utal na tinawag ang pangalan nito, "Sir Logan?"

"Sorry," sabi ng nasa kabilang linya, "sorry. Hindi mo kasalanan. Hindi lang maganda ang pakiramdam ko kanina…am I making excuses? I'm just sorry."

'Hindi mo kasalanan.' Napakurap si Luke ng ilang beses. Alam na alam nito kung ano ang dapat sabihin upang makapanakit. Alam na alam din nito kung ano dapat ang sasabihin upang magpagaan ng loob.

Gumaan ang kaniyang pakiramdam dahil sa paghingi nito ng tawad. Napangiti si Luke. 'Marunong din pala siyang mag-sorry.'

"I know you didn't eat dinner, Luke. Nakita ko 'yong nasa basurahan and I called to check. Oh, well." Logan sighed. "Kumain ka na't matulog nang maaga. You'll be tired taking care of the kids while I'm gone tomorrow. So, bye."

"Logan!" pahabol ni Luke noong matauhan siya. "Ano…gusto ko lang makatulong pero kung ayaw mo sa 'kin, sabihin mo nang diretso, okay?"

Tumahimik ng ilang segundo si Logan bago ito nagsalita. "I like you, okay," wika nito, "I have to grade some papers. Goodnight."

Pinakinggan ni Luke ang pagpatay ng linya bago ibinaba ang kaniyang telepono. Nahihiya man ay mabilis na gumaan ang kaniyang balikat.

"Nakakainis pa rin ang lalaking iyon," bulong ni Luke sa sarili bago nagpatuloy sa paglalakad. Hindi niya namalayang ang kaniyang paghinto noong marinig ang boses ni Logan. "Anong 'I like you'? Hindi yata alam ng antipatikong 'yon kung ano ang epekto ng mga salitang 'yan sa 'kin."

Sigurado siyang magugulantang ang lalaking iyon oras na malaman nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status