Share

[TRIST] Part1.4: Santa Demon Resort

BAGAMAT madilim ay lakas loob pinasok nina Ynaria at Clement ang basement, inilibot nila ang paningin sa paligid. Tanging flash light mula sa cellphone ang nagsisilbing kanilang ilaw para makakita sa dilim. Sa pagkakataong iyon biglang sumarado ng malakas ang pintuan sa basement dahilan upang magpanic si Clement. Habang si Ynaria naman ay kalmado lang, tila sanay na ito sa kababalaghan sa basement. Sinenyasan ni Ynaria na huminahon si Clement, dahilan upang pakalmahin nito ang sarili.

"Anong gagawin natin?" Bulong ni Clement.

"Hindi ko alam," walang ideyang tugon ni Ynaria.

Parehong gulat napalingon sina Clement at Ynaria nang tumunog ang piano kung saan doon nakapatong ang picture ni Trist kasama ang kaibigan nitong si Chris. Inilawan ni Clement yung piano.

"Narinig mo 'yon?" Kinakabahang tanong ni Clement.

"Nakatayo siya sa piano at pinipindot ang keyboard." Sambit ni Ynaria. Ang tinutukoy nito ay si Chris.

"Iisa lang ang kilala kong mahilig maglaro ng piano," saad ni Clement. "Si Chris." Dugtong nito.

"Siguro, siya na nga itong kaharap natin."

"Ynaria, wala tayong mahahanap---" Hindi naituloy ni Clement yung sasabihin nito nang bigla itong dahan-dahang umangat kasabay ng paghawak nito sa leeg, animo'y sinasakal.

"Clement," takot na sambit ni Ynaria nang makitang nitong sinasakal nito ang yumaong kaibigan na si Chris. "Bitiwan mo siya!" Kausap ni Ynaria sa multong si Chris. "Kaibigan mo siya!" Dagdag pa nito.

Biglang bumagsak si Clement sa sahig dahilan upang tumama ang likod nito at makaramdam ng sakit, kasabay ng paghabol nito ng hininga. Nag-aalalang nilapitan ni Ynaria si Clement tsaka ito inalalayan tumayo.

"Ayos ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Ynaria.

"Huwag mong alalahanin ang sarili ko, okay?" Hingal na hingal na sagot ni Clement. "Siya na lang ang pagtuunan natin ng pansin." Dagdag ani Clement ang tinutukoy nito ay si Chris.

"O-Okay."

Natigilan si Ynaria nang pansin nitong naglalakad ang kaluluwa ni Chris, sinundan niya ito ng tingin hanggang sa huminto ito sa dulo ng basement kasama yung mga iba pang kaluluwang nagpaparamdam sa kanya. Nakaturo ang mga kamay nito sa sahig kung saan doon nakatayo si Chris.

"Ynaria, Ynaria!" Nabalik sa huwisyo si Ynaria ng marinig ang pangalan, kung kaya't walang salitang nilingon nito si Clement. "Sinong tinitignan mo?"

"May tinuturo sila," tugon ni Ynaria kay Clement. "Lapitan natin." Aya pa nito.

"Hindi. Baka ikaw ang biktimahin nila." Nag-aalalang usal ni Clement.

"Naniniwala akong wala silang gagawin, at alam ko ito na yung sagot upang matapos na 'tong kababalaghan." Nagpapaintinding sagot ni Ynaria.

Humugot ng hininga si Clement tsaka ito bahagyang tumango para sabihin nauunawaan nito ang pinapahiwatig ni Ynaria.

"Tara!" Aya ni Ynaria kay Clement.

Pinuntahan nilang dalawa yung tinuturo ng mga multo at laking pagtataka nila nang makita ang nakaguhit na exis. Nagkatinginan tuloy sila sa isa't isa na may katanungan sa isip.

"Anong ibig sabihin nito?" Ang tinutukoy ni Ynaria ay yung nakaguhit na exis.

"Kailangan matignan kung ano yung nasa ilalim nito." Ideyang sambit ni Clement.

"Paanong gagawin natin?" Naguguluhang tanong ni Ynaria.

"Dapat may bagay na maaari nating ipokpok sa sahig." Ani Clement at inilibot nito ang paningin sa paligid.

Mariing napapikit si Ynaria tsaka ito humugot ng hininga. "Hihingi ako ng tulong!"

"Sa tingin mo ba makakalabas tayo? Kusang sumarado yung pinto." Paalala ni Clement tsaka ito animo'y may hinahanap sa paligid.

Hindi nagawa pang magprotesta ni Ynaria dahil sa kawalang masabi at kung anong gagawin. Naghanap na lang ito ng bagay na maaaring ipang-p****k sa sahig. Ilang saglit pa, nakakita ito ng martilyo sa ilalim ng lumang desk.

"Clement, may nakita akong martilyo!"

"Ayos na 'yan." Ani Clement, tsaka nito kinuha yung martilyo sa kamay ni Ynaria.

Sinimulan ni Clement pokpokin yung sahig na may guhit na exis. Hindi sila nabigo dahil unti-unting nasisira ang sahig, hanggang sa mapahinto si Clement nang makaamoy ito ng masang-sang na bulok. Parehong tinakpan nina Ynaria at Clement ang kanilang ilong, naramdaman din nila parang babaliktad ang kanilang sikmura dahil sa sobrang nakakasulasok na amoy.

"Clement, nahihirapan akong makahinga!" Sambit ni Ynaria. Bahagya pa itong lumayo sa kinaroroonan ni Clement. "Hindi ko na kaya yung amoy!" Pakiusap nito.

"Humingi ka ng tulong!" Ani Clement habang patuloy nito sinisira ang sahig at nakatakip pa rin ang ilong nito.

Walang salitang nagtungo si Ynaria sa pinto kasabay ng pagkalampog nito upang makahingi ng tulong.

Samantala nasa sala pa rin si Ryan kasama si Wendy na ngayon lang nagising. Habang si Trist naman ay inatras ang single-sofa para papasukin yung tatlo niyang trabahador, hindi ito nabigo dahil nabuksan nito ang pinto. Mga nag-aalalang itsura nina Helen, Dylan at Paul ang bumungad sa kanya. Nagtungo rin ang mga ito sa direksyon nina Wendy at Ryan para itanong ang kalagayan ng mga ito.

"Nasaan si Ynaria at Clement?" Tanong ni Paul nang mapansin nitong hindi sila kompleto.

"Nasa basement sila." Sagot ni Ryan.

"Anong ginagawa nila doon?" Kunot noong tanong ni Helen.

"Oo nga, anong meron sa basement?" Komento ni Paul.

Walang sumagot sa tanong nina Helen at Paul, tanging katahimikan ang bumalot sa apat na sulok ng sala. Ilang saglit pa nakarinig sila ng ingay sa kung saan. Sabay silang lahat lumingon sa pintuan ng basement.

"Humihingi sila ng tulong!" Alertong saad ni Dylan.

Sa sinabi pa lang ni Dylan ay naunang pumunta sa basement si Trist na sinundan naman nina Dylan, Paul, Helen, Wendy at Ryan. Aligagang sinusubukan ipasok ni Trist yung susi sa seradula.

TULUYANG nasira ang sahig na pinopokpok ni Clement, dahilan para manlaki ang mga mata nito sa nakita. Mga bangkay at sa tingin niya matagal ng patay ang mga ito. Bahagya itong lumayo dahil sa umaalingasaw na amoy.

"Ynaria, tignan mo ito." Ani Clement.

Bagamat nasa pintuan si Ynaria, bumaba ito upang tignan ng malapitan ang nakita ni Clement. Halos maduwal naman ito sa nakita dahil sa daming bangkay na naroon.

"Oh my gosh! Sinong may gawa niyan?" Komento ni Ynaria.

"Hindi ko alam." Tugon ni Clement.

Sabay lumingon sina Clement at Ynaria sa pinto nang marinig ang boses ng kanilang mga kasamahan. Muling tinignan ni Ynaria ang mga bangkay.

"Alam ko na kung bakit nagkakaroon ng kababalaghan dito sa resort." Hula ni Ynaria.

"Anong gagawin natin sa bangkay?" Nagtatakang tanong ni Clement.

"Sa palagay ko kailangan nila ng maayos na libing at dasal kaya ginagambala nila tayo."

"Ano?" Kunot-noong turan ni Clement.

"At sigurado ako roon," nagpapaintinding usal ni Ynaria. Natigilan ito nang makitang umaapaw ang dugo mula sa bangkay. "Clement, may dugo!" Duro nito sa bangkay.

"Paanong nangyari 'to." Di makapaniwalang sambit ni Clement.

Mas lalo pang umapaw ang dugo dahilan upang maapakan nila ang dugo at umabot ito hanggang sa kanilang binti. Sa pagkakataong iyon, muling nakaramdam ng takot sina Ynaria at Clement sapagkat hindi nila inaasahan na mangyayari ito.

"Kailangan natin umakyat sa taas!" Sambit ni Clement dahilan para maging alerto si Ynaria.

"Anong ibig sabihin nito? Bakit may umaapaw na dugo?" Napalingon sina Clement at Ynaria sa pamilyar na boses.

"Trist?" Di makapaniwalang banggit ni Ynaria. Kasama ni Trist sina Dylan at Paul. Mga nakalubog rin ito sa umaapaw na dugo.

"Anong nangyari dito?" Inosenteng tanong ni Dylan.

"May mga nakita kaming bangkay ni Clement at kailangan nila ng tulong natin para mailibing natin sila ng maayos, at 'yon lang ang tanging paraan para matigil na 'to!" Paliwanag ni Ynaria.

"Paano nagkaroon ng bangkay dito?" Takang tanong ni Dylan.

"Parang gusto kong lumangoy sa dugo," Nakangising komento ni Paul. "Nagjojoke lang." Pahabol na dagdag pa nito.

"Wala kaming ideya," umiiling na sagot ni Clement. "Trist, may kinalaman ka ba dito?"

"Pinagduduhan mo ba ko?" Maangas na sambit ni Trist. "Six years ago, hindi mo ba naalala yung ginawa ni Chris? Dito sa resort na 'to ay may mga pinatay siya at nakakasiguro akong dito niya inilibing." Punto nito kay Clement.

Hindi nakaimik sa Clement sa halip, pumikit ito't bumuntong hininga.

"Ibig sabihin mamatay tao ang kaibigan niyo?" Pagkukumpirma ni Ynaria.

"Wala na tayong oras para pag-usapan ang bagay na 'to at sa nakaraan ni Chris. Nasa baywang na natin ang tubig, kailangan nating iahon ang mga bangkay!" Paalala ni Clement.

"Ano 'yon?" Biglang sambit ni Dylan. "May humawak sa paa ko." Dugtong pa nito dahilan para lumubog ito at umaktong nalulunod.

Naging alerto naman sina Ynaria, Clement, Trist at Paul. Mag nag-aalalang nilapitan nila ang direksyon ni Dylan tsaka nila ito tinulungan maiahon na ngayon ay basang-basa na ng dugo.

"May humila sa paa ko!" Habol hiningang sambit ni Dylan.

"Tayo lang naman ang tao dito at paano nangyari 'yon?" Takang tanong ni Paul.

Bigla ring lumubog si Trist tulad ng nangyari kay Dylan. Tinulungan din ito nina Ynaria at Clement iahon. Nang sandaling nalubog si Trist ay nakita nito ang kaibigang si Chris, hawak-hawak nito ang paa niya at tila nais nitong ilunod siya.

"Ayos ka lang Trist?" Nag-aalalang ani Ynaria.

"Huwag niyo kong intindihin. Tama si Clement, ilabas natin ang mga bangkay dito," utos ni Trist. "Ynaria, samahan mo sina Helen at Wendy, at sabihin mo kay Ryan tulungan kami." Dugtong nito.

"O-Okay," Tumatangong sagot ni Ynaria. Mabilis itong umahon at agad nilapitan ang kinaroonan nina Helen sa sala.

Nag-aalalang sinalubong nina Wendy, Ryan at Helen si Ynaria pagkalabas nito sa basement.

"Ynaria, a-ayos ka lang?" Nagpapanic na tanong ni Helen. Tanging pagtango lang ang tinugon ni Ynaria tsaka ito tumingin kay Ryan.

"kailangan nila ang tulong mo sa bababa." Sambit ni Ynaria.

"Okay." Tumatangong sagot ni Ryan tsaka ito pumunta sa basement.

Pinagtulungan ng mga lalaki ilabas yung mga bangkay mula sa basement. Inilagay nila ang mga bangkay sa labas ng cottage sa gilid. Habang patuloy na nilalabas nila ang mga bangkay, unti-unti namang nawawala yung dugong bumaha sa basement. Nawala rin yung basa sa kanilang buong katawan. At nang sinigurado nilang wala ng bangkay ay lumabas na sila ng basement, maliban kay Trist na nagpaiwan pa.

Bumuntong hininga si Trist tsaka ito lumapit sa piano, bahagyang hinawakan pa nito ang keyboard sa piano at pinindot iyon.

"Sa palagay ko matatahimik na yung mga kaluluwa nila aking kaibigan." Malumanay ani Trist, kasabay ng mariing pagyukom ng kamao nito.

Naramdaman nito ang paghawak ni Chris sa kanyang balikat dahilan upang kilabutan ito.

"Ang pangako ay pangako." Dagdag sambit pa ni Trist.

"Trist, kailangan na natin umalis sa lugar na 'to." Sulpot ni Clement sa likuran ni Trist.

"Okay." Nakangiting tugon ni Trist.

Ang mga bangkay na kanilang inilabas mula sa basement ay inilibing nila sa gilid ng resort. Dinasalan pa muna nila ang mga ito bago sila tuluyang magpasyang umalis.

"Boss, happy anniversary sa Seven Restaurant!" Paunang pagbati ni Paul. Sinundan iyon nina Ryan, Dylan, Helen at Wendy habang sina Ynaria at Clement ay nakangiti lang.

"Maraming salamat, hindi ko 'to makakalimutan kahit may nangyari satin," buntong hiningang ani Trist. "Pangako, sa susunod na anibersaryo ay hindi ko na kayo ibabalik dito. Mananatili na lamang tayo sa ating restaurant."

"Dapat lang, Boss! Nakakatakot sa resort mo!" Sang-ayon ni Dylan dahilan upang magsitawanan ang lahat.

Sa huling pagkakataon, muling lumingon si Ynaria sa resort. Mariing napakapit ito sa hawak nitong bag nang kilabutan ito. Binalik na lamang nito ang atensyon sa mga kasamahan at sumakay sa sasakyan para lisanin ang lugar.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status