Share

Chapter One

Hindi malimutan ni Christine ang pangyayaring iyon. Araw-araw ay palagi na lamang niya itong naalala. Malaki rin ang pangamba niya para sa sarili. Natatakot siyang baka magbunga iyon. Lalo na’t hindi pa siya dinadatnan na dapat ay noong isang linggo pa.

“Ate! Gumising ka na raw baka mahuli ka na sa trabaho mo,” tawag ni Chien na naka-uniporme na.

Umungol lang si Christine dahil tinatamad siyang bumangon.

“Bahala ka d’yan.” Nag-spray ito ng kanyang pabango para mas lalong bumango ang kanyang uniporme. Kailangang maging guwapo siya sa paningin ng kanyang mga kaklase.

Napabalikwas ng bangon si Christine nang maamoy ang napakatapang na amoy ng pabango ni Chien. Tumakbo siya palabas ng kuwarto at nakasalubong niya ang ina na kakalabas lang ng banyo.

“Buti at gumising ka na, Christina! Alam mo ba kung anong oras na? Kanina ---” Napatigil ito sa pagsasalita nang marinig ang pagsuka ni Christine.

“Blaargh…”

Dumuwal siya sa lababo kaya pumunta ang ina sa kanyang tabi. Walang lumabas na kahit ano kundi laway lang. Hinahabol niya ang kanyang hininga dahil sa sobrang pagduwal. Tiningnan niya ang kanyang ina na nanlalaki ang mga mata.

Natatakot siya sa tingin nito. Hindi niya alam kung galit ba ito o nag-aalala. Dumuwal na naman siya ng lumapit si Chien sa kanila.

“Ma, ate, mauuna na ako,” sabi ni Chien at lumabas na ito ng bahay.

Naiwan ang mag-ina na nakatingin pa rin sa isa’t-isa. Tumayo nang maayos si Christine pero nakatanggap siya ng isang sampal galing sa ina.

“Sinong ama?” biglang tanong nito.

Nanlaki ang mga mata ni Christine habang hawak ang pisnging sinampal ng kanyang ina. Hindi pa man nakakabawi sa sampal si Christine ay hinawakan na siya ng kanyang ina sa braso at hinila nang malakas.

“Christina, pinalaki kita ng maayos, hindi para magpagalaw lang sa lalaki. Alam kong hindi tayo naging masayang pamilya pero, Tina naging mabuting ina ako sa inyo dahil gusto kong mailayo kayo sa mga ganyang sitwasyon!” walang tigil sa pagdada ang kanyang ina.

Kinaladkad siya papunta sa sala at isinara ang pinto upang hindi marinig ng kanilang mga kapit-bahay ang pinag-uusapan nila.

“Anong pinagsasabi mo, Ma?” kabado at tanga tangahang tanong nito sa ina.

“Huwag mo akong ginagawang tanga, Tina! Buntis ka.” Humina ang boses nito nang sabihin niya ang salitang ‘buntis’.

Napatigil si Christine at napatitig sa mata ng ina. Kita niyang napaiyak ang ina at napa-upo sa kawayang upuan. Nakasunod lang ang tingin niya sa bawat galaw ng kanyang ina.

“Ma naman, baka nagkakamali lang po kayo,” pagpupumilit niyang hindi paniwalaan ang sinasabi ng ina. “Masama lang po ang pakiramdam ko kaya po ako nasuka kanina,” pagrarason niya.

Pumikit siya at nang biglang naalala na hindi siya kumain kahapon. “At saka, 'di ba hindi ako kumain kahapon, Ma? Kaya siguro wala akong naisuka,” pangungumbinse niya sa ina.

Umiling siya sa ina at napaiyak na rin. Isang beses lang nangyari iyon, bakit siya mabubuntis agad?

Tumayo ang kanyang ina at hinawakan nang mahigpit ang dalawa niyang balikat. Huminga ito nang malalim at tiningnan sa mata si Christine na kinakagat lamang ang ibaba niyang labi.

“Mag… magpalit ka! Magpacheck-up ka sa ninang mo…” paos ang boses nito at napayuko nang maramdamang paiyak na naman siya.

Pinagtutulakan siya ng kanyang ina pabalik sa kuwarto. Hindi siya umangal sa desisyon ng kanyang ina. Sumunod siya at nagpalit ng damit. Sumama ang kanyang ina papunta sa pinakamalapit na ospital kung saan nagtatrabaho ang kanyang Ninang na isang Ob-gyne doctor.

Tiningnan niya ang ina na hindi man lang makatingin sa kanya. Sana mali ang sinabi ng ina. Ayaw niyang magalit ito sa kanya kaya hinihiling niyang mali.

“Riz, bakit ka nandito?” nakangiting salubong ni Lydia.

Nagbigay galang si Christine sa pamamagitan ng pagmano. Ngumiti si Lydia kay Christine at napansin niyang…

“Magpapaheck-up sana si Christine, Lyd.”

Napangiti ang kanyang Ninang dahil sa sinabi ng kanyang mama. Pilit ding ngumingiti si Riza upang iparating na masaya ito na buntis ang anak.

“Sige Riz, hintay lang tayo.”

Tiningnan ni Christine ang ina na nagpipigil na umiyak habang nagdadasal. Naaawa siya sa ina dahil siya na lang ang natitira sa kanila. Patay na ang kanilang ama at kumakayod pa rin ang ina kahit na may trabaho siya sa isang kompanya.

“Magpalit ka nito, hija. Pagkatapos ay humiga ka.”

Sinunod ni Christine ang sinabi ni Lydia. Matapos iyon ay humiga na siya. Nilagyan ng gel ang kanyang maliit na tiyan. Tumingin siya sa monitor.

“Kita mo iyang maliit na bilog?” Tumango si Christine bilang tugon. Umaasa siyang internal organ niya lang iyon, pumikit pa siya. “’Yan ang baby mo. Maliit pa lang siya dahil fetus pa. Three weeks pa lamang ang baby mo at salamat dahil malakas ang kapit ni baby,” nakangiting pagpapaliwanag nito.

Napaiyak si Christine dahil sa nalaman. Mabibigat na paghinga ang kanyang pinapakawalan. Nakita niyang pumasok ang kanyang Mama. Nakita nito ang pagpahid ng luha sa kanyang mata. Mas lalong napaiyak si Christine.

“Why are you crying? Hindi ka ba masaya na makitang may nabubuhay sa loob ng tiyan mo?”

“Masayang masaya po ako, Ninang.” Pinahid niya ang luha sa mata.

Ngumiti siya nang pilit sa Ninang niya at tumingin ulit sa monitor na kung saan makikitang gumagalaw ang maliit na bilog sa kanyang sinapupunan.

“Riz, wala namang dapat na ikabahala. Kahit three weeks pa si baby malusog naman ito.”

“Ganoon ba, Lyd? Sige salamat ha... Mauuna na kami.”

Tumango lang si Lydia. Nauna nang lumabas si Riza. Nagmadali namang habulin ni Christine ang ina.

“Ma, sorry... Hindi ko naman po sinasadya, e.”

“Hindi sinasadya? Hindi ba sinasadya ang pagkakabuntis mo? Ano nabuntis ka lang na walang gumagalaw sa’yo?!” galit na saad ng kanyang ina. Hindi nito mapigil ang emosyon kaya nailalabas niya ito nang sobra.

“Ma, 'di ko naman po alam na may mabubuo.”

“Sana ginamit mo ang utak mo bago ka nagpagalaw!” Dinuro-duro pa ni Riza ang sentido ni Christine. Napapikit na lamang siya habang gingawa iyon ng kanyang ina.

 “Sabihin mo sa ama ng dinadala mo!”

“'Di ko po magagawa iyon.”

Napatigil sa paglalakad ang kanyang Mama at tumingin sa kanya na nakakunot ang noo. Umatras naman si Christine dahil sa takot na baka sampalin na naman siya ng kanyang ina.

“At bakit hindi? Kailangan niyang panagutan ‘yan!” bulyaw nito.

“May mahal po siyang iba…”

“Sasa---”

“Ma! Ayoko pong sabihin sa kanya! Pakiusap. Pangako ko bubuhayin ko ang anak ko na walang hinihinging tulong sa iyo.” Pagsusumamo niya sa ina na hindi man lang nagbabago ang ekspresyon ng mukha.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
ang sad naman nabuntis ka ng mahal mo Cristine kaso hindi ka naman nya kilala
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status