Nasa isang coffee shop sina Eloise at Sasha, at nang dumating sila, naka-order na si Sasha ng paborito niyang kape at cake.
Kahit napag-usapan na nila kagabi sa cellphone si Cosmo, halatang puno pa rin ng interes si Sasha tungkol sa kanya.
Hindi inanunsyo nina Eloise at Cosmo sa publiko ang kanilang kasal. Tanging ang pamilya Lopez at Dominguez lang ang nakakaalam, at si Sasha lamang ang pinagsabihan ni Eloise tungkol dito.
Hindi talaga sang-ayon si Sasha sa desisyon ni Eloise na pakasalan si Cosmo, lalo na't sa tingin niya'y wala na itong silbi ngayon.
“Ikaw na nga ang pinalaki nila, tapos nagawa pa nilang maging gano'n kabagsik? Kung gusto ka nilang pagbayarin sa utang na loob, bakit hindi na lang ibang lalaki na maayos ang kalagayan ang ipakasal sa'yo?” Galit na sambit ni Sasha.
Ngunit kalmado si Eloise, dala ng mga pinagdaanan niya sa buhay, “Kung wala rin namang pagmamahal, kahit sino na lang ang mapangasawa. Wala rin namang pinagkaiba. Gagawin ko lang ang hinihiling nila.”
Naaliw at nagalit nang bahagya si Sasha, “Pinipilit mo lang aliwin ang sarili mo! Alam mong nasasaktan ka rin sa loob, lalo na’t ito ang una mong kasal! Alam mo bang mahirap makipaghiwalay sa pamilya gaya ng Dominguez family? Pagkatapos ng kasal, kahit maghiwalay kayo, tatawagin ka pa ring ‘dating asawa ni Cosmo Dominguez.’”
Hindi ipinaalam ni Eloise kay Sasha ang kasunduan nila ni Cosmo, kaya wala rin itong alam sa tunay na nangyayari.
“Wag ka mag-alala. Nangyari na ang nangyari, kaya susunod na lang ako sa agos,” kalmadong sabi ni Eloise habang sinusubukang pakalmahin si Sasha. Pagkatapos ay iniba niya ang usapan, “Ikaw at si Theo, may nangyari na ba?”
Biglang nag-iba ang ekspresyon ni Sasha. Matagal na niyang hinahabol si Theo—regalo dito, kung ano-anong pakulo, pero lagi siyang tinatanggihan. Kahit ganon, hindi siya sumusuko. Determinado siyang mapasagot ito.
Si Theo ay isang lalaking masipag, matalino, at galing sa mahirap na pamilya. Ngunit kahit kailan, hindi nito binigyan ng kahit anong pansin si Sasha.
“Ganoon pa rin. Hindi niya ako pinapansin. Naiirita pa nga siya tuwing nakikita ako,” malungkot na sabi ni Sasha.
Napailing si Eloise, “Ibig sabihin niyan, ayaw ka talaga niya. Ikaw pa, na mayaman, maganda, at sikat, hindi mo kailangang maghabol sa isang lalaki.”
Napayuko si Sasha habang iniikot ang kutsarita sa kanyang kape. “Eloi, sa tingin mo ba ang tanga ko dahil ganito ako? Pero hindi ko alam, gusto ko talaga siya.”
Tiningnan siya ni Eloise, “Ano bang nagustuhan mo sa kanya?”
“Masipag siya, responsable, hindi siya tulad ng ibang lalaki na lumalapit lang sa'kin dahil mayaman ako,” sagot ni Sasha.
Ngumiti si Eloise, “Maraming lalaki ang may gano'ng katangian. Pero bakit siya lang ang nagustuhan mo? Sigurado ka bang pagmamahal ‘yan, o admiration lang?”
Napatigil si Sasha, “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Baka hindi naman talaga ‘love’ ‘yang nararamdaman mo, kundi paghanga lang. Puwede kasing naa-appreciate mo lang siya, kaya feeling mo gusto mo siya,” paliwanag ni Eloise.
Saglit na natahimik si Sasha, bago napabuntong-hininga. “Ewan ko. Pero gusto ko siya.”
Hindi na nagsalita pa si Eloise. Pakiramdam niya lang ay mali na si Theo ang maging asawa ni Sasha balang araw. Kaya muli siyang nagpaalala, “Sasha, bata ka pa, maganda, mayaman. Maraming lalaki diyan ang gustong magpursige para sa’yo. Wag mo masyadong ibuhos ang sarili mo sa isang tao lang. Enjoyin mo muna ang buhay.”
Gulat na napatingin si Sasha sa kaibigan, “Eloi, kailan ka pa nagkaroon ng ganyang pananaw?”
Mahinahon na sagot ni Eloise, “Maikli lang ang buhay, kaya sulitin mo na. Wag mong hayaan na magsisi ka balang-araw.”
Napanganga si Sasha, tila nag-iisip nang malalim.
Matapos ang halos isang oras sa coffee shop, nagtungo na ang dalawa sa boutique para kunin ang dress na inorder ni Sasha dalawang buwan na ang nakakalipas.
Alam na ng clerk na darating si Sasha kaya inihanda na niya ang damit nang maaga. Pero sa hindi inaasahang pangyayari, bigla na lang itong nawala. Matapos maghanap sa paligid, natuklasan niyang suot na ito ni Lilian Viernes.
Si Lilian ay ang stepsister ni Sasha. Wala silang dugong magkaugnay. Sumama lang siya sa pamilya Viernes matapos pakasalan ng kanyang ina ang ama ni Sasha, at pinalitan niya ang apelyido niya bilang Viernes.
Mula’t sapul, lubos na inis si Sasha kay Lilian. Madalas silang magtalo, pero palagi siyang talo sa mga sagutan nila. Dahil dito, lalo lang siyang pinagsabihan ng kanyang ama, na sinasabing wala siyang respeto at hindi marunong makisama.
Kaya nang makita ni Sasha na suot ni Lilian ang kanyang damit, hindi na siya nagdalawang-isip. Lumapit siya nang walang pasabi at isang malakas na sampal ang ibinigay kay Lilian.
Napaatras si Lilian habang hawak ang kanyang pisngi, may luha sa kanyang mga mata at litong tanong, “Ate, wala naman akong ginawang masama sa’yo. Bakit mo ako sinampal?”
Bagama’t hindi kasing-ganda ni Sasha ang kanyang mga facial features, may taglay siyang simpleng kagandahan na tila inosente at mahinhin. At higit sa lahat, napakagaling niyang magmukhang kawawa—lagi siyang parang iiyak anumang oras.
Alam na alam ito ni Sasha, kaya hindi siya naawa. “Suot mo ang damit ko. Hubarin mo ‘yan ngayon din!” Mataray niyang sinabi.
Kita ang marka ng sampal sa pisngi ni Lilian, at nagliliwanag ang kanyang mga mata sa luha. Mukha siyang takot at naguguluhan. “Ate, sinasabi mong sa’yo ‘tong damit? Hindi ko naman alam! At kahit pa sa’yo ito, hindi ba puwedeng pakiusapan mo muna ako nang maayos? Kung sinabi mo lang, ibabalik ko naman sa’yo.”
Napangisi si Sasha. “Hindi mo alam na akin ‘yan? Aba, sigurado akong alam mo, kaya mo nga suot, hindi ba? Pero tingnan mo naman ang sarili mo, bagay ba sa’yo ‘yan?”
Si Lilian ay mahilig sa malalambot at payak na kulay, na bumagay sa kanyang inosenteng imahe. Samantalang si Sasha ay may angking alindog at karisma—kahit anong isuot niya, nabibigyan niya ito ng buhay.
Simula nang sumama si Lilian sa pamilya Viernes, palihim niyang ginaya ang istilo ni Sasha. Ngunit nang mahuli siya, hindi siya tinantanan ni Sasha sa pangungutya. Sa kalaunan, natuto si Lilian na bumagay sa sariling istilo niya.
Ngumisi nang mayabang si Sasha at tinaas ang kanyang baba. “Ang damit na ‘yan ay custom-made at iisa lang ang ginawa. Hindi basta-basta ibibigay ng clerk ‘yan, maliban na lang kung ikaw mismo ang nanghingi!”
Nagbago ang ekspresyon ni Lilian. Nataranta siya sa harap ng pag-iinsulto ni Sasha. Mahinang sagot niya, “Ate, huwag mo akong pagbintangan, hindi ko ‘to sinadya…”
Napangiwi si Sasha. “Tigilan mo ‘yang pagpapakawawa mo! Nakakasuya ka! Hubarin mo ‘yan ngayon din, tapos umalis ka na!”
Hindi na napigilan ni Eloise ang susunod na nangyari—huli na ang lahat. Isang kamay ang biglang pumigil kay Sasha at hinatak siya palayo. Napatras siya ng ilang hakbang, buti na lang at nasalo siya ni Eloise.
Ang lalaking humawak sa kanya ay si Aries Villamor. Matigas ang kanyang ekspresyon nang magsalita, “Sasha, hindi mo kailangang pagbintangan si Lilian. Ako ang nagsabi sa kanya na subukan ang damit.”
Mahinang humawak si Lilian sa laylayan ng damit ni Aries, parang isang mahina at walang kalaban-laban na dalaga. “Aries, huwag mo siyang pagalitan. Kasalanan ko rin ‘to. Hindi ko lang agad naipaliwanag kaya nagkamali ng intindi si Ate.”
Napansin ni Aries ang marka ng kamay sa pisngi ni Lilian at agad siyang nagalit. “Sinampal ka niya?”
Mabilis na tinakpan ni Lilian ang kanyang mukha, pero hinawakan ni Aries ang kanyang kamay para makita ang pisngi niya. Agad siyang nataranta at tila naiiyak. “Hindi… hindi si Ate ang gumawa nito…”
Pero sa halip na makabawas sa sitwasyon, lalo lang nitong pinatunayan kung sino ang salarin. Lahat ng naroon ay may maiinit na ugali, at halata namang ang tanging may dahilan para manakit ay si Sasha.
Lumingon si Aries kay Sasha, at sa mga mata niya ay hindi lang galit ang naroon—kundi matinding hinanakit.
Matigas ang kanyang tono nang sabihin niya, “Sasha, humingi ka ng tawad!”