Share

Kabanata 3

BAHAGYANG madilim na nang magdesisyon si Tanya na tunguhin ang mansyon umano ng senyora na tinutukoy ng kaibigan. 

Batid niya sa sariling balot ng takot ang buong sarili, pero hindi niyon kayang pigilan siya na kung kailangan ay magmakaawa siya upang pahiramin lamang ng senyora na tinutukoy ni Anne ng pera.

Tumigil siya sa paglalakad sa tapat ng malaking mansyon sa parteng liblib ng Sitio Talib. Hindi niya ito napansin noon ng dahil sa mga sabi-sabi na may nakatira umano ritong multo, medyo may kalumaan na rin kasi ang lugar at halatang naisasalba lang sa paulit-ulit na pag-aayos ng ilang bahagi niyon.

Mariing napapikit siya at piping nagdasal. Walang kahit na ano'ng nagsisilbing door bell o bagay na puwede niyang pindutin upang ipaalam na may bisita ang senyora.

Balak na sana niyang bumalik na lang bukas pero natigilan siya. Maatim ba niyang paghintayin si Miko na bukas pa ito sumailalim sa operasyon?

"Hindi," naisatinig niyang sagot sa tanong na nasa isip.

Matapang niyang hinarap muli ang gate. Pinagmasdan niya iyon ng maigi hanggang sa mapansing hindi naman pala iyon nakasara kaya dahan-dahan niyang binuksan.

Nang makapasok siya sa loob ng property doon na nagsimulang kumabog ang dibdib niya sa kaba. "Wala po akong masamang balak, gusto ko lang po makausap si Senyora Faustina," sabi niya sa mahinang boses.

Hanggang sa wakas ay makarating siya sa pintuan ng mansyon at tulad ng gate hindi rin ito nakasara. Pero bago siya pumasok sa loob kumatok muna siya ng ilang beses nang walang marinig. 

"Tao po!" Nakakaisang hakbang pa lang siya nang mapapitlag sa matinis na ingay na palakas nang palakas habang papalapit ito nang papalapit sa kaniya. Napalunok siya. "Gusto ko lang po sanang makausap ni Senyora Faustina," magalang niyang sabi habang pikit ang mga mata.

Nang unti-unti siyang magdilat muntik na siyang mapatili nang makita sa kaniyang harapan ang isang medyo may edad na babaeng nakasuot na itim na dress. Sa totoo lang, gusto na niyang tumakbo palabas ng mansyon pero nanigas na yata ang mga paa niya at hindi na iyon maikilos.

"Sino ka?" tanong nito habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kaniya. "Sino ang nagpapasok sa 'yo sa loob ng mansyon ko?" galit na nitong tanong sa kaniya.

"Ako po si Tanya," nauutal niyang pakilala. Pilit niyang iniwas ang mata upang maitago ang nararamdaman niyang takot. Nakagat niya ang ibabang labi. "Narinig ko po kasi na nagpapautang kayo. Nagpunta po ako sa mansyon ninyo upang magbakasali na kung maaari ay makahiram po ako ng pera para po sa nakababata kong kapatid na kailangan pong sumailalim ngayon sa isang operasyon," agad niyang paliwanag.

Nakatatakot kasi ang itim na itim na mata ng kaharap at maging ang suot nitong itim na bestida na animo'y kasali sa isang horror movie.

Laking pagtataka niya nang hindi ito nagsalita. Doon siya nagising sa kaniyang kahibangan na naniwala agad sa sinabi sa kaniya ng kaibigan. Hindi kasi halata sa mukha ng kaharap ngayon na papansinin siya o maging magpahiram sa kaniyang ng malaking halaga gayong ni hindi nga siya nito kilala.

"Magkano?" biglang sabi nito.

Sa iglap naglaho ang lahat ng tumatakbo sa isip niya. Animo'y nagawa niyon na alisin maging ang takot na nararamdaman niya kani-kanina lang. Sinundan niya lang ng tingin ang senyora nang pumanhik ito sa taas.

Mayamaya lang ay bumaba ito na may dalang isang itim na bag. "Bingi ka ba, tinatanong ko kung magkano ang kailangan mo?" iritableng tanong nito.

Napamaang siya. Hindi pa kasi siya makapaniwala nang ilabas nito sa dalang bag ang lapad-lapad na pera.

Pero agad din siyang nakahulma nang maalala niya ang dalang hospital bill. Ipinakita niya iyon sa sa senyora na sandali lang nitong tinapunan ng tingin.

Sunod-sunod ang pagtango nito at iniabot sa kaniya ang isang lapad na naroon. "You have a month to pay me," anito.

Isang buwan? Hindi ba't masyadong maiksing panahon iyon para magbayad sa malaking halaga na inutang niya.

Biglang natigilan siya at nagkaroon ng pag-aalinlangan. 

"May problema ba? Hindi ka makakapagbayad sa loob ng isang buwan?" tanong nito.

Nang akmang babawiin nito ang pera na hawak, agad niyang inilayo iyon.

Hindi na niya kayang muli na may makitang mahal sa buhay na mawala. Noong mga oras na iyon nawalan na siya ng dahilan upang iproseso ang lahat. 

Napagtanto na lang niyang naglalakad na siya patungo sa ospital kung saan dinala ang kapatid kagabi.

Walang ibang hangad ang puso niya kung hindi mapabuti ang kapatid na si Miko. Hindi na rin niya alintana na isipin pa ang susunod na mangyayari. Basta ang mahalaga nasa mabuting kalagayan ang kapatid, sapat na iyon na dahilan upang makontento siya kahit na ba ang kapalit niyon ay sarili niyang buhay.

Mabilis niyang na-settle ang lahat ng babayaran sa ospital maging ang ilang araw pang pananatili ng kapatid.

Masaya niyang sinilip ang kapatid na nasa loob ng intensive care unit. "Magiging okay ka rin Miko," mahinang usal niya.

***

ILANG linggo na ang nakararaan simula ng maging maayos ang kondisyon ng kapatid ni Tanya. Pero binabagabag pa rin siya ng katotohanang imposible niyang mabayaran ang ganoong kalaking pera sa loob ng isang buwan. 

Tinapunan niya ng tingin ang bag na naglalaman ng mga naipon niya sa mga iba't ibang trabaho na pinasok. Kahit barya ay pinatos na niya kaysa wala. Malayo pa sa katotohanan ang naitatabi niyang pera. 

Kung sana ay nakapagtapos siya ng pag-aaral at makapagtrabaho sa mga malalaking kompanya malaki na marahil ang ipon niya. Kaya lang, hindi naman kasi makatarungan na makapagbayad ang isang tulad niya ng kalahating milyon sa loob lamang ng isang buwan.

Dinagdagan na niya ang mga nilulutong ulam at nakiusap sa mga kakilala kung maaari ba siyang magtinda sa loob ng pabrika. Kumita naman siya ng malaki, ang problema hindi naman nahuhulog mula sa langit ang halagang kalahating milyon nang dahil lang sa pagtitinda niya ng ulam.

Ano ba naman kasi ang iniisip niya nang tanggapin ang pera ba iyon?! 

Malalim na napabuntong-hininga siya. 

"Ate Tanya, bakit? May problema ba? Kanina pa malalim ang inisip mo," puna sa kaniya ni Anne.

"Hindi ba't narinig mo sa Tatay mong minsan ng nagpautang si Senyora Faustina sa dati niyang tauhan na nangutang ng kalahating milyon?" usisa niya. 

Hindi kasi mawaglit sa isip niya ang maaari sa kaniyang mangyari oras na hindi makapagbayad sa loob ng isang buwan. 

Nakita niya ang mabilis na pagbabago ng anyo ng mukha ni Anne. Tila ba nabalisa ito. Muli ay bumangon ang takot niya sa naging reaksyon ng kaibigan.

"Anne, nangutang ako sa kaniya ng kalahating milyon para sa operasyon ni Miko," amin niya sa kaibigan.

Laking gulat niya nang magsimulang mangilid ang luha nito. Ano'ng dahilan?

May itinatago ba ito sa kaniya kaya ganito na lamang ang reaksyon nito?

"Ano'ng nangyari?" nauutal na niyang tanong.

"Ang sabi ni Tatay, hindi nakapagbayad 'yong kakilala niya. Simula niyon hindi na muli niya 'yon nakita, pinaniniwalaang marahil pinapatay ito o 'di naman kaya'y pinakulong." Bumuhos lalo ang mga luha nito.

"Ane, bakit hindi mo agad sinabi sa 'kin?!"

"Hindi ko po kasi narinig ang buong pag-uusap nila, kasi si Miko agad ang unang pumasok sa isip ko."

Unti-unting nanghina ang buong katawan niya. Napasapo siya ng noo. Ano man sa dalawa ang nangyari sa kakilala ng ama ni Anne, ayaw niya pa rin paniwalaan. 

Natatakot lang siya lalo't hindi niya masyadong kilala ang senyora.

***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status