Share

Chapter Two

“DON’T mind them,” bulong sa kanya ni Lance.

            Kung hindi lang niya napigilan ang kanyang sarili’y napatalon na siya. Wari kasi’y ayaw nitong may ibang makarinig nang ibinulong nito sa kanya pero kakaibang reaksyon naman ang naramdaman niya ng mga sandaling iyon. Para kasing may naramdaman siyang kuryente na dumaloy sa kanyang katawan nang maramdaman niya ang mainit nitong hininga sa kanyang tenga.

            Bakit ba ganoon ang reaksyon niya kay Lance samantalang kapag kay Mark Wayne ay kampante lang naman ang tibok ng kanyang puso kahit ganoon din sila kalapit? May pagkakataon nga na nakakatabi niyang matulog ang kanyang matalik na kaibigan pero balewala pa rin sa kanya. Kaya nga ayaw niyang maniwala sa mga romance writer kapag sinasabing kakaibang damdamin ang mararamdaman mo kapag nagdaiti ang balat ninyo, ngunit, bakit ngayon ay ganoon ang kanyang nararamdamdaman gayung hindi naman magkadikit ang kanilang mga balat.  Bumulong lang sa kanya si Lance pero sobra na siyang naapektuhan!

            “Pwede ba namang hindi, eh, parang gusto na nila akong hilahin at pagsasampalin.” Gusto sana niyang sabihin ang mga katagang iyon sa tonong nagbibiro pero nakaramdam siya ng inis sa babaeng nag-’hi’ kay Lance saka pinaglakbay ang mga daliri sa braso nito. Halatang nang-aakit.

            Nakaramdam naman siya nang tuwa ng pasimpleng pagpagin iyon ni Lance at hinila siya palapit sa katawan nito tapos pinulupot pa nito ang braso sa kanyang beywang. Lumingon siya rito para tanungin kung bakit nito ginawa iyon pero hindi siya nakapagsalita dahil nang ibaling niya rito ang kanyang tingin ay nakatingin din ito sa kanya kaya’t malapit na malapit lang ang pagitan ng mukha nila. Tapos langhap na langhap pa niya ang amoy nito.

              Shucks, mas nakaramdam siya ng pagkataranta!

            “Hindi ko hahayaan na mapahamak ka, okay,” mariing sabi nito sa kanya. 

            Isang bahagi man ng isipan niya  ang tumatanggi pero parang gusto niyang kiligin sa ipinahayag nito. Para kasing seryosong-seryoso ito at talagang paninindigan ang sinabi.

“Gusto mo bang magkaroon tayo ng deal?” walang anu-ano’y tanong nito.

“Deal, anong deal?” maang niyang tanong kay Lance. Kahit na 5’8” na ang kanyang height, kinailangan pa rin niyang tumingala rito dahil mas mataas pa rin ito sa kanya ng ilang pulgada. Para tuloy gusto niyang isipin na anumang sandali ay bababa ang labi nito sa kanyang labi. KUng bakit ba naman kasi nagsalubong pa ang kanilang mga mata at na-realize niyang ang pupungay ng mga mata ni Lance kaya parang nahihipnotismo siya. 

Hindi ito agad kumibo. Sa halip ay umiwas ito ng tingin sa kanya matapos mag-inhale. Bigla tuloy siyang na-conscious sa ginawi nito. Pakiramdam niya ay nabahuan ito sa kanyang hininga gayung three times a day siyang nagtu-toothbrush, may mouth spray pa siyang mint flavor at tiyak niyang walang sira ang kanyang mga ngipin.

“Halika rito,” wika nito bago siya igiya palayo sa kanilang mga kaklase na nakatingin sa kanila. Alam niyang si Lance ang sinusundan ng tingin ng mga ito pero sobra siyang naku-conscious dahil alam niyang may kakaibang kahulugan ang tingin ng mga ito. 

Well, hindi naman kataka-taka kung bakit nakatingin sa kanila ang mga ito na parang takang-taka. First year pa lang sila ni ay sanay na ang mga itong nakikita silang nagbabangayan. Palagi kasi siyang inaasar ni Lance at siya naman ay sobrang pikon. Sa isip niya kasi ay isa itong kaaway na hindi dapat pagkatiwalaan. Ngunit, ngayon ay wala siyang lakas na awayin ito. Bukod sa ito ang naging karamay niya nu'ng ma-broken hearted siya kay Mark Wayne, hindi rin niya maintindihan kung ano itong nararamdaman niya kay Lance ngayon. 

“Lance --,” hindi niya napigilang ibulalas nang bumaba ang tingin niya sa mga kamay nilang magkahugpong. Bakit sila magka-holding hands? Dapat sana’y bawiin niya ang rito ang kamay at magalit siya sa kapangahasan nito pero parang wala siyang lakas na gawin iyon. Ewan din niya pero parang masarap sa pakiramdam na nakakulong ang palad niya sa kamay nito. 

Humigpit pang lalo ang pagkakahawak nito sa kanyang palad. “Alam mo naman sigurong maraming babae ang nagkakandarapa sa akin at hindi ko rin gustong bastedin sila isa-isa. Ang kailangan lang ay makita nilang taken na ako. At ikaw ang magiging girlfriend ko.”

Sa sobrang pagkabigla niya’y gusto niyang bawiin ang kanyang  kamay pero mas hinigpitan niya ang pagkakahawak doon. Para ngang natatakot itong tumakbo siya at iwanan ito. 

Malalim na buntunghininga ang pinawalan nito. “May sampung minuto pa ako para ipaliwanag sa’yo ang gusto kong mangyari.”

Kung ang sinasabi nito ay ang pagdating ng prof nila sa RTV 11, sigurado siyang hindi iyon darating on time dahil sa kabilang building pa ang isa nitong klase.At tiyak din niyang alam iyon ni Lance kaya walang pagmamadali ang kilos nito. Para ngang gusto nitong salubungin lang ang kanyang titig.

“Kailangan kitang maging girlfriend para maitaboy ko ang mga babaeng nagkakagusto sa akin. Ayoko silang saktan kaya hindi ko masabi sa kanilang hindi ko sila type. At sa tingin ko rin, kailangan mo akong maging boyfriend para ma-realize ni Mark Wayne na mahal ka niyang higit pa sa pagiging bestfriend."

Hindi siya ang tipo ng tao na nanggagamit para lang makuha ang kanyang gusto pero sa palagay niya'y kailangan talaga niya ang tulong ni Lance para makuha ang atensyon ni Mark Wayne kaya namalayan na lang niyang tumango siya. 

"Tayo na?" sabik na tanong sa kanya ni Lance. 

Buong pagtataka siyang napatingin dito dahil nakaramdam siya ng excitement sa boses nito at hindi niya naiwasan ang sobrang magtaka. Hindi kasi ang tono nito ang nanghihingi ng pabor. KUng umasta kasi ito ay para itong nakatanggap ng napakagandang balita. 

"Para ma-realize agad ni Mark Wayne na ako ang mahal niya," wika na lang niya pagkaraan. Ewan lang niya kung bakit niya sinabi iyon. Dahil ba sa iyon talga ang nararamdaman niya o dahil defense mechanism lang niya iyon dahil may damdamin siyang gustong itago kay Ysmael Lance Madrigal. 

KINUROT ni Mark Wayne ang ilong niya kaya bumalik sa kasalukuyan ang utak niya. “Para saan ang ngiting ‘yan?" 

          “Naisip ko lang na tama si Lance,” nakangiting sabi ni Jillian sa asawa. Nang ma-realize niya ang kanyang sinabi ay agad niya iyong dinugtungan. Siyempre, ayaw niyang isipin ng kang asawa na bumabalik pa ang damdamin niya sa kanyang ex-boyfriend. “Na kapag pinagselos kita ay mari-realize mong ako ang mahal mo.”

“At nangyari naman iyon,” masuyong sabi sa kanya ni Mark Wayne. Ilang sandali siya nitong tinitigan saka madamdaming sinabi ang mga katagang, “Kaso nang matauhan ako, iba na ang mahal mo.”

Hindi siya agad nakakibo dahil ayaw niyang magsinungaling dito pero ayaw naman niya itong saktan. Kaya, humugot muna siya nang malalim na hininga bago sumagot.  “Kahit sa anong panahon ay mahal kita. Hindi magbabago iyon.”

Niyakap siya nito ng sobrang higpit. “Gusto ko lang malaman mo na kahit nu’ng panahong dumidistansiya ako sa’yo, ikaw lang ang nasa puso ko. Hindi ko lang kasi alam kung paano ko sasabihin sa’yo na mahal kita. Natatakot akong matalo kapag sumugal ako dahil baka mas mawala ka sa akin. Ayokong isipin mo na tinraydor kita  dahil hinayaan kong ma-in love ako sa'yo..Mabuti na lang na hanggang sa huli ay tayo pa rin ang magkasama.”

“Bestfriends for life tayo, eh.” Nahagilap niyang sabihin saka pinasigla ng husto ang boses. 

Umiling si Mark Wayne. “No, we’re more than bestfriends.”

Ngumiti siya dahil sinang-ayunan niya ang sinabi nito.  “Mag-asawa na tayo, eh.”

“Legally married,” mariing sabi nito.

“My Wayne…”

“Ang tagal ko ng hindi naririnig sa’yo ang endearment na ‘yan.”

Natigilan naman siya sa sinabi ni Mark Wayne. Na-realize niyang totoo iyon. NU'ng mag-bestfriends pa lang sila o mas tamang sabihin na nu'ng crush na crush niya ito ay panay ang tawag niya rito ng My Wayne samantalang nu'ng kasal na sila ay Mark Wayne na lang ang tawag niya rito.

“Sus, samantalang dati, ayaw mong tinatawag kitang My Wayne.” Nanunudyong sabi niya. Hindi naman siya nito sinasaway sa pagtawag niya rito ng My Wayne ay alam niyang hindi nito nagugustuhan iyon dahil sumasama ang mukha nito. 

“Duwag kasi ako,” inis nitong sabi sa sarili. “Natatakot akong umasa na may ibig sabihin ang salitang My Wayne. But now, I’m your Wayne and you are my Jillian.”

Napangiti siya sa sinabi nito pero hindi niya naiwasan ang magtaka, bakit parang hungkag pa rin ang nararamdaman niya? Sa halip parang mas gusto niyang masiyahang pakinggan ang mga salitang My Love, My Destiny. 

“ANONG ginagawa mo rito?” manghang-manghang  tanong ni Jillian nu’ng bumaba siya at matiyak niyang si Ysmael Lance Madrigal ang kanyang bisita. Nang sabihin nga kanina ng katulong nilang si Catalina na may bisita siya'y gusto pa niyang magtaka na hindi pa umaakyat si Mark Wayne sa kanyang silid gayung sanay naman itong maglanas masok sa kanyang kuwarto. 

            Iniabot muna nito sa kanya ang isang bouquet ng red roses, isang malaking pink teddy bear at isang box ng chocolates. “Dinadalaw ang girlfriend ko,” parang walang anumang sabi nito.

            Maang siyang napatingin dito. Buong akala niya kasi’y sa university lang ang palabas nila. Dahil sa hindi niya inaasahan ang sinabi nito'y ang lakas ng pintig ng kanyang puso. Hindi nga lang niya malaman kung dapat ba siyang masiyahan o mainis. 

            "Wala naman ito sa usapan natin," mariin niyang sabi. Nais sana niyang isipin na kinaiinisan lang niya ang presensiya ni Lance ngunit hindi naman niya ito kayang ipagtabuyan. Marahil dahil iyon ang unang pagkakataon na mayroong lalaking nagpapakilig sa kanya. BIro mo ba namang kung anu-anong binigay sa kanya para lang maramdaman niya na importante siya sa buhay nito. 

            “I’m doing this for you,” anitong tumabi ng upo sa kanya.

            “Ano?” mangha pa rin niyang bulalas. Nang bumulong ito sa kanya ay daig pa niya ang linya ng kuyenteng nagkabuhul-buhol. Para kasing nagkaroon ng short circuit ang utak niya. 

“Kapitbahay mo si Mark Wayne kaya importanteng makita niya ako para malaman niyang akin ka na,” mariin niyang sabi.

"Possessive?"

"Yes."

"Feeling possessive."

"So, kinikilig ka na?"

"Palabas lang naman ito, hindi ba?"

"Alam mo ba kung bakit nagkakaroon ng trophy ang mga artista?" kunwa'y tanong ni Lance. 

Kumunot naman ang noo niya sa tanong nito. Talaga kasing hindi niya ma-gets ang ibig nitong sabihin. "Kasi magaling silang umarte," wala sa loob na sabi niya rito pagkaraan. 

"Magaling silang umarte dahil ninanamnam nila ang karakter na kanilang ginagampanan."

"So, anong ibig mong sabihin?"

"Pagbutihin natin ang pagpapanggap. Kailangang pati ang lahat ng tao sa paligid natin ay maniwalang magkarelasyon tayo."

Nang mga oras na iyon ay parang gusto niyang tutulan ang sinasabi nito. Hindi naman kasi siya pinalaking sinungaling ng kanyang mga magulang ngunit gusto rin naman niyang ma-realize ni Mark Wayne na mahal siya nito. Iyon lang kasi ang alam niyang paraan para siya ay maging maligaya. 

“So, do we have a deal?” tanong sa kanya ni Lance.

“Effective ba talaga ang planong ‘yan?” duda niyang tanong. Ngunit, mayroon siyang hindi maintindihan sa kanyang nararamdaman. Dapat ay ma-excite siya dahil magseselos si Mark Wayne kapag nalaman ang 'relasyon' nila ni Lance ngunit pakiwari niya'y mas excited siyang magpanggap silang magkarelasyon ni Lance. 

Nagkakagusto ba siya sa mortal na kaaway ng kanyang bestfriend? mangha niyang tanong sa sarili. 

No! mariing sabi niya sa sarili. Kung ganoon, bakit hindi niya magawang alisin ang titig niya kay Lance? At may saya siyang nararamdaman dahil nakatitig din sa kanya si Lance na para bang siya ang pinakamagandang babae sa paningin nito. 

“Ehem...ehem…” wika ng boses na nagpaistorbo sa kanila. Si Mark Wayne. Hindi niya napansin sa nasa loob na ito ng kanilang bahay. Kung bakit ba naman kasi hindi nila nagawang alisin ni Lance ang tingin sa isa’t isa.

“May bisita ka pala,” seryosong tanong sa kanya ni Mark Wayne.

Hindi siya agad nakakibo dahil nakita niyang sakit sa mga mata ni Mark Wayne. Sa isang sandali tuloy ay gusto niyang isipin na nagtagumpay siyang mapagselos si Mark Wayne ngunit may isang bahagi naman ng isipan niya ang gustong makasiguro kaya’t kailangan niyang panindigan ang usapan nila ni Lance.

“Si Lance…” sabi niya. Gusto niyang sabihin na 'boyfriend' niya si Lance pero parang nautal siya. Matalik niyang kaibigan si Mark Wayne kaya parang hindi niya talaga kayang magsinungaling dito. 

“Of course I know him. Bakit siya nandito? Hindi ko alam na close na kayo ni Ysmael Lance Madrigal,” madiing sabi ni Mark Wayne na para bang ang gusto talagang sabihin ay ang mortal nitong kaaway.

Sobra naman kasing mapang-asar si  Lance mula pa pagkabata at dahil bestfriend niya si Mark Wayne, palagi niya itong ipinagtatanggol. Dahilan kaya mas inaasar ito ni Lance. Para raw kasi hindi makaalis si Mark Wayne sa saya ng nanay.

“I’m her boyfriend.” wika ni Lance saka hinagilap ang kanyang palad.

“Boyfriend?” sarkastikong tanong ni Mark Wayne.

Pinisil ni Lance ang kanyang palad na para bang inuutusan siya nitong kumpirmahin niya ang sinabi nito. 

"Y-yes. He's my boyfriend."

"Hindi mo sinabing nanliligaw siya sa'yo."

"Masyado ka kasing busy ng mga nakaraang linggo," nahagilap niyang sabihin. 

Sa kauna-unahang pagkakataon ay may nakita siyang kumislap sa mga mata ni Mark Wayne. Luha ba iyon? Naiiyak ba si Mar Wayne dahil inakala nitong may iba na siya.Gusto niyang lumapit kay Mark Wayne  at amining hindi naman sila totoong magkarelasyon ni Lance. Na gusto lang niyang makita kung magseselos ito kapag nagkaroon siya ng ibang lalaki na bibigyan niya ng atensyon pero hindi siya makawala sa mahigpit na pagkakahawak ni Lance.

TULUYAN na talagang nagbago ang relasyon nina Mark Wayne at Jillian. From bestfriends to strangers na. Para kasing hindi na nila kilala ang isa’t isa muli ng sabihin ni Lance dito ang tungkol sa kanilang ‘relasyon’.

            Ibig niya tuloy isipin na palpak ang plano ni Lance na pagselosin si Mark Wayne. Kung talaga kasing may damdamin sa kanya si Mark Wayne, nakasisiguro siyang aaminin na ito bago pa man siya tuluyang nawala sa buhay nito.

            “Itigil na natin ito.” sabi niya kay Lance habang kumakain sila sa park. Sabi niya sa sarili, kapag ibinulalas niya ang salitang iyon dapat ay mariin para makita nitong determinado siya, kaya lang, sa kaisipang hindi na niya makikita at makakasama si Lance ay parang gusto na niyang umiyak sa sobrang pangungulila. 

            Sa loob kasi ng isang buwang pagiging 'magkarelasyon' nila ni Lance ay masyado na siyang nasanay sa presensiya nito. Kahit nga maghapon na silang magkasama ay parang hindi pa rin siya kuntento kapag hindi niya ito ka-text o ka-chat bago matulog. At dahil doon, natatakot na siya sa kanyang nararamdaman. 

            Pakiwari niya kasi'y hindi na niya magagawang panindigan pa ang feelings niya para kay Mark Wayne. Hindi na rin niya maiwasang makaramdam ng guilt dahil bonding time talaga nila ni Mark Wayne ang Sabado pero si Lance ang kanyang kasama para mag-picnic.

            “Why?” gulat na tanong ni Lance. 

            “Useless na rin naman.” Nahagilap niyang sabihin. Talaga naman kasing hindi na niya alam kung gusto pa ba niya talagang pagselosin si Mark Wayne. 

            “Akala ko ba gagawin mo ang lahat para makuha ang pag-ibig ni Mark Wayne. Bakit ngayon sumusuko ka na?” gulat na tanong ni Lance pero parang may panic siyang naaaninag sa tono ng pananalita nito. 

            Malalim na buntunghininga muna ang kanyang pinawalan bago nagsalita. Ewan din niya kung bakit  parang naninikip ang kanyang dibdib.“Immature kasi ang naisip nating paraan para sabihin kay Mark Wayne na mahal ko siya,” aniyang hindi makatingin ng diretso kay Lance. Alam niya kasing sa ilang linggo na pagpapanggap nila’y unti-unting nagbago ang feelings niya para kay Ysmael Lance Madrigal.

            Palagi kasi nitong ipinararamdam sa kanya na napakaespesyal niya. Ang mga mata at atensyon ni Lance ay nakatutok lang sa kanya. Kapag may babaeng lumalapit dito at nagpapakita ng interes ay sinasabi ni Lance na hindi na ito available. Kahit tuloy alam niyang gusto lang nitong maitaboy ang mga babaeng iyon, hindi pa rin niya maiwasan ang makaramdam ng kilig. Pakiramdam kasi niya, sobrang loyal sa kanya ni Lance.

            Hindi rin niya mapigilan ang sariling ikumpara si Lance kay Mark Wayne at lalo siyang nakakaramdam ng takot. Nito kasing mga nakalipas na buwan ay parang balewala na siya sa matalik niyang kaibigan. 

            Marahas na buntunghininga ang pinawalan ni Lance pagkaraan. “Talaga bang hanggang ngayon ay walang ibang laman ang puso mo kundi si Mark Wayne Toledo?” naiinis nitong tanong sa kanya.

            Maang siyang napatingin dito dahil parang ang bigat-bigat ng dinadala ni Lance. Hindi rin niya alam kung para saan ang sakit na nakikita niya sa mga mata gayung kani-kanina lang ay masayang-masaya sila habang pinagsasaluhan nila ang mga pagkaing inihanda ni Lance.

           Monthsary  raw ng kanilang ‘relasyon’ kaya dapat lang na mag-celebrate sila. Si Lance ang nagluto ng fried chicken, inihaw na bangus, lumpiya at fried rice kaya siniguro nitong marami siyang makakain. Well, talagang masarap ang mga pagkaing nakahanda kaya talagang busog na busog siya.

“Nang magpanggap tayo, iyon ang goal ko. Ang mapansin ni Mark Wayne.” Ngunit, hindi na iyon ang gusto ko ngayon, sabi niya sa sarili at hindi siya makatingin ng diretso kay Lance. 

“Mahal kita,” mariing sabi ni Lance.

Hindi niya inasahan ang sinabi ni Lance kaya lumipad ang tingin niya rito tapos natulala siya. Talaga kasing may pagkakataon na iniisip niyang mahal siya ni Lance at hindi nagpapanggap lang.

“I’m telling the truth. Matagal na kitang gusto. Mga bata pa lang tayo ay crush na crush na kita pero wala kang ibang nakikita kundi si Mark Wayne. Iyon nga ang dahilan kung bakit badtrip na badtrip ako sa bestfriend mo kaya lagi ko siyang tinatalo sa lahat ng bagay mula sa pagiging valedictorian at sa basketball dahil gusto kong makita mo na I’m better than him.”

“Hindi mo naman kailangang gawin iyon.”

“Dahil nasasaktan ko ang bestfriend mo?” marahas na buntunghininga ang pinawalan nito. “Pero, kahit yata anong gawin ko ay hindi ko matatalo si Mark Wayne sa puso mo.”

“Mali ka,” halos pabulong niyang sabi.

“Anong ibig mong sabihin?”

Hindi siya agad nakakibo pero parang gusto niyang mahawa sa excitement na nakikita niya sa mga mata ni Lance. Kaya hindi rin niya napigilang ibulalas ang mga katagang, “Mahal na din yata kita.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status