Share

Chapter Three

NANLALAMIG pa rin ang kamay ni Mark Wayne kahit pa-take off na ang eroplano. “Relax,” masuyong sabi ni Jillian.

Saisipan niya ay nag-flashback ang hitsura nila nu'ng sampung taong gulang pa lang nila na nasa tuktok ng nag-malfunction na ferris wheel. Iyak nang iyak si Mark Wayne habang siya’y piniling magpakatatag kahit gusto na rin niyang umiyak. Alam niya kasing walang mangyayari kung magiging mahina siya. Kaya, kahit natatakot siya ay pinayapa niya si Mark Wayne na sobrang nagpa-panic na. 

“Andito ako. Hindi kita pababayaan,” pangako niya kay Mark Wayne pero may isa ring imahe na nag-flash sa isipan niya nang sabihin niya ang mga katagang iyon. Ipinilig niya ang ulo. Nagbabakasakali siyang maitaboy rin niya sa isipan ang mukhang iyon. 

Si Mark Wayne ang kasama niya kaya dito lang niya kailangang itutok ang kanyang atensyon. Nang magkaroon ng acrophobia, sinisi niya ang kanyang sari. Pakiramdam niya'y siya ang may kasalanan kung bakit ito nagkaroon ng ganoong sakit. Kaya naman, sinabi niya sa kanyang sarili na kahit na anong mangyari ay mananatili lang siya sa tabi nito. 

Mahigpit na mahigpit man ang hawak ni Mark Wayne sa kanyang kamay na parang gusto ng durugin iyon, hindi niya magawang umaray. Alam niya kasing kumukuha lang ng lakas sa kanya si Mark Wayne kaya nagagawa iyon. Maya-maya rin naman ay lumuwag na ang pagkakahawak nito sa kanya. Ang dahilan, nasa baba na sila. 

"Sorry," sabi ni Mark Wayne. 

Gulat niyang tiningnan ito. "Wala ka naman ginawang kasalanan."

"Nasaktan na naman kita."

"Hindi naman," masigla niyang sabi kahit totoo naman ang sinabi ni Mark Wayne. Talagang nasaktan siya nito. 

"Namumula kamay mo."

"Napahigpit lang ang hawak mo."

Hinalikan nito ang likod ng kanyang palad. "Hindi ko sinadyang saktan ka," wika nitong nakatitig sa kanyang mga mata. 

Hindi siya agad nakapag-react. Para kasing may ibig sabihin ang mga salita nito. Ayaw naman niyang isipin na may kinalaman iyon sa kanilang pagsasama. Dahil nagagawa naman nilang ipakita at ipadama sa isa't isa ang kanilang pagmamahal. 

"Kaya, huwag mo akong intindihin. Kung minsan naman talaga kahit na hindi natin sinasadya ay nagagawa pa rin nating saktan ang mahal natin. Ang importante lang naman ikaw ang pinipili ng taong mahalaga sa atin."

"Tulad ng ginawa mo?"

Hindi na siya nakakibo sa tanong ni Mark Wayne. Alam naman kasi niya kung ano ang tinutukoy nitong pangyayari at kung sino ang hindi niya pinili. 

“Ang suwerte ko talaga dahil bestfriend kita. Ooopps, nalimutan ko. Wife na nga pala kita.” Nakangiting sabi nito pero malungkot na malungkot naman ang mga mata. Marahil, hindi pa ito nakaka-recover sa takot na naramdaman. 

“I love you,” sabi na lang niya saka masuyo niyang hinaplos ang mukha ng asawa. Alam niyang sa tuwing babanggitin niya ang mga salitang iyon, gumagaan ang pakiramdam ng kanyang asawa. Kaya naman, hindi siya nagsasawang bigkasin rito ang mga salitang iyon. Mahal naman kasi niya talaga si Mark Wayne Toledo. 

“I love you more,” wika nito saka siya dinampian ng mabilis na halik sa labi.

Napangiti naman siya sa ginawi nito pero hindi niya maiwasan ang magtaka. Para kasing wala siyang excitement na naramdaman sa paghalik nito. Samantalang kapag si...

Stop! mariin niyang saway sa sarili. Si Mark Wayne ang kanyang asawa kaya hindi dapat may ibang lalaking pumapasok sa kanyang isipan. 

“Ako, walang kiss?” nakangusong tanong ni Apple.

Dahil siya ang katabi ng anak, siya ang unang humalik dito. Mabuti na nga lang at agad siyang natauhan kaya agad niyang ginawa ang dapat. Ayaw niyang mahalata man lang ni Mark Wayne na may alaala na namang pumapasok sa kanyang isipan dahil nasisiguro niyang sobra itong masasaktan. Siyempre, hindi niya gugustuhing mangyari iyon. 

Para tuloy gusto pa niyang magpasalamat dahil may lula si Mark Wayne sa matataas na lugar kaya hindi nito magawang pag-ukulan ng pansin ang saglit niyang pag-alaala sa nakaraan. Kung sa kanya kasi nakatuon ang atensyon ng asawa, tiyak niyang mahahalata nitong naalala na naman niya si Lance. Kilala kasi siya nito mula ulo hanggang paa. Natural iyon, dahil mag-bestfriends sila. 

“Mamaya na ang kiss ko kapag baba natin,” sabi naman ni Mark Wayne. Hindi kasi nito magagawang dukwangin si Apple para halikan dahil nga mahihilo ito dahil sa pagkalula. 

“K.”

Nang makalabas silang mag-anak sa airport ay hindi lang si Mark Wayne ang nakahinga nang maluwag, pati na rin siya. Sa palagay niya kasi, sa muling pagtapak niya sa Pilipinas  ay handa na siyang harapin ang lahat.

Pati si Ysmael Lance Madrigal? 

Ipinilig niya ang kanyang ulo. Ayaw niya kasing isipin na magkukrus muli ang kanilang mga landas. 

MULA ng maging boyfriend niya si Lance ay naging mas sweet pa ito sa kanya kaya naman talagang nawalan na siya ng time kay Mark Wayne. Kunsabagay, sa tingin naman niya ay balewala lang din kay Mark Wayne ang pagdistansiya niya dahil marami rin naman itong girls na laging kasama. 

Sabi niya sa sarili, hindi na siya dapat pang masaktan dahil naglaho na ang nararamdaman niya sa kanyang matalik na kaibigan pero  miss na miss naman niya ang kanyang bestfriend. Gusto niyang ibahagi rito ang sayang kanyang nararamdaman. 

"Nasaan si Lance?" Nakangiting tanong niya kay Franco. Bestfriend ito ng boyfriend niya kaya tiyak niyang alam nito kung nasaan ang kanyang mahal. 

Nag-advance kasi ng ilang subject si Lance kaya naman may ilang subject silang hindi magkaklase. Siya naman ay nagsisi na hindi man lang naisip na mag-summer para makapagtapos agad dahil nga ang atensyon niya palagi ay na kay Mark Wayne. Gustung-gusto niyang palaging nakasunod at nakasuporta rito. 

"Huwag mo akong tanungin dahil ayokong magsabi ng totoo."

"Ano?" mangha niyang tanong dito. Salubong na salubong ang kilay niya dahil kapag siya lang ang kaharap nito'y parang ang laki-laki ng galit sa kanya samantalang kapag kaharap si Lance ay parang ang bait-bait sa kanya. 

"Hindi ako ang hanapan ng nagwawalang boyfriend."

"Nagwawala?" nagtataka niyang tanong. 

"I have to go," inis nitong sabi sa kanya at padabog na siyang tinalikuran.

"Lalaki ba talaga iyon?"

Nang marinig niya ang boses na iyon, hindi niya napigilan ang mapangiti. Miss na miss na kasi niya ito kaya naman nang lingunin niya si Mark Wayne ay abot tenga ang kanyang ngiti. "Long time no see, ah."

"May boyfriend ka na kasi."

"Ikaw nga itong maraming girlfriends," nakangiting tudyo niya rito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay wala na siyang makapang sakit kapag naaalala niya kung gaano karami ang babaeng nagkakagusto rito pero wala naman itong ipinakikilalang girlfriend sa kanya. 

"Ikaw lang naman ang girl friend ko."

"What?" mangha niyang bulalas. 

"Girl friend as in babaeng kaibigan."

"Hindi na ba bestfriend?" masama ang loob niyang tanong dito.

Marahang tawa ang pinawalan nito. 

Noon ay parang maiihi na siya sa kilig kapag ngumingiti ng ganoon si Mark Wayne sa kanya pero ngayon ay parang natural na lang iyon sa paningin niya. Gayunman, masaya siyang nakikitang ngumingiti ito sa kanya, kaya lang, ibang ngiti na ang hinahanap ng kanyang mga mata at pinananabikan ng kanyang puso. 

"Ikaw lang siyempre ang bestfriend ko pero para kasing may kapalit na ako," malungkot nitong sabi. 

Sasabihin sana niyang hindi niya kailanman ipagpapalit ang kanilang pagkakaibigan pero hindi na niya nagawa dahil may bisig na pumulupot sa kanyang baywang. Hindi pa man niya ito nililingon ay pero alam na niyang si Lance ito base sa biglang pagbabago ng pintig ng kanyang puso. Sobra na kasi ang lakas ng kabog noon. 

"Hi Loves..." wika ni Lance saka siya binigyan nang mabilis na halik sa labi. 

Sa gilid ng kanyang mga mata ay nakita niyang agad iniwas ni Mark Wayne ang tingin nito sa kanya. 

"Its my Lance..." nakangiting sabi naman niya rito nang salubungin niya ang mapupungay nitong mga mata. Kinuha niya ang endearment niya rito sa pangalan nitong Ysmael Lance dahil nagseselos ito sa bansag niya kay Mark Wayne na My Wayne. Bahagya lang nawala kay Lance ang kanyang tingin nang marinig niya ang naiiritang buntunghininga ni Mark Wayne. 

"I have to go," wika nito. 

"Ingat ka," wika na lang niya kahit sa sulok ng puso niya ay nami-miss na rin niyang makasama ang kanyang bestfriend. 

"I miss you," bulong sa kanya ni Lance kaya naman bumalik dito ang kanyang atensyon. 

Matamis na ngiti rin ang ibinigay nito. "Miss you more."

At dahil sa legal na rin naman ang relasyon nila ni Lance sa kanilang mga magulang ay malaya siyang nakakasama rito kahit saan. Bukod sa pinagkakatiwalaan siya ng mga magulang, busy rin ang mga ito. Saka, close na rin naman ang kanyang mga magulang sa magulang ni Lance. Kaya masasabing pinagkakatiwalaan din ng mga magulang niya si Lance.

"Saan mo ba ako dadalhin?" tanong niya kay Lance.

"May surprise ako sa'yo."

"Ano?"

"Just wait and see," nakangiti nitong sabi bago siya iginiya ni Lance papunta sa kinapaparadahan ng sasakyan nito. 

Dahil sa malaki naman ang tiwala niya sa kanyang boyfriend at sa tingin niya'y talagang desidido itong sorpresahin siya'y hindi na siya kumibo pa. 

"Wow..." bulalas niya nang dalhin siya nito sa isang condo building. Pagkaraan ay dinala siya nito sa isang unit at talagang namangha siya nang bumungad siya roon. Ngunit, hindi agad siya namangha sa ganda ng paligid kundi sa mga pagkaing nakahain sa mesa. Pagpasok kasi nila ay iyon na ang bumungad sa kanya. 

"Happy 1st Monthsary."

Gilalas siyang napatingin dito. 

"Nakalimutan mo ba?"

Bahagya siyang umiling. "Hindi ko lang alam na isi-celebrate natin iyon buwan-buwan."

"Ayaw mo ba?" 

Sa tingin niya ay na-disappoint ito sa kanyang sinabi kaya naman agad gumana ang kanyang utak para makabawi rito. "Sabi kasi, ang mga tao raw na nagsi-celebrate lang ng monthsary ay iyong mga taong binibilang lang kung ilang buwan lang silang magsasama."

"Gusto mo bang magkaroon tayo ng forever?" gulat nitong tanong. 

Kumunot ang noo niya sa tanong nitong parang hindi inaasahan na ganoon ang kanyang sasabihin. "Bawat girlfriend naman ay gustong magkaroon ng forever sa taong mahal nila."

"Ganoon mo ba ako kamahal?"

"Of course."

"Patunayan mo nga," nanunudyong sabi nito. 

Mahal na mahal na niya si Lance kaya naman  tinanggap niya ang hamon nito. Hinarap niya ito, niyakap at hinalikan. 

Si Lance ang first kiss niya kaya naman nang patikimin siya ni Lance ng halik nito ay para na siyang nawala sa kanyang katinuan. Gusto niya kasing palaging matikman ang halik nito. Kaya naman masasabi na niyang eksperto na siya sa pakikipaghalikan pero dahil gusto nga niyang ipadama kay Lance ang kanyang pagmamahal ay naging mapusok ang kanyang halik dito. 

"Jillian..." wika nito nang maghiwalay ang kanilang mga labi. 

Tinaasan niya ito ng kilay. "Bakit parang hindi mo nagustuhan ang halik ko?"

"Ayoko lang na makalimot tayo."

"Kapag ba nakalimot tayo ay hindi mo na ako paninindigan?" tanong niya rito. 

"What?"

"Forget it," sabi na lang niya. Napabuntunghininga siya. Baka naman kasi kahit na magkarelasyon sila ni Lance ay wala naman itong balak talaga na magkaroon sila ng forever. Baka gusto pa rin nitong makahanap ng ibang babae. "Kain na tayo."

Sinunod naman nito ang sinabi siya at todo-todo ang pag-aasikaso sa kanya. Ikinatuwa naman niya iyon pero sa sulok ng kanyang puso ay may takot siyang nararamdaman. Pakiramdam niya kasi'y maghihiwalay din sila. 

Ngunit, dahil ayaw niyang mangibabaw ang negatibong emosyon sa pagitan nila ay sinikap niyang palisin ang lungkot na kanyang naramdaman. Pinilit niyang maging masigla sa pagkain dahil talaga namang masarap ang mga nakahain. Mga paborito nila. Fried chicken, kare-kare at adobong atay at balumbalunan. 

Napahinto lang siya sa kanyang pagkain ng tumugtog ang King and Queen of Hearts.

"Ang lakas maka-highschool. Prom ba natin?" tukso niya kay Lance. 

"May I dance with you, my Queen?"

Ang tampong naramdaman niya rito kanina'y parang bulang naglaho nang tanggapin nito ang kamay na inilahad niya. 

"Alam mo bang ang pangarap ko nu'ng highschool ay maka-date ka sa Prom?" nalungkot na tanong nito sa kanya saka bumuntunghininga. 

Gusto niya sanang isipin na nagbibiro lamang ito pero kita niya sa  mga mata nito ang lungkot at kaseryosohan. Kaya naman, ilang beses siyang napakurap-kurap. Awtomatikong napahawak siya sa dibdib nito ng maramdaman niya ang kamay nito sa kanyang baywang. 

"Kaso, si Mark Wayne lang ang nakikita mo noon."

"Bestfriend ko kasi siya."

"At minahal mo."

Matamis siyang ngumiti kay Lance. Hindi dahil sa inaamin niya ang sinabi nito kundi dahil natutuwa siyang makitang nagseselos ito. Ibig sabihin, talagang mahal siya nito. 

"Pero, ikaw na ang mahal ko ngayon."

"Hindi na babalik ang feelings mo sa kanya?"

"Kung bibigyan mo ako ng rason para bumalik uli."

"No way!" 

Nang tumingala siya rito ay sinalubong din nito ang kanyang labi. 

Higit na mapusok at mapag-angkin. 

At dahil mahal na mahal niya si Lance ay nagawa niyang isuko ang sarili rito. 

“HAPPY  na happy ka, ah.”

            Nagniningning  ang mga mata ni Jillian nang lingunin niya si Mark Wayne. Kahit naman kasi hindi nagkaroon ng happy ending ang nararamdaman niya rito, maligaya na rin siya sa piling ni Lance. Naisip niyang siguro nga ay hindi talaga sila ang itinadhana para sa isa't isa kaya kailangan na niyang tanggapin iyon. 

           As if namang hindi ka pa nakakapag-move on, natatawa niyang sabi sa sarili. Mula ng maging magkasintahan sila ni Lance ay para na silang tuko na hindi mapaghiwalay. Kunsabagay, magkaklase naman sila kaya palagi silang magkasama. Hatid-sundo rin siya nito at tanggap ng mga magulang niya ang relasyon nila ni Lance.

             Iyon nga lang, vocal din naman ang mga ito na labis na nanghihinayang ang mga itong hindi sila ni Mark Wayne ang naging magkasintahan. Iyon daw kasi ang pangarap ng kanilang mga magulang, ang maging isa silang pamilya. Ginusto rin naman niyang mangyari iyon kaso lang hindi naman siya ang minahal ni Mark Wayne at ngayon ay iba na rin ang kanyang mahal. 

            “In love, eh.” Nakangiti niyang sabi. Dahil bestfriend naman niya ito, hindi na niya ipinagkaila kay Mark Wayne ang kilig na kanyang nararamdaman.

            Ngumiti ito pero hindi abot sa mga mata nito ang kasiyahan. “Halata nga.”

            “Ikaw, kamusta na ang lovelife mo?” masigla niyang tanong. Kung dati’y parang gusto na niyang umiyak kapag nakikita niyang may kasama itong babae, ngayon ay ngiting-ngiti pa siya. Pakiramdam niya tuloy,  hindi pag-ibig ang dahilan kaya minahal niya ito kundi dahil sa nasanay siyang ito ang palagi niyang kasama. Ibig niyang maging sanggang dikit sila habambuhay.

            “May iba ng mahal ang mahal ko,” anitong nakatitig sa kanya ng diretso. Wari’y gusto nitong mabasa niya ang tunay nitong damdamin.

Ewan niya kung bakit nakaramdam niya ng pagkailang dito kaya ibinaling niya sa ibang direksyon ang mata. “Kung ganoon, better luck next time.”

Marahang tawa ang pinawalan nito. “Hindi na magkakaroon ng next time. Isang babae lang namn kasi ang mahal ko mula noon hanggang ngayon. Sayang, late ko ng na-realize iyon. May iba ka ng mahal,”mariin nitong sabi habang nakatitig sa kanyang mga mata.

“What?” gilalas niyang sabi.

“I love you.”

Matagal na niyang gustong marinig ang mga salitang iyon buhat kay Mark Wayne pero ngayon ay wala na iyong dating sa kanya. Naisip niyang talagang naglaho na ang damdamin niya rito.

“Mark Wayne…”

"Hindi na My Wayne," mapait nitong sabi. 

"Kasi..." wika niya pero hindi na niya alam kung paano ba siya magpapaliwanag. Ayaw din naman niyang saktan ito pero hindi niya talaga mahagilap ang tamang salita. 

“Yah, I know. Si Lance na ang mahal mo. Kitang-kita ko naman at hindi ako umaasa na makikipag-break ka sa kanya at magsasabi ka rin sa akin ng I love you too. Ang gusto ko lang hayaan mo akong mahalin ka. Na kahit may Lance ka na, ituring mo pa rin akong bestfriend.”

“Oo naman. Hindi naman mababago iyon.”

“Payakap nga.”

Siyempre, hindi niya ipagkakait dito ang mahigpit na yakap na hinihiling ng kanyang matalik na kaibigan. -

WHAT’S wrong with him? Nagtatakang tanong ni Jillian sa sarili. Kahit naman kasi hinahatid at sinusundo pa rin siya ni Lance ay damang-dama niya ang panlalamig nito.

            Sawa na ba ito sa kanya?

            Ayaw naman niyang isipin na porke may nangyari na sa kanila ng ilang beses ay bibitawan na rin siya nito. Hindi ganoon ang pagkakakilala niya kay Lance. Tiyak niyang may problema lang itong hindi masabi sa kanya. 

            Sabado noon pero hindi sila magkikita ni Lance na talagang ikinabahala niya. Palagi kasi nitong sinasabi sa kanya na kung maaari lang ay araw-araw na siya nitong makasama. Kapag ganoon ang dialogue nito ay hindi niya mapigilan ang umasa na pagka-graduate nila ay yayayain na siya nitong magpakasal.

            Dahil sa pag-ibig niya kay Lance ay gusto na niyang kalimutan ang pangarap niyang kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral ay pupunta siya sa America para mag-masteral at doon tuparin ang pangarap niyang maging manunulat. Nang planuhin kasi niya iyon ay si Mark Wayne pa ang pinapangarap niyang makasama sa buhay. 

            Nang tanungin niya kagabi si Lance kung saan ito mag-i-stay, sabi nito sa condo lang nito kaya naisipan niyang sorpresahin ito. Alam niya ang password ng unit nito kaya hindi na niya kailangan pang kumatok. Alam niyang nung nakaraang linggo ay masyado itong abala sa paggawa ng thesis. Ganoon din naman siya kaso forte niya ang pagsusulat kaya madali lang sa kanyang natapos iyon.

            “Kailan ka ba magpapakasal, bestfriend?” nanunudyong tanong ni Franco kay Lance pagkaraan ng ilang sandali. Ewan niya kung napansin nito ang kanyang presensiya. Bahagya rin naman kasi siyang umatras dahil gusto rin niyang marinig ang isasagot ni Lance sa matalik nitong kaibigan na parang ang laki ng galit sa kanya. 

           May mga pagkakataon kasing nahuhuli niyang matalim na matalim ang tingin ni Franco sa kanya na para bang gusto siyang sakalin. Nang minsang kumprontahin niya ito ay tinawanan lang siya nito at sinabing walang dahilan para magalit ito sa kanya. Hindi siya kumibo pero alam niyang nagkakaila ito.

            “Pagputi ng uwak,” inis na sabi ni Lance.

            Kumunot ang noo niya sa tono ng pananalita ni Lance. Para kasing iritado ito o sadyang hindi nito nagustuhan ang tanong ng matalik nitong kaibigan. 

            “Akala ko ba, in love na in love ka na kay Jillian?” mapang-asar na tanong ni Franco.

            “Shut up!”

            “Don’t tell me itinuloy mo lang ang plano mong patunayan kay Mark Wayne na pati ang pag-ibig sa kanya ni Jillian ay kaya mong agawin.”

            Kung hindi niya napigilan ang sarili’y napasinghap na siya ng malakas pero pinigilan niya.Ayaw niyang ipabatid kay Lance na alam na niya ang pinlano nito. Salamat na lang at nakatalikod ito sa kanya. Hindi niya ito bibigyan ng kasiyahan na makita nitong nasaktan siya. Kaya, minabuti na lang niyang umalis at tawagan ang taong alam niyang hindi sasadyain na saktan siya kahit kailan.

            Si Mark Wayne.

                                                                          

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Iyah Yhang
kaninong anak si apple? hay naku lance...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status