Share

01 Julie

"HA?!" gulat na bulalas ko dahil sa sinabi ni Rome.

"Crush kita," pag-uulit niya.

"Akala ko ba bakla ka?"

"Oo... pero crush kita, e."

"Akala ko ba si Prince ang crush mo?" pagtutukoy ko sa kaklase namin sa Grade 2- Mahogany.

"Oo pero mas crush kita..." mahinhing sagot niya.

Nagkamot ako ng ulo. Nagulo tuloy 'yong hairdo ni nanay sa akin. Bahala na. Uwian naman na, e.

"Ang labo mo naman. Paano ka nga magkaka-crush sa akin, 'di ba bakla ka nga?" naguguluhan at naiinis nang tanong ko sa kanya.

"Hindi ko nga alam bakit. Basta ang alam ko crush kita, Julie."

"Julie, halika na."

Napalingon kami kay nanay na tumawag sa akin. Sinusundo na niya ako. Lumapit siya at kinuha ang lunchbox ko. Napangiti naman siya nang mapansin si Rome sa tapat ko.

"Oh, Rome, hijo! Kumustang bakasyon niyo sa abroad?"

"Masaya po, Tita Gina. May pasalubong po si mama kay Julie. Binigyan ko po siyang chocolate. Sasabihin ko po kay mama, bigyan din po kayo," magalang na sabi niya kay nanay.

Tumango si nanay at binalingan ako at ang hawak kong malaking chocolate. "Nag-thank you ka na ba kay Rome, Julie?"

"Thank you," saka ko pa lang nasabi 'yong pasasalamat ko kay Rome.

"Pakisabi kay Tita Korina," dugtong ko pa. Sa mama niya pala 'to galing. Akala ko naman sa kanya.

Hinarap ulit ni nanay si Rome at nginitian. "Naku, sabihan mo rin ang mama mo na dumalaw naman sa farm at bibigyan ko siya nang sariwang mga gulay."

"Sige po, tita!"

"Osha, susunduin ka ba ng mama mo?"

"Opo, hinihintay ko na lang siya."

"Mauna na muna kami Rome ha para maihanda ko 'yong bahay pagdalaw niyo mamaya," paalam ni nanay.

Half-day lang kasi 'yong pasok namin. Alas-sais kaming pumapasok sa umaga tapos hanggang tanghali lang.

"Bye, Julie!" Rome waved at me smilingly.

Nakatalikod na ako habang hawak-hawak ni nanay 'yong kamay ko pero lumingon ako sa kanya saka ko siya binelatan. Nakangiti pa rin siya.

Pagdating namin sa bahay ay tumulong agad ako kay nanay para maghanda ng pananghalian. Magsasabaw kami ng gulay na freshly-pricked from our small farm na pamana ni Lola Doray. Si Ate Julia nasa school pa tapos si tatay naman ay mamaya pa uuwi kasi nagtatrabaho pa siya bilang isang sekyu.

"Nay..." tawag ko kay nanay sa kalagitnaan nang pagtatanggal ko ng mga dahon mula sa tangkay ng malunggay.

Nahinto siya paghihiwa ng kalabasa at tiningnan ako. "Ano 'yon, anak?"

"Pwede po bang magkagusto 'yong bakla sa babae?"

Napahalakhak si nanay. Buong akala ko ay kaya niya pinagtatawanan iyon dahil katawa-tawang pakinggan kaso ay nagsalita ulit siya para magpaliwanag na hindi ganoon ang tingin niya sa tanong ko.

"Wala namang kasarian sa pag-ibig, anak."

"Pero bakit po sabi ng simbahan mali raw po 'yong lalaki sa lalaki tapos babae sa babae?" tanong ko ulit dahil hindi ko naman maintindihan ang mga iyon.

Ang gulo lang kasi. Wala naman daw kasarian ang pag-ibig pero bakit may ilang nagsasabing hindi tama ang ilang relasyon? Halimbawa na lamang ay iyong tanong ko kay nanay.

Sumeryoso si nanay pero mayamaya ay ngumiti rin naman.

"Masyado ka pang bata para maunawaan ang mga bagay-bagay. Pero ang maipapayo ko lang ay huwag kang manghuhusga ng kapwa mo dahil lamang iba sila sa karaniwang nakikita mo. Tandaan mo, lahat may kwento," bilin ni nanay sa akin.

"Mareng Gina! Mads, nandito na kami! Nasaan na 'yong mga gulay ko?" humahalakhak na tawag ni Tita Korina sa amin habang paakyat sila nang makalumang estilo na bahay namin.

"Mads!" Natutuwang sinalubong ni nanay si Tita Korina sa may hagdanan.

Lumapit ako at napansing kasama pala ni tita si Rome.

"Hi, Julie," bati niya sa akin.

Nakasuot siya ng simpleng pink na tee shirt at may pearl na hair clip pa sa gilid ng buhok niya. Naiinggit tuloy ako. Parang gusto ko ring magpabili nang ganoon kay nanay.

Inirapan ko si Borromeo Buendia Jr. Pero pag-iwas ko ng tingin at talikod sa kanya ay napangiti ako. Siyempre crush niya raw ako, e. 'Yon nga lang, bakla siya. Naguguluhan pa rin ako kung totoo ba 'yon. Pero napaisip din naman ako kung totoo rin ba talaga 'yong sinabi ni nanay na walang kasarian sa love.

Magkapitbahay kami rito sa probinsya namin. Bata pa lamang si Rome ay alam na niyang hindi niya mapapangatawanan ang kadugtong na junior sa pangalan niya. Pero mabuti na lang at maunawain ang mga magulang niya at pamilya, lalo na iyong tatay niyang OFW na mahal na mahal sila kaya laging may malaking padala para sa kanila. Katunayan ay dinala pa nga sila nito sa abroad nitong summer para roon magbakasyon. May mga kapatid si Rome, iyong kuya niya saka iyong bunsong babae nila.

Pinapasok ni nanay ang mga bisita. Mabilis naman akong lumapit kay tita para magmano at magpa-good shot. Baka may dala pa kasi siyang chocolates o 'di kaya ay iyong katulad na hair clip nang kay Rome.

"Ay, kay bait na bata. Heto, Julie, may pasalubong si ninang para sa inyo!" nakangiting ani tita bago inabot sa akin ang malaking paper bag.

"Wow, thank you po!" natutuwang hayag ko bago tinanggap iyon.

Dali-dali naman akong naupo sa may sahig ng sala at binuksan iyon. Narinig kong nagsimula nang magkwentuhan sina Tita Korina at nanay.

Napangiti ako nang makitang may hair clip na gaya nang kay Rome rin doon. Kaya love na love ko si tita, e!

Hindi na namin naituloy ang pagluluto ng sinabawang gulay. Naaliw na si nanay sa kwentuhan nila, e. Nagpadeliver na lang ng mga pagkain si tita na pinagsaluhan namin. Pag-uwi nila ay pinadalhan namin sila ng isang bayong na puno ng mga gulay.  Kinawayan ko naman pabalik si Rome nang magpaalam siya sa akin. Natuwa ako kasi siya pala ang nagsabi kay Tita Korina na bilhan din ako ng mga pang-ipit sa buhok kasi gustong-gusto ko ng mga iyon gaya niya.

"Crush mo 'yon, no?"

Nabitin ang ngiti ko dahil sa tanong ni Ate Julia na kararating lang din. Naka-uniporme pa nga siya, e.

"Naku, naku! Mahirap magkagusto sa bakla, sis. Maniwala ka."

"Ano naman pong mali sa pagka-crush sa bakla, ate?"

"Kung crush, aba'y okay lang. Pero huwag kang magkakagusto r'yan kung ayaw mong masaktan."

"Crush niya rin po ako!" giit ko naman.

Napatawa naman si Ate Julia pero 'yong tawa niya ay hindi gaya nang kay nanay kanina na natutuwa. Nang-iinsulto iyong kanya kaya napakunot ang noo ko.

"Sis, may mga barkada akong bakla. Gwapo lahat ng mga hanap nila. Kinikilabutan pa nga iyong mga iyon kapag tinutukso namin sa mga babaeng kaklase, sa love team-love team gano'n."

"Maria Juliana, ano na naman 'yang tinuturo mo sa kapatid mo?" tanong ni nanay nang mapansin kami.

"Wala po, nay. Girl talk lang!" sagot naman ni Ate Julia.

Ayokong maniwala sa kanya kasi mas gusto kong paniwalaan iyong sinabi ni nanay. Kaso nga lang no'ng hinatid ako ni tatay sa school isang araw ay naabutan ko sina Prince at Rome na parehong nakangiting magkatabi habang may tinitingnan sa isang notebook.

Ramdam kong kumunot ang noo ko habang pinapanood silang masayang nagbabasa at nag-uusap habang panaka-nakang tumatawa. Nang mag-angat ng tingin si Rome sa akin ay hindi nawala ang matamis niyang ngiti.

"Julie, halika! Sama ka sa amin ni Prince gumawa ng assignment," aya niya.

Naglakad na lang ako papunta sa desk ko at tinanggal ang mga straps ng backpack ko sa mga balikat ko. Wala pa si teacher at nagkataong kaming tatlo lang ang magkasama kasi maaga kaming pumasok.

"Julie, gusto mo turuan kita?" tanong ni Rome na nakatayo na sa tapat ng desk ko.

"Ayoko," sagot ko, nakasimangot pa rin.

Naiinis ako na naiinggit, e. Ewan ko ba. Basta ang alam ko lang ayokong magshare. Ayokong nakakaramdam na may kahati ako at naiinggit kasi naiinggit ako lalo!

Hinawakan ni Rome ang kamay ko para hilahin ako patayo at papunta sa pwesto nila ni Prince. "Halika na, Julie."

Hinila ko ang kamay ko pabalik pero makulit siya at mapilit kaya ayaw pa rin akong bitawan.

"Sige na..." alok niya ulit sabay hila sa akin.

Nainis na talaga ako kaya tumayo ako para itulak siya. Napabitiw tuloy siya sa akin at natumba pa paupo sa sahig. Mabilis namang tumayo si Prince at tinulungan 'yong princess niya.

"Bakit ka ba namimilit ha?!" singhal ko sa kanya.

"Julie, bad 'yan!" saway ni Prince sa akin habang tinutulungang tumayo si Rome.

"Bakit ka ba nangingialam ha?!" sigaw ko pabalik sa kanya.

"Hindi naman kasi tama 'yong ginawa mo kay Rome!"

"Bakit? Jowa mo ba 'yan, ha?"

"Julie, ang pangit ng mga lumalabas sa bibig mo," puna ni Prince.

Natahimik ako pero ramdam ko pa rin ang pagtaas-baba ng mga balikat ko dahil sa mabibigat na hininga mula sa pagtataas ng boses ko.

Kasalanan ko ba 'yon? E, 'yon ang mga naririnig ko kay Ate Julia lalo na kapag kausap niya sa cellphone 'yong mga kabarkada niya.

"Rome, halika na. Siya na nga 'tong gusto nating tulungan, siya pa 'tong may ganang manakit."

"Hindi niya naman siguro sinasadya," tanggol pa ni Rome sa akin sa paraang mahinhin at tunog mabait.

"Tinulak ka niya. Halika na nga. Mag-aral na lang ulit tayo roon. Huwag mo na ngang kinakaibigan 'yang malditang 'yan."

Parang may kung anong natamaan sa akin nang marinig iyon. Nakaramdam ako ng galit lalo. Mabilis na naglakad ako para lampasan sila at kuhanin iyong notebook sa desk na binabasa nila kanina saka nilakumos iyong nakabukas na page hanggang sa napunit iyon. Tapos tinapon ko iyong notebook sa sahig at tinapak-tapak.

"Julie, ano ba?! Assignment ni Rome 'yan!" sigaw ni Prince at bahagya akong tinulak kaya napaatras ako at sinamaan siya ng tingin.

"Oh, ngayon ha, sinong maldita? Ako 'di ba? Si Maria Juliena Dimagiba!"

"Ang sama mo. Wala naman kaming ginagawang masama sa'yo," naiiling na aniya at yumuko upang kuhanin iyong notebook ni Rome sa sahig.

"'Di ba sabi mo maldita ako kaya ayaw niyo akong maging friend? Pinatunayan ko lang. Kunsabagay, tama nga naman si Ate Julia. Laging nagkakasama 'yong mga bakla!"

Pag-angat ko ng tingin kay Rome ay natigilan ako at biglang na-guilty. Nangingislap na kasi iyong mga mata niya sa luha. Tahimik na kinuha niya ang notebook niyang nasira at naupo na lamang sa desk niya.

Sumunod naman si Prince sa kanya at nag-alok na tumulong sa pagsusulat ulit ng assignment namin kaso ay tinanggihan niya ito. Habang nagsusulat ay sumisinghot-singhot si Rome hanggang sa tinakpan na niya ang mga mata niya ng mga palad niya saka humagulgol. Naaawang pinapatahan naman siya ni Prince habang hinahagod ang likod niya.

I hear you calling my name

I hear you calling my name

Julie Tearjerky on the phone...

I TURNED OFF my playlist and phone when my workmate already called me. Mabuti na lang ay nakabihis na ako ng uniporme at handang-handa nang pumalit sa kanya.

"Julie, tapos na ako. Ikaw na."

"Sige, Kris. Lalabas na ako."

Pagkatapos kong maipasok sa locker ko ang cellphone at mga gamit ay lumabas na ako upang palitan siya sa pwesto niya sa drive thru.

Isa akong OFW ngayon pero hindi naging madali ang karanasan ko. Simula nang ipinanganak ang bunso naming si Jillian ay nagkanda-utang-utang kami kasi masakitin din siyang bata. Naisangla tuloy ni tatay ang  farm at hanggang ngayon ay hindi pa rin namin matubos-tubos. Tapos second year college na sana sa kursong Accountancy si Ate Julia nang lumayas siya at umuwing buntis. Ako tuloy ang naging substitute na breadwinner sa pamilya namin. Grumaduate naman akong may Latin Honors at masaya sa trabaho ko bilang script and content writer sa isang sikat na programa kaso para sa mga magulang ko ay kulang na kulang pa rin ang sweldo ko para tubusin ang farm. Napilitan tuloy akong mag-abroad at magtrabaho nang kaliwa't kanan para makapagpadala sa kanila. Iyong magandang trabaho ko sa Pinas dati, ngayon ay parte na lamang ako ng 'taga' team sa isang network dito – taga-linis at ayos ng production set, taga-timpla ng kape ng mga scriptwriters at directors, taga-takbo sa bawat department para sa mga utos nila. In short, naging errand girl ako rito.

Nag-apply din ako bilang crew ng isang branch ng sikat na fast food chain dito. Mabuti na lang at nataong naghahanap sila ng Filipino workers kaya nag-apply agad ako at nakuha. Malaki na iyong kinikita ko kumpara no'ng nasa Pilipinas ako  pero ang cost of living dito ay sobrang magastos din kaya todo tipid ako para makapagpadala sa pamilya ko at nang sa ganoon ay matubos namin ang farm na pamana ni Lola Doray.

I smiled automatically when an expensive car stopped at the drive-thru section, my station. Paano ko nalamang mamahalin 'to kahit hindi ako maalam sa mga kotse? Simple lang, walang bubong.

"Good morning, sir. Welcome to Jollibee. May I take your order?"

Medyo nag-alinlangan pa ako kung anong pronoun ang prefer niyang itawag sa kanya. Alam kong lalaki siya kasi toned 'yong muscles niya at kayumanggi rin with black slightly medium and curly hair. Kaso iyong suot niya ay puting silk vest at puting mukhang maxi skirt. Natutuhan ko kasi noon na maaaring magkakaiba ang sexual orientation, gender identity, at self-expression o paraan ng pagpresenta ng isang tao sa sarili niya sa iba at sa mundo.

"Julie?"

Tinanggal no'ng driver ang suot niyang shades. Nagulat ako nang magtagpo ang mga mata namin nang nakakunot-noong si Rome na ngayon ay mas kilala na bilang si Roma. Simula nang mag-migrate sila rito ay lalong gumanda ang takbo ng buhay nila at karera niya. He had become a billionaire who's running his own fashion line and cosmetic business. Sikat siya at sa kung saan-saan na siya laging na-fe-feature.

"Roma..." hindi makapaniwalang sambit ko.

Bigla akong nahiya sa narating namin sa buhay. Pero mas nanaig sa akin ang guilt na dala nang pambu-bully ko sa kanya noong elementarya hanggang hayskul kami.

He smirked before putting back his shades. "I changed my mind. I'll just eat someplace safe," he said as he started stirring his car's engine.

"By the way, it's not nice seeing you again," aniya bago humarurot palayo.

•|• Illinoisdewriter •|•

Illinoisdewriter

I craft stories and furnish them with my advocacies. ♡

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status