Share

The Other Dimension
The Other Dimension
Author: Tet Cruz

Panimula

Naikukwento ang tungkol sa mga aswang, tikbalang, kapre, laman-lupa, maligno, duwende, engkantado at engkantada pero may isang grupo pa ng mga nilalang na tahimik na namumuhay sa kagubatan ng Talumpit, isang lugar sa isa sa mga probinsya sa Kabisayaan. Sila ang mga engkantao o hybrid ng mga engkantado at tao. Ayon sa pinagpasa-pasang kwento ng mga matatanda sa lugar, bago pa dumating ang mga Kastila ay may isang komunidad na ng mga engkantao sa paanan ng Bundok Talumpit. Ang mga engkantado noong mga panahong iyon ay umibig at nagpakasal sa mga kababaihan sa lugar. Tanging mga lalaking engkanto lamang ang pinapayagang umibig sa hindi kalahi ng Kataasan o ang tumatayong lider ng mga engkanto. Ang naging anak ng mga engkantado at mga tao ay tinawag na engkantao. Sa mahabang panahon, naging masaya ang mga engkantado at mga tao sa kanilang pagsasama. Mapapansin noon na mayaman ang mga bukirin at taniman gawa ng kapangyarihan ng mga engkantado. Bagama’t may mga taong nainggit sa kalagayang ng mga mortal na nakapag-asawa ng mga engkantado, hindi nila masita o maipamalas ang kanilang opinyon sa takot na balikan sila ng mga ito.

Dalawang daang taon matapos ang pagdaong ng mga barko ng Espanya sa pamumuno ni Ferdinand Magellan, nagkaroon ng lakas ng loob ang isang Boholano na maghimagsik. Siya si Francisco Dagohoy. Dahil sa angking yaman ng Talumpit, naisipan ng ilang taga-suporta ni Dagohoy na humingi ng mga ani at iba pang mapapakinabangan ng mga rebolusyonista. Sa panahong ito ay naging sunud-sunuran ang mga engkantado sa mga rebolusyonista dahil nalaman ng isa sa mga ito ang kahinaan ng mga engkantado. Kapag nagmamatigas ang mga engkantado, hinahaluan ng mga tiwaling rebolusyonista ng asin ang mga ilog at balon na pinagkukuhan ng tubig. Ang asin ay isang bagay na nakalalason sa mga engkantado at nagiging sanhi naman ng pagkakasakit ng mga tao kung sobra. Dahil sa umiinit na sigalot ng mga tiwaling rebolusyonista at mga engkantado, nagpasya ang huli na ilikas ang kanilang mga pamilya at dalhin sa pinakaliblib na lugar ng Talumpit, ang sagradong lugar ng mga engkanto.

Hindi nagustuhan ni Kataasan na may mga mortal na makikihati sa tirahan ng mga engkanto. Naisip niyang kung bibisita ang mga kamag-anak ng mga mortal ay mahahayag ang kanilang tahimik na lugar. Bukod dito, tiyak na hindi maiiwasang paginteresan ang natural na likas na yaman ng lugar. Ang mga ilog at talon ay ubod ng linis, matataas ang mga puno, ang mga halaman at prutas ay malulusog at mabubunga. Anupa’t ang mga ginto ay pangkaraniwan lamang  at ginagawang palamuti sa mga tirahan ng mga engkanto. Si Piros na siyang kumakatawan sa mga engkantao ay nagbigay ng suhestyon na sa babang bahagi sila ng kagubatan maninirahan upang hindi na maabala ang mga engkanto sa kanilang pagdating. Ang ibabang bahagi ng kagubatan ay mabato, madawag at halos walang pagkaing namumunga. Sinadya itong hindi pagyamanin ng mga engkanto upang walang magkainteres na mga tao para mamalagi dito. Ang lugar ng mga engkanto ay may di-nakikitang kalasag (invisible shield) na pumuprotekta sa kanila. Habang ang buwan ay may liwanag, nananatili itong nakasara bilang proteksyon sa ibang elemento gaya ng mga taong-lobo, manananggal, aswang, kapre at iba pa na nagiging malakas tuwing kabilugan ng buwan. Humihina naman ang proteksyong ito sa mga gabing walang buwan kung kaya’t hindi maiwasang may mga mangangaso na nakakapasok. Upang maiwasan ito, may mga engkantadong nagbabantay sa mga gabing walang buwan. Ang sistemang ito ay tumagal mula 1744 hanggang sa kasalukuyang panahon, 2021.

“Matuk, teka lang. Napapagod din ako, hindi naman tayo mga engkantado para hindi makaramdam ng gutom at pagod,” ang hinihingal na habol ng isang engkantaong si Iksum. Matangkad ito, maputi at payat.

“Kapag hindi natin binilisan ay baka may makapasok na namang mga mangagaso. Walang buwan mamayang gabi kaya’t malayang makakapasok ang mga tao,” ang tila naiinis namang sagot ni Matuk. Matipuno ang pangangatawan nito at kayumanggi ang kulay.

Binatuhan ng dilaw na prutas ni Matuk si Iksum. Mabilis naman nitong nasalo at sinimulang kumain. Kumuha ng lubid na may angka si Matuk at saka pinaikot upang kumapit ito sa mataas na puno. Nang matiyak na matibay na ang pagkakakapit ay saka ito nagsimulang umakyat sa puno. Nagmamadali namang inubos ni Iksum ang prutas at saka sumunod na ring umakyat. May isang sawang nakapulupot sa malapad na bahagi ng sanga kung saan sila panay umuupo o humihiga ni Iksum. Nang makita sila ng sawa ay tila yumukod ito at umalis ng pwesto. Hinimas naman ni Matuk ang dulong katawan ng sawa bilang pasasalamat sa pagpaparaya nito.

“Tignan mo sila Musu at Adim, naglalakad pa din. Hindi ba’t halos kasabayan natin sila kanina?” ang nagtatakang tanong ni Matuk habang tinatanaw ang dalawang engkantaong nakatoka ding magbantay.

“Alam mo namang lumalamang minsan ang pagiging tao ni Adim. Kung mabilis akong magutom ay mas lalo naman siya. Makikita mo naman sa laki ng kanyang katawan,” ang nakangiting sagot naman ni Iksum.

“Siguro, kaya tayo hindi pinatira sa lugar ng mga engkanto ay dahil hindi natin sila lubos na kauri. Tignan mo, nasa taas sila ng kagubatan at ang mga tao ay nasa paanan o kabayanan. Tayong mga engkantao ang nasa gitna. Hindi ganap na engkanto at hindi rin ganap na tao,” bakas ang hinanakit sa tinig ni Iksum.

Iniba ni Matuk ang usapan para hindi mauwi sa mga ganyang talakayan. Matalino si Iksum, higit na matalino kaysa kay Matuk. Ngunit isang bagay ang nakalalamang kay Matuk sa karamihan ng mga engkantao, nauunawaan niya ang pagiging engkantado niya at pagiging tao kung kaya’t ang kalakasan niya ay nagmumula sa dalawang magkaibang genetic make-up.

“Tama na nga yan, itarak mo na ang diamante sa sanga ng puno para malaman nila na nakarating na tayo sa posisyon natin. Palagay ko ay magiging masaya ang pagbabantay natin na ito dahil sabi ni Ina ay may piging ang mga tao sa susunod na linggo kung kaya’t tiyak na marami ngayon ang magtatangkang manghuli ng mga usa at baboy-ramo sa gubat,” sabi ni Matuk.

Itinarak naman ni Iksum ang diamante sa puno. Naglabas ito ng beam of light na kulay puti at umabot paitaas sa pinakadulo ng puno. Maliwanag pa ang sikat ng araw ngunit dahil sa kapal ng mga dahon ay nagiging makulimlim ang paligid. Inilabas naman ni Iksum ang isang instrumento na kahawig ng isang silindro saka ito nagsimulang magpatugtog. Nakatanaw naman si Matuk sa direksyon ng kabayanan at hindi maiwasang isipin kung paano mamuhay ang mga tao o mortal sa lugar kung saan lumaki ang kanilang mga ninuno halos tatlong daang taon na ang nakalilipas. Sa huli ay nilibang na lang niya ang sarili at sinabayan ang pagtugtog sa musika ng kaibigan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status