Share

KABANATA 5

“Before we fly to do the procedure, you will be staying here in the mansion because I will need to monitor your health. Habang inaasikaso namin ang background check mo at ang ibang mga papeles para sa paglipad natin.” 

Tahimik lang si Aira na nakasunod kay Samuel habang tino-tour siya nito sa second floor ng bahay. Mas maganda rito at ang daming mga kwarto. Binuksan ng lalaki ang isang kwartong katapat ng hagdan at tiningnan siya nito. “This will be your room,” anito sa kanya. Bahagyang umawang ang kanyang labi habang inililbot ang tingin sa buong kwarto. Ang laki noon. Mas malaki pa nga yata iyon kaysa sa tinutuluyan nila ngayon ni Janice. Napalunok siya at napatingin sa amo na naka-poker face lang. 

“Salamat po,” nahihiyang sambit niya. 

Nanatiling nakatitig lang ang lalaki sa kanya. “This is part of the deal, Miss Peres. Do not worry about it. For now, I will let you go home to get your clothes. Simula ngayon, dito ka na titira. Ipapahatid kita sa driver.” 

“Po?” gulat na tanong niya rito. Nangunot naman ang noo ni Samuel sa kanya. 

“Yes, why? May problema ba?” sambit pa nito. Napaiwas siya ng tingin. 

“Uhh ano po kasi, e, baka kung anong sabihin ng mga taga sa amin…s-sir, alam mo namang s-sa skwaters ako nakatira…” Sobra-sobrang kaba ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Inunahan niya na ito at may background check din naman. Sana lang talaga ay hindi na magbago ang isip nito tutal ay sabi nito desperado na ito. 

Hindi agad sumagot si Samuel. Nang saglitan ito ng tingin ni Aira ay nakatitig lang ito sa kanya at nakahalukipkip. Sa huli ay bumuntong-hininga ito at tumango. 

“Okay, just make sure to get back before dinner,” pinal na sabi nito. 

Doon lang siya nakahinga nang maluwag. Medyo umaliwalas ang kanyang mukha habang nakatitig dito. Tumango siya rito. “Sige po.”

Hinayaan siyang umalis ni Samuel doon. Habang pabalik sa tinutuluyan nil ani Janice ay hindi niya mapigilang ma-excite at matuwa at kabahan. Hindi niya alam pero nao-overwhelm siya sa mga pangyayari. May halong takot sa kanyang dibdib dahil sa hindi kasiguraduhang mangyayari pagkapasok niya sa deal na ito pero mas nanaig sa kanya kagustuhang magkapera at makalabas na sa kahirapang kanyang dinanas. Gusto na niyang magbagong buhay. Ito ang kanyang daan para gawin iyon. 

Sana lang ay talagang ito na nga iyon. Sana rin ay walang mangyaring aberya. 

“Hala ka, friend, sure ka na ba talaga rito? Sure na sure na? Wala ng atrasan ito!” kagat-labing sambit ni Janice sa kanya pagkarating niya ng bahay at nang sinabi niya rito ang tungkol sa napag-usapan nila ni Samuel. 

Ito ang stress na stress sa kanya at sa mga sinabi niya rito. Tipid na ngumiti lang siya rito. 

“Janice, napag-isipan ko na ito nang mabuti, wala ng atrasan ito,” aniya pa. Kitang-kita niya pa rin ang pag-aalala sa mukha ni Janice habang nakatingin sa kanya. Nakaupo ito sa lapag at kulang na lang ay umiyak na ito. Siya naman ay nag-eempake ng kaunting damit na bigay rin naman ni Janice. 

“Sis naman kasi, nag-aalala ako at baka mapahamak ka. Alam mo, mahirap ma-involve sa mga mayayaman, sis. Hindi lang naman kasi basta trabaho iyan, no. I mean, nakakaloka lang naman kasi. Magiging involved ka niyan sa kanila, e. Baka naman maipit ka sa mga iyan!” 

Saglit na napatitig si Aira sa kanyang kaibigan. Tipid na ngumiti lang siya rito. “Ganoon nga siguro pag mahirap tayo, Jan. Kahit anong risk ay gagawin natin para lang maka-survive at magkapera. Ang hirap malugmok, Jan. Kailangan ko ang trabahong ito.” Malungkot na ngumiti siya sa kaibigan. Totoo naman ang kanyang sinabi. Sa tulad nilang mga nasa laylayan ay wala silang karapatang magreklamo kasi kung hindi ay sila rin naman ang magugutom. 

SIla ang may kailangan ng trabaho. Sila ang may kailangan sa mga mayayaman. Walang kailangan ang mga mayayaman sa kanila kasi ang dami naman nilang mapagkukunan ng mga serbisyo. 

“Kasi naman, e. Pero kung iyan na talaga ang desisyon mo, sige. Bahala ka na.”

Sa huli ay hindi na nagreklamo pa si Janice at hinayaan na lang si Aira. Hinatid pa nga siya nito sa sakayan. Gusto nga sanang sumama ni Janice sa paghatid sa kanya pero hindi na niya ito hinayaan. Di na rin nagpumilit pa si Janice at hinayaan na lang siya. 

Nang makarating si Aira sa mansyon ni Samuel Madrigal ay agad siyang sinalubong ng tatlong mga katulong. Gulat na gulat pa siya sa mga ito pero hindi na rin naman siya nakapagreklamo kasi ang sabi ay utos daw ni Samuel na i-assist siya sa kwarto niya. Hinayaan niya na lang ang mga ito na tulungan siya. 

“Salamat sa inyo,” aniya pa nang matapos sila. Hindi sumagot ang mga ito kaya napanguso na lang siya at saka yumuko. Nagkibit-balikat na lang siya at inayos na ulit ang mga gamit niya roon. Wala siyang mga ibang gamit maliban sa mga ipinahiram ni Janice at wala rin naman siyang cell phone kaya wala siyang mapagkaabalahan doon. Sa huli ay lumabas na lang siya ng kwarto at sinubukang pumasyal sa mansyon. 

‘Hindi naman siguro bawal na maglibot-libot?’

Ngumuso siya at ikinalat ang tingin sa buong second floor. Manghang-mangha pa rin talaga siya sa buong paligid. Ang dadaming mga vase at mga paintings sa dingding. Tapos iyong mga chandelier ay ang lalaki pa at ang liliwanag. Para siyang nasa palasyo. 

‘Grabe, sa mga teleserye ko lang nakikita ang mga ito, a. May ganito pala talaga sa totoong buhay…’

Ngiting-ngiti siya habang nililibot ang buong second floor. Habang naglilibot ay napatigil siya sa pinakamalaking painting na nasa may dinding na nasa gilid ng hagdan. Isa iyong painting ng babae. Maputi ito, may itim na buhok, matangos ang ilong at halatang mestiza ang babae. Ang galing pa nga dahil parang totoo ang painting. Hindi niya tuloy mapigilang mamangha sa ganda ng babae. 

“Excuse me.” Napalingon siya nang may dumaan. Agad naman siyang tumabi rito. 

“Ah, teka, uhm pwedeng magtanong?” aniya rito at kinagat ang kanyang labi. 

Saglit na tumigil ang katulong at tumingin sa kanya. 

“Ano iyon?”

“Hmm. Sino ito? Ang ganda niya naman,” manghang sambit niya pa sabay ngiti. Agad na nag-iwas ng tingin ang katulong. 

“Hindi mo kilala iyan?” tila nag-aalangang tanong nito. Nangunot naman ang noo niya. 

“Ah hindi, e.” Napakamot pa siya sa ulo. Tumingala ang katulong at agad na sinalubong ang tingin niya. 

“Asawa iyan ni Sir Samuel, si Atty. Lyana.” 

Nagkorteng o ang bibig ni Aira at napatango-tango pa. 

‘Ito pala ang asawa ni Sir Samuel…’

“Alam ko kung bakit ka nandito at alam kong kailangan mo lang ng pera, pero mag-iingat ka pa rin at hindi basta-basta ang pinapasok mong pamilya.” 

“Ha?” 

“Basta mag-ingat ka.” Tinalikuran na siya ng katulong at naiwan siya roon na tulala. 

Hindi niya alam pero bigla siyang kinabahan.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Mher Mher Cuario Dolorito
maganda yong storya
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status