"Hardy... Hardy... bangon!," mga salitang paulit-ulit na umalingangaw sa aking pandinig habang para sa akin ay madilim pa ang paligid.
Napakahirap dumilat. May kung anong sumugat sa aking uluhan. Ramdam ko ang sakit ng katawan ko na para bang dinaig ang pagkabugbog sa suntukan.
"Hardy.... Hardy... bumangon ka na diyan... hindi kayo pwedeng padaig!," muling panghihikayat sa akin ng isang pamilyar na tinig.
Sa pagkakataong ito, pinilit kong imulat ang aking mata. Lubhang malabo. Yun tipong paggising mo na maraming muta ang iyong mata. Mahapdi ang dumilat ngunit nais kong tugunin ang tinig ng nangungusap. Nang mapaglinawan na ang aking naaaninag, naramdaman kong maliligtas na ako.
" 'Tay!... Tatay, tulungan mo ako!,"
Hindi ko alam bakit naroroon si Tatay Bong ngunit laking ginhawa sa pakiramdam na naroon siya at naroon lagi ang itinuring kong Superhero ng pamilya namin.
"Kaya mo 'yan, Hardy! Bangon!," makulit na pamimilit ni Tatay Bong.