Chapter 04
Vince POV KINABUKASAN Ang buong court ay puno ng ingay mula sa basketball practice—mga sapatos na sumisigid sa sahig, bola na pumapalo sa sahig, at mga sigaw ng plays mula sa teammates ko. Pero parang wala akong naririnig. Paulit-ulit na naglalaro sa isip ko ang pustahan ng mga kaibigan ko. “Ligawan mo si nerd,” sabi ni Jonathan, na parang napaka-dali lang nito. Tunog kalokohan, pero alam kong hindi sila nagbibiro. “Ang tahimik mo, Vince. Ano, takot ka bang matalo?” biro ni Alfred, habang nagdidribol ng bola, nakangiti nang mapang-asar. Inagaw ko ang bola mula sa kanya at mabilis na nag-shoot. "Hindi ako natatalo. Alam niyo dapat ‘yan," kumpyansa kong sabi sa kanila. “Yabang!” Kent tumawa nang malakas. “Tingnan natin kung papatulan ka ng nerd. Mukha siyang hindi madaling mapalapit," wika nito. “Mas maganda kung gano’n,” sagot ko, kunwaring kalmado. Pero sa totoo lang, alam kong hindi magiging madali ang pustahan na ito. Si Safara ay malayo sa mga tulad nina Sabrina na halos itapon ang sarili para mapansin. Tahimik siya, seryoso, at tila walang interes sa anumang gulo at higit sa lahat hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin upang kausapin ito kahapon. Pero hindi ko rin kayang umatras. Ang pride ko ang nakataya dito. Habang naglalakad kami ng aking kaibigan upang magtungo sa room ay nakita ko siya sa library. Nakaupo siya sa isang sulok, nakapalibot sa mga libro, habang sinusulat ang kung ano sa kanyang notebook. Bahagyang nakababa ang salamin niya sa ilong, at parang wala siyang pakialam sa paligid niya. Tahimik ko siyang pinagmasdan. Iba talaga siya. Hindi lang sa hitsura, kundi pati sa aura niya. May kakaibang determinasyon sa kilos niya na bihirang makita sa iba. “Bakit nakatanga ka diyan?” bulong ni Alfred, na ginulat ako. Tiningnan ko siya nang masama. “Pakialam mo?” suplado kong tugon. “Kung magpapakilala ka, huwag ka nang magpatumpik-tumpik. Vince Rosales ka, tandaan mo. Walang babaeng tumatanggi sa’yo," sabi niya sa akin. Umirap ako at naglakad papunta sa mesa niya, binabalewala ang hagikgikan ni Alfred sa likod. “Pwede bang makiupo?” tanong ko, sabay hilang ng upuan nang hindi na hinihintay ang sagot niya. Napatingin siya, tila nagulat, at nagtagpo ang aming mga mata. “Ah... sige,” mahina niyang sagot. “Safara, tama?” tanong ko, nakasandal nang relaxed. “Oo.” “Ako si Vince.” “Alam ko,” sagot niya, nang hindi man lang tumitingin. Napataas ang kilay ko. “Talaga?” Bahagya siyang tumango. “Sikat ka kasi. Alam ng lahat kung sino ka.” Ngumiti ako, pilit na nagpapakitang walang epekto sa akin ang sagot niya. “Mabuti naman, hindi na pala ako kailangang magpakilala.” Hindi siya sumagot, at ang katahimikan sa pagitan namin ay parang hangin na biglang lumamig. Karaniwan, ganitong pagkakataon, ang mga babae’y nagkakandarapa sa kilig. Pero si Safara? Wala. Balik siya sa pagsusulat, na parang hindi ako naroon. “So... first year ka rin?” tanong ko ulit, pilit na binubuhay ang usapan. “Oo.” “Business Ads, tama?” Nagtaas siya ng tingin, halatang nagtataka. “Paano mo nalaman?” “Magkaklase tayo,” sagot ko, itinuturo ang sarili ko. Bahagya siyang namula, sabay taas ng salamin niya. “Oh. Pasensya na, hindi ko napansin.” “Okay lang. Mukha ka namang busy.” “Busy nga ako,” prangkang sagot niya, habang patuloy sa pagsusulat. Napanganga ako sa bluntness niya. Para sa unang pagkakataon, wala akong ideya kung ano ang sasabihin. “Kung kailangan mo ng tulong o kahit ano, sabihin mo lang,” sabi ko na lang, pilit na nag-aalok ng mabuting hangarin. Nginitian niya ako nang bahagya, pero halatang pormal lang. “Salamat, pero kaya ko naman.” Ang sakit. Tumayo ako, iniwan ang kanyang mesa habang ramdam ang tingin ni Alfred mula sa malayo. “See you in class, Safara,” sabi ko bago lumakad palayo. Tumango lang siya at bumalik sa kanyang mga libro, na parang hindi ako dumaan doon. Pagkalabas ko ng library, sumabay si Alfred, nangingisi. “Hindi yata umubra ang charm mo, bro.” “Tumigil ka,” sagot ko, inis pero sabay na intrigado. Hindi magiging madali ang pustahan na ito, pero sa unang pagkakataon, natagpuan ko ang sarili kong nasasabik sa isang hamon. Si Safara Gomez ay hindi tulad ng iba—and I couldn’t wait to unravel her mystery.