LYNDON POV:
Naglabas ako ng 1000 at agad ko ditong iniabot. Nagsenyas ito sa mga kasamahan, natutuwa, iwinawagayway ang hawak na tip, parang bata. Tumaas ng sulok ng labi ko. Mga tao nga naman. Pare-pareho—-sa kaunting pera, bigla akong naging Dios. Madali talagang mapansin ng kahit sino kapag signature clothes ang suot. Mamahalin pa ang aking relo. Kahit sino, yuyuko at biglang babait, hahalik pa nga sa Oxford shoes ko dahil alam nilang may pera ako. Pwe! Mga walang kuwenta. Nilingon ko uli ang bouncer na kumaway pa, nagbigay galang, sumaludo bago ako humalo sa dilim at sa maraming tao. Masakit sa ilong ang amoy ng lugar na halos nasa 300 square meters ang kabuuan ng main floor. Naghalo-halo na ang mumurahing pabango, amoy ng alak at usok ng sigarilyo at pawis ng mga tao. Kung hindi dahil sa magandang babae na yon, aatras na talaga ako at uuwi na lang sa condo. Isa pa, kung narito ang lolo ko, sasabunin na naman ako. Sisigaw na naman yon at sasabihing gaya ng mga daliri sa kamay at paa, hindi pare-pareho ang mga tao. May mga mahihirap pa ring bukal sa kalooban ang kabutihan at hindi matatawaran ng pera ang mabuting pagkatao. Saang parte? Kahit ang unang babaing minahal ko, iniwan ako dahil sa lalaking mas mapera. At ganoon din ang mga taong kumitil sa buhay ng mga magulang ko. Siguro ang babaing nakita ko ngayon, baka ganon din? Well, I will do everything to find out. Namulsa ako, nakaliyad, at parang hari sa lupa na naglakad papasok sa madilim na lugar. Nahahawi ang daan kahit wala akong ginagamit na lakas. Dahil makapangyarihan na talaga ako nang ipinanganak. At ang bagay na yon, hindi nakukuha ng lahat. Pretty woman, nasaan ka na? Isa ka rin bang demonyo na nagpapanggap na anghel sa ibabaw ng lupa? *********** SUMMER POV: INIHANDA ko ang aking sarili kahit nag uunahan ang pares ng pawis sa aking sentido at gumapang pababa ng pisngi ko, dala ng matinding nerbiyos. Pinalandi ko na rin ang pagtalbog ng aking balakang. Kailangang walang makahalata isa man sa tauhan ng bar ng club na hindi ako nararapat dito. Madilim sa loob, at hirap na hirap akong lumakad sa puntong kailangan ko na yata ng saklay. Kumapit akong lalo sa sandalan ng upuan na nadaanan ko katabi ng poste kung saan ilang metro ang layo sa stage na walang tao. Sa kaliwa ko ay hanay ng mga round tables na puno ng mga party goes. Umiinom, sumasayaw sabay sa malikot na ilaw at umiindak sa malakas na tugtog. Nahihilo ako sa totoo lang kaya naisip ko kung ano ang masaya sa ganitong lugar. Parang…impyerno. Sumabay pa ang pahamak na sapatos. Eh, kung magyapak na kaya ako? Pero hindi. Kaya ko ito. Sinimulan kong titigan isa-isa ang mga tao sa paligid ko. Inuna ko ang mga may body built na gaya ni Jojo. Matangkad ang kapatid ko, manipis ang katawan at kahit laki kami sa probinsya ay maputi dahil tisay ang aming ina. Galing daw sa lahing kastila. Matangkad naman ang tatay ko at ako ang mas nagmana kaya maraming nagsasabing puedeng puede akong magmodelo gaya ni Jojo. Pero bigo akong makita ang kapatid ko. Matapos ang ilang minutong pagmamasid, umikot ako papunta sa ibang pasilyo palayo sa pintong pinanggalingan ko, pero may bumangga sa akin—oo ako ang binangga—at nabuhusan ako ng malamig na likido sa aking damit. Mula sa waistline ng aking mini-skirt pababa sa aking legs. Napatalon ako. “Ayyy!” Umatras ako, pinapagpag ang aking damit. Nabasa yon at umabot sa panty ko. Alak at ang sakit sa ilong ng amoy. “Mister, bakit naman hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo?” Pero nang matitigan ko ang lalaking sininghalan ko, parang ako yata ang dapat lumuhod at mag sorry. Gangster ang kanyang mukha, parang version ni Shriek pero walang puso. Mas malaki pa ang katawan sa mga bouncers na nadaanan ko sa entrance at may…dragon na tattoo sa puno ng braso, paikot sa leeg nito at umaabot ang mga talim ng kuko hanggang sa mga daliri niya. Naku. Ngumisi ito. “I’m sorry, Miss. Hindi ko sinasadya. Pupunasan na lang kita.” Dinilaan nito ang buong palad na nanlaki ang mga mata ko sa pandidiri. “Aba’t—” tinabig ko ang kamay nito. “Nakabasa ka na nga, manta-tyansing ka pa!” Mataray na usig ko sa kanya. Dating Karate Trainer ang tatay ko at AWOL na sundalo kaya tinuruan kaming magkapatid kung paano ipagtatanggol ang sarili namin. Paborito kasi si Jojo ng mga bully dahil maputla at mukhang sakitin. Lumapad ang ngisi ng lalaki. Nagtaas ng kamay para pigilan ang dalawa pang lalaki na eentra sana at makikialam sa amin. Bakla lang? Tama bang pagtulungan ang kawawang magandang babae na gaya ko? “Akin siya,” deklara nito sa mga kasama. Bumaling sa akin. “Eh, anong ginagawa mo sa loob ng club na ito kung ayaw mo sa lalaking gaya ko? Nagpapahangin? Binasa talaga kita, Miss, kasi ganyang-ganyan ang mga tipo ko…” huminto ito sa pagsasalita at hinahagod na ako ng mahalay na tingin. Pumalatak. “Tangina, pre, flawless. At amoy baby pa!” Nakupo, Kuya, huwag po! Tinatagan ko ang kumakalog kong tuhod at taas noo akong nagsalita. “Paraanin mo ako! Nagmamadali ako!” “Sandali nga, hindi ba dapat matuwa ka kasi customers na ang kusang lumalapit sa ‘yo! Sa kama din naman tayo papunta, ah!” “Anong problema?” Isang lalaki pa ang sumingit. Naka-coat, t-shirt na puti ang ilalim at matino ang plantsadong pants. Brown Leather ang sapatos at may ginto sa ngipin. Inakbayan si Bad Shriek. “Sabihin mo sa akin, Bruno. Ano pa at naging suki kita? Ibibigay ko sa yo ang langit!” Hinipo nito ang harap ng huli at kinalog ang balls. Sumakit ang mata ko. Nakupo, talaga! “Wala namang problema, ‘pre.” Nagkamot ito sa batok. “Kausapin mo na lang itong chick na pakipot. Ang ganda, eh!” Hinarap ako ni Gold Roger, este ng lalaking may gold teeth. “Bakit, Miss, bago ka ba dito? Bakit hindi kita kilala, eh, kapatid ko ang Big Boss dito.”