Share

Chapter 6

"Mr. Toccata?" tawag sa'kin ni Sir Alonzo isang araw habang naglalakad ako patungo sa room. Teacher ko siya sa Literature noong nakaraang taon.

Naging paborito niya akong estudyante nang magkaroon kami ng play sa classroom. Ako ang gumanap na bida at sabi niya nagustuhan niya raw ang pagganap ko.

"Yes sir? Good afternoon po," sabi ko.

Huminto ako para hintayin siya. Isang malawak na ngiti ang sumalubong sa akin nang matapatan niya ako.

"Kanina pa kita hinahanap," umpisa niya.

"Ah bakit po?" tanong ko.

"Fiesta kasi rito sa bayan natin sa susunod na buwan at ang paaralan natin ang naatasan na magperform. Nais nilang magkaroon ng musical theatre play."

Lumawak ang ngiti ko kahit pa nagugulat. Excited sa mga susunod niyang sasabihin.

"Gusto mo bang sumali? Nagkulang kasi ng actor," tanong nito.

"Talaga po?!" tanong ko at naninigurado.

Tumango siya at binigyan ako ng ngiting sigurado. "Pero kailangan mo mag-audition.Sampo pa ang kailangan namin at maraming gustong sumali kaya naman kinakailangan salain," paliwanang niya. "Ayos lang ba sayo?"

Tumango ako at malawak na ngumiti. "Opo ayos lang."

" 'Yun nga lang extra ka lang," may panghihinayang sa tono niya. "May nakuha na kasing bida. Ikaw sana ang gusto ko dahil bagay sa'yo ang role na 'yun."

"Okay lang po, sir. Bida o extra, ayos lang po!" tugon ko.

Ngumiti siya at ginulo ang buhok ko. "Magaling. Bukas ang audition at aabangan kita roon."

Masaya akong umuwi sa bahay pero hindi ko muna iku-kwento kila nanay at Lyra para surprise kapag nakapasok ako. Isa pa, ayaw kong umasa no? Hindi pa naman ako ganon kagaling.

"Tim!" tawag sa'kin ni Lyra nang makita niya ako.

"Oh bakit?" tanong ko at mabilis siyang pinuntahan sa palagi niyang inuupuan.

"Wala lang," sagot niya. "Kumusta ang eskwela?" tanong niya.

Naninibago man pero mas nangibabaw ang sayang nararamdaman ko.

"Ayos lang. Ikaw kamusta ka rito?" tanong ko habang kinukuha niya ang bag sa balikat ko.

"Ayos lang din," sagot niya. "Ano ang mga inaral mo kanina?" tanong niya ulit.

"Tingnan mo na lang sa notebook ko."

Palagi naman siyang gan’yan, excited matuto kaya pinapabayaan ko na siyang makialam sa mga gamit ko.

"Magbibihis lang ako ah!" paalam ko kaya naman tumango ito.

Mabilis akong pumasok sa bahay para makapagbihis pagkatapos ay kinuha ang gitara. Nang makabalik ako sa labas, nakita ko ang pagbabago ng kanyang reaksyon. Umupo ako tabi niya at mabilis na iniwas ang tingin sa akin.

"Oh bakit?" tanong ko at pinipilit siyang silipin dahil mukhang nawala ang kaninang maganda niyang mood.

Napansin ko rin na hawak niya ang notebook ko at may nakapatong doon na kulay light blue na envelope. Binigay niya sa akin 'yun sa paraan na hindi ako tinititigan.

"Ano 'to?" walang ganang tanong ko.

"Love letter yata," malamig niyang sabi at pinagkrus ang kanyang mga braso sa dibdib.

Tinitigan ko ang envelope at nagdadalawang isip na buksan. "Baka hindi naman," sagot ko sa'kanya.

Suminghap siya at tinitigan ako. "Hindi na nakakakita ang isa kong mata pero gumagana pa ang isa. Nakakabasa ako at alam ko ang love letter sa hindi, Tim." Halatang nauubos ang kanyang pasensiya at naiirita.

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o matatawa sa naging reaksyon niya.

"Binasa mo?" tanong ko.

Tumango siya at iniwas ang tingin sa akin.

"Anong sabi?" tanong ko.

"Bakit hindi ikaw ang magbasa? Baka kiligin ka pa," madiin ang pagkakasabi niya.

Umiling ako habang natutuwa ang kalooban ko. Hindi naman sa pagiging feeling pero pakiramdam ko ay nagseselos siya.

Binuksan ko ang envelope at nakita doon ang isang mabangong papel. Nakita ko kung kanino ito galing kaya napailing ako.

Masyado yatang lumakas ang loob ni Lea.

"Oh? Anong reaksyon mo?" tanong niya.

Nagkibit balikat lamang ako at marahan itong itinabi.

"Hindi naman nakakakilig," sabi ko pa

"Oh?" panunuya niya. "Sinabihan kang gwapo at matikas ang katawan, tapos hindi ka kikiligin? Anong klaseng hormones ang meron ka?” sarcastic niyang sabi.

Natawa ako sa sinabi nito kaya naman masama niya akong tinitigan.

"Eh sa hindi nakakakilig, Lyra!" sagot ko. "Hindi ko naman gustong sabihan niya ako ng gan’on.”

Umiling na lang siya at umiwas ng tingin. "Kung iniiwasan mo ang mga babae dahil may pangako ka sa'kin, mabuti pang huwag mo na tuparin ang pangako mo!" may pagtatampo sa kanyang boses.

Ano raw?

"Sinabi ko naman sa'yo na maraming babae na pwede mong magustuhan," dagdag niya pa.

Tinawanan ko siya dahil sa reaksyon niya kaya naman mas lalong nalukot ang mukha niya.

Dahan-dahan kong ini-strum ang aking gitara para ipaalala sa'kanya ang nararamdaman ko.

Tinitigan niya lang ako habang kumakanta. Halatang hindi kumbinsido pero tinuloy ko pa rin ang ginagawa. Tumawa ako nang matapos ko ang awit dahil mas iniwas niya ang titig sa'kin.

Dahan-dahan kong ibinaba ang aking gitara at marahang iginiya ang kanyang mukha sa akin gamit ang kamay ko.

"Nag-aalala ka ba?" tanong ko.

Yumuko lang siya at hindi ako magawang titigan pero muli ko 'yung inangat para sabihin ang mga katagang magsasabi na para sa'kanya lang ako at hindi 'yun magbabago.

"Hindi mo kailangan mag-alala. Hindi ko kayang mapunta ako sa iba," marahan pero puno ng sinseridad kong sabi.

Nakita ko ang pag-nguso niya pero halata sa kanang mata niya na naniniwala siya sa sinabi ko.

At para sa akin, 'yun ang mahalaga.

"N-naniniwala naman ako Tim," bulong niya. "Pero nakakatakot maging kalaban ang tadhana," dagdag niya pa at huminga nang malalim bago iiwas ulit ang tingin sa akin.

"Bakit naman? Sabay naman nating ilalaban.Tsaka malakas ako Kay Lord, kapag pinagdasal ko nakakatiyak akong ibibigay Niya lalo pa at idadaan naman natin sa proseso ang lahat. Hindi naman natin minamadali," paliwanag ko.

"Paano kung ayaw ni Lord?" tanong niya.

"Paanong ayaw?" balik kong tanong.

"Ayaw Niyang magkatuluyan tayo."

Tumikhim ako bago sumagot. "Kung ayaw talaga Niya, wala naman akong magagawa. Pero kung bibigyan Niya ako ng pagkakataon para iparamdam sa'yo kung ano ang tunay na nararamdaman ko, malugod kong susulitin ang oras na 'yun," sagot ko.

Nakita ko ang maliit na pag-ngiti Niya. "Ayaw ko naman kalabanin ang gusto ng Diyos. Alam ko naman na lahat ng gusto Niya ay para sa ikakabuti nating lahat. Kaya nga hinihiling ko ang bagay na ito Sa'kanya," dagdag ko pa.

Nakita ko ang pagtango niya.

"Pero naniniwala akong lahat ng imposible pwedeng maging posible."

Tiningnan niya ako nang sabihin ko ang bagay na 'yun.

"Hangga't may natitira pang isang dahilan para magkaroon ng pag-asa, mananatiling posible ang lahat ng bagay para sa'kin!" masigla kong sabi sa'kanya.

"Sabagay," sagot niya. "Hangga't may oras pwede nating gawin ang imposibleng bagay para maging posible siya," mahinhin niyang sabi

"Kaya nga dapat sulitin ang oras diba? Kasi hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas."

Tumango siya.

"Ano ba ang imposibleng pangarap mo, Tim?" tanong niya.

"Maging theater actor?" patanong kong sagot.

Binatukan niya ako kaya naman kinamot ko ang ulo bago ilagay ito sa'kanyang balikat.

"Posibleng mangyari 'yun Tim," sabi niya sa'kin.

"Gagawin kong posible Lyra," mahinahon kong sabi sa'kanya. "Para sa inyo ni Mama gagawin kong imposible," dagdag ko pa.

Nakita ko ang marahan niyang pag-ngiti. "Tuparin mo rin ang pangarap mo para sa sarili mo. Hindi naman sa masamang maging inspirasyon mo ang ibang tao, pero gawin mo rin inspirasyon ang sarili mo para kapag nawala ang taong nagbibigay motibasyon sa'yo ay makakapagpatuloy ka,” pangaral niya sa'kin.

"Basta kayo ang inspirasyon ko!" sabi ko. "Kung wala kayo ni Mama, hindi ko na lang alam!"

Pansamantala siyang nanahimik kaya naman ako na ang nagtanong.

"Ikaw? Ano ba ang imposible mong pangarap?" tanong ko habang tinitingala siya.

"Gusto kong lumipad Tim," sagot niya sabay turo sa langit.

"Uy sama naman ako!" pagbibiro ko.

Nakita ko ang pag-iling niya. "Gusto ko mag-isa lang ako," mahina niyang sabi.

Nalungkot ako bigla sa sinabi niya. Ibigsabihin ayaw niya akong kasama?

"Papayagan mo ba akong makalipad?" tanong niya.

Hindi ko alam kung bakit parang may kakaiba sa sinabi niya pero ayaw ko nang mag-isip pa.

"Kung saan ka sasaya, Lyra. Kahit gaano pa kataas ang liparin mo, masaya kitang tatanawin mula rito," sagot ko dahil nga gusto niya mag-isa lang siya lumipad kung sakali.

"Mabuti," nakangiti niyang sabi. "Masaya rin kitang tatanawin habang tinutupad mo ang mga pangarap mo. Asahan mong nakangiti ako kapag nagtagumpay ka!" 

Inalis ko ang aking ulo sa kanyang balikat para harapin siya.

"Bakit ba ganyan ka mag-salita?" tanong ko at nalulungkot na.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, hinawakan niya ang aking pisnge at marahan itong hinaplos.

"Wala lang," sagot niya. "Basta masaya ako dahil parte ka ng buhay ko," dagdag niya pa.

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya pero nagbigay ito ng kakaibang kiliti sa aking puso.

Ito na yata ang pinaka-sweet na sinabi niya sa akin.

"Ano man ang mangyari bukas… asahan mong hindi ko pagsisisihan ang buhay na meron ako dahil nakilala kita," bulong niya pa.

Sa unang pagkakataon sa buong buhay ko, naramdaman ko kung gaano ako ka-importante sa taong pinapahalagahan ko.

At sa hindi inaasahang oras, naramdaman ko ang yakap niya.

'Yung yakap na ipaparamdam niya sa'yo na parte ka ng buhay niya.

'Yung yakap na hindi mo pagsasawaan at talagang mami-miss mo kapag hindi na naulit pa.

At 'yung yakap kung saan naramdaman ko kung gaano ko siya ka-gustong makasama habang nabubuhay ako.

Nasisiguro kong siya ang babaeng gusto kong yakapin at haranahin hanggang sa pagtanda ko.

________________________________

🦋

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status