Share

Chapter 9

Kapag ipinikit ko ang aking mata na isa na lamang ang nakakakita, pakiramdam ko nabubuo ang pangarap ko. 'Yung pakiramdam na dadalhin ka ng iyong imahinasyon sa mundo na ang lahat ng pangarap ay natutupad. Ang mundong 'yun ay puno ng kasiyahan at pag-asa.

Walang kalungkutan!

Walang karamdaman at kapansanan!

Walang pagdurusa at kapighatian!

Walang nawawala o namamatay!

Pero ang mundong 'yun ay hindi napupuntahan ng ating pisikal na katawan. Tanging ang malawak na isipan lamang natin ang kayang makarating doon kapag ginamit natin ang ating imahinasyon.

Ngayon ko lang napagtanto na kaya pala masarap managinip habang gising ay dahil kaya mong kontrolin ang lahat.

Bukod sa langit, ang larawan na iginuguhit natin sa ating isipan ay mahirap marating at mapuntahan. Mahirap maabot at makuha.

Ilang taon na rin ang lumilipas simula nang mawala sina Mama at Papa. Noong una, ayaw ko maniwala. Pero nang mapagtanto ko na, parang gusto ko na lang sumama sa kanila kaysa magdusa sa mundong ito dahil wala na sila.

Ayaw ko sisihin ang Diyos dahil alam ko na kontrolado niya ang lahat ng bagay. Pero may tanong sa isip ko na hindi pa nasasagot hanggang ngayon.

"Ano ang plano Niya sa akin at bakit Niya ako hinayaang mabuhay?"

Wala akong nakikitang rason para magpatuloy pa sa buhay. Dahil ang mga pangarap ko ay tuluyan nang naging abo kasabay ng pagkawala ng magulang ko at ng mumunting bahay namin.

Pero habang sinasayaw ako ng lalaking ito. Unti-onti kong napagtatanto kung bakit hinayaan ng Diyos na mabuhay pa ako. At 'yun ay dahil hinayaan din Niya na maranasan ko pa ang totoong pag-ibig at kasiyahan sa piling ni Timoteo.

Ang buhay pala ay hindi lang umiikot sa mga pangarap na nais mo matupad. Pero ang pinakamahalaga pala na meron ang mundo ay ang pakiramdam na nagmamahal at minamahal.

Balewala pala kung matutupad mo ang mga pangarap mo pero hindi mo tinuruan ang sarili mo kung ano ang tunay na depinisyon ng pag-ibig.

Sa kaso ko, hindi ko tinuruan ang sarili ko. Tinuruan ako ng lalaking kasalukuyang sinasayaw ako.

'Yung lungkot at pighati na nararanasan mo, maaari palang mawala kapag may nagparamdam sa'yo na importante ang existence mo sa mundo. At 'yun yata ang pinakamasarap na matutupad  o matitikman mo kapag may nagparanas sa'yo ng bagay na 'yun.

Kagagaling lang ni Timoteo sa pag-eensayo para sa darating na musical play at kahit  pagod na siya, nagawa niya pa rin yayain ako umakyat sa tuktok ng bundok at awitan ako habang masaya niya akong sinasayaw.

Sinong babae ba ang hindi magiging sigurado sa taong araw-araw pinaparamdam sa'yo ang halaga mo? Sino ba ang hindi mapapamahal sa Timoteo Toccata? Sino ba ang hindi susuotin ang singsing na binigay niya gayong kahit mga pangit sa akin ay tinanggap niya?

"Gusto kitang makasama sa buong buhay na meron ako," mahinahong bulong niya sa akin habang ang aming mga puso at katawan ay patuloy na hinehele ng musika ng hangin.

Sigurado na siya sa akin. Ramdam ko 'yun.

Pero bakit natatakot ako? Bakit parang nalulungkot ako at iniisip ko na baka bukas mawala na ang sitwasyon na ito?

Katatapos niya lang ako kantahan at pagkatapos no'n ay hindi na niya ako tinigilan sa pag-sayaw.

Siya ang lalaking ipaparamdam sa'yo na ikaw ang pinaka-magandang nilalang sa buong mundo.

"Sigurado ako roon Lyra. Sinabi ko na sa Diyos na ang makasama ka habang buhay ang siyang pinaka-pangarap ko!"

Tinitigan namin ang isa't isa at ngumiti ako para hangaan kung gaano siya ka-gwapo.

"Pero hahayaan kitang pumili Lyra," dagdag niya habang nakatitig sa mga mata ko. "Gusto kita makasama habang buhay pero ikaw ang bahala kung gusto mo rin ba. Dahil kung saan ka masaya, 'yun ang gusto kong piliin mo."

Dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang labi sa aking noo at marahan itong hinalikan pagkatapos isinunod naman niya ang tuktok ng aking ulo.

Ang nag-aawitang mga ibon at hangin ay nakikisabay sa usapan namin.

Puno ng kapayapaan ang paligid. Wala na yata akong hihilingin pa.

Marahan ko siyang niyakap habang ang kamay ko ay nasa leeg niya.

"Ako rin Tim," marahan kong pagkakasabi. "Gustong-gusto kita makasama habang buhay pero natatakot ako para bukas," dagdag ko pa. "Natatakot ako sa maaaring mangyari bukas."

Huminga siya nang malalim at pilit akong iniharap sa'kanya.

Hinawakan ko ang singsing na nasa aking dibdib nang humarap na ako sa'kanya.

"Gusto ko na isuot ang singsing na ito sa aking daliri. Pero natatakot ako para bukas," nakanguso kong sabi.

Hinawakan niya ang aking mukha at tinitigan ako nang mabuti.

"Sabay nating haharapin ang hamon ng bukas."

Tipid akong ngumiti at buong puso siyang tinitigan na parang gusto ko kabisaduhin ang halos perpekto niyang mukha para sa akin.

"Kahit ano ang mangyari, hangga't masaya ka, masaya ko rin tatanggapin ang lahat."

"Hintayin mo lang Tim," bulong ko. "Isusuot ko rin 'to, huwag kang mag-alala," sincere kong sabi sa'kanya.

Nakita ko ang paglawak ng kanyang ngiti.

"Kapag sinuot mo 'yan, sabay nating hihintayin ang tamang pagkakataon para sa atin," nakangiti niyang sabi at tumango ako.

Ilang linggo na ang nakakalipas simula nang mangyari ang pangyayaring 'yun sa bundok. Kinabukasan pagkatapos ng araw na 'yun ay nag-umpisa na siyang maging abala sa pag-eensayo kaya naman madalang na lang kami magka-usap. Pero sa tuwing uuwi siya, hindi niya nakakalimutang kantahan at buong tiyaga siyang naghihintay na makatulog ako bago siya tuluyang magpahinga.

Buong pagkatao ni Tim, lahat sa'kanya ay ang rason ko kung bakit naiisip kong hindi niya ako deserve. Pero habang lumilipas ang panahon, napagtanto ko na hindi niya rin deserve na hindi masuklian ang pagmamahal na binibigay niya sa akin.

"Mama! Papa!" sigaw ka nang magising ako sa kalagitnaan ng gabi.

Hindi umuwi si Tim at alam kong abala siya sa pag-eensayo.

Dahan-dahan akong bumangon at nagtungo sa kusina para uminom ng tubig. Nakahinga ako nang malalim dahil hindi nagising si Ninang Marie.

Bumalik din kaagad ako sa pagkakahiga nang makainom na.

Mapait akong ngumiti dahil napanaginipan ko na naman sila Mama at Papa.

"Mama' Papa," bulong ko habang nakatihaya sa aking higaan. "Hindi niyo na po ako kailangan alalahanin. Masaya na po ako at nagbago na po ang pangarap ko," dahan-dahan kong hinawakan ang aking mata na na hindi na nakakakita.

"Pangarap ko na pong humaba ang aking buhay para makasama sila Ninang at Timoteo hanggang sa tumanda ako," bulong ko. "Maayos na po ako rito. Masaya na ako, mama at papa."

Palagi kong napapanaginipan na nilalahad nila Mama at Papa ang kanilang kamay sa akin. Simbolo na nais nilang sumama ako sa kanila.

Noong una gusto ko tugunin 'yun kahit sa panaginip lang, pero ngayon nagbago na ang gusto ko.

Gusto ko pang mabuhay nang matagal at mas maranasan pa ang tunay na pagmamahal.

Gusto ko pang matagal na maranasan ang pakiramdam nang minamahal at nagmamahal.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status