Share

Chapter 6

Enzo Heil

"ANG GUWAPO KO! HAHAHA!" sigaw ni Enzo habang naglalakad sa gitna ng kalsada. Napagkakamalan tuloy siyang baliw ng mga taong kasabay niyang tumatawid sa pedestrian lane.

"Mama, tingnan mo ‘yun, o! Si Kuyang matangkad, guwapo raw siya…" wika ng batang babae na paslit sa kaniyang ina habang nakaturo kay Enzo.

"Naku anak, baliw iyan! Tingnan mo nga ‘yung suot, o, ang dusing! Para siyang taong grasa. Kaya huwag kang lalapit diyan kasi kukuhanin ka niya saka ka itatapon sa ilog gusto mo ba iyon?" ani ng matandang babae sa kaniyang anak.

"Naku Ma, tara bilisan na natin ‘yung paglalakad at natatakot na ako sa kaniya, e," sambit ng batang babae. Dulot ng sobrang takot ay nagtatago siya sa likuran ng kaniyang ina.

"Miss, ang guwapo ko, ‘no? HAHAHA! Puwede na ba akong maging modelo?" saad ni Enzo sa maputing dalaga na nakasalubong niya pagkatawid sa pedestrian lane. Umaakto pa siya ng pose na tila isang modelo.

"Ehem, Kuya? Are you crazy? It's better siguro if you go to the mental na to know if mayroon kang sakit on your utak," turan ng dalagang medyo nandidiri pa dahil madusing talaga ang binata at mabaho pa na parang isang taon ng hindi naliligo.

"Miss, saang planeta ka ba galing at ganiyan ka magsalita? Alien ka ba? HAHAHA! Kung alien ka man, please! Huwag mo akong sasaktan!" ani Enzo na lumuhod pa sa harapan ng dalaga at nagmamakaawa.

"Hey, you stand up nga! It's nakahihiya because many people is nakatingin sa atin so, if you don't want na tumayo, okay! I'm going to malayo na so that you can't sundan me anymore," pahayag ng dalaga at dali-daling naglakad palayo sa binata.

"Huwag mo akong iwan! My Princess! Wait, hintayin mo ako!" sigaw ni Enzo at hinabol ang dalaga.

Dahil sa takot ng dalaga ay nagtatakbo ito palayo kahit na magkandatapilok na siya sa taas ba naman ng heels ng kaniyang sapatos basta matakasan niya lang ang binata.

Pinilit ng dalaga na tumakbo kahit na wala siyang sapin sa paa. Hindi siya tinantanan ni Enzo hangga't hindi siya nito naaabutan. Dahil sa kaba ng dalaga ay halos maiyak siya dahil sa pagkarami-rami nga namang babae riyan sa paligid ay siya pa ang napagtripan ng lalaking ito na parang baliw.

"Hey Miss, huwag kang matakot sa akin! Mabait ako!" sigaw ni Enzo sa dalaga na medyo hinihingal na rin.

"I don't want to huminto because I know na you have a masama plan to me kaya please, tigilan mo na me!" anas ng dalaga na naiiyak na sa kaba dahil hindi niya alam ang kaniyang gagawin. Nang makarating siya sa tapat ng isang mental institusyon ay nabuhayan siya bigla sa kaniyang naisip.

"Miss, help me! There is a baliw guy na trying to catch me at I don't know kung bakit so I need your tulong! I think, kailangan niya ng help n’yo!" sambit ng dalaga sa babaeng nasa labas na mental na tila isa sa tagapangasiwa rito.

"Okay Miss, where is that guy?" tanong no’ng kausap niya.

"Huli ka! HAHA! Ang guwapo ko talaga! HAHAHA!" ani Enzo habang nakayakap sa dalaga.

"Help me po! Siya ‘yung crazy guy that I want to report po!" sigaw ng dalaga sa babae.

Dali-daling tumawag ng mga tauhan ang babae para hulihin si Enzo. Dahil sa takot ni Enzo ay dali-dali siyang nagtatakbo palayo kahit na napapagod na siya.

"Huwag n’yo siyang hahayaan na makatakas!" sigaw no’ng babae kanina.

Lumuwag na ang pakiramdam ng babae at umuwi na ito sa kanilang tahanan.

Kung saan-saan nagpasikot-sikot si Enzo para hindi mahuli ng mga humahabol sa kaniya kundi sa mental ang bagsak niya. Sa kasamaang palad ay dead end na ang kaniyang nadaanan dahil na-trap na siya at wala na siyang takas.

"Sumuko ka na! Wala ka nang kawala sa amin!" sigaw ng lalaki na may hawak na injection na pampakalma.

Naalarma si Enzo dahil takot siya sa karayom kaya hindi siya magkandamayaw.

"Heto na lang ang natitira kong pag-asa kaya dapat ko na itong gamitin para hindi ako mapunta sa mental," turan ni Enzo sa sarili at biglang itinaas ang kaniyang kanang kamay.

"Ayan, sige sumuko ka na para hindi ka na mahirapan pa," tugon ng lalaki na may hawak ng injection.

"Sorry, hindi ako susuko, ‘no! Manigas kayo!" wika ni Enzo at biglang nagliwanag ang kaniyang kamay.

Mayroong lumabas na pigurang isang ahas na napapalibutan ng apoy ang humulma sa kaniyang kamay. Naging kulay pula ang kaniyang mga mata na tila naninindak. Ang kaniyang katawan ay nagkaroon ng kaliskis ng ahas.

"Halimaw ka! Nararapat lang sa iyong maturukan nito!" giit ng lalaki at sumugod papalapit sa kaniya para turukan ng pampakalma.

Iniwasan lang iyon ni Enzo at nagpalabas siya ng apoy mula sa kaniyang kamay at nag-form ito na parang ahas at nilingkis ang lalaki. Ganoon din ang ginawa niya sa iba nitong kasamahan kaya nagmukha silang mga hostage na nakagapos gamit ang apoy.

"Sorry guys, pero naisahan ko kayo! HAHA! Guwapo ko, ‘no? Paalam sa inyo!" sambit ni Enzo at tinakbuhan palayo ‘yung mga humahabol sa kaniya.

Nagtatakbo si Enzo hanggang sa mapunta siya sa isang eskinita.

"O, ayan ka na naman Enzo, e. Nalulungkot ka na naman!" turan ni Enzo sa sarili. Nagiging emotional kasi si Enzo lalo na kapag mag-isa lang siya.

"Naalala ko na naman ang nangyari dati. Nang dahil sa kapangyarihang mayroon ako ngayon, naulila ako nang maaga. Kasalanan ko ang lahat…" paninisi ni Enzo sa sarili at nagbalik na naman sa isipan niya ang kaniyang nakaraan.

---

"Anak, ikaw muna ang magbantay sa nanay mo at sa kapatid mo, a? Aalis lang muna si Tatay," bilin ng kaniyang ama.

"E saan naman po kayo pupunta? Iiwan n’yo na ba kami?" tanong ni Enzo na nangingilid na ang luha sa gilid ng kaniyang mga mata.

"Hindi naman sa ganoon, may aasikasuhin lang akong importanteng bagay kaya sige aalis na ako ikaw na bahala sa kanila, a?" turan ng kanyang ama sabay halik sa kaniyang noo at tuluyan na nga nitong nilisan ang kanilang tahanan.

Nasa hindi kaaya-ayang kalagayan ang kaniyang ina dahil mugto na ang mata nito sa kaiiyak kaya walang magawa si Enzo kundi yakapin ito. Mahirap lang kasi sila kaya hindi nakapag-aral si Enzo ng elementarya dahil walang pampaaral sa kaniya ang kaniyang ina na isang manikurista.

"Wala na siya, anak! Wala na ang tatay mo! Iniwan na niya tayo!" giit ng kaniyang ina na halos magkandasubsob na sa sahig sa sobrang pagsusumamo.

"’Nay, ano pong ibig ninyong sabihing iniwan na tayo ni Tatay? ‘Di ba babalik din naman siya?" ani Enzo na nakasalampak din sa sahig.

"Umalis si Tatay kasi hindi na niya tayo mahal kuya, may iba na siyang mahal!" singit ng kaniyang kapatid na si Jr.

"Ganito kasi iyon anak. Sa totoo niyan, may ibang pamilya ‘yung tatay mo. Sila ‘yung original na pamilya niya. Tayo kasi, second family niya lang. Ibig sabihin ay kabit niya lang ako at wala akong magagawa kung iiwan niya man ako o tayo kasi wala akong karapatan sa kaniya…" paliwanag ng kaniyang ina.

"Hindi totoo iyan ‘Nay, sabi ni Tatay ay mahal niya tayo kaya babalik siya rito! Saka may pananagutan siya sa atin," anas ni Enzo. Labing-limang taong gulang pa lang siya noon.

"May pananagutan nga siya sa atin kaso may responsibilidad naman siya sa totoo niyang pamilya. Lalong-lalo na sa nag-iisa nilang anak na si Karl Ian Glinzer. Mayaman ang asawa ng tatay mo kaya mas pinili niyang mag-stay roon kaysa rito sa atin," anito.

"Hindi! Hindi maaari! Mas mahal ni Tatay si Karl kaysa sa atin?! Hindi ako makapapayag!" sigaw ni Enzo sa galit at bigla na lang siyang nag-iba ng anyo at mayroong apoy na naglabasan sa kaniyang kamay na naging dahilan para masunog ang nasa paligid.

"Anak, maghunos-dili ka! Pigilan mo ang sarili mo!" sigaw ng kaniyang ina ngunit hindi nito mapatigil si Enzo.

"’Nay! Jr!" sigaw ni Enzo. Mabilis na kumalat ang apoy sa paligid dahil dikit-dikit ang bahay kaya halos lahat ng tao ay hindi magkandamayaw sa taranta.

Ang kaniyang ina ay isang humanimal ngunit hindi niya ginamit ang kapangyarihan niya para maprotektahan silang mag-anak. Sa kasamaang palad ay namatay sa sunog ang pamilya ni Enzo, tanging siya lang ang nakaligtas.

"Kung hindi mo kami iniwan ‘Tay, hindi siguro ganito ang mangyayari. Mas mahal mo pa ang totoo mong pamilya kaysa sa amin! I hate you, Karl Ian Glinzer! Hahanapin kita!" 

---

Apat na taong naging palaboy si Enzo sa kalsada. Naging pulubi at nang dahil sa sobrang gipit ay hindi siya nakakakain araw-araw depende na lang kung may napulot siyang tira-tira o kaya naman ay may magbigay sa kaniya.

Kaya naman ngayon, ine-enjoy na lang niya ang buhay. Iniisip na walang problema para makalimutan ito. Mayamaya, biglang nagliwanag ang kaniyang paligid at biglang mayroong sulat sa sumulpot sa kaniyang harapan.

Dear Enzo,

Huwag ka naman sana masyadong masobrahan sa kasiyahan. Ayan tuloy, sa mental institusiyon ka nila gustong idaan. Pagod ka na ba sa pagiging palaboy mo? Puwes, try mong pasukin itong eskwelahan na ito para maayos mo ang buhay mo. Kailangan ka ng mundo, handa ka bang isakripisyo ang buhay mo para sa kapakanan ng lahat? Kaya sana tanggapin mo itong aming paanyaya.

Nagmamahal,

Humanimal University

"Ayaw ko nang maging palaboy! Sayang ang kaguwapuhan ko! Saka gusto ko ring masagot ang mga katanungan sa tunay kong pagkatao kaya sige, go ako!" 

---

Teshia Knightley

"Mother Superior, mayroon po kayong hindi alam sa akin. Hindi na po kaya ng konsensiya ko na paglihiman kayo kaya sorry po," bungad ni Teshia na halos walang mukhang maiharap sa madre.

Si Teshia ay ulilang lubos na. Natagpuan siya ng isang madre sa may kalsada na palaboy-laboy kaya naman inampon siya nito at pinatira sa loob ng kumbento.

"Teshia, hindi kita maunawaan. Ano bang pinagsasabi mong bata ka na ikinababagabag ng iyong konsensiya? E sa pagkakaalam ko ay masunurin kang bata at wala ka namang ginagawang masama. So, sige sabihin mo sa akin ‘yung bumabagabag sa iyo," ani Mother Superior na kalmadong-kalmado lang at napakahinhin kung magsalita.

"Mother Superior, hindi po kasi ako normal na tao. Kakaiba po ako…" paliwanag niya.

"Ano? Nagpapatawa ka ba, hija? E ayan o, kitang-kita ng dalawa kong mata na normal ka tapos sasabihin mong hindi? Pinaglololoko mo ba ako, Teshia?" ani Mother Superior.

"Hindi po sa ganoon, sige po heto ipapakita ko sa inyo," turan ni Teshia at saka inihanda ang sarili.

Umilaw ang kanang kamay ni Teshia at naglabas ng kakaibang liwanag. Lumabas dito ang pigura ng isang chameleon. Naging kulay berde ang kulay ng kaniyang mga mata at naging kulay berde rin ang kaniyang balat.

"Ay Banal na Espiritu, ano ba itong nakikita ko? Kahabagan ka nawa, Teshia!" giit ni Mother Superior na halatang nasindak sa kaniyang nakitang pagbabagong anyo ng dalaga.

"Mother Superior, huwag kayong matakot sa akin hindi naman ako masamang tao, e. Saka kayo pa lang ang nakakaalam ng tunay kong katauhan kaya please po huwag ninyong ipaalam sa iba," pakikiusap ni Teshia rito.

"Alam ko namang mabuting tao ka kaya your secret is safe. Wala kang dapat ipag-alala," pahayag ni Mother Superior nang nakangiti.

"Salamat po!" ani Teshia at niyakap ang madre.

"Paano mo nga pala nadiskubre iyang tungkol sa tunay mong katauhan?" tanong ni Mother Superior na medyo nagtataka.

"Ganito po kasi iyon..."

---

Labing-anim na taon pa lang noon si Teshia at kagagaling niya lang sa isang seminar sa pagiging madre. At dahil kinupkop siya ng mga madre sa kumbento ay naisipan niyang magmadre na rin. Ginabi na siya ng uwi dahil nag-over time ‘yung speaker. Napadaan siya sa isang tindahan ng banana cue na paboritong kainin ng mga madre sa kumbento kaya bumili siya para mayroon man lang siyang maipasalubong sa kanila.

"Manong, dalawampung piraso nga pong banana cue, salamat!" ani Teshia.

Pagkabili niya ay dumiretso na siya sa sakayan ng jeep.

"Pre, tingnan mo iyon, o! Chicks!" sabi no’ng lalaking tambay sa may kanto.

"Pare, huwag ka namang ganiyan! Kita mo ng madre, o! Papatulan mo pa?" turan ng kasama nito.

"E ano naman kung madre? Mas maganda nga kung madre e kasi tiyak na fresh pa sila," sambit ng lalaking manyak habang humahagikgik.

"Kilabutan ka nga sa mga sinasabi mo! Bahala ka! Uuwi muna ako, ‘ge," sabi ng kasama nito at nilisan na ang lugar.

Narinig ni Teshia ang pag-uusap no’ng dalawang lalaki kaya naman kinabahan siya. Gabi pa naman ngayon at nasa madilim siyang parte na daan kaya mas lalo siyang natakot.

"Mother Superior, tulungan n’yo po ako!" sabi ni Teshia sa kaniyang isip.

Pagkatapat niya sa puwesto ng lalaki ay bigla siyang nilapitan nito.

"Sister, ginagabi ka yata, a? Tara hatid na kita patungong langit…" wika no’ng lalaki na nakakatakot ang itsura.

"Excuse po, nagmamadali ako…" ani Teshia sa lalaki at dali-daling tumakbo.

"Sister, huwag kang tumakbo wala naman akong ginagawang masama, e, natatakot ka na," anas no’ng lalaki habang hinahabol siya.

Tumakbo lang nang tumakbo si Teshia basta matakasan niya lang ‘yung lalaki subalit mabilis pala itong tumakbo kaya halos maabutan na siya nito.

"Tulungan n’yo po ako!" sigaw niya ngunit walang nakaririnig sa kaniya.

"Huli ka, Sister! Hindi mo na ‘ko matatakbuhan. Tara, dadalhin na kita sa biyahe patungong langit. Huwag kang matakot, mag-eenjoy ka roon pramis!" giit ng lalaki habang hawak-hawak siya sa braso.

Pilit na nagpupumiglas si Teshia ngunit masyadong malakas ‘yung lalaki kaya halos mawalan na siya ng pag-asa at naiyak na lang sa kaniyang sitwasiyon ngayon.

Biglang umilaw ang kanang kamay ni Teshia at naglabas ng kakaibang liwanag. Lumabas dito ang pigura ng isang chameleon. Naging kulay berde ang kulay ng kaniyang mga mata at naging kulay berde rin ang kaniyang balat. Nagulat si Teshia nang makita niya ang kaniyang sarili.

"Madreng halimaw!" sigaw ng lalaki.

"Layuan mo ako kung ayaw mong masaktan!" pananakot ni Teshia sa lalaki.

"Hindi, sigurado akong namamalikmata lang ako kaya hindi mo ako maloloko!" turan ng lalaki at sumugod papalapit sa kaniya.

Hindi alam ni Teshia kung ano ang kaniyang gagawin kaya naman napapikit na lamang siya.

"Hala, nasaan ‘yung madre? Nandito lang iyon kanina, a?" nagtatakang tanong ng lalaki sa sarili.

Nang marinig iyon ni Teshia ay dali-dali niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Nakita niya ang lalaking nagpapalinga-linga sa paligid na tila hinahanap siya.

"Hinahanap niya ako? Hindi niya ba ako nakikita? E nasa harapan niya lang naman ako ‘di ba?" tanong niya sa kaniyang sarili.

Sinubukan ni Teshia na kalabitin ang lalaki.

"Sino ‘yun? Sino ang kumalabit sa akin?" tanong ng lalaki habang nagpapalinga-linga.

Nabuhayan ng dugo si Teshia nang mapagtanto niyang hindi siya nakikita nito dahil naging invisible siya kaya hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at pinagpupukpok niya ng kaniyang dalang bag ang lalaki.

"May multo! Aaah!" sigaw nito at nagtatakbo na ito palayo.

Bumalik din kaagad sa pagiging mortal si Teshia at sinabi sa sarili… "Walang puwedeng makaalam ng totoo kong katauhan kundi patay ako nito. Kaya kailangan ko itong ilihim…" 

---

"Iyan ang kuwento Mother Superior kung paano ko nadiskubre ang totoo kong katauhan kaso po ang dami ko pa ring katanungang hindi nasasagot lalo na't bakit ako ganito," aniya rito.

"Alam mo, Teshia, may purpose kung bakit ka ganiyan at kung bakit may kakaiba kang kakayahan. Balang-araw ay masasagot mo rin iyang katanungan mo," anito.

"Mother Superior, mayroon pong nagpadala ng sulat para kay Teshia," pagsingit ng isang madreng kasamahan nila sabay abot nito kay Teshia.

"O, ano pang hinihintay mo? Buksan mo na," dagdag pa nito.

"E kasi po first time kong nakatanggap ng sulat kaya kinakabahan ako…" saad niya.

"Buksan mo na, huwag kang kabahan..." 

Binuksan na nga ni Teshia ang sulat at saka binasa.

Dear Teshia,

Alam naming marami kang katanungan tungkol sa tunay mong katauhan kaya halika at pumasok ka sa paaralan na ito at marami kaming ituturo sayo. ‘Di ba gusto mong mag-aral? Pumasok ka rito at tuturuan ka namin nang libre patungkol sa iyong kakayahan. So ano, sana pumasok ka dahil may chance na maging tagapagligtas ka ng mundo.

Nagmamahal,

Humanimal University

"Mother Superior, mukhang heto na ang sagot sa aking katanungan," pahayag niya at niyakap nang mahigpit ang madre.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status