Share

CHAPTER II: Bad Day at School

Dianne’s POV

“A–yyy!, A-yyy!” tili ng mga babae sa may covered walk sa labas ng Uno y Florencio Lagria (UFL) University  na halos pumutok na ang ugat sa leeg  kasisigaw.

Kasalukuyan akong nasa main gate ng UFL University dahil ayaw akong papasukin ni Mang Rudy, security guard, sa loob dahil wala  akong suot na ID.

“Mang Rudy, sige na po. Papasukin niyo na po ako, kahit ngayon lang,” pagmamakaawa ko sa kaniya.

“Sorry talaga, hindi puwede, eh, sumusunod lang ako sa patakaran. Kung gusto mo balikan mo na lang sa bahay niyo para tingnan kung nandoon,” aniya.

“Manong Rudy naman, ih. Nagbibiro ka ba. Ke-mahal-mahal ng pamasahe pabalik. At saka ngayon lang po, sige na. Sige ka, tatanda ka niyan, kapag sumimangot ka. Ayieeee!” hirit ko sa kaniya, baka sakaling maawa siya at papasukin niya ako.

“Sorry talaga!” paumanhin nito.

“Suot-suot ko nga po kanina lang, hindi ko na po alam kung saan na yun nagsususuot. Ni-check ko na rin po sa bag ko. Wala talaga ih,” katwiran ko.

Habang nasa labas ako ng gate, ayaw magpaawat ng mga estudyanteng tumatambay sa labas ng eskwelahan. “Ahhh! Ahhh!”sigaw ng mga estudyante tuwing may napapadaang mga cute at magagandang lalaki. Nakaririndi at nakaiinis ang ingay ng mga ito.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit kanina ko pa gustong makapasok sa loob. Dahil sa rinding-rindi na ako sa ingay ng mga estudyanteng walang magawa sa buhay kung hindi ang tumili nang tumili na parang nakalunok ng pitong pito sa lalamunan. Pagod na nga akong makiusap kay manong guard, dumagdag pa sila.

Dahil ayaw akong papasukin ng guard, napagpasyahan kong umupo na lang muna at baka sakaling magkaroon ng himala. Nang biglang isang lalaki ang dahan-dahang lumapit sa’kin. “ Miss, okay ka lang ba?” nakangiting tanong niya sa’kin. Bigla akong napatayo sa narining ko. “Ang gwapo,” bulong ko sa sarili.  Nakakatunaw ang ngiti niya.

Siya ay maputi, may high-bridge nose at may magandang body proportion. Halatang isang estudyante rin dito sa UFL University. Nakita ko ang kaniyang ID. Drake Salvador ang pangalan niya at isa ring Civil Engineering student. “Lord, hulog ba ‘to ng langit?” mahina kong saad.

“Ano ’yon, Miss?” tanong niya sa’kin

“Ah–eh, wala, ang ganda ng kalangitan kako. Oo yung ulap ang ganda, ’yon oh!,” palusot ko saka alanganing napatawa.

Nilapitan niya si Manong Rudy na parang may  sinabi siya rito. “Miss, let’s go,” aya niya sa’kin. Nagulat na lamang ako nang tawagin niya ako.

“Ah! A-ako?” gulat kong tugon.

Ngumiti ito at saka, tumango. Hindi ko alam kung anong sinabi nito kay Mang Rudy at bigla na lamang niya akong pinapasok, gayong kanina lang ay halos lumuhod na ’ko para papasukin lang .

                             *****

PAGKARATING ko sa aming silid-aralan, dahan-dahan akong naglakad habang nagsusulat ang teacher namin sa whiteboard. “And we have a very special guest,” wika nito.

Nagsipagtawanan lang ang mga kaklase ko, hanggang sa natahimik na lamang sila ng paluin niya nang malakas ang pisara. “Class, stop making noise. What are you laughing at? What’s your  name, iha?” tanong niya sa’kin.

“Ah-eh D-Diana Manlangit po, Ma’am, but you can call me Dianne for short,”pautal-utal kong tugon.

“By the way, I am your class adviser. I am your gorgeous and sexy professor, Ms. Anastasia Reyes. But you can just call me Ms. Asia. Now, come in front and introduce yourself to everyone,” anito na parang anumang oras ay lalapain ako dahil sa kaniyang mga matatalim na tingin.

Napilitan na lamang akong tumayo sa harapan ng aking mga bagong kaklase at nagpakilala. “Good morning  everyone. I am Diana T. Manlangit from Tondo, Manila. I am 19 years old, turning 20 in July. H–hope you guys to be my friend. Nice meeting you all!” pagpapakilala ko.

“May I take my seat po ma’am?” tanong ko sa kaniya.

“Wait, class, do you want to ask questions?” tanong ni Ms. Reyes sa mga kaklase ko. Buong akala ko walang magtatangkang tanungin ako ng kahit ano, hanggang sa nagtaas ng kamay ang isa sa mga klasmeyt ko. “What are the occupation of your parents?” tanong ng isa kong kaklaseng babae na todo kung makapostura habang tinatanong sa’kin ‘yon.

Sobrang lakas ng pagkabog ng dibdib ko sa tanong niyang iyon sa akin. Dahil sa dinami-rami ba naman ng tanong na pwede niyang ibato sa’kin, kung bakit ito pa ang pumasok sa isipan niya. Hindi sa ikinahihiya ko ang mga magulang ko pero para ang sabihin sa klase na ang tatay ko ay walang trabaho, lasinggero at walang ginawang mabuti, iyon ang hindi ko kayang sabihin ninoman.

Halos limang minuto na ang nasayang ko kakaisip kung anong sasabihin ko nang biglang pumasok ang isang lalaking pamilyar ang mukha sa’kin. Nagsigawan lahat ng mga kaklase kong babae at ilang mga lalaki… na pusong babae. Si Drake Salvador. Ang gwapo talaga niya, para siyang half-Korean at half-American. Perfect combination na talaga nga namang paglalawayan ng mga babae.

Bigla akong bumalik sa normal kong pag-iisip nang tawagin ako ni Ms Reyes, “Ms. Manlangit!”

“Class, keep quiet!” hiyaw ni Ms. Reyes, sa klase at saka nabaling ang atensyon niya kay Drake.

“Ah, ano ‘yon?” pabebeng  tanong ni Ms. Reyes sa kaniya. Sino ba naman ang hindi mahumaling kay Drake. Isang tingin mo pa lang sa kaniya ay wala ka ng kawala.

“Do you still have something to say,” tanong ulit ni Ms. Reyes sa akin na kanina lang ay medyo cold sa akin, pero nang dumating si Drake ay parang bigla yata siyang sinapian ng mabait na kaluluwa.

“May I go out ma’am? I need to pee,” nakangiwing sabi ko  na halatang anumang oras ay puputok na ang pantog ko.

“What! Hold on, just so you know, Ms. Manlangit, you were late. Thus, as punishment of coming to school late you have to hold it until the class is over? Nagkakaintindihan ba tayo?” anito.

“Huh? But ma’am, I need to…”

“Hephephep… I said no, now you may take your seat,” baling niya ulit sa akin.

Habang ipinapakilala ni Ms. Reyes ang bago naming kaklase ay panay ang hawak ko sa aking harapan. Nakita kong nakatingin sa’kin si Drake, at ngumiti, kaya naman ay mas lalo akong naiihi dahil sa kilig na dala ng kaniyang mala-anghel na ngiti.  Hindi na ako nagdalawang isip pa na tumakbo palabas ng pinto patungo sa palikuran.

“Miss Manlangit, bumalik ka!!!” bulyaw sa’kin ni Ms. Reyes.

Dali-dali akong nagtungo sa banyo. Pero pagkarating ko roon ay nagulat ako sa sobrang haba ng pila. Kaya naman naghanap ako ng ibang palikuran sa likod kahit medyo, paika-ika ako kung maglakad. Mabuti na lang at walang tao rito.

Ni-check ko ang bawat toilet cubicle, pero halos lahat ng mga ito ay sobrang dudumi. Halos maduwal at maiyak ako sa sobrang panghi nito. Umaalingasaw sa sobrang baho!  Ibang-iba sa women’s CR. Mabuti na lang talaga at may isang cubicle na medyo malinis dito, kaya kahit ayaw ko man, tiniis ko na lamang Ito, mailabas lang ang ihi na kanina pa gustong kumawala sa aking katawan.

Wala na akong kaarte-arte pa. Pumasok na ako rito at sinimulan ko nang ilabas ang kanina pa gustong kumawalang ihi sa katawan ko. Biglang lumuwag ang aking pakiramdam. Para akong nagbubutis sa sobrang dami ng ihi ko, grabe! Hanggang sa may narinig akong paparating. Hinayaan ko lang dahil sa pagkakaalam ko ay baka iihi rin ito. Nang may biglang bumukas ng pintuan kung saan ako umiihi.

“Aaahhh!!!” Dahil sa sobrang pagkagulat ko ay bigla na lang akong humiyaw nang sobrang lakas. Ibinato ko ang tabo sa lalaking nangtangkang silipan ako.

“Miss, stop, stop. Don’t be hysterical,” awat niya sa’kin habang patuloy pa rin ako sa pagsabunot sa kaniya.

“Maniyak! Mamboboso! Anong ginagawa mo dito sa women’s CR? Ha? Sagot? Hindi ka makasagot, sige isusumbong kita sa Guidance,” pagbabanta ko sa kaniya.

“Miss, nahihibang ka na ba? O Hindi ka lang marunong magbasa. Palikuran ho ito para sa mga lalaki,” mariin niyang sinabi na halatang galit na galit.

“Nagbibiro ka ba?” sagot ko sa kaniya dahil sa narinig ko. Lumapit ako sa kaniya at saka pinagpapapalo ng tabong kanina ko pa hawak-hawak, hanggang sa makita ko ang nakasulat sa itaas ng pader malapit sa pintuan. “HE” ang nakalagay rito. Bigla na lamang akong natahimik at yumuko dahil sa sobrang hiya.

“Sige sabihin mo at tingnan natin kung sinong pagtatawanan sa’ting dalawa. Ako na sinabi mong nanilip sa men’s CR o ikaw na umihi sa men’s CR. Ano sagot? Tingan natin kung sino ang hindi nila sabihan ng mamboboso,” pagtataas niya ng boses sa’kin, habang magkasalubong ang kaniyang mga makakapal na kilay at kunot ang noo.

Dala ng sobrang hiya dali-dali akong lumabas sa palikuran ng mga lalaki. Sobrang nakahihiya talaga. Hindi ako makapaniwalang umihi ako sa men’s Cr. “Ano? Umihi ako sa palikuran ng mga lalaki,” sabi ko sa sarili. Sana lang hindi na ito mangyari pa at sana hindi ko na rin siya makita pa. Nakakahiya!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status