Share

Kabanata 3

Gisselle

Marahan kong nakagat ang ibabang labi at umiling dito. Hindi ko napigilan ang muling pagbuhos ng mga luha ko habang nanginginig sa kaba. Mas lalo akong natakot nang maramdaman ko ang paghablot sa akin ni Dad at ipinasan ako. 

Tila lahat ng tapang ko ay naglaho sa mga oras na ’yon. Nanlabo ang paningin ko dahil sa luha at hindi napigilan ang pag-alpas ng hikbi. 

“Bakit ba takot na takot ka? Hindi ka naman kakatayin dito. Ang lakas nga ng loob mong gumawa ng kalokohan, ngayong sinisingil ka na ay tiklop ka naman,” ani Dad pagkalapag nito sa akin sa upuan na inupuan ko kagabi rito sa presinto. 

Talagang sinadya niya iyong iparinig sa mga pulis na naririto para mapagtawanan ako, at hindi naman siya nabigo dahil pati iyong lalaki na kausap ko kagabi ay natawa nang mahina. 

“Ahm, pagpasensiyahan n’yo po sana si Gisselle, Sir. Takot po kasi ’yan sa inyo kaya nagkakaganiyan,” dagdag pa ng ina ko na ikinahawak ko sa laylayan ng bestida nito. Ngumiti lamang ito sa akin at tinuyo ang mukha ko. “Sige na, anak. Iiwan ka na namin dito. Magpakabait ka sana.”

Pakiramdam ko ay pinanunuyuan ako ng lalamunan. Aalis na sila, at maiiwan na akong nag-iisang ordinaryong tao rito. 

“Sige ho, Misis at Mister. Hindi naman po namin pababayaan si Miss Gisselle rito. Ite-text ko rin ho kayo kapag pauuwiin ko na siya para masundo ho rito,” rinig kong wika ng Guevarra na ’yon sa magalang na tono. 

Sa loob ko ay nais kong umangal. Bakit ba bine-baby nila ako rito? Really, ipapasundo ako rito? Kaya ko namang umuwi nang mag-isa!

Nang magpaalam na ang mga magulang ko ay halos hindi na maipinta ang mukha ko. Hindi ko alam ang gagawin kung tatayo ba ako o mananatili na lang sa pag-upo roon. I don’t know, mas lalo akong kinakabahan dahil lahat sila ay nakatingin sa akin. Marami pala sila rito, kagabi ay iilang piraso lang. 

Tanging pagtungo na lamang at paglalaro sa strap ng sling bag ko ang nagawa ko ilang minuto matapos maka-alis ang parents ko. 

Nag-angat lang ako ng tingin kay Guevarra nang kausapin ako nito. Doon ay naabutan ko itong pigil ang mga ngiti habang pinagmamasdan ako.  

Tumikhim ito. “Good morning, Miss Gisselle. May lakas ka na ba?” 

Awtomatikong kumunot ang noo ko. “A-Ano po, Sir?”

Tila naman ito biglang natauhan sa sinabi at napailing. “I mean, nag-almusal ka na ba? Kasi may ipapagawa ako sa ’yo mayamaya kaya kailangan may lakas ka.”

Tumango na lang ako rito. Of course, kaya nga ako nakarating dito ay dahil may lakas ako. Hindi rin naman ako papupuntahin ni Dad dito nang nanginginig sa gutom. 

“Good. Now, follow me.” Bigla itong tumayo kaya naman nataranta ako. 

Mariin kong kinagat ang ibabang labi habang napipilitan na sumunod dito palabas. 

Mas lalo akong nailang dahil pati sa labas ay ang dami niya ring kalahi. Ayaw akong lubayan ng tingin kaya naman naiilang ako lalo. 

“May mga kinupkop kami rito na mga aso’t pusa. Ang gagawin mo lang ay pakakainin sila tuwing umaga—kapag naririto ka nang maaga, sa tanghali rin at kapag pagabi na. May mga binili akong pagkain nila riyan sa loob. Huwag kang mag-alala dahil mababait naman ’yan sila at naturukan na rin ng anti-rabies nitong nakaraang buwan lang.”

Nabaling sa itinuro nito ang atensiyon ko at hindi naka-imik. Tatlong aso iyon at isang pusa na bagamat mukha talagang galing kalye ay masisigla naman kumilos. 

Agad na tumayo at lumapit kay Guevarra ang mga aso niyang ampon at naglambing. 

Mahilig pala siya sa mga hayop. Yeah, whatever. 

Muntik pa akong mapasigaw nang lapitan ako ng isang aso na balak lang naman akong amuyin at batiin. Hindi ko napansin na bahagya pala akong napakapit sa uniporme nito na agad ko ring ikinabitiw. 

Yuck. 

Nagpagpag ako ng mga kamay at lihim na umismid. 

“Huwag kang matakot sa kanila. Huwag ka ring matakot sa akin—sa amin dito dahil hindi ka naman namin sasaktan. Mababait ang mga kasamahan ko na ’yan, Miss,” aniya na natatawa. Bigla nitong itinuro ang mata ko at napangiti nang tipid. “Namumula pa ’yang mga mata mo. Iyakin ka pala,” biro niya na hindi ko sinagot kahit ngiti lang. 

Nanatiling blangko ang mukha ko at tumungo. Umiyak lang nang isang beses, iyakin na? Siya ba, hindi umiiyak sa tanang buhay niya? Yeah, whatever. 

Napansin ata nito na hindi ako puwedeng biru-biruin kaya sunod nitong itinuro sa akin ang mga halaman nila rito. 

“Pagkatapos mong magpakain ay mga halaman naman ang didiligan mo. Matindi palagi ang sikat ng araw rito at madaling matuyo ang lupa, kaya dapat araw-araw ang pagdidilig mo. Ingatan mo sila at huwag na huwag mong tatangkaing lunurin dahil mga alaga ko ’yan.”

“Pagsisilbi ba sa komunidad ang gagawin ko o pagsisilbi sa mga alaga mong hayop at halaman, Sir?” seryoso kong tanong habang nakamasid sa mga rosas na nasa gilid. May malawak na espasyo rito sa loob, ganoon din sa labas ng gate nila na halos puro puno at halaman. Sabagay, probinsiya ito. 

Napakaraming puno at halaman pala rito na hindi ko napansin kagabi. Masasabi kong maganda at malinis ang kuta nila rito at halatang inaalagaan. 

Narinig ko ang mahinang pagtawa nito na muli kong ikinabaling dito. 

“Of course not. Magwawalis-walis ka rin dito sa labas at loob kapag napansin mong marami nang kalat at dumi. Kapag naging busy naman kami rito ay uutusan ka rin namin sa ibang bagay na hindi naman mabibigat. Kapag naman nagutom ka o nauhaw ay lumapit ka lang sa akin, okay?” Isinuksok nito ang mga kamay sa bulsa. 

“Okay po...”

“May tanong ka pa ba, Miss?” pahabol nito na agad kong ikinailing. 

Tatapusin ko lahat ng ito para makauwi na rin ako. Tingin ko madali lang naman ito. Tsk. 

“Sige, iiwan na kita rito at may gagawin pa ako sa loob. Lapit ka lang sa akin kapag may kailangan ka pa,” dagdag niya pa na ikinatango ko na lamang. Hinintay ko itong makaalis sa harapan ko bago lapitan ang mga alaga niyang hayop na naririto. 

Sana naman ay may mahuli rin mamaya na curfew violator para may kasama ako rito. Masyadong nakakailang. 

Napahinga ako nang malalim bago bumalik sa loob. Napansin agad ako niyong Guevarra at pinagmasdan. 

Inilapag ko ang sling bag sa upuan ko kanina at hinarap ito. “Nasaan po ba ang pagkain ng mga hayop?”

Tiningnan muna ako nito bago ilabas ang sako-sakong pagkain ng aso’t pusa mula sa gilid niya. Walang imik akong sumandok doon ng pagkain. May pangsandok naman kaya hindi marurumihan masyado ang mga kamay ko. 

Matapos kong magpakain ng hayop siya—I mean, ng mga hayop niya ay kinuha ko ang balde sa likod banda ng police station nila. May gripo na rin doon at nakita ko pa ang mga walis at mop nila. 

Kung sa tingin ni Dad ay mapapatino ako sa pamamagitan nito mula sa mga bisyo ko ay nagkakamali siya. Hindi ako titigil hangga’t hindi ako nasa-satisfy sa lahat ng pang-iinis ko sa kaniya. 

Iginugol ko ang oras ko sa pagdidilig ng mga halaman na narito. Napukaw pa ng isang malaking hilera ng mga sunflower ang atensiyon ko. Napaisip tuloy ako kung babalakin ko bang nakawin ang isang bulaklak na naroon, pero baka huwag na dahil mas malaki pa sa mukha ko ang bulaklak ng sunflower, at mas matangkad pa kaysa sa akin. Baka isipin pa ng mga tao na malala na ako. 

Manghihingi na lang ako siguro kay Guevarra ng buto ng sunflower niya mamaya o bukas kapag medyo kumalma na ako. 

Nag-inat ako ng katawan makalipas ang halos isang oras na pagdidilig at pagtingin-tingin sa mga halaman nila rito. I had no interest in nature before, pero ngayon ay na-appreciate ko ang ganda nila. Nakakatuwa rin palang pagmasdan ang mga bulaklak, puno at mga kung ano-anong klaseng halaman. 

Kapag nagkaroon lang ako ng libreng oras sa bahay ay susubukan kong libutin ang lupain namin doon—na dati ko pa kinatatamarang gawin—na tinatamnan ni Dad at ng mga tauhan niya. 

Pagtanaw ko sa ’di kalayuan ay namangha ako bigla dahil sa nasumpungan kong kiat-kiat. 

What the fuck? Ang liit-liit pa lang ng katawan pero namumunga na? Is that even possible? Or sadyang ignorante lang talaga ako sa nangyayari sa mundo ng mga halaman?

Hindi pa nga ata aabot ang tangkad n’yon sa balakang ko. Nakakaaliw naman tingnan. 

Napangiti ako at binitiwan ang tabo na hawak at lumapit doon. Kahilera n’yon ang mga kalamansi na halos hanggang balakang ko na rin ang taas. 

Saan ba ito nabibili at nang makabili rin? I’ll definitely buy hundred of fruit-bearing trees like this! 

Nag-squat ako at inipon ang saya ng bestida ko upang hindi marumihan. Ipinatong ko ang baba sa palad at mariing pinagmasdan ang kulay orange na maliit na prutas. Pinasadahan ko iyon gamit ang hintuturo at dinama. 

Nang hindi ako makuntento ay hinawakan ko na iyon at pinisil-pisil, just to make sure it is real and not a styrofoam. 

Napangiti ako dahil totoo nga, pero ang ngiting iyon ay agad na nawala. Nanlaki ang mga mata ko nang bigla kong nahila ang prutas. Napigtas iyon mula sa kinakapitan n’yon na ikinamaang ko. 

Shit! Agad akong luminga-linga sa paligid upang tingnan kung may nakatingin ba. Wala naman, pero ’yong lalaking si Guevarra ay tanaw na tanaw ako mula sa puwesto niya, pero hindi naman nakatingin sa puwesto ko at ngingiti-ngiti lang sa upuan nito habang nagbabasa ng mga papeles. 

Ho! I thought madadagdagan ang parusa ko rito. 

Nag-isip pa ako ng paraan para maibalik iyon doon sa puno. Pero imposible na dahil wala nang makakapitan ang hawak kong bilog na prutas. 

Napahinga tuloy ako nang malalim at mariing napapikit. Isiniksik ko na lamang iyon sa bulsa ng short ko sa ilalim ng bestida ko. 

Shit. Kinakabahan na ako sa ginagawa kong ito. Pasimple akong umalis doon na para bang walang nangyari. Niligpit ko ang balde at tabo na ginamit ko bago bumalik sa loob. Wala pa naman akong wawalisin sa labas dahil hindi pa naman marami ang mga nagkalat na dahon. 

Bumalik ako sa upuan ko na ikina-angat ng tingin ni Guevarra sa akin. Ibinaba nito ang binabasang papel at nakahalukipkip na sumandal sa swivel chair niya. 

Agad akong nag-iwas ng tingin at sinadyang huwag itong tingnan. Parang nakakatakot naman ito tumingin. Pakiramdam ko, wala pa akong sinasabi ay alam na niya agad ang sikreto ko. 

“Tapos ka na ba?”

Marahan akong tumikhim. “Yes, Sir. Napalamon ko na ’yong mga alaga mo, at nadiligan ’yong mga flowers-flowers mo riyan sa likod,” magalang kong tugon na ikinatango nito. 

“Good. Maupo ka na lang muna riyan. Baka mamaya ay utusan kita,” anito pa na ikinatango ko. 

Naisipan kong maglibot-libot ng tingin sa kabuoan ng station nila rito. Boring sa paningin ko lalo’t puro asul ang nakikita ko. Not my type. 

Humikab ako’t humalukipkip. Naisipan kong tanawin ang mga papel na nasa gilid ko lang, sa table niya na katabi ko. Doon ko lang napansin ang pangalan nito na halos tuklawin na ako pero ngayon ko lang napansin at napagtuonan ng atensiyon. 

PCol. Carlos Joseph Guevarra...

Agad ko ring ibinalik ang tingin sa lalaki na nahuli kong pinagmamasdan ang mukha ko na kanina’y nakatitig sa nameplate niya. 

“Anong oras ba ang uwi ko, Sir?” tanong ko na siyang nagpaseryoso sa mukha niya. 

Umalis ito sa pagkakasandal sa upuan at ipinatong ang mga kamay sa mesa niya. Mariin niya akong tinitigan na ikinailang ko. 

“Bakit? Magba-bar ka ulit mamaya?” anito na nahulaan agad ang binabalak ko. What the hell?

“Of course not! Gusto ko lang malaman para may ideya ako, Sir,” pagdadahilan ko na ikinaismid niya. 

“Sasabihin ko na lang sa ’yo kapag pauuwiin na kita at baka magplano ka pa ng gala sa kung saan-saan mayamaya. Kung puwede nga lang ay ako na ang maghatid sa ’yo sa inyo,” aniya na hininaan lang ang huling sinabi. 

Nag-isang linya ang mga labi ko dahil umabot pa iyon sa pandinig ko. No way! Hindi ko masisikmurang ihatid niya ako pauwi, baka gawan niya pa ako ng masama sa gitna ng kalsada at talahiban. 

Muli akong napahikab at kinuha ang phone mula sa bag ko. Nag-open ako ng account upang aliwin ang sarili pansamantala mula sa nakakabagot at nakakabinging katahimikan ng presinto nila. 

‘Gaga. Nasa presinto ka raw ngayon?’ basa ko sa nag-pop up na message ni Thea. 

Napairap ako at nagtipa. 

‘Yep, nakakaaliw ngang umupo rito, e. Magpahuli ka rin kaya mamayang gabi para magkasama tayo rito.’

Agad itong nag-send ng mensahe na ikina-ayos ko ng upo. Tiyak na papetiks-petiks lang ito ngayon sa school. 

‘Gosh, pamangkin! ’Yan na nga ba ang sinasabi ko, e. Bokya ka tuloy ngayon. Ano oras ba uwi mo, girl?’

Napahinga ako nang malalim at napailing. 

‘Hindi ko alam, huwag mo na ring itanong. Ano na pala ang balita riyan? Sino panalo?’

Muling nag-vibrate ang phone ko. 

‘Wala pa. On-going pa lang ang laban.’

Nag-okay na lang ako rito bago muling itago ang phone ko. 

Sana pala pumasok na lang ako ngayon. Mas boring pa pala tumambay rito kaysa sa school. 

Tahimik kong kinalkal ang sling bag ko para lang may magawa at mapagbalingan ng atensiyon. Nang maalala ko ang kiat-kiat sa bulsa ko ay pasimple ko iyong dinukot at inilagay sa loob ng bag. 

“Gutom ka na ba?” 

Agad akong nag-angat ng tingin dito at umiling. “Hindi pa po. Nauuhaw lang.”

Sinundan ko ito ng tingin nang mabilis itong tumayo at lumapit sa water dispenser nila rito. Lihim na lamang na tumaas ang isang kilay ko habang nagmamasid dito. 

Pinagsisilbihan niya ako, e, samantalang ako ang dapat na magsilbi rito? Bumaliktad ata. 

Gayumpaman ay tinanggap ko pa rin ang inabot nitong isang baso ng tubig at nagpasalamat. 

Nang maubos ay ibinalik ko rin iyon sa kaniya at pinunasan ang bibig. Nagtaka pa ako nang maupo ito sa kanto ng desk niya habang nakahalukipkip na nakatingin sa akin. 

Agaran ang ginawa kong pag-iwas at pagtikhim. Ano ba sa tingin niya ang ginagawa niya? Kung makatingin ay para akong pinagtatawanan sa isip. Dahil ba sa umiyak ako kanina? Tss. 

“Pulis pala noong nabubuhay pa ang lolo mo, ganoon din ang tatay mo. May sundalo na ba sa inyo?” usisa nito na lihim kong ikinatigil. 

Bakit niya alam?

Pasimple akong nag-angat ng tingin dito. “Meron, uncle ko po, Sir.”

Tumango-tango ito. “Ang lolo ko at mga anak niyang lalaki ay nagsundalo rin noon. Ang iba ay active pa tulad ng pinakabatang tito ko. Ako lang ang nag-pulis sa amin,” pagkukuwento niya na wala naman akong pakialam. 

Tumango lamang ako ngunit tila ang dami nitong oras makipagdaldalan ngayon. 

“Dito ko na rin halos iginugugol ang oras ko sa police station simula nang mawala ang ina at ama ko, parehas silang sundalo na namatay sa pakikipaglaban. Wala naman akong kapatid na makakasama pa sa buhay, maliban sa mga tito ko na may kaniya-kaniya ring buhay. Masuwerte ka pa nga dahil nariyan pa ang mga magulang mo na gumagabay sa ’yo. Imbis na magrebelde ka sa kanila ay dapat sinusulit mo ang pagkakataon na nasa tabi mo pa sila. Hindi natin hawak ang kapalaran nila,” anito na natulala ang mga mata sa kawalan. 

Ayoko mang makinig sa kadramahan nito sa buhay ay kahit papaano’y medyo nahahabag din ako para rito. Tiyak na napakatahimik ng buhay niya. Kaya pala mukha siyang tahimik na tao, nawawala lang ang impresyon kong iyon sa kaniya kapag ganitong madaldal siya. Pansin ko pa na matipid ito kung makipag-usap sa mga kasamahan niya rito, at kadalasan ay puro tango lang. 

Sa muling pagkakataon ay tumango lamang ako rito at inilabas ang payo nito sa kabilang tainga. Whatever. Tiyak na si Dad din ang nagkuwento sa lalaking ito patungkol sa mga  pinaggagagawa ko sa buhay. 

Wala ba siyang ibang tinatrabaho ngayon at dakdak siya nang dakdak? Wala naman akong interes na makipag-usap sa matandang tulad niya. Puro pangmatatanda lang ang usapan. 

“Ikaw, ano ba ang pangarap mo sa buhay?” mayamaya’y tanong nito na muli kong ikinatingin dito. 

“Pangarap ko po? Marami, Sir. Ang iba ay nabuo ko na at natupad, and I’m still looking forward for more. Pagtapos ko ng kolehiyo ay uumpisahan ko na ang mga main goal ko sa buhay. I want to be a business woman,” tugon ko na ikinangiti nito. 

“Hindi ka lang pala pasaway. May pangarap ka rin sa buhay at hindi nagpapabaya. I’m happy to hear that, Miss Gisselle. Tama ’yan, huwag puro bisyo ang inaatupag dahil wala namang patutunguhan ’yang masasamang bisyo na ’yan. Sisira lang ’yan sa buhay ng tao.” Ngumiti ito at nag-thumbs up sa akin na ikinaiwas ko ng tingin. “Sa nakikita ko ay mabuti ka namang bata. Magalang ka ring sumagot. Sana pati sa Dad mo ay i-apply mo rin ang ganiyang katangian.”

Psh. Bata? Do I look like a kid? Yeah, whatever. 

Nakaupo lamang ako roon hanggang sa sumapit ang dapit-hapon. Antok na antok ako habang naghihintay ng ipapagawa nila sa akin, pero mukhang wala na. 

Anong oras ba ang uwi ko? Wala naman ako halos ginawa rito. Sana pinauwi na lang nila ako kaysa tumunganga ako rito na parang tanga. 

“Ah, Sir? Puwede pong magtanong?” biglang pukaw ko sa officer na nasa tabi at may ginagawa. Agad naman itong napatingin sa akin at ngumiti. “Anong oras ho nagsasara itong police station n’yo?” tanong ko na ikinatawa ng mga nakarinig. 

Awtomatikong nag-isang linya ang labi ko at nagtaka. 

“Hija, bente kuwatro oras bukas itong police station. Bakit mo naitanong?” medyo natatawang wika ng mamang kinausap ko dahil sa kaignorantehan ko. 

Tila ako napahiya roon kaya napakamot ako ng ulo. “Wala ho. Hindi ko po kasi alam kung anong oras ako makakauwi,” pag-aamin ko. 

Nakakabuwisit kasi ’yong Guevarra na ’yon. Tamang hinala. 

“Ganoon ba. Mas mabuting si chief na lang ang tanungin mo patungkol diyan—O, nariyan na pala siya!”

Napahikab ako nang pumasok si Guevarra na agad na napatingin sa akin. 

Lihim akong napaismid dahil sa pagkabuwisit dito. 

“Bossing, tila uwing-uwi na si Miss. Nagtatanong na kung anong oras daw ba ang uwi niya,” anang tila binatang pulis na hindi ko kilala. Pero sa pagkakatanda ko ay isa ito sa mga humuli sa akin kagabi. 

Natawa ang mga ito, samantalang ako ay tumungo. Wala namang nakakatawa. 

“Nakausap ko na ang tatay niya para sunduin dito. Papunta na rin iyon ngayon,” rinig kong wika ni Guevarra na ikinamaang ko. 

Ho! Makakauwi na rin. Inayos ko sandali ang sarili at huminga nang malalim. Makakaalis na rin ako sa impyernong ito. 

“Bossing, may nawawalang isang bunga ng kiat-kiat sa likod. Bilang na bilang ko ’yon, e. Tila may dumali na roon, inunahan na agad tayo.”

Agad akong nag-angat ng tingin sa lalaking pumasok at natigilan. Tila ako biglang namutla nang mapatingin sa akin si Guevarra nang seryoso. Agad din naman nitong ibinalik sa lalaking pumasok ang tingin at namaywang. 

“Hayaan n’yo na ’yon. Baka may kumuha lang na daga—malaking daga,” anito na ikinapikit ko nang mariin. 

Shit. Mukhang nakita niya nga ako kanina kaya nagpaparinig siya nang ganito sa akin. Kung isasauli ko naman ay nakakahiya lalo’t ang daming nakamata sa akin dito. 

Inis kong kinagat ang ibabang labi at napa-asik nang marinig ang tawanan nila...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status