Share

KABANATA 4

KABANATA 4

Hanggang ngayon, isa pa ring pala isipan kay Catalina ang sobreng natanggap kagabi. Wala siyang maisip na ibang taong puwedeng gumawa noon at napaka imposible para sakaniya na bigyan siya ng ganoon kalaking pera dahil lang sa natuwa ito sakaniya.

" Baka naman bilyonaryo kaya parang barya lang sakaniya yung ganiyang kalaking halaga, " ani Mariah na kasama niya sa pag iisip ng maaaring rason kung bakit siya nakatanggap ng ganitong kalaking pera. " Alam mo, kung ako sayo gastusin mo na 'yan. Hindi ba't sinabi mo na marami kang utang na kailangan bayaran? Ayan, sinagot na ni Lord ang dasal mo. Isang bagsakan na lang para tapos ang problema mo. "

" No, hindi ko 'to gagalawin. Baka mamaya may kapalit 'tong binigay niya, ayokong magsisi sa huli, " sagot niya saka itinabi ang pera sa isang kahon. " Wala akong tiwala sa taong nagbigay niyan saakin. Paano kung iyang pera na 'yan, nakaw pala tapos naghahanap lang siya ng kasama sa kulungan, diba? No thanks. Hindi na baling maghirap ako dito sa ginagawa ko, basta huwag lang ako madamay sa gulo. "

Napakamot sa ulo si Mariah. " May punto ka naman. Pero sayang 'yan kung itatabi mo lang. Baka mamaya may kumuha pa niyan dito. "

" Okay lang, at least di ako ang makikinabang kaya kung sakaling galing ang pera na 'yan sa masama, malinis ang konsensiya ko, " sagot ni Catalina saka tumayo at inayos ang pagkakatali niya sa buhok. " Kailangan ko ring makausap si Janice tungkol dito para kapag bumalik ulit iyong customer na 'yon, makita ko siya at matanong kung anong trip niya. "

Natatawang umiling si Mariah dahil hanggang ngayon, hirap pa rin siyang malaman kung paano ang takbo ng utak ng dalagang kasama niya. Hindi niya mahulaan kung ano sunod na lalabas sa bibig nito sapagkat hindi nagtutugma ang ekspresyon ng mukha niya sa sasabihin niya.

Lumabas si Catalina ng bahay para magtungo sa kalsada at magpunta sa club na katapat lang ng tinutuluyan nila. Tatawid lang siya ng kabilang kalsada at hayon na, nasa trabaho na siya. Ala-dyes pa lang ng tanghali kaya tulog pa ang karamihan sa mga kasama nila, umaga na kasi kung mag sara ang night club kaya hapong-hapo ang lahat. Panigurado mamaya, sasabak na naman sila giyera.

" Good morning, Maam, " nakangiting bati sakaniya ng janitor na abala sa pagliligpit ng mga kalat sa bawat mesa.

" Good morning din po. Nakita niyo ho ba ngayon si Janice? " tanong ni Catalina saka tinulungan ang matanda na ilagay sa basurahan ang mga kalat na dala niya.

" Naku hija, salamat pero h'wag ka na tumulong at baka madumihan ka pa, " anito sakaniya saka itinuro ang isang pinto kung saan ang pahingahan ni Janice. " Nariyan siya sa loob at mukhang tulog pa dahil di ko pa nakikitang lumalabas mula kanina. Katukin mo na lang. "

" Sige po, salamat, " aniya saka naglakad papunta doon sa itinurong silid at nakahanda na sana siyang kumatok nang makarinig ng ungol mula sa loob. Ibinaba na lang niya ang kamay saka tumalikod para lumayo sa kuwarto.

" Oh, bakit di ka pumasok? Wala ba diyan sa loob? " takhang tanong sakaniya ng janitor.

" Busy po. Mamaya na lang ako babalik, pasabi na lang po na galing ako dito. Salamat, " hindi na siya nag tagal pa sa loob at naglakad na palabas ng establisyemento. Bigla siyang napangisi. " Wala siyang kapaguran. Araw-araw ba siyang may performance? "

Tatawid na sana siya sa kabilang kalsada nang maaninang ang isang sasakyan na nakahinto sa tapat ng tinutuluyan niyang bahay. Bumaba ang isang pamilyar na matandang lalake at sa tindig pa lang nito, kilala na niya kung sino iyon.

" Patay tayo n'yan, " bulong sa sarili at di na nagdalawang isip umalis sa kaniyang kinatatayuan para maghanap ng maaaring pag taguan. Sa dami ng taong pinagkakautangan niya, isa ang lalakeng 'yon sa di niya makakalimutan dahil bukod sa malaki itong magpatong ng interes, pati ang kaluluwa mo ay kasama sa sisingilin niya.

***

Sunod-sunod na pinaputukan ni Rostam ang human shooting range na nasa kaniyang harapan. Halos pamuno na ito ng butas at wala ng espasyo para sa panibagong bala na kaniyang kinakasa.

" Boss, may gustong kumausap sayo, " ani Lorenzo na nasa likuran niya dala ang cellphone na panay ang tunog kanina pa.

" Mas importante ba 'yan sa ginagawa ko? " tanong ni Rostam saka muling nagpaputok patungo sa tina-target niya.

Napakamot sa ulo si Lorenzo. " Boss, sa tingin ko oo. Baka kasi kung di mo siya kausapin, gumawa na naman siya ng gulo. "

Mariing napapikit si Rostam saka binaba ang baril na kaniyang hawak. Inalis ang suot na ear protector bago kuhanin ang cellphone kay Lorenzo.

" What? " bungad niya sa kabilang linya.

" Anong what? Nasaan ka ba?! Ayaw ako papasukin ng mga tauhan mo sa Hacienda! Ano, isinama mo na ako sa blacklist? " nag aalburotong tanong ng isang babaeng kausap niya. Hindi sila magkausap ng personal pero damang-dama ni Rostam ang apoy na lumalabas sa bibig nito patungo sa kaniyang tainga.

" Ano bang kailangan mo? " tanong niya saka lumabas ng shooting range.

" Kailangan ko ng pera, " hindi pagdadalawang isip na sagot nito sa kaniya, " Ngayon na mismo. Kung hindi mo kaya ibigay saakin ng cash, sa bank account mo na lang i-transfer. "

" Paano kung sabihin kong hindi ko kaya sa dalawa? "

" Wow, ako pa ang niloko mo? Ako na ate mo? " sarkastiko itong natawa, " Pumatay nga ng tao, nakaya mo. Tapos sasabihin mong di mo kaya mag bigay ng pera. G*go ka ba? "

Hindi na siya nag abalang sumagot dahil binabaan na niya ng tawag ang kapatid niyang ilang segudo lang ang tanda sakaniya. Nagtungo siya sa opisina at naglabas ng pera para ibigay sa kapatid niyang nasa labas ng gate. Inilagay niya ito sa puting sobre bago iabot kay Lorenzo.

" Kung pinahahalagahan niya buhay niya, h'wag na kamo siyang babalik pa dito dahil ako mismo tatapos sa kaniya, " aniya ngunit batid niyang kahit anong gawing paalala at pagbabanta sa kapatid, babalik at babalik pa rin ito para manggulo at humingi ng pera sakaniya. Kapag hindi naman nasunod ang gusto, gagawa't gagawa ito ng paraan para may pumansin at makuha ang kaniyang nais.

Lombardi. Pamilya ng mga sakim at sa oras na hindi umayon sa kanila ang plano, handang hamakin ang lahat masunod lang ang gusto.

***

" Hoy hija, saan ka ba galing at anong oras ka na nakauwi? " tanong ni Janice kay Catalina nang magkasalubong sila sa labas ng bahay. Kababalik lang niya galing sa mga lugar na pinuntahan niya para magpalipas ng oras at pagtaguan ang pinagkakautangan niya.

" Nagtago lang ako kay kamatayan, " aniya saka pumasok sa loob para hanapin si Mariah. Nakita niya ito sa kusina kaya agad niya itong nilapitan. " Mariah, iyong dumating kanina--"

" Sira ka, saan ka ba nanggaling? Pinakaba mo kami! " anito nang makita si Catalina, " at oo, may mga dumatig kanina at hinahanap ka! Sinisingil ka nang napaka laking halaga, beb! Jusmiyo, hindi mo naman kami in-inform na pupunta pala 'yon dito ah. Kinabahan kami. "

" Pasensya na pero wala rin akong idea kung paano nila ako nahanap dito. I'm sorry kung may ginawa silang hindi maganda sainyo, " aniya saka nilingon ang mga babaeng kasamahan niya. " Nakita ko na kasi sila kanina sa labas kaya di na ako tumuloy dito sa loob. Ngayon lang ako nakabalik dahil kung saan-saan ako nagpupupunta kanina para matakasan lang sila. Baka mamaya pag-uwi ko kasi, nandito pa mga 'yon."

" Huwag kang mag alala, hindi naman namin sinabi yung totoo na nandito ka. Hindi kami nagsalita at sinabi namin na di ka namin kilala, " sabi ng isa kaya bigla siyang nakahinga nang maluwag. " Pero mukhang hindi siya naniwala dahil babalik daw siya dito. "

" Sh*t, " napamura nalang siya saka naupo sa silya. Isang malalim na buntong hininga lang ang kaniyang pinawalan habang nag iisip ng paraan para siya'y tigilan.

" Paano kung ibayad mo na lang sakaniya yung perang natanggap mo kagabi? " suhestiyon ni Janice, " Para tapos ang problema mo, hindi ba? Marami naman 'yon, siguradong may matitira ka pa. "

" Hindi ko gagalawin 'yon. Ibabalik ko yung pera na 'yon sa nagbigay saakin, " aniya, " Wala akong tiwala sa nag abot noon saakin. Feeling ko isa lang 'yon pain at hinihintay niyang gamitin ko 'yon para sa pansarili niyang interes, so hindi. Hindi ko 'yon gagalawin. "

" Kung ganoon anong balak mo? Nakakatakot pa naman yung matanda kanina. Parang miyembro ng kung anong sindikato, " ani Mariah na agad sinang-ayunan ng mga nakakita.

" Bahala na, " ang tanging nasabi na lang ni Catalina dahil wala siyang ka-plano-plano talaga. Puro pagtatago lang ang mga solusyon na ginagawa niya dahil iyon lang ang kaya.

Nang sumapit ang gabi, panibagong pakikipag sapalaran na naman kay Catalina ang kahaharapin niya sa club. Maaga pa lang pero marami ng parokyano ang nagsisidatingan sa loob.

" Itali mo kaya ang buhok mo ngayon para maiba sa style mo kagabi? " ani Mariah matapos kulutin ang dulo ng buhok ni Catalina. " I mean, since naka off shoulder ka naman, itodo mo na. Ilitaw natin iyang collarbone mo para dagdag sa atraksyon. "

" Wow, ano ako lugar? Tapos sila turista? " Iiling-iling na wika ni Catalina saka tumayo sa kinauupan niya sabay ayos ng kaniyang buhok. " Okay na ako dito sa hitsura ng buhok ko. Thank you ulit. "

" Teka, yung hikaw pa! " tawag ni Mariah kay Catalina dahil tuluyan na itong lumabas sa silid para magsimulang mag trabaho ngayong gabi. Napabuga na lang siya sa hangin saka ikinabit ang hikaw sa magkabila niyang tainga. " Nope, hindi bagay saakin. Huwag na ipilit, Mariah. "

Sinalubong ng ingay at dami ng tao si Catalina nang siya'y makaalis sa kwarto kung saan sila nag aayos ng mga sarili nila. Iilan na lang ang bakanteng mesa dahil unti-unti na itong pinupuno ng mga parokyanong handa na ring mag liwaliw hanggang umaga.

" Catalina, padala nga 'to sa table number four, " tawag sakaniya nung bartender saka ibinigay ang dalawang bucket of ice. Agad naman niya itong sinunod at inihatid ito sa nasabing mesa. May musika na ring tumutugtog na nagpapadagdag sa ingay at kulay ngayong gabi.

" Lap dance! Lap dance! " Naagaw ang atensyon ni Catalina sa grupo ng mga kalalakihan na nagsisimula ng maging wild. May ilang babae na ang nandoon sa kanilang mesa upang gawin ang hinihiling ng kanilang mga parokyano.

Bigla siyang napalunok at agad na inalis ang tingin sa puwestong iyon. Gusto niyang kumilos at gumawa na naman ng eksena pero hindi niya ginawa dahil ito ang trabaho nila. Ito na ang mundong titirhan niya dahil wala na siyang pag-asa pang nakikita para magkaroon ng malinis na pera. Kailangan lunukin ang pride at magpakatatag dahil ito na lang siya.

Walang pera, walang tirahan, walang magulang at walang kaibigan kaya kahit nakakasuka ang mga nakikita niya sa paligid, tiis lang ang kailangan dahil sabi nga sakaniya ni Mariah, darating din ang araw na masasanay ka.

Itinuon niya ang buong atensyon sa pag s-serbisyo sa mga parokyano at habang palalim nang palalim ang gabi, lalong dumadami ang tao sa loob. Nasa ikalawang palapag siya ngayon at damang-dama niya ang dagundong ng musika sa paanan niya pati na rin ng mga tao na nagtatalunan sa kanilang kinatatayuan para enjoy-in ang pinatutogtog ng DJ sa harap.

" Catalina! " Napatigil siya sa pagbaba ng hagdan nang marinig ang boses ni Janice sa kung saan. Hinanap niya ito at naroon ito sa dulo ng pasilyo kaya bumalik siya sa itaas para puntahan ito na panay ang senyas sakaniya na bilisan niya.

" Bilisan mo, ang bagal mo! " anito saka hinila ang kaniyang braso para ilapit sakaniya. " Hindi ba't gusto mo makita yung taong nagbigay sayo ng pera kagabi? Ayun! Nasa ibaba! "

Sinundan niya ng tingin ang hintuturo ni Janice pero sa dami ng tao, hindi niya matukoy kung sino ang tinuturo nito.

" Ang daming tao, sino dyaan? "

" Iyong malapit sa exit! Iyong mga nakatayo tapos may sigarilyo sa bibig! " ani Janice sabay hawak sa ulo niya para i-dungaw sa ibaba. " Ano nakita mo na? Iyong lalakeng mga naka suot ng itim na suit! "

Pinaliit ni Catalina ang mata niya para madaling mahanap ang tinutukoy ni Janice at doon, namataaan niya sa ibaba yung mga lalakeng nakatayo at nag uusap-usap. Hindi pa man nagtatagal ang mga tingin niya, bigla na lang silang lumabas sa pintuan kung saan ang exit kaya parehong nataranta ang dalawa.

" Habulin mo at mag pasalamat ka! " sabi ng katabi niya at iyon nga ang ginawa niya. Dali-dali siyang bumaba ng hagdan para habulin yung mga lalakeng tinutukoy ni Janice.

Nang makalabas siya sa establisyemento, nakita niya ang mga ito na naglalakad patungo sa parking lot kaya mabilis siyang tumakbo para maabutan ang mga ito.

" Excuse me! Sandali lang--" bago niya pa matuloy ang pagkuha sa atensyon ng hinahabol niya, biglang may isang sasakyan ang huminto sa harap niya dahilan ng pag tigil niya. Bumukas ang driver seat at bumaba ang isang lalake para buksan ang pinto ng back seat.

Lihim siya napamura nang makita ang matandang lalakeng bumaba ng sasakyan dala ang tungkod nito habang malaki ang ngiti nang magtama ang mga mata nila. Wala rin palang silbi ang pagtatago niya kaninang umaga.

" Long time no see, Catalina. Kumusta ka? " anito sakaniya.

Hindi niya agad magawang sumagot dahil na blangko ang isip niya. Hindi siya makagalaw dahil sa takot na baka mahampas na naman siya ng tungkod nito.

" Akalain mo nga naman, dito rin pala ang bagsak mo? " natatawang wika nito habang pinagmamasdan ang kabuuan niya at ang club na nasa likuran niya. " Hindi ko akalaing magiging mababa pala ang lipad mo. Magkano ba ang isang gabi sayo? "

Naiyukom niya ang kamao at pinigilan ang sariling makipagsagutan sa matanda dahil sa likod nito, may taong nagbabantay at may baril na hawak-hawak. Ilang beses na siyang natutukan nito pero ganoon pa rin kalaki ang takot niya oras na marinig ang pagkasa.

" Magbabayad ako, " sagot na lamang niya nang hindi pinuputol ang tingin sa matanda. " Pangako, magbabayad ako sayo. Oras na makuha ko ang sahod ngayong linggo, ibibigay ko 'yon sainyo nang buong-buo. "

Sarkastiko itong tumawa. " Hija, hindi mo na ako madadaan sa ganiyan. Maraming beses ko ng narinig 'yan pero wala naman akong napapala. Tumatakas at nagtatago ka lang. "

" Hindi ako nagtatago sainyo. Naghahanap lang ako ng ibang pagkakakitaan para makapag bayad ako! " aniya sabay turo sa club. " Tignan niyo ayan, may katibayan naman ako. Nag t-trabaho na ako kaya may ipambabayad na ako sainyo. Please, bigyan niyo pa ako ng huling pagkakataon. "

" Hindi mo na kailangan ng huling pagkakataon, Catalina. Sobra-sobra na ang binigay ko sa'yo, " sabi ng matanda saka inangat ang tungkod niya para itusok sa noo ng dalaga. " Alam mo, madali lang akong kausap. Pwede namang kalahati na lang ang ibayad mo para di ka na mahirapan kung papayag ka lang sa sasabihin ko. "

" Hindi ako papayag, " agad niyang wika sabay tabig ng tungkod na naka tukod sa kaniyang noo at taas noong sumagot sa matanda. " Buong-buo kong ibibigay ang pera na hiniram ko sainyo. Walang labis at walang kulang. "

Muli itong humalakhak na animo'y may nakakatawa sa sinabi niya. " Catalina, huwag mo akong yabangan dahil wala ka namang ipagmamayabang. Huwag masyadong malaki ang tingin sa iyong sarili kung isa ka na lang kalapating mababa ang lipad. "

Bigla siyang nanliit sa narinig. Wala na, naapakan na naman ang buong pagkatao niya.

" Kung makapag salita ka, akala mo'y may ipambabayad ka na. May pera ka na ba? May ibibigay ka na ba? " muli nitong itinukod ang tungkod sa noo niya para siya'y maitulak palayo at laking pagtataka niya nang may maramdamang kamay na humawak sa kaniyang likuran upang siya'y alalayan.

" May maitutulong ba ako dito? " boses ng isang lalake ang kaniyang narinig. Lumingon siya dito at halos manigas siya sa kinatatayuan nang makita ang taong nasa kaniyang likuran. Si Rostam Lombardi.

---

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status