Share

Eat Like A King

 

 

Nakalipas na naman ang maghapon na wala na namang nangyari sa buong araw ko, maliban sa nakakilala ako ng isang babaeng mamatay na raw.

Nakilala? Mali pala. Hindi ko pala s'ya nakilala. Hindi ko nga alam kung ano ba ang pangalan n'ya o kung sa'n s'ya nakatira.

Hay buhay! Pabagsak akong nahiga sa kama ko habang nakatitig sa kisame. Ganito nalang ba talaga ako araw-araw? Walang direksyon at walang pinahahalagahan?

Ipinikit ko ang aking mga mata, at sa muling pagdilat nito ay ang muling pagsikat ng ordinaryong bagong araw.

"Goodmorning 'nak." bati sa'kin ng nanay kong laging nakangiti. Hindi ko alam kung bakit hindi ko man lang namana sa kan'ya ang pagiging masayahin sa buhay.

"Goodmorning po. Papasok na po ako." walang emosyon kong tugon.

"Mag-iingat ka ha. Nga pala 'nak, wala ka bang dadalhin na kaibigan mo rito? Malapit na ang birthday mo ah." sambit n'ya habang inaayos ang aking babauning tanghalian.

"Ma, kelan ba 'ko nag-uwi ng kaibigan dito? 'Wag kana mag abala, kagaya ng ibang araw, ordinaryo lang naman ang araw ng birthday ko." saad ko saka kinuha ang inihanda niyang pagkain at inilagay 'to sa bag ko.

"Ewan ko ba sayo kung bakit ka naging introvert. Sobrang daldal ko naman. Yung Papa mo naman sobrang pala-kaibigan. Bakit wala ka man lang namana sa'min? Siguro nagtatampo ka kasi wala kang kapatid hano? Gusto mo ba gumawa kami ni Papa mo?"

"Maaaaaa!" sigaw ko na kinatawa n'ya. Kailangan pa bang ipaalam sa'kin yung ganung bagay?

"Aalis na po ako, Ma." sambit ko saka ako naglakad patungo sa pintuan.

"Okay! Mag-iingat ka 'nak. Sa susunod mag-uwi ka ng babae ha. Kahit 'wag ng kaibigan, girlfriend nalang. Sayang ang lahi natin kung magiging matigas na bato ka lang na walang emosyon." natatawa nitong sabi na hindi ko na pinansin. Nagmadali na akong naglakad palabas ng bahay at tumungo papunta ng paaralan.

Sa'king pagtawid sa tulay ay may napansin akong isang babaeng nakasandal sa may isang puno. Waring may hinihintay s'ya. Hindi ko naman makita ang mukha n'ya dahil nakatalikod 'to sa'kin, pero alam kong iisa lang ang pinapasukan naming paaralan dahil sa suot n'yang uniform.

Bigla akong nagulat ng gumalaw s'ya at tumingin sa direksyon ko.

"Goodmorning!" malakas nitong pagbati na talaga namang kahit na sinong daraan ay mariring 'to.

"Ikaw?" sambit ko ng makita ang mukha n'ya. Anong ginagawa niya rito?

"Ako nga! Hindi mo ba 'ko babatiin man lang?"

"Para sa'n?"

"Dahil nag-goodmorning ako sa'yo." nakangiti niyang tugon. Hindi ko s'ya pinansin at mabilis akong dumiretso sa paglalakad.

"Alam mo ikaw, ang bastos mo talaga hano? Iniiwan mo ang isang magandang babaeng katulad ko?" saad n'ya na mabilis na nagtatakbo hanggang sa masabayan n'ya na 'kong maglakad. Ngayon ay magkatabi kaming naglalakad papunta sa school namin.

Huminto ako sa paglalakad at tumingin sa kan'ya. Huminto din s'ya at masayang nakatitig sa'kin. Halos hindi ako makapagsalita sa mga titig n'ya. Para akong na-estatwa sa maganda niyang mga ngiti. Nanghihina ako.

"Bakit ka huminto?" tanong nito na nagpabalik sa'kin.

"Ano ba kasing kailangan mo sa'kin?" seryoso kong tanong kahit na ang bilis bilis na ng tibok ng puso ko. Anong nangyayari sa'kin? Bakit kinakabahan ako?

"Naalala mo yung sinabi ko kahapon? Napag-isipan mo na ba?" tanong nito. Naglakad na 'ko at inalala ang mga nangyari kahapon.

"Ang alin? Ang samahan kang tuparin ang Dying List mo?" balik tanong ko habang patuloy lang sa paglalakad.

"Yeah. Buti naman at naalala mo. Ano payag ka na ba?"

"Bakit kasi ako pa ang napili mo? 'Di ba sabi mo may mga bestfriends ka naman? Bakit 'di nalang sila?"

"For your information, hindi kita pinili. Kusa kang dumating. Tadhana siguro ang naging dahilan ng pagkikita natin." napansin ko ang masayang ngiti n'ya habang sinasabi ang mga salitang 'yon. Hindi s'ya nakatingin sa'kin ng mga sandaling 'yon pero ako, ewan ko ba't kung bakit 'di ko nagawang tingnan s'ya matapos n'yang sabihin 'yon.

Bigla siyang tumingin sa'kin kaya inalis kong bigla ang tingin ko sa kan'ya.

"Nandito na tayo sa campus. O paano ba yan, sabay na tayong mag lunch mamaya ha." nakangiti nitong sabi saka masayang naglakad papunta sa classroom nila.

Napabuntong hininga nalang ako ng mga sandaling 'yon. Bakit ko ba kasi sinundan pa ang babae na 'yon kahapon? Siguradong simula ngayon, magiging magulo na ang tahimik kong mundo.

Hindi ako makapag focus sa klase dahil iniisip ko ang sinabi ng hindi ko kilalang babae. Seryoso ba s'yang sasabayan n'ya ako sa pagkain ng lunch? Kung oo, s'ya palang ang kauna-unahang tao sa campus na 'to na makakasabay kong kumain.

"Hey!" bungad n'ya na bigla nalang sumulpot sa pintuan ng classroom. Palabas na 'ko ng bigla nalang s'yang nagpakita.

"Anong ginagawa mo rito?" walang emosyon kong tanong.

"'Di ba nga sabay tayong kakain ng lunch?" nakangiti n'yang sagot. Hindi ba s'ya napapagod na ngumiti? Oras-oras ba talaga na masaya s'ya?

Mabilis akong naglakad papunta sa lugar kung saan ako madalas magpalipas ng oras. Kahit na iniiwan ko s'ya ay nakakasunod pa din s'ya at wala akong reklamo na narinig sa kan'ya.

Hanggang sa makarating na 'ko sa nag-iisang malaking puno na matatagpuan sa likod ng campus. Walang tumatambay dito kaya ko naisipang dito nalang tumambay madalas.

"Bakit ngayon ko lang nakita ang punong 'to? Ang presko rito ha. Saka ang payapa ng lugar. Kung alam ko lang na may ganito sa campus natin, eh di sana noon palang dito na kami tumambay ng mga bestfriends ko." masaya n'yang sabi habang pinagmamasdan ang malaking punong nagbibigay ng lilim sa kinatatayuan namin.

Umupo na ako at inilabas ang lunch box ko. Napatingin naman s'ya sa'kin habang ginagawa ko 'yon.

"Bakit?" taka kong tanong.

"Wala naman. Ang cute mo lang tingnan. Nagbabaon ka din pala ng lunch?" tanong niya saka tumabi sa'kin.

"Mas gusto ko kasi ang luto ni Mama kaysa sa mga luto sa canteen." sambit ko. Napansin ko ang paglabas ng magaganda niyang ngipin ng ngumiti na naman s'ya sa'kin.

Kunot-noo naman akong tumingin sa kan'ya. Hindi ako nagsalita pero alam n'yang nagtatanong ako.

"Nakakatuwa at nag-oopen kana sa'kin. Kanina mga 30 minutes ata ako nag-intay sa'yo sa labas. Napansin ko na wala ka nga pala talagang kaibigan hano? Kasi nung nagpalabas na ang Professor n'yo, nagkagulo na ang mga classmates mo habang ikaw tahimik lang sa isang sulok. Inintay mo pa silang makalabas lahat bago ka lumabas. Nakakaya mo talaga na walang kausapin? Hindi ba ang lungkot naman ng buhay mo kung ganun?" wika niya na mabilis namang tinakpan ang kaniyang bibig.

Hindi ko naman pinansin ang sinabi n'ya at binuksan ko na lang ang hawak kong lunch box.

"Sorry. Sumobra na ata ako sa kadaldalan." wika nito na sa ikalawang pagkakataon ay nakita ko ang pagkaseryoso ng kan'yang mukha.

"Gusto mo?" alok ko habang nakataas ang baunan sa kaniya.

Bigla naman s'yang napangiti at inagaw 'to. Hindi na s'ya nagsalita at sinimulan na n'yang kainin ang baon ko. Taas kilay ko lang na tiningnan s'ya habang sarap na sarap na inuubos ang tanghalian ko. Wala na akong nagawa kundi ang tingnan nalang s'ya.

"Hindi ka ba nag-breakfast?" takang tanong ko. Nagulat naman s'ya ng magsalita ako.

"Nandyan ka pala." sambit nito. Seryoso ba s'ya sa tanong n'ya? Tinatanong n'ya ako kung nandito ako habang kinakain ang pagkain ko?

"Nakakahiya naman sa tanong mo hano? Nakakahiya sa'kin, muntikan mo na akong tirhan ng pagkain ko." seryoso kong sabi na nag-pataas ng kilay n'ya.

"Oh Sh*t! Oo nga pala. Pagkain mo nga pala 'to. Sorry! Hindi ko napigilan ang sarap palang mag-luto ni Mama." nakangiti niyang sabi na parang hindi naman nahiya sa nangyari.

"Mama ko. Hindi mo Mama."

"Ganun din 'yun. Malay mo maging tayo naman sa huli, e 'di ang Mama mo magiging Mama ko na rin." wika nito. Hindi ko naman binigyang pansin ang sinabi niya at iniba ko nalang ang tingin ko at pinagmasdan ang aming campus.

"Biro lang naman. Hindi ka talaga mabiro hano? Pero seryoso masarap talaga luto ng Mama mo kaya hindi ko na napigilan na ubusin lahat. Don't worry may baon ako. Ito nalang kainin mo." alok niya habang inaabot sa'kin ang baon n'ya.

"Sige kainin mo nalang. Baka gutom kapa." walang emosyon kong sabi saka ko muling inalis ang tingin ko sa kan'ya.

"Nagtampo ka naman agad. Sorry na kung kinain ko baon mo. Ito try mo 'tong luto ko. Masarap din naman 'to." alok n'ya na hindi ko pinansin.

"Ayaw mo talagang itry? Bahala ka may afternoon class pa tayo ikaw rin, baka magutom ka. Mahirap makapag-focus sa klase kapag kumukulo ang sikmura." sambit n'ya na nagsimula na namang kumain. Sa totoo lang nagugutom na rin ako, pero pinipilit ko lang na 'wag ipahalata. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang mainis sa kan'ya matapos n'yang ubusin ang pagkain ko.

"See. Naglalaway ka na!" natatawa nitong sabi.

Hindi ko naman namalayan na nakatitig na pala ako sa pagkain niya.

"Titingnan mo nalang ba 'ko? Tikman mo na kasi ang luto ko." wika nito sabay abot ng kutsara na may pagkain sa harapan ko.

"No. I can manage. Ako nalang." sambit ko habang inaagaw ang kutsara sa kan'ya.

"Subuan nalang kita. Pambawi ko sa pag-ubos sa baon mo." wika n'ya habang ayaw pa rin bitawan ang kutsara. Nagpumilit s'ya pero nagmatigas ako. Hanggang sa malaglag ang kutsara pati na rin ang baunan n'ya na naging dahilan para matapon ang pagkain sa lupa.

"Ayan natapon tuloy. Ano na kakainin mo n'yan?" wika niya na halatang nanghinayang sa nangyari. Nakaramdam naman ako ng pagkahiya dahil sa pag-iinarte ko.

"Sorry." paghingi ko ng paumanhin.

"Anong sorry? Ako nga dapat mag sorry kasi hindi kapa nakakain." tugon nito habang inaayos ang pagkaing natapon sa lupa.

"Ganito nalang, libre kita sa buffet mamaya after ng class. Para makabawi ako sa'yo." nakangiti n'yang sabi.

"Buffet? Sa dami ng nakain mo naisip mo pang mag buffet?"

"Basta kasi. Babawi ako sayo promise!" saad niya saka tumayo at inilahad ang kamay n'ya sa'kin.

"Sa ngayon bumili muna tayo ng lunch mo hanggat may oras pa tayo. Malapit ng mag start ang afternoon class. Tara?" masaya n'yang sabi na sinangayunan ko nalang. Wala na akong nagawa kasi nagugutom na talaga ako.

Lumipas ang afternoon class na hindi ko naramdaman ang gutom dahil sa biniling burger sa'kin ng babaeng kasama ko ngayon. Naubos na kasi ang kanin at ulam sa canteen kaya sa burger nalang kami nauwi. Hindi talaga n'ya 'ko iniwan hanggang sa ubusin ko ang burger na binili n'ya.

"Nandito na tayo." masayang sabi n'ya.

"Akala ko sa Buffet tayo? Ihawan naman ito?" wika ko ng pasukin namin ang kilalang Samgyup Restaurant na malapit sa school namin.

"Parehas lang naman 'yon. Samgyup and Buffet ang nandito kaya parehas tayong tama." natatawa niyang sabi.

Nakalipas na ang ilang minuto pero hindi pa rin napapagod sa pagkain ang babaeng kasama ko. Lahat nalang ng makita n'ya ay talaga namang kinakain n'ya.

"Hindi ba bawal ang kumain sa'yo ng mga ganyang pagkain? Baka mas ikamamatay mo agad ang pagkain ng kung ano-ano" sambit ko habang walang habas niyang pinupuno ng pagkain ang bibig niya.

Nilunok n'ya muna lahat ng nasa bibig n'ya bago siya magsalita.

"Nag-aalala ka ba sa'kin?" nakangiti n'yang tanong na kinabigla ko. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ewan ko ba kung bakit sa tuwing tititig siya, kasabay ng kaniyang pag-ngiti ay ang matinding kaba na nararamdaman ko. Parang may something sa loob ng katawan ko na s'ya palang ang nagparamdan.

"Kaya kita inaya dito kasi gusto ko 'tong gawin bago ako mawala sa mundo. Kasama ang pagkain ng marami sa dying list ko. I want to eat like a king. Yung bigla nalang akong mapapagod sa kabusugan. Yung mapapadighay nalang ako at masasabi kong worth it ang paglaki ng t'yan ko." wika n'ya saka muling kumain.

Tahimik ko lang s'yang pinagmasdan habang masayang kumakain sa harapan ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Tanging s'ya lang ang nag-iisang tao na nagawang pagsalitain ako ng matagal. S'ya lang din ang taong nagbigay sa'kin ng kakaibang pakiramdam. Ang pakiramdam na magkaroon ng kaibigan.

Hindi ko alam kung kaibigan na bang maituturing ang ginagawa naming dalawa.

Ni hindi nga namin alam ang pangalan ng isat-isa. Pero kahit na strangers pa din kami sa bawat isa, nararamdaman kong may magandang mangyayari sa'ming dalawa.

Wala naman sigurong mangyayari sa'kin kung susubukan kong makihalubilo sa kan'ya. Oo, sa kan'ya lang. Ayokong makipag-usap sa ibang tao maliban sa pamilya ko at sa babaeng kaharap ko ngayon.

Susubok ako. Mag ta-try akong i-open ang sarili ko sa kan'ya. Baka sakaling masagot ko na ang matagal ko ng tanong sa buhay. Kung anong purpose ko kung bakit ako nandito sa mundo.

"Pwedeng magtanong?" seryoso kong sabi na kinahinto n'ya. Hindi ko alam kung tama ang gagawin ko pero ito lang ang naisip kong paraan.

"Pwede ko bang malaman ang pangalan mo?" nauutal kong tanong. Nararamdaman ko na ang unti-unting paglabas ng mga pawis sa katawan ko.

Napangiti s'ya ng makita ang itsura ko. Mas lalo lang ako nabalisa sa titig at ngiti n'ya.

"Sure. Sasabihin ko sa isang kondisyon."

"Anong kondisyon?" mabilis kong tugon.

"Wow. Ikaw ba talaga 'yan? Bakit parang naging interesado ka na sa'kin? Malayong malayo sa lalaking nakilala ko kahapon." natatawa nitong sabi na kinadismaya ko.

"Hoy! Jowk lang naman. Ang hirap mo talagang basahin." wika n'ya na hindi ko sinagot. Medyo na badtrip ako sa mga sinabi n'ya.

"Sasabihin ko pangalan ko kung papayag kang tulungan akong magawa lahat ng dying list ko. Ano? Payag ka?" nakangiti niyang sabi

"Ang laki naman ang kapalit ng pag-alam ko sa pangalan mo." walang emosyon kong tugon

"Hahahahaha. Sasabihin ko rin naman pangalan ko kahit hindi mo hingin. Ang gusto ko lang talaga ay makahanap ng taong makakakasama at makakatulong sa'king matupad lahat ng dying list ko."

"Nahanap mo na s'ya." wika ko.

"Ha? Paanong nahanap?" taka niyang tanong.

"Nasa harapan mo na ang taong makakasama mong tuparin lahat ng dying list mo. Pumapayag na 'ko!" seryoso kong sabi na nagpalaki ng buka ng bibig niya.

Isang napakasayang mukha ang natanggap ko sa kaniya habang ang puso ko ay mabilis na tumitibok kasabay ng pinipigilan kong pag-ngiti.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status